Bibliya sa isang taon

1. At naparoon ang mga Zipheo kay Saul sa Gabaa, na nagsasabi, Hindi ba nagtatago si David sa burol ng Hachila, sa tapat ng ilang?
2. Nang magkagayo'y bumangon si Saul at lumusong sa ilang ng Ziph, na may tatlong libong piling lalake sa Israel na kasama niya upang hanapin si David sa ilang ng Ziph.
3. At humantong si Saul sa burol ng Hachila na nasa tapat ng ilang sa tabi ng daan. Nguni't si David ay tumahan sa ilang, at kaniyang nakita na sinusundan siya ni Saul sa ilang.
4. Nagsugo nga si David ng mga tiktik, at nalaman na tunay na dumarating si Saul.
5. At si David ay bumangon at naparoon sa dakong kinahahantungan ni Saul: at nakita ni David ang dakong kinaroroonan ni Saul at ni Abner na anak ni Ner, na kapitan ng kaniyang hukbo: at si Saul ay nakahiga sa dako ng mga karo, at ang bayan ay humantong sa palibot niya.
6. Nang magkagayo'y sumagot si David, at nagsabi kay Ahimelech na Hetheo, at kay Abisai na anak ni Sarvia, na kapatid ni Joab, na nagsasabi, Sinong lulusong na kasama ko kay Saul sa kampamento? At sinabi ni Abisai, Ako'y lulusong na kasama mo.
7. Sa gayo'y naparoon si David at si Abisai sa bayan sa kinagabihan: at, narito, si Saul ay nakatulog sa loob ng dako ng mga karo na dala ang kaniyang sibat na nakasaksak sa lupa sa kaniyang ulunan: at si Abner at ang bayan ay nakahiga sa palibot niya.
8. Nang magkagayo'y sinabi ni Abisai kay David, Ibinigay ng Dios ang iyong kaaway sa iyong kamay sa araw na ito: ngayon nga'y isinasamo ko sa iyo, na bayaan mong tuhugin ko siya ng sibat sa lupa sa isang saksak, at hindi ko pagmamakalawahin.
9. At sinabi ni David kay Abisai, Huwag mong patayin siya: sapagka't sinong maguunat ng kaniyang kamay laban sa pinahiran ng langis ng Panginoon at mawawalan ng sala?
10. At sinabi ni David, Buhay ang Panginoon, ang Panginoon ay siyang sasakit sa kaniya; o darating ang kaniyang kaarawan upang mamatay; o siya'y lulusong sa pagbabaka, at mamamatay.
11. Huwag itulot ng Panginoon na aking iunat ang aking kamay laban sa pinahiran ng langis ng Panginoon: nguni't ngayo'y iyong kunin, isinasamo ko sa iyo, ang sibat na nasa kaniyang ulunan, at ang banga ng tubig, at tayo'y yumaon.
12. Sa gayo'y kinuha ni David ang sibat at ang banga ng tubig sa ulunan ni Saul; at sila'y umalis, at walang nakakita, o nakaalam man, o nagising man ang sinoman: sapagka't sila'y pawang mga tulog; sapagka't isang mahimbing na pagkakatulog ang inihulog sa kanila ng Panginoon.
13. Nang magkagayo'y dumaan si David sa kabilang dako, at tumayo sa taluktok ng bundok na may kalayuan; na may malaking pagitan sa kanila:
14. At sumigaw si David sa bayan at kay Abner na anak ni Ner, na nagsabi, Hindi ka sumasagot, Abner? Nang magkagayo'y sumagot si Abner at nagsabi, Sino kang sumisigaw sa hari?
15. At sinabi ni David kay Abner, Hindi ka ba matapang na lalake? at sinong gaya mo sa Israel? bakit nga hindi mo binantayan ang iyong panginoon na hari? sapagka't pumasok ang isa sa bayan upang patayin ang hari na iyong panginoon.
16. Ang bagay na ito na iyong ginawa ay hindi mabuti. Buhay ang Panginoon, kayo'y marapat na mamatay, sapagka't hindi ninyo binantayan ang inyong panginoon, ang pinahiran ng langis ng Panginoon. At ngayo'y tingnan ninyo kung saan nandoon ang sibat ng hari, at ang banga ng tubig na nasa kaniyang ulunan.
17. At nakilala ni Saul ang tinig ni David at nagsabi, Ito ba ang tinig mo, anak kong David? At sinabi ni David, Aking tinig nga, panginoon ko, Oh hari.
