Tayong lahat ay nagkakamali sa iba't ibang paraan. Ang sinumang hindi nagkakamali sa kanyang pananalita ay isang taong ganap at marunong magpigil sa sarili.
Tingnan ninyo ang barko, kahit na ito'y napakalaki at itinutulak ng malalakas na hangin, ay naibabaling saanman naisin ng piloto sa pamamagitan ng napakaliit na timón.
Ganyan din ang dila ng tao; maliit na bahagi lamang ng katawan, ngunit napakalaki ng nagagawang kayabangan. Isipin na lamang ninyo kung paano napapalagablab ng isang maliit na apoy ang isang malawak na kagubatan.
Ang dila ay parang apoy, isang daigdig ng kasamaang nagpaparumi sa ating buong pagkatao. Ang apoy nito ay mula sa impiyerno at sinusunog ang lahat sa buhay ng tao.
Mga kapatid, hinding-hindi makakapamunga ng olibo ang puno ng igos, o ng igos ang puno ng ubas, at lalong hindi rin bumubukal ang tubig-tabang sa bukal ng tubig-alat.
Ngunit ang may karunungang mula sa Diyos, una sa lahat, ay malinis ang pamumuhay, maibigin sa kapayapaan, mahinahon, mapagbigay, mahabagin, masipag sa paggawa ng mabuti, hindi nagtatangi at hindi nagkukunwari.