Kaya nga, mga kapatid, isa pang bagay ang ipinapakiusap namin at ipinapayo sa inyo sa pangalan ng Panginoong Jesus. Sana'y lalo pa ninyong pagbutihin ang inyong pamumuhay ngayon, pamumuhay sang-ayon sa inyong natutuhan sa amin, upang kayo'y maging kalugud-lugod sa Diyos.
Sa bagay na ito, huwag ninyong pagsamantalahan ang inyong kapwa at huwag siyang dadayain sa anumang paraan, sapagkat mahigpit na paparusahan ng Panginoon ang gumagawa ng ganitong kasamaan, tulad ng sinabi namin at pinatotohanan sa inyo noon pa man.
Tungkol naman sa pag-ibig na dapat iukol sa mga kapatid sa pananampalataya, hindi na kailangang paalalahanan pa kayo dahil itinuro na sa inyo ng Diyos kung paano kayo mag-iibigan.
At ito na nga ang ginagawa ninyo sa mga kapatid sa buong Macedonia. Gayunman, ipinapakiusap pa rin namin sa inyo, mga kapatid, na pag-ibayuhin pa ninyo ang inyong pag-ibig.
Dahil naniniwala tayong si Jesus ay namatay at muling nabuhay, naniniwala din tayong bubuhayin ng Diyos ang lahat ng namatay na sumasampalataya kay Jesus upang isama sa kanya.
Ito ang katuruan ng Panginoon na sinasabi namin sa inyo: tayong mga nabubuhay pa, tayong mga natitira pa hanggang sa pagparito ng Panginoon, ay hindi mauuna sa mga namatay na.
Sa araw na iyon kasabay ng malakas na utos, ng tinig ng arkanghel, at ng tunog ng trumpeta ng Diyos, bababâ ang Panginoon mula sa langit. Ang mga namatay na sumasampalataya kay Cristo ay bubuhayin muna.
Pagkatapos, tayo namang mga buháy pa at natitira ay titipunin sa alapaap kasama ng mga binuhay upang salubungin ang Panginoon sa himpapawid. Sa gayon, makakapiling natin siya magpakailanman.