Pagkatapos, pumunta kay Gideon ang mga kalalakihan ng Efraim. “Bakit mo kami ginanito? Bakit hindi mo kami tinawag bago ninyo lusubin ang mga Midianita?” pagalit nilang tanong.
“Niloob ng Diyos na sa inyong mga kamay mahulog ang dalawang pinunong Midianitang sina Oreb at Zeeb. Alin sa mga nagawa ko ang maipapantay riyan?” Nang marinig nila ito, napawi ang kanilang galit.
Si Gideon at ang tatlong daan niyang tauhan ay nakatawid na ng Ilog Jordan. Pagod na pagod na sila ngunit patuloy pa rin nilang hinahabol ang mga Midianita.
Nang umabot sila sa Sucot, nakiusap siya sa mga tagaroon, “Maaari po bang bigyan ninyo ng makakain ang aking mga tauhan? Latang-lata na sila sa gutom at hinahabol pa namin ang dalawang hari ng mga Midianita na sina Zeba at Zalmuna.”
Dahil dito, sinabi ni Gideon, “Kayo ang bahala. Kapag nahuli na namin sina Zeba at Zalmuna, hahagupitin ko kayo ng latigong tinik na mula sa halamang disyerto.”
Nakahuli sila ng isang binatang taga-Sucot. Itinanong niya rito kung sinu-sino ang mga opisyal at pinuno ng Sucot, at isa-isa namang isinulat nito. Umabot ng pitumpu't pito ang kanyang naisulat.
Pagkatapos, pinuntahan ni Gideon ang mga ito at tinanong, “Natatandaan ba ninyo nang ako'y humingi sa inyo ng pagkain? Sinabi ninyo sa akin na hindi ninyo kami bibigyan ng pagkain hanggang hindi namin nahuhuli sina Zeba at Zalmuna, kahit na noo'y lupaypay na kami sa gutom. Bihag na namin sila ngayon!”
Pagkaraan, tinanong niya sina Zeba at Zalmuna, “Anong hitsura ng mga lalaking pinatay ninyo sa Tabor?” “Kamukha mo silang lahat, parang mga anak ng hari,” sagot nila.
Sinabi ni Gideon, “Sila'y mga kapatid ko at mga anak ng aking ina. Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy, kung hindi ninyo sila pinatay ay hindi ko rin sana kayo papatayin.”
Dahil dito, sinabi nina Zeba at Zalmuna kay Gideon, “Bakit hindi ikaw ang pumatay sa amin? Mga tunay na lalaki lamang ang maaaring pumatay ng tao.” Kaya sila'y pinatay ni Gideon at kinuha ang mga palamuti sa leeg ng kanilang mga kamelyo.
Pagkatapos, nagtipun-tipon ang mga Israelita at sinabi nila kay Gideon, “Ikaw rin lamang ang nagligtas sa amin sa mga Midianita, ikaw na at ang iyong angkan ang maghari sa amin!”
Ngunit mayroon akong hihilingin sa inyo: Ibigay ninyo sa akin ang mga hikaw na nasamsam ninyo mula sa kanila.” (Nakahikaw ng ginto ang mga Midianita sapagkat iyon ang ugali ng mga taong taga-disyerto.)
Sumagot sila, “Buong puso naming ibibigay sa iyo.” Naglatag sila sa lupa ng isang malapad na damit at inilagay roon ang lahat ng nasamsam nilang hikaw.
Nang timbangin nila ang mga hikaw na ginto, ito'y umabot ng animnapung libra, hindi pa kasama ang mga hiyas, kuwintas, at mga kulay ubeng kasuotan ng mga hari ng Midian. Hindi rin kasama roon ang mga palamuti sa leeg ng mga kamelyo.
Mula sa gintong nasamsam, si Gideon ay nagpagawa ng isang diyus-diyosan at dinala sa Ofra na kanyang lunsod. Ang mga Israelita'y tumalikod sa Diyos at naglingkod sa diyus-diyosang ipinagawa ni Gideon. Ito ang naging malaking kapulaan kay Gideon at sa kanyang sambahayan.
Lubusang natalo ng Israel ang Midian at ito'y hindi na nakabawi. Nagkaroon ng kapayapaan sa Israel sa loob ng apatnapung taon, habang nabubuhay si Gideon.
Mula nang mamatay si Gideon, ang mga Israelita'y hindi na namuhay nang tapat sa Diyos. Sa halip, naglingkod sila sa mga Baal, at ang kanilang kinilalang diyos ay si Baal-berit.