“Dumating si Yahweh mula sa Bundok Sinai. Sumikat sa Edom na parang araw, at sa bayan niya'y nagpakita sa Bundok Paran. Sampung libong anghel ang kanyang kasama, nagliliyab na apoy ang nasa kanang kamay niya.
Tungkol kay Juda ay ganito ang sinabi: “Dinggin mo, Yahweh, ang daing nitong Juda, ibalik mo siya sa piling ng kanyang bayan, at tulungan siya sa pakikipaglaban.”
Tungkol kay Levi ay kanyang sinabi: “Ang Tumim ay kay Levi, ang Urim ay sa tapat mong alipin; sa kanya na iyong sinubok sa Masah at sa may tubig ng Meriba.
Higit ka niyang pinahalagahan kaysa kanyang mga magulang, pati anak at kapatid ay hindi isinaalang-alang. Upang masunod lang ang iyong kautusan, at maging tapat sa iyong kasunduan.
Palakasin mo nawa, Yahweh, ang kanyang angkan, paglilingkod niya'y iyong pahalagahan. Durugin mong lahat ang kanyang kaaway, upang di na makabangon kailanman.”
Tungkol naman kay Benjamin, ganito ang sinabi: “Mahal ka ni Yahweh at iniingatan, sa buong maghapon ika'y binabantayan, at sa kanyang mga balikat ika'y mananahan.”
Ang lupain niya'y sasagana sa lahat ng kabutihan, mula kay Yahweh na nagsalita mula sa nag-aapoy na halaman. Tamasahin nawa ng lipi ni Jose ang mga pagpapalang ito, sapagkat sa ibang lipi'y siya ang namuno.
Ang panganay niya ay magiging makapangyarihan; parang lakas ng toro ang kanyang taglay. Ang mga bansa'y sama-samang itataboy hanggang dulo ng daigdig. Ganyan ang kapangyarihan ng laksa-laksang kawal ni Efraim, sa ganyan matutulad libu-libong kawal ni Manases.”
Pinili nila ang pinakamainam na lupain, lupaing nababagay sa isang pangunahin. Sumama siya sa mga pinuno ng Israel upang mga utos ni Yahweh ay kanilang tuparin.”
Tungkol kay Asher ay sinabi: “Higit na pinagpala kaysa ibang lipi itong si Asher, kagiliwan sana siya ng mga anak ni Israel. Sumagana sa langis olibo ang kanyang lupain.
Sa mula't mula pa'y ang Diyos na ang inyong tanggulan, walang hanggan niyang bisig ang inyong kanlungan. Mga kaaway ninyo'y kanyang ipinagtabuyan, at inutusan kayong sila'y lipuling lubusan.
Bansang Israel, ikaw ay mapalad! Walang bansa na iyong katulad, pagkat si Yahweh ang sa iyo'y nagligtas. Siya ang kalasag ng iyong kaligtasan, at tabak ng iyong tagumpay. Magmamakaawa ang iyong mga kaaway, ngunit sila'y iyong tatapakan.