2. "Italaga mo sa akin ang lahat ng mga panganay, anumang nagbubukas ng bahay-bata sa mga anak ni Israel, maging sa tao at maging sa hayop ay akin."
3. Sinabi ni Moises sa bayan, "Alalahanin ninyo ang araw na ito na lumabas kayo sa Ehipto, sa bahay ng pagkaalipin; sapagkat sa pamamagitan ng lakas ng kamay ay inilabas kayo ng PANGINOON mula sa dakong ito, walang kakain ng tinapay na may pampaalsa.
4. Sa araw na ito, na buwan ng Abib, ay lalabas kayo.
5. Kapag dinala ka na ng PANGINOON sa lupain ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Heveo, at Jebuseo, na kanyang ipinangako sa iyong mga ninuno na ibibigay sa iyo, isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot, iyong iingatan ang pangingilin na ito.
6. Pitong araw na kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa, at sa ikapitong araw ay magkakaroon ng isang kapistahan sa PANGINOON.
7. Tinapay na walang pampaalsa ang kakainin sa loob ng pitong araw; at dapat walang makitang tinapay na may pampaalsa sa iyo ni makakita ng pampaalsa sa iyo, sa lahat ng iyong nasasakupan.
8. Sasabihin mo sa iyong anak sa araw na iyon, 'Dahil sa ginawa ng PANGINOON sa akin nang ako'y umalis sa Ehipto.'
9. Iyon ay magsisilbing isang tanda para sa iyo sa ibabaw ng iyong kamay, at bilang alaala sa pagitan ng iyong mga mata, upang ang kautusan ng PANGINOON ay sumaiyong bibig sapagkat sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay ay inilabas ka ng PANGINOON sa Ehipto.
10. Kaya't ingatan mo ang tuntuning ito sa takdang panahon nito taun-taon.
11. "Kapag dinala ka na ng PANGINOON sa lupain ng Cananeo, gaya ng ipinangako sa iyo at sa iyong mga ninuno, at pagkabigay niyon sa iyo,
12. ibubukod mo para sa PANGINOON ang lahat ng nagbubukas ng bahay-bata. Lahat ng panganay na lalaki ng iyong mga hayop ay sa PANGINOON.
13. Bawat panganay ng asno ay tutubusin mo ng isang kordero;' at kung hindi mo tutubusin ito, iyong babaliin ang leeg nito. Lahat ng mga panganay na lalaki sa iyong mga anak ay iyong tutubusin.
14. At kapag nagtanong sa iyo ang iyong anak sa panahong darating, na sasabihin, Ano ito?' iyong sasabihin sa kanya, 'Sa pamamagitan ng lakas ng kamay ay inilabas tayo ng PANGINOON sa Ehipto, mula sa bahay ng pagkaalipin.
15. Nang magmatigas ang Faraon na hindi kami payagang umalis ay pinatay ng PANGINOON ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Ehipto, ang panganay ng tao at gayundin ang panganay ng hayop. Kaya't aking inihahandog sa PANGINOON ang lahat ng mga lalaki na nagbubukas ng bahay-bata; ngunit lahat ng panganay ng aking anak ay aking tinutubos.'
16. Ito ay magiging tanda sa iyong kamay at bilang alaala sa pagitan ng iyong mga mata, sapagkat sa pamamagitan ng lakas ng kamay ay inilabas tayo ng PANGINOON sa Ehipto."
17. Nang payagan ng Faraon na umalis ang bayan, hindi sila dinala ng Diyos sa daang parungo sa lupain ng mga Filisteo, bagaman malapit iyon sapagkat sinabi ng Diyos, "Baka ang bayan ay magsisi kapag nakakita ng digmaan at magbalikan sa Ehipto."
18. Kundi pinatnubayan ng Diyos ang taong-bayan paikot sa daang patungo sa ilang sa tabi ng Dagat na Pula. Ang mga anak ni Israel ay umahon mula sa lupain ng Ehipto na handa sa pakikipaglaban.
19. Dinala ni Moises ang mga buto ni Jose sapagkat mahigpit niyang pinapanumpa ang mga anak ni Israel, na sinasabi, "Tiyak na bibigyang-pansin kayo ng Diyos, at inyong dadalhin ang aking mga buto mula rito na kasama ninyo."
20. Sila'y naglakbay mula sa Sucot at humimpil sa Etam, sa hangganan ng ilang.
21. Ang PANGINOON ay nangunguna sa kanila sa araw, sa isang haliging ulap upang patnubayan sila sa daan; at sa gabi ay sa isang haliging apoy upang tanglawan sila; upang sila'y makapaglakad sa araw at sa gabi.
