“Nang sa bundok ng Seir, Yahweh, ikaw ay lumisan, at nang ang lupain ng Edom ay iyong iniwan, nayanig ang lupa at bumuhos ang ulan, tubig ng mga ulap sa kalangitan.
“Nang panahon ni Shamgar, anak ni Anat, gayundin naman nang panahon ni Jael, ang mga manlalakbay ay lumilihis sa daan, tumigil ang mga tao sa pangangalakal.
Pumipili sila ng mga bagong diyus-diyosan, kaya't ang digmaa'y nasa mga pintuang-bayan. Sa apatnapung libong Israel na lumaban, mayroon bang nagdala ng sibat at kalasag man lang?
Sabay sa himig ng mga pastol sa tabing balon kung saan sinasaysay ang tagumpay ni Yahweh, mga tagumpay ng Israel sa kanyang mga nayon. Sa pintuan ng lunsod pumasok sila roon.
“Gumising ka, Debora, at ikaw ay tumayo! Gumising ka't bumangon, umawit ng isang himig. Barak, anak ni Abinoam, kumilos ka't dalhin mong bihag ang mga kalaban.
Sumalakay sa libis ang hukbo ni Efraim, kasunod sa paglusob ang lipi ni Benjamin. Mga pinuno ng Maquir sa digmaa'y dumating, gayundin ang mga pinuno na sa Zebulun nanggaling.
Ang mga pinuno ng Isacar sumama kay Debora, gayundin kay Barak na tagapanguna, at hanggang sa libis sumunod sa kanya. Ngunit ang lipi ni Ruben ay di makapagpasya, di nila malaman kung sila ay sasama.
Ang Gilead ay nanatili sa silangan ng Jordan, ang mga barko'y hindi iniwan ng lipi ni Dan. Ang lipi ni Asher, sa tabing-dagat nagpaiwan, sila'y nanatili sa mga daungan.
“Ang mga hari'y dumating doon sa labanan, silang mga hari ng lupang Canaan, sa mga batis ng Megido doon sa Taanac, ngunit wala silang nasamsam na pilak.
“Sumpain ang Meroz,” sabi ng anghel ni Yahweh. “Sumpain nang labis ang naninirahan doon, sapagkat hindi sila humarap at tumulong sa labanan, nang digmain ni Yahweh ang mga kalaban.
“Higit ngang pinagpala ang babaing si Jael, ang asawa ng Cineong si Heber, sa lahat ng babaing nakatira sa mga tolda, higit na pagpapala nakalaan sa kanya.
At habang ang tulos ng tolda'y hawak ng kaliwang kamay, sa kanan nama'y hawak ang maso ng panday, ibaon ang tulos sa sentido ni Sisera, nabasag at nadurog ang ulo niya.
“Itong ina ni Sisera ay naroon sa bintana, naiinip, hindi mapakali, nagtatanong na may luha, ‘Bakit kaya hanggang ngayon ang anak ko'y wala pa, kabayo at karwahe niya'y masyadong naaantala?’
‘Nagtatagal marahil siya sa paghanap ng samsam nila, para sa isang kawal, isang babae o dalawa, mamahaling kasuotan para sa kanyang ina, at magarang damit naman para sa kanya.’
“Ganyan nawa malipol ang iyong mga kalaban, O Yahweh, maging tulad naman ng sumisikat na araw ang iyong mga kaibigan.” At nagkaroon ng kapayapaan sa lupain sa loob ng apatnapung taon.