1. Tinipon ni Moises ang buong Israel at kanyang sinabi, “Ito ang iniuutos sa inyo ni Yahweh:
2. Anim na araw kayong magtatrabaho, ngunit ang ikapitong araw ay Araw ng Pamamahinga na nakalaan sa akin. Papatayin ang sinumang magtrabaho sa araw na iyon.
3. Sa Araw ng Pamamahinga, huwag kayong magsisindi ng apoy sa lahat ng inyong mga tahanan.”
4. Sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Ito ang iniuutos ni Yahweh:
5. Maghandog kayo kay Yahweh. Ito ang maaari ninyong ihandog: ginto, pilak at tanso;
6. lanang kulay asul, kulay ube, at kulay pula. Gayundin ng pinong sinulid na lino, at balahibo ng kambing,
7. balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, mainam na balat, at kahoy na akasya,
8. langis para sa ilawan, pabangong panghalo sa langis na pampahid at sa insenso.
9. Maghahandog din sila ng mga alahas na kornalina at mamahaling alahas na pampalamuti sa efod at sa pektoral ng pinakapunong pari.”
10. “Tipunin mo ang lahat ng mahuhusay na manggagawa at sila ang pagawin
11. ng tabernakulo, ng tolda at ng mga tabing nito, ng mga kawit at ng mga patayo at pahalang na balangkas, ng mga tukod at ng mga patungan nito.
12. Sila rin ang gagawa ng Kaban ng Tipan at ng mga pasanan nito, gayundin ng Luklukan ng Awa at ng tabing nito.
13. Sila rin ang gagawa ng mesa, ng mga paa at lahat ng kagamitan nito, ng lalagyan ng tinapay na ihahandog sa Diyos,
14. ng ilawan, ng mga kagamitan nito, ng mga ilaw at langis para rito.
15. Sila rin ang gagawa ng altar na sunugan ng insenso, pati ang mga pasanan nito, ang langis na pampahid, ang mabangong insenso at ng kurtinang ilalagay sa pintuan ng tabernakulo,
16. ng altar na sunugan ng mga handog, ng parilyang tanso, ng mga pasanan at ng mga kagamitang kasama ng altar, ng palanggana at ng patungan nito.
17. Sila rin ang gagawa ng mga tabing ng bulwagan, ng mga tukod na pagkakabitan, at ng mga patungan ng tukod pati ng kurtina sa pintuan.
18. Sila rin ang gagawa ng tulos, ng mga lubid na gagamitin sa tabernakulo at sa mga tabing,
19. ng mamahaling kasuotan ng mga pari na gagamitin pagpasok nila sa Dakong Banal—ng mga damit na gagamitin ni Aaron at ng kanyang mga anak sa kanilang paglilingkod sa akin bilang mga pari.”
20. Ang mga Israelita'y nagbalikan na sa kani-kanilang tolda.
21. Lahat ng nais tumulong ay naghandog kay Yahweh ng inaakala nilang magagamit sa paggawa ng Toldang Tipanan, ng mga kagamitan sa pagsamba at ng kasuotan ng mga pari.
22. Babae't lalaki ay naghandog. May nagdala ng pulseras, hikaw, singsing, kuwintas at iba pang alahas na ginto. Dinala ng bawat isa ang kanyang alahas na ginto at inihandog kay Yahweh.
23. May naghandog din ng lanang kulay asul, kulay ube at pula, ng telang lino, telang yari sa balahibo ng kambing, pinapulang balat ng tupa at balat ng kambing.
24. Ang iba nama'y naghandog ng pilak o tansong kagamitan, at ng kahoy na akasya para sa tabernakulo.
25. Ang mga babae namang marunong sa pagsisinulid ay gumawa ng sinulid na lanang asul, kulay ube at pula, gayundin ng pinong lino, at ito ang kanilang ipinagkaloob.
26. May gumawa rin ng sinulid mula sa balahibo ng kambing.
27. Ang mga pinuno ay naghandog ng kornalina, mga alahas na ipapalamuti sa efod at sa pektoral ng pinakapunong pari.
28. May nagdala naman ng langis para sa ilawan, ng pabangong ihahalo sa langis na pantalaga at sa insenso.
29. Lahat ng Israelita, lalaki at babae na handang tumulong ay nagdala ng handog kay Yahweh para sa ipinagagawa niya kay Moises.
30. Sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Pinili ni Yahweh si Bezalel na anak ni Uri at apo ni Hur, buhat sa lipi ni Juda.
31. Siya'y pinuspos niya ng Espiritu ng Diyos at binigyan ng kakayahan, kahusayan, at katalinuhan sa lahat ng gawaing pansining.
32. Ginawa niya ito upang makagawa siya ng magagandang disenyo at maiukit ito sa ginto, pilak o tanso.
33. Gayundin, upang maging bihasa siya sa pagtabas ng mamahaling bato, mahusay sa paglilok, at dalubhasa sa anumang gawaing pansining.
34. Siya at si Aholiab, anak ni Ahisamac na mula sa lipi ni Dan, ay binigyan ni Yahweh ng kakayahan para maituro nila sa iba ang kanilang nalalaman.
35. Sila'y binigyan niya ng pambihirang kakayahang gumawa ng gawain ng mga dalubhasang mag-uukit, taga-disenyo, pangkaraniwang manghahabi at ng manghahabi ng lanang asul, kulay ube at pula at ng pinong lino. Kaya nilang gawin ang anumang uri ng gawain.
1. “Si Bezalel, si Aholiab at ang lahat ng manggagawang binigyan ni Yahweh ng kaalaman at kakayahan ang gagawa ng lahat ng kailangan sa santuwaryo, ayon sa sinabi ni Yahweh.”
2. Tinawag ni Moises sina Bezalel, Aholiab, ang lahat ng binigyan ng kakayahan ni Yahweh at ang lahat ng nais tumulong at pinagsimula nang magtrabaho.
3. Ibinigay niya sa kanila ang lahat ng handog ng mga Israelita para sa gagawing santuwaryo. Patuloy pa rin sa paghahandog ang mga Israelita tuwing umaga,
4. kaya't nagpunta kay Moises ang mga manggagawa.
5. Sinabi nila, “Napakarami na po ang ibinigay ng mga tao ngunit patuloy pa rin silang nagdadala.”
6. Kaya iniutos ni Moises, “Huwag na kayong magdala pa ng kaloob para sa gagawing santuwaryo.” Noon lamang tumigil ang mga tao sa pagdadala ng handog.
7. Gayunman, sumobra pa rin ang mga handog na naroon.
8. Lahat ng pinakamahusay na manggagawa ang gumawa sa Toldang Tipanan. Ang ginamit dito ay sampung pirasong kurtina na hinabi sa pinong lino at lanang kulay asul, kulay ube at pula na may burdang larawan ng kerubin.
9. Ang haba ng bawat piraso ay 13 metro at 2 metro naman ang lapad.
10. Ang mga ito ay pinagkabit-kabit nila nang tiglilima.
11. Gumawa sila ng mga silo na yari sa taling asul at ikinabit sa gilid ng bawat piraso,
12. tiglilimampung silo bawat isa.
13. Gumawa sila ng limampung kawit na ginto at sa pamamagitan nito'y pinagkabit ang dalawang piraso. Kaya ang sampung pirasong damit na ginamit sa tabernakulo ay parang isang piraso lamang.
14. Pagkatapos, gumawa sila ng labing-isang pirasong kurtina na gawa sa balahibo ng kambing upang gawing takip sa ibabaw ng tabernakulo.
15. Bawat isa nito'y 13 metro ang haba at 2 metro naman ang lapad.
16. Pinagkabit-kabit nila ang limang piraso; ganoon din ang anim na natira.
17. Kinabitan nila ng tiglilimampung silo ang gilid ng bawat piraso.
18. Pagkatapos, gumawa sila ng limampung kawit na tanso at sa pamamagitan nito'y pinagkabit nila ang dalawang piraso para maging isa lamang.
19. Tinakpan nila ito ng pinapulang balat ng tupa at pinatungan pa ng balat ng kambing.
20. Gumawa rin sila ng mga patayong haliging gawa sa akasya para sa tabernakulo.
21. Bawat haligi ay 4 na metro ang haba at 0.7 metro naman ang lapad.
22. Bawat haligi ay nilagyan nila ng mitsa para sa pagdurugtong.
23. Dalawampung haligi ang ginawa nila para sa gawing timog
24. at apatnapung patungang pilak na may suotan ng mitsa.
25. Dalawampu rin ang ginawa nilang haligi sa gawing hilaga
26. at apatnapung patungang pilak din, dalawa sa bawat haligi.
27. Para sa likod, sa gawing kanluran ay anim na haligi
28. at dalawa naman para sa mga sulok.
29. Ang mga haligi sa magkabilang sulok ay magkadikit mula ibaba hanggang itaas, sa may unang argolya.
30. Samakatuwid, walo ang haliging nagamit sa likod at may tigalawang patungang pilak ang bawat isa.
31. Gumawa rin siya ng pahalang na balangkas na yari sa akasya, lima sa isang gilid,
32. lima sa kabila at lima rin sa likod.
33. Ang pahalang na haliging panggitna ay abot sa magkabilang gilid ng dingding.
34. Binalot nila ng ginto ang mga haligi at kinabitan ng argolyang ginto na pagsusuutan ng mga pahalang na haligi na binalot din ng ginto.
35. Gumawa rin sila ng kurtinang yari sa pinong lino at lanang kulay asul, kulay ube at pula; ito'y binurdahan nila ng larawan ng kerubin.
36. Gumawa sila ng apat na haliging akasya na kabitan ng tabing. Binalot nila ito ng ginto, kinabitan ng kawit na ginto rin at itinayo sa apat na tuntungang pilak.
37. Para sa pintuan, gumawa sila ng kurtinang yari sa pinong lino at lanang kulay asul, kulay ube at pula at binurdahan nang maganda.
38. Gumawa sila ng limang posteng pagsasabitan ng kurtina. Kinabitan nila iyon ng mga kawit, ang dulo'y binalot ng ginto, gayundin ang mga haligi at itinayo sa limang tuntungang tanso.
1. O Diyos ko! Diyos ko! Bakit mo ako pinabayaan? Sumisigaw ako ng saklolo, ngunit bakit di mo ako tinutulungan?
2. Araw-gabi'y tumatawag ako sa iyo, O Diyos, di ako mapanatag, di ka man lang sumasagot.
3. Ngunit ikaw ang Banal na pinaparangalan, at sa Israel ikaw ay pinapupurihan.
4. Ang mga ninuno nami'y nagtiwala sa iyo, sa iyo umasa kaya sila'y iniligtas mo.
5. Tumawag sila sa iyo at sa panganib ay nakawala, nagtiwala sila sa iyo at di naman sila napahiya.
6. Ngunit ako'y parang uod at hindi na isang tao, hinahamak at pinagtatawanan ng kahit na sino!
7. Pinagtatawanan ako ng bawat makakita sa akin, inilalabas ang kanilang dila at sila'y pailing-iling.
8. Sabi nila, “Nagtiwala siya kay Yahweh; hayaang iligtas siya nito. Kung talagang mahal siya nito, darating ang kanyang saklolo!”
6. Salita ko ay pakinggan pagkat ito'y mahalaga, bumubukal sa labi ko ay salitang magaganda.
7. Pawang katotohanan itong aking bibigkasin, at ako ay nasusuklam sa lahat ng sinungaling.
8. Itong sasabihin ko ay pawang matuwid, lahat ay totoo, wala akong pinilipit.
9. Ito ay maliwanag sa kanya na may unawa, at sa marurunong ito ay pawang tama.
10. Payo ko'y pahalagahan nang higit pa sa pilak, at ang dunong, sa ginto ay huwag sanang itutumbas.
11. “Pagkat akong karunungan ay mahigit pa sa hiyas, anumang kayamanan ay hindi maitutumbas.
26. Habang sila'y kumakain, dumampot si Jesus ng tinapay, at matapos magpasalamat sa Diyos ay pinaghati-hati niya iyon, ibinigay sa mga alagad at sinabi, “Kunin ninyo ito at kainin. Ito ang aking katawan.”
27. Pagkatapos, dumampot siya ng kopa, nagpasalamat sa Diyos at ibinigay iyon sa kanila. Sinabi niya, “Kayong lahat ay uminom nito
28. sapagkat ito ang aking dugo na katibayan ng tipan ng Diyos. Ito ang aking dugong ibinubuhos para sa kapatawaran ng kasalanan ng marami.
29. Sinasabi ko sa inyo, hindi na ako iinom nitong katas ng ubas hanggang sa araw na inumin kong panibago na kasalo ninyo sa kaharian ng aking Ama.”
30. At pagkaawit ng isang himno, sila'y nagpunta sa Bundok ng mga Olibo.
31. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sa gabing ito, ako'y iiwan ninyong lahat, gaya ng sinasabi sa Kasulatan, ‘Papatayin ko ang pastol at magkakawatak-watak ang mga tupa.’
32. Ngunit pagkatapos na ako'y muling mabuhay, mauuna ako sa inyo sa Galilea.”
33. Sumagot si Pedro, “Kahit na po kayo iwan ng lahat, hindi ko kayo iiwan.”
34. Sumagot si Jesus, “Tandaan mo, sa gabi ring ito, bago tumilaok ang manok, tatlong beses mo akong ikakaila.”
35. Ngunit sinabi ni Pedro, “Kahit na ako'y patayin kasama ninyo, hindi ko kayo ikakaila.” Ganoon din ang sinabi ng lahat ng alagad.
36. Isinama ni Jesus ang kanyang mga alagad sa isang lugar na tinatawag na Getsemani. Sinabi niya sa kanila, “Dito muna kayo't mananalangin ako sa dako roon.”
37. Ngunit isinama niya sina Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo. Nagsimulang mabagabag at maghirap ang kanyang kalooban,
38. kaya't sinabi niya sa kanila, “Ako'y halos mamatay sa tindi ng kalungkutan. Maghintay kayo rito at samahan ninyo ako sa pagpupuyat!”
39. Lumayo siya nang kaunti, nagpatirapa siya at nanalangin, “Ama ko, kung maaari po, ilayo ninyo sa akin ang kopang ito ng paghihirap. Ngunit hindi po ang kalooban ko, kundi ang kalooban ninyo ang mangyari.”
40. Nagbalik siya at dinatnan niyang natutulog ang tatlong alagad. Sinabi niya kay Pedro, “Talaga bang hindi kayo makapagpuyat na kasama ko kahit isang oras man lamang?
41. Magbantay kayo at manalangin upang huwag kayong madaig ng tukso. Ang espiritu'y nakahanda ngunit ang laman ay mahina.”
42. Muli siyang lumayo at nanalangin, “Ama ko, kung hindi po maaaring maialis ang kopang ito malibang inumin ko, mangyari nawa ang inyong kalooban.”
43. Muli siyang nagbalik at nakita na naman niyang natutulog sila, sapagkat sila'y antok na antok.
44. Iniwan niyang muli ang tatlong alagad at siya'y nanalangin, at iyon din ang kanyang sinabi.
45. Nagbalik na naman siya sa mga alagad at sinabi sa kanila, “Natutulog pa ba kayo at nagpapahinga? Dumating na ang oras na ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga makasalanan.
46. Bangon! Halina kayo, narito na ang nagkakanulo sa akin.”
47. Nagsasalita pa si Jesus nang dumating si Judas, na kabilang sa Labindalawa. May kasama siyang maraming tao na may dalang mga tabak at pamalo; isinugo sila ng mga punong pari at mga pinuno ng bayan.
48. Bago pa sila dumating doon, sinabi na ng taksil sa kanyang mga kasama, “Kung sinong hahalikan ko, siya ang dakpin ninyo.”
49. Nilapitan niya agad si Jesus at binati, “Magandang gabi po, Guro,” saka hinalikan.
50. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kaibigan, gawin mo na ang sadya mo.” At siya'y nilapitan nila at dinakip.
Tagalog Bible 2012
New Testament 2012 Philippine Bible Society Old Testament 2005 Philippine Bible Society