22. Ang haliging ulap sa araw at ang haliging apoy sa gabi ay hindi umalis sa unahan ng taong-bayan.
1. Pagkatapos, ang PANGINOON ay nagsalita kay Moises,
2. "Sabihin mo sa mga anak ni Israel na sila'y bumalik at humimpil sa tapat ng Pihahirot, sa pagitan ng Migdol at ng dagat, sa tapat ng Baal-zefon; sa tapat niyon kayo hihimpil, sa tabi ng dagat.
3. Sapagkat sasabihin ng Faraon tungkol sa mga anak ni Israel, 'Nagkabuhul-buhol sila sa lupain; sila'y nakukulong ng ilang.'
4. Aking papatigasin ang puso ng Faraon, at kanyang hahabulin sila. Ako ay pararangalan sa pamamagitan ng Faraon, at sa lahat ng kanyang hukbo. Malalaman ng mga Ehipcio na ako ang PANGINOON." At gayon ang kanilang ginawa.
5. Nang masabi sa hari ng Ehipto na ang taong-bayan ay tumakas, ang puso ng Faraon at ng kanyang mga lingkod ay nagbago tungkol sa taong-bayan, at kanilang sinabi, "Ano itong ating ginawa, na ating hinayaang umalis ang Israel, upang huwag na tayong mapaglingkuran?"
6. Kaya't inihanda niya ang kanyang karwahe at isinama ang kanyang hukbo.
7. Siya'y nagdala ng animnaraang piling karwahe, at lahat ng iba pang mga karwahe sa Ehipto, at ng mga mamumuno sa lahat ng mga iyon.
8. Pinatigas ng PANGINOON ang puso ng Faraon na hari ng Ehipto, at hinabol niya ang mga anak ni Israel, na umalis na may lubos na katapangan.
9. Hinabol sila ng mga Ehipcio, ng lahat ng mga kabayo at ng karwahe ng Faraon, ng kanyang mga mangangabayo at ng hukbo; at kanilang inabutan sila na nakahimpil sa tabi ng dagat na nasa Pihahirot, sa tapat ng Baal-zefon.
10. Nang ang Faraon ay papalapit na, tumingin sa likuran ang mga anak ni Israel, at nakitang ang mga Ehipcio ay sumusunod sa kanila. Sila'y lubhang natakot, at ang mga anak ni Israel ay tumawag sa PANGINOON.
11. Kanilang sinabi kay Moises, "Dahil ba sa walang libingan sa Ehipto, kung kaya dinala mo kami upang mamatay sa ilang? Anong ginawa mo sa amin, at inilabas mo kami sa Ehipto?
12. Hindi ba ito ang sinabi namin sa iyo sa Ehipto, 'Hayaan mo kaming mag-isa at pabayaan mo kaming makapaglingkod sa mga Ehipcio'? Sapagkat mas mabuti pa sa amin ang maglingkod sa mga Ehipcio kaysa mamatay sa ilang."
13. Sinabi ni Moises sa bayan, "Huwag kayong matakot, magpakatatag kayo, at masdan ninyo ang pagliligtas ng PANGINOON na kanyang gagawin sa inyo ngayon; sapagkat ang mga Ehipcio na inyong nakikita ngayon ay hindi na ninyo muling makikita kailanman.
14. Ipaglalaban kayo ng PANGINOON at ang dapat lamang ninyong gawin ay manahimik."
15. Sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Bakit tumatawag ka sa akin? Sabihin mo sa mga anak ni Israel na sila'y magpatuloy.
16. Itaas mo ang iyong tungkod at iunat mo ang iyong kamay sa ibabaw ng dagat, at hawiin mo, upang ang mga anak ni Israel ay makaraan sa tuyong lupa sa gitna ng dagat.
17. Aking pagmamatigasin ang puso ng mga Ehipcio upang sundan nila kayo at ako'y magkakaroon ng karangalan kay Faraon at sa buo niyang hukbo, sa kanyang mga karwahe, at sa kanyang mga mangangabayo.
18. Malalaman ng mga Ehipcio na ako ang PANGINOON, kapag ako ay nakakuha na ng karangalan kay Faraon, sa kanyang mga karwahe, at sa kanyang mga mangangabayo."
19. Pagkatapos, ang anghel ng Diyos na nasa unahan ng hukbo ng Israel ay umalis at nagtungo sa hulihan nila; at ang haliging ulap ay umalis sa harap nila at nagtungo sa likod nila.