18. At kaniyang sinabi, Bakit hinahabol ng aking panginoon ang kaniyang lingkod? sapagka't anong aking ginawa? o anong kasamaan ang nasa aking kamay?
19. Ngayon nga, isinasamo ko sa iyo, na dinggin ng aking panginoon na hari ang mga salita ng kaniyang lingkod. Kung ang Panginoon ay siyang nagudyok sa iyo laban sa akin, ay tumanggap siya ng isang handog: nguni't kung ang mga anak ng tao, sumpain sila sa harap ng Panginoon; sapagka't sila'y nagpalayas sa akin sa araw na ito upang huwag akong magkaroon ng bahagi ng mana sa Panginoon, na nagsasabi, Ikaw ay yumaon, maglingkod ka sa ibang mga dios.
20. Ngayon nga'y huwag ibubo ang aking dugo sa lupa sa harap ng Panginoon; sapagka't lumabas ang hari sa Israel upang humanap ng isang kuto, gaya ng isang humahabol ng isang pugo sa mga bundok.
21. Nang magkagayo'y sinabi ni Saul, Ako'y nagkasala: bumalik ka, anak kong David: sapagka't hindi na ako gagawa ng masama sa iyo, sapagka't ang aking buhay ay mahalaga sa iyong mga mata sa araw na ito: narito, ako'y nagpakamangmang, at ako'y nagkamali ng di kawasa.
22. At sumagot si David at nagsabi, Tingnan mo ang sibat, Oh hari! paparituhin mo ang isa sa mga bataan at kunin.
23. At gagantihin ng Panginoon ang bawa't tao sa kaniyang katuwiran at sa kaniyang pagtatapat: sapagka't ibinigay ka ng Panginoon sa aking kamay ngayon, at hindi ko iniunat ang aking kamay laban sa pinahiran ng langis ng Panginoon.
24. At, narito, kung paanong ang iyong buhay ay mahalagang mainam sa aking paningin sa araw na ito, ay maging gayon nawang mahalagang mainam ang aking buhay sa paningin ng Panginoon, at iligtas niya nawa ako sa madlang kapighatian.
25. Nang magkagayo'y sinabi ni Saul kay David, Pagpalain ka, anak kong David: ikaw ay gagawa na makapangyarihan, at tunay na ikaw ay mananaig. Sa gayo'y nagpatuloy si David ng kaniyang lakad, at si Saul ay bumalik sa kaniyang dako.
1. At nasabi ni David sa kaniyang sarili, Ako'y mamamatay isang araw sa kamay ni Saul: walang anomang bagay na mabuti sa akin kundi ang tumakas sa lupain ng mga Filisteo; at si Saul ay mawawalan ng pagasa tungkol sa akin, upang huwag na akong pag-usigin sa lahat ng mga hangganan ng Israel: sa gayo'y tatakas ako mula sa kaniyang kamay.
2. At si David ay bumangon at lumipat, siya at ang anim na raang lalake na nasa kaniya, kay Achis na anak ni Maoch na hari sa Gath.
3. At tumahan si David na kasama ni Achis sa Gath, siya at ang kaniyang mga lalake, bawa't lalake ay kasama ang kaniyang sangbahayan, sa makatuwid baga'y si David pati ng kaniyang dalawang asawa, si Ahinoam na taga Jezreel at si Abigail na taga Carmelo na asawa ni Nabal.
4. At nasaysay kay Saul na si David ay tumakas na napatungo sa Gath: at hindi na niya pinagusig siya uli.
5. At sinabi ni David kay Achis, Kung ngayo'y nakasumpong ako ng biyaya sa iyong paningin, bigyan nila ako ng isang matatahanan sa isa sa mga bayan sa lupain, upang ako'y tumahan doon: sapagka't bakit tatahan kasama mo ang iyong lingkod sa bayan ng hari?
6. Nang magkagayo'y ibinigay ni Achis sa kaniya ang Siclag nang araw na yaon: kaya't ang Siclag ay nauukol sa mga hari sa Juda hanggang sa araw na ito.
7. At ang bilang ng mga araw na itinahan ni David sa lupain ng mga Filisteo ay isang buong taon, at apat na buwan.
8. At umahon si David at ang kaniyang mga lalake, at sinalakay ang mga Gesureo, at ang mga Gerzeo, at ