Sumalakay ang mga Filisteo, at pagkalipas ng isang matinding labanan ay natalo nila ang mga Israelita; sila'y nakapatay ng halos apatnalibong kawal ng Israel.
Nang makabalik na ang mga nakaligtas sa kanilang kampo, nagtanungan ang matatandang namumuno sa Israel, “Bakit kaya pinabayaan ni Yahweh na matalo tayo ng mga Filisteo ngayon? Ang mabuti pa'y kunin natin sa Shilo ang Kaban ng Tipan upang samahan tayo ni Yahweh. Siguro kung nasa atin iyon ay ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway.”
At kinuha nga nila sa Shilo ang Kaban ng Tipan, na kung saan si Yahweh ay nakaluklok sa trono sa ibabaw ng mga kerubin. Sumama sa kanila ang dalawang anak ni Eli na sina Hofni at Finehas.
Nang marinig ito ng mga Filisteo, itinanong nila, “Bakit kaya napakaingay sa kampo ng mga Hebreo?” Nang malaman nilang nasa kampo ng mga Israelita ang Kaban ng Tipan ni Yahweh,
Kawawa tayo! Sino ngayon ang makakapagligtas sa atin sa mga makapangyarihan nilang diyos? Ito ang mga diyos na nagpahirap sa mga Egipcio sa pamamagitan ng iba't ibang salot.
Mga kababayan, lakasan natin ang ating loob. Magpakalalaki tayo upang hindi tayo matalo at maalipin ng mga Hebreo, tulad ng pang-aalipin natin sa kanila. Lumaban tayo!”
Nang araw ring iyon, isang Benjaminita ang patakbong dumating sa Shilo mula sa labanan. Bilang tanda ng kalungkutan, pinunit niya ang kanyang damit at nilagyan niya ng lupa ang kanyang ulo.
Si Eli ay nakaupo noon sa kanyang upuan sa tabing daan, nakatanaw sa malayo at naghihintay ng balita. Nag-aalala siya dahil sa Kaban ng Diyos. At nang ibalita ng Benjaminita ang nangyari, nag-iyakan ang lahat ng taga-lunsod ng Shilo.
Sumagot ang lalaki, “Natalo po ang mga Israelita, at napakarami pong namatay, kabilang ang inyong mga anak na sina Hofni at Finehas. At ang Kaban po ng Diyos ay kanilang naagaw.”
Nang marinig ni Eli ang tungkol sa Kaban ng Diyos, siya'y nabuwal sa may pintuan. Nabali ang kanyang leeg sapagkat siya'y mabigat at matanda na. Namatay si Eli pagkatapos ng apatnapung taóng pamamahala sa Israel.
Kabuwanan noon ng asawa ni Finehas. Nang malaman niyang nakuha ang Kaban ng Diyos, namatay ang kanyang biyenan, at napatay ang kanyang asawa, biglang sumakit ang kanyang tiyan at napaanak nang di oras.
Ang bata ay pinangalanan niyang Icabod na ang kahuluga'y “Umalis na ang kaluwalhatian ng Diyos sa Israel.” Ang tinutukoy niya'y ang pagkakuha sa Kaban ng Diyos at iniisip niya ang pagkamatay ng kanyang biyenan at ng kanyang asawa.