20. Ito ay lumagay sa pagitan ng hukbo ng Ehipto at ng hukbo ng Israel. Mayroong ulap at kadiliman, gayunma'y binigyan sila ng liwanag sa gabi at ang isa't isa ay hindi nagkalapit sa buong magdamag.
21. Pagkatapos, iniunat ni Moises ang kanyang kamay sa ibabaw ng dagat, at pinaghiwalay ng PANGINOON ang dagat sa pamamagitan ng isang malakas na hanging mula sa silangan sa buong magdamag, at ang dagat ay ginawang tuyong lupa at ang tubig ay nahawi.
22. Ang mga anak ni Israel ay pumasok sa gitna ng dagat sa ibabaw ng tuyong lupa, ang tubig ay naging isang pader sa kanila, sa kanilang gawing kanan at sa kanilang kaliwa.
23. Humabol ang mga Ehipcio at pumasok na kasunod nila sa gitna ng dagat, lahat ng mga kabayo ng Faraon, ang kanyang mga karwahe, at ang kanyang mga mangangabayo.
24. Sa pagbabantay sa kinaumagahan, tinunghayan ng PANGINOON ang hukbo ng mga Ehipcio sa gitna ng haliging apoy at ulap, at niligalig ang hukbo ng mga Ehipcio.
25. Kanyang nilagyan ng bara ang gulong ng kanilang mga karwahe kaya't ang mga iyon ay hirap na hirap sa pag-ikot; kaya't sinabi ng mga Ehipcio, "Takbuhan na natin ang Israel, sapagkat ipinaglalaban sila ng PANGINOON laban sa mga Ehipcio."
26. Sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Iunat mo ang iyong kamay sa dagat upang ang tubig ay tumabon sa mga Ehipcio, sa kanilang mga karwahe, at sa kanilang mga mangangabayo."
27. Kaya't iniunat ni Moises ang kanyang kamay sa ibabaw ng dagat, at ang dagat ay bumalik sa kanyang dating lalim nang mag-uumaga na. Habang ang mga Ehipcio ay tumatakas, inihagis ng PANGINOON ang mga Ehipcio sa gitna ng dagat.
28. Ang tubig ay bumalik at tinakpan ang mga karwahe, ang mga mangangabayo, ang buong hukbo ng Faraon na sumunod sa kanila sa dagat; walang natira kahit isa sa kanila.
29. Subalit ang mga anak ni Israel ay lumakad sa tuyong lupa sa gitna ng dagat; at ang tubig ay naging isang pader sa kanilang gawing kanan at sa kanilang kaliwa.
30. Gayon iniligtas ng PANGINOON ang Israel nang araw na iyon mula sa kamay ng mga Ehipcio; at nakita ng Israel ang mga Ehipcio na patay sa dalampasigan.
31. Nakita ng Israel ang dakilang gawa na ginawa ng PANGINOON sa mga Ehipcio, at ang taong-bayan ay natakot sa PANGINOON at sila'y sumampalataya sa PANGINOON at sa kanyang lingkod na si Moises.
13. Ang PANGINOON ay kumulog din sa mga langit, at sinalita ng Kataas-taasan ang kanyang tinig, mga yelo at mga bagang apoy.
14. At kanyang itinudla ang kanyang mga pana, at pinangalat sila, nagpakidlat siya at ginapi sila.
15. Nang magkagayo'y nakita ang sa mga dagat na lagusan, at ang mga saligan ng sanlibutan ay nahubaran, sa iyong pagsaway, O PANGINOON, sa hihip ng hinga ng mga butas ng iyong ilong.
16. Siya'y nakaabot mula sa itaas, kinuha niya ako; mula sa maraming tubig ay sinagip niya ako.
17. Iniligtas niya ako sa aking malakas na kaaway, at sa mga napopoot sa akin, sapagkat sila'y napakalakas para sa akin.
18. Sila'y nagsidating sa akin sa araw ng aking kasakunaan, ngunit ang PANGINOON ang aking gabay.
19. Inilabas niya ako sa maluwag na dako; iniligtas niya ako, sapagkat sa akin siya'y nalulugod.
6. Pumaroon ka sa langgam, ikaw na tamad; masdan mo ang kanyang mga lakad at ika'y magpakapantas,
7. na bagaman walang puno, tagapamahala, o pinuno,
8. naghahanda ng kanyang pagkain sa tag-araw, at tinitipon ang kanyang pagkain sa anihan.
9. Hanggang kailan ka hihiga riyan, O tamad? Kailan ka babangon sa iyong pagkakatulog?
10. Kaunting pagtulog, kaunting pag-idlip, kaunting paghalukipkip ng mga kamay upang magpahingalay,
11. sa gayo'y ang karukhaan ay darating sa iyo na parang magnanakaw, at ang kasalatan na parang lalaking may sandata.
1. Nang papalapit na sila sa Jerusalem at makarating sa Betfage, sa bundok ng mga Olibo, nagsugo si Jesus ng dalawang alagad,
2. na sinasabi sa kanila, "Pumunta kayo sa kasunod na nayon, at kaagad ninyong matatagpuan ang isang babaing asno na nakatali na may kasamang isang batang asno. Kalagan ninyo sila at dalhin ninyo sa akin.
3. Kung ang sinuman ay magsabi ng anuman sa inyo, ay sasabihin ninyo, 'Kailangan sila ng Panginoon,' at kaagad niyang ipapadala sila."
4. Nangyari ito upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi,
5. "Sabihin ninyo sa anak na babae ng Zion, Tingnan mo, ang iyong Hari ay dumarating sa iyo, mapagkumbaba, at nakasakay sa isang asno, at sa isang batang asno na anak ng babaing asno."
6. Pumunta nga ang mga alagad at ginawa ang ayon sa ipinag-utos ni Jesus sa kanila.
7. Dinala nila ang asno at ang batang asno at inilagay nila sa ibabaw ng mga ito ang kanilang mga balabal; at inupuan niya ang mga ito.
8. Ang nakararami sa mga tao ay naglatag ng kanilang mga balabal sa daan, at ang iba'y pumutol ng mga sanga ng mga punungkahoy at inilatag ang mga ito sa daan.
9. At ang mga napakaraming taong nasa unahan niya at ang mga sumusunod sa kanya ay nagsisigawan, na nagsasabi, "Hosanasa Anak ni David! Mapalad ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Hosana sa kataas-taasan!"
10. Nang pumasok siya sa Jerusalem, ang buong lunsod ay nagkagulo na nagsasabi, "Sino ba ito?"
11. At sinabi ng maraming tao, "Ito ang propetang si Jesus, na taga-Nazaret ng Galilea."
12. Pumasok si Jesus sa templo, at itinaboy niya ang lahat ng nagtitinda at namimili sa templo, at ibinaligtad niya ang mga mesa ng mga mamamalit ng salapi, at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapati.
13. Sinabi niya sa kanila, "Nasusulat, Ang aking bahay ay tatawaging bahay-panalanginan,' ngunit ginagawa ninyo itong yungib ng mga magnanakaw."
14. Ang mga bulag at mga pilay ay lumapit sa kanya sa templo at sila'y kanyang pinagaling.
15. Ngunit nang makita ng mga punong pari at mga eskriba ang mga kahanga-hangang bagay na kanyang ginawa, at ang mga batang sumisigaw sa templo at nagsasabi, "Hosana sa Anak ni David," ay nagalit sila.
16. Kaya't sinabi nila sa kanya, "Naririnig mo ba ang sinasabi ng mga ito?" At sinabi sa kanila ni Jesus, "Oo. Hindi ba ninyo kailanman nabasa, 'Mula sa bibig ng mga sanggol at ng mga sumususo ay naghanda ka ng papuri para sa iyong sarili?"
17. Sila'y kanyang iniwan, at lumabas sa lunsod patungong Betania, at doon siya nagpalipas ng gabi.
18. Kinaumagahan, nang bumalik na siya sa lunsod ay nagutom siya.
19. Nang makakita siya ng isang puno ng igos sa tabi ng daan, ito ay kanyang nilapitan at walang natagpuang anuman doon, maliban sa mga dahon lamang. Sinabi niya rito, "Kailanma'y hindi ka na muling magkakaroon ng bunga!" At natuyo kaagad ang puno ng igos.
20. Nang makita ito ng mga alagad ay nagtaka sila, na nagsasabi, "Paanong natuyo kaagad ang puno ng igos?"
21. Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, "Katotohanang sinasabi ko sa inyo, kung kayo'y may pananampalataya at hindi nag-aalinlangan, hindi lamang ninyo magagawa ang nagawa sa puno ng igos, kundi kahit sabihin ninyo sa bundok na ito, 'Maalis ka at mapatapon sa dagat,' ito ay mangyayari.
22. At anumang bagay na inyong hingin sa panalangin na may pananampalataya ay inyong tatanggapin."