Bibliya sa isang taon

1. Sinabi ng PANGINOON kay Moises,
2. "Tingnan mo, aking tinawag sa pangalan si Bezaleel na anak ni Uri, na anak ni Hur, sa lipi ni Juda.
3. Aking pinuspos siya ng Espiritu ng Diyos, may kakayahan, katalinuhan, may kaalaman sa iba't ibang uri ng gawain,
4. upang magdibuho ng magagandang disenyo, upang gumawa sa ginto, sa pilak, at sa tanso,
5. upang umukit ng mga batong pang-enggaste, upang gumawa ng mga nililok na kahoy, at upang gumawa sa lahat ng sari-saring gawain.
6. Aking itinalagang kasama niya si Oholiab, na anak ni Ahisamac, sa lipi ni Dan; at sa lahat ng may kakayahang gumawa ay nagbigay ako ng karunungan, upang magawa nila ang lahat ng aking iniutos sa iyo:
7. ang toldang tipunan at ang kaban ng patotoo, at ang luklukan ng awa na nasa ibabaw niyon, at ang lahat ng kasangkapan ng tolda,
8. ang hapag at ang mga kasangkapan niyon at ang dalisay na ilawan, kasama ng lahat na mga kasangkapan; ang dambana ng insenso,
9. ang dambana ng handog na sinusunog kasama ng lahat ng mga kasangkapan niyon, ang lababo at ang patungan niyon;
10. at ang mga kasuotang mahusay ang pagkagawa, ang mga banal na kasuotan para kay Aaron na pari, at ang mga kasuotan ng kanyang mga anak, para sa kanilang paglilingkod bilang mga pari;
11. at ang langis na pambuhos, ang mabangong insenso para sa dakong banal. Ayon sa lahat ng iniutos ko sa iyo ay gagawin nila ang mga ito."
12. At sinabi ng PANGINOON kay Moises,
13. 'Sabihin mo sa mga anak ni Israel, 'Inyong ipapangilin ang aking mga Sabbath, sapagkat ito'y isang tanda sa akin at sa inyo sa buong panahon ng inyong mga salinlahi, upang inyong makilala na akong PANGINOON ang nagpapabanal sa inyo.
14. Inyong ipapangilin ang Sabbath, sapagkat iyon ay banal para sa inyo. Bawat lumapastangan dito ay walang pagsalang papatayin, sapagkat sinumang gumawa ng anumang gawa sa araw na iyon ay ititiwalag sa kanyang bayan.
15. Anim na araw na gagawin ang gawain, subalit ang ikapitong araw ay Sabbath ng taimtim na pagpapahinga, banal sa PANGINOON; sinumang gumawa ng anumang gawa sa araw ng Sabbath ay walang pagsalang papatayin.
16. Kaya't ang mga anak ni Israel ay mangingilin ng Sabbath, na iingatan ang Sabbath sa buong panahon ng kanilang mga salinlahi, bilang isang palagiang tipan.
17. Ito'y isang tanda sa akin at sa mga anak ni Israel magpakailanman na sa loob ng anim na araw ay ginawa ng PANGINOON ang langit at lupa, at sa ikapitong araw siya ay nagpahinga at naginhawahan.'
18. Pagkatapos na makapagsalita ang Diyos sa kanya sa ibabaw ng bundok ng Sinai, kanyang ibinigay kay Moises ang dalawang tapyas ng tipan, ang mga tapyas na bato na sinulatan ng daliri ng Diyos.
1. Nang makita ng bayan na nagtatagal si Moises ng pagpanaog sa bundok, ay nagtipon ang bayan kay Aaron, at sinabi sa kanya, "Tumindig ka at igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin; sapagkat ang Moises na ito na naglabas sa amin mula sa lupain ng Ehipto, ay hindi namin alam kung ano na ang nangyari sa kanya."
2. At sinabi ni Aaron sa kanila, "Alisin ninyo ang mga hikaw na ginto na nasa tainga ng inyu-inyung asawa, ng inyong mga anak na lalaki at babae, at dalhin ninyo sa akin."
3. Kaya't inalis ng buong bayan ang mga hikaw na ginto na nasa kanilang mga tainga, at dinala ang mga ito kay Aaron.
4. Kanyang tinanggap ang ginto mula sa kanila at hinubog ito sa pamamagitan ng isang kagamitang panlilok, at ginawang isang hinulmang guya. At kanilang sinabi, "Ang mga ito ang iyong mga diyos, O Israel, na naglabas sa iyo mula sa lupain ng Ehipto!"
5. Nang makita ito ni Aaron, nagtayo siya ng isang dambana sa harapan niyon. Nagpahayag si Aaron at sinabi, "Bukas ay isang pista sa PANGINOON."
6. Kinaumagahan, sila'y bumangon nang maaga, nag-alay ng mga handog na sinusunog at nagdala ng mga handog pangkapayapaan; at ang taong-bayan ay naupo upang kumain at mag-inuman at bumangon upang magkatuwaan.
7. Sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Bumaba ka agad! Ang iyong bayan na inilabas mo mula sa lupain ng Ehipto ay nagpapakasama.
8. Sila'y madaling lumihis sa daan na aking iniutos sa kanila. Sila'y gumawa ng isang hinulmang guya at kanilang sinamba, at hinandugan ito, at kanilang sinabi, 'Ang mga ito ang iyong mga diyos, O Israel, na naglabas sa iyo mula sa lupain ng Ehipto!'
9. At sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Aking nakita ang bayang ito, napakatigas ng kanilang ulo.
10. Kaya ngayo'y hayaan mo ako upang ang aking poot ay mag-alab laban sa kanila, at aking lipulin sila. Ngunit ikaw ay aking gagawing isang dakilang bansa."
11. Ngunit nagsumamo si Moises sa PANGINOON niyang Diyos, at sinabi, "PANGINOON, bakit ang iyong poot ay pinag-aalab mo laban sa iyong bayan na iyong inilabas sa lupain ng Ehipto sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan at ng makapangyarihang kamay?
12. Bakit kailangang sabihin ng mga Ehipcio, 'Dahil sa masamang layunin ay kanyang inilabas sila upang patayin sila sa mga bundok, at upang lipulin sila mula sa balat ng lupa?' Iurong mo ang iyong mabangis na poot, at baguhin mo ang iyong isip sa kasamaang ito laban sa iyong bayan.
13. Alalahanin mo si Abraham, si Isaac, at si Israel na iyong mga lingkod. Sa kanila ay sumumpa ka sa iyong sarili, at sinabi mo sa kanila, Aking pararamihin ang inyong binhi na gaya ng mga bituin sa langit, at lahat ng lupaing ito na aking ipinangako ay aking ibibigay sa inyong binhi, at kanilang mamanahin ito magpakailanman.'"
14. At nagbago ang isip ng PANGINOON sa masama na kanyang sinabing gagawin niya sa kanyang bayan.
15. Si Moises ay tumalikod at bumaba sa bundok, dala ang dalawang tapyas ng tipan sa kanyang mga kamay, mga tapyas na may sulat sa magkabilang panig niyon, sa isang panig at sa kabilang panig ay nakasulat ang mga iyon.
16. Ang mga tapyas ay gawa ng Diyos, at ang sulat ay sulat ng Diyos, na nakaukit sa mga tapyas.
17. Nang marinig ni Josue ang ingay ng bayan habang sila'y nagsisigawan, sinabi niya kay Moises, "May ingay ng digmaan sa kampo."
18. Ngunit kanyang sinabi, "Hindi iyon ingay ng sigaw ng pagtatagumpay, o ingay man ng sigaw ng pagkatalo, kundi ingay ng mga umaawit ang aking naririnig."
19. Nang makalapit siya sa kampo, at kanyang makita ang guya at ang pagsasayawan, ang galit ni Moises ay nag-alab, at kanyang ibinato ang mga tapyas na nasa kanyang mga kamay at binasag ang mga ito sa paanan ng bundok.
20. Kanyang kinuha ang guya na kanilang ginawa, sinunog ng apoy, giniling hanggang sa naging pulbos, isinaboy sa tubig, at ipinainom sa mga anak ni Israel.
21. At sinabi ni Moises kay Aaron, "Anong ginawa ng bayang ito sa iyo, na dinalhan mo sila ng isang malaking kasalanan?"
22. Sinabi ni Aaron, "Huwag mag-alab ang galit ng aking Panginoon; kilala mo ang taong-bayan, na sila'y mahilig sa kasamaan.
23. Sapagkat kanilang sinabi sa akin, 'Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin; sapagkat tungkol sa Moises na ito, ang lalaking naglabas sa amin mula sa lupain ng Ehipto ay hindi namin alam kung ano na ang nangyari sa kanya.'
24. At aking sinabi sa kanila, 'Sinumang may ginto ay hubarin ito,' at kanila namang ibinigay sa akin, at aking inihagis sa apoy at lumabas ang guyang ito!"
25. Nang makita ni Moises na ang bayan ay nagwawala (sapagkat pinabayaan sila ni Aaron na magwala, sa kanilang kahihiyan sa gitna ng kanilang mga kaaway),
26. tumayo si Moises sa pintuan ng kampo, at nagsabi, "Sino ang nasa panig ng PANGINOON? Lumapit kayo sa akin." At lahat ng mga anak ni Levi ay nagtipon sa kanya.
27. Sinabi niya sa kanila, "Ganito ang sabi ng PANGINOONG Diyos ng Israel, 'Ilagay ng bawat lalaki ang kanyang tabak sa kanyang tagiliran. Humayo kayong paroo't parito sa mga pintuan sa buong kampo, at patayin ng bawat lalaki ang kanyang kapatid na lalaki, ng bawat lalaki ang kanyang kasama, at ng bawat lalaki ang kanyang kapwa.'"
28. Ginawa ng mga anak ni Levi ang ayon sa salita ni Moises; at nabuwal ang halos tatlong libong katao sa mamamayan nang araw na iyon.
29. Sinabi ni Moises, "Itinalaga ninyo ang inyong sarili ngayon sa paglilingkod sa PANGINOON, bawat isa sa halaga ng kanyang anak na lalaki o kapatid na lalaki, kaya't kayo ay nagdala sa inyo ng pagpapala sa araw na ito."
30. Kinabukasan, sinabi ni Moises sa bayan, "Kayo'y nagkasala ng malaking kasalanan. Ngayo'y aakyat ako sa PANGINOON; marahil ay aking matutubos ang inyong kasalanan."
31. Kaya't bumalik si Moises sa Panginoon, at sinabi, "O, ang bayang ito'y nagkasala ng malaking kasalanan; at gumawa sila para sa kanilang sarili ng mga diyos na ginto.
32. Ngunit ngayon, kung maaari ay patawarin mo ang kanilang kasalanan — at kung hindi, ay burahin mo ako sa aklat na isinulat mo."
33. Ngunit sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Ang sinumang nagkasala laban sa akin ay siya kong buburahin sa aking aklat.
34. Subalit ngayo'y humayo ka, iyong pangunahan ang bayan patungo sa dakong aking sinabi sa iyo; ang aking anghel ay hahayo sa unahan mo. Gayunman kapag dumating ang araw ng pagpaparusa, aking parurusahan sila sa kanilang mga kasalanan."
35. At ang PANGINOON ay nagpadala ng isang salot sa bayan, sapagkat kanilang ginawa ang guya — yaong ginawa ni Aaron.
1. Ang hari ay nagagalak, O PANGINOON, sa iyong kalakasan, at sa iyong pagliligtas ay napakalaki ng kanyang kagalakan!
2. Ang nais ng kanyang puso, sa kanya'y iyong ipinagkaloob, at ang hiling ng kanyang mga labi ay di mo ipinagdamot. (Selah)
3. Sapagkat sinasalubong mo siya ng mabubuting pagpapala, pinuputungan mo siya ng koronang dalisay na ginto sa ulo niya.
4. Siya'y humingi sa iyo ng buhay, sa kanya'y iyong ibinigay, haba ng mga araw magpakailanman.
5. Sa pamamagitan ng iyong pagliligtas dakila ang kanyang kaluwalhatian, ipinagkakaloob mo sa kanya, karangalan at kamahalan.
6. Oo, ginagawa mo siyang pinakamapalad magpakailanman; iyong pinasasaya siya ng kagalakan sa iyong harapan.
7. Sapagkat ang hari ay nagtitiwala sa PANGINOON, at sa pamamagitan ng tapat na pag-ibig ng Kataas-taasan ay hindi siya matitinag.
24. Ngayon nga, mga anak, dinggin ninyo ako, sa mga salita ng aking bibig ay makinig kayo.
25. Huwag ibaling ang iyong puso sa kanyang mga lakad, huwag kang maliligaw sa kanyang mga landas.
26. Sapagkat napakarami na niyang itinumba, oo, lubhang marami na siyang naging biktima.
27. Daang patungo sa Sheol ang kanyang bahay, pababa sa mga silid ng kamatayan.
31. "Kapag dumating na ang Anak ng Tao na nasa kanyang kaluwalhatian, na kasama niya ang lahat ng mga anghel, siya'y uupo sa trono ng kanyang kaluwalhatian.
32. At titipunin sa harapan niya ang lahat ng mga bansa at kanyang pagbubukud-bukurin ang mga tao na gaya ng pagbubukud-bukod ng pastol sa mga tupa at sa mga kambing,
33. at ilalagay niya ang mga tupa sa kanyang kanan, subalit ang mga kambing ay sa kaliwa.
34. Pagkatapos ay sasabihin ng Hari sa mga nasa kanyang kanan, 'Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula sa pagkatatag ng sanlibutan.
35. Sapagkat ako'y nagutom at binigyan ninyo ako ng pagkain. Ako'y nauhaw, at binigyan ninyo ako ng inumin. Ako'y taga-ibang bayan, at ako'y inyong pinatuloy.
36. Ako'y naging hubad at inyong dinamitan. Ako'y nagkasakit at ako'y inyong dinalaw. Ako'y nabilanggo at ako'y inyong pinuntahan.'
37. Pagkatapos ay sasagutin siya ng mga matuwid, na nagsasabi, 'Panginoon, kailan ka namin nakitang gutom, at pinakain ka namin, o uhaw, at binigyan ka ng inumin?
38. Kailan ka namin nakitang isang taga-ibang bayan at pinatuloy ka, o hubad, at dinamitan ka?
39. At kailan ka namin nakitang maysakit, o nasa bilangguan, at dinalaw ka namin?'
40. At sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila, 'Katotohanang sinasabi ko sa inyo, yamang ginawa ninyo ito sa isa sa pinakamaliit sa mga kapatid kong ito, ay sa akin ninyo ginawa.'
41. Pagkatapos ay sasabihin niya sa mga nasa kaliwa, 'Lumayo kayo sa akin, kayong mga sinumpa. Doon kayo sa apoy na walang hanggan na inihanda sa diyablo at sa kanyang mga anghel.
42. Sapagkat ako'y nagutom, at hindi ninyo ako binigyan ng pagkain. Ako'y nauhaw, at hindi ninyo binigyan ng inumin.
43. Ako'y taga-ibang bayan, at hindi ninyo ako pinatuloy. Hubad, at hindi ninyo ako dinamitan; maysakit at nasa bilangguan, at hindi ninyo dinalaw'
44. Pagkatapos ay sasagot din sila, na nagsasabi, 'Panginoon, kailan ka namin nakitang gutom, o uhaw, o isang taga-ibang bayan, o hubad, o maysakit, o nasa bilangguan, at hindi ka namin pinaglingkuran?'
45. At sila'y sasagutin niya, na nagsasabi, 'Katotohanang sinasabi ko sa inyo, yamang hindi ninyo ito ginawa sa isa sa pinakamaliliit na ito, ay hindi ninyo ito ginawa sa akin.'
46. At ang mga ito'y mapupunta sa walang hanggang kaparusahan, ngunit ang mga matuwid ay sa buhay na walang hanggan."
Tagalog Bible 2001
Philippine Bible Society, 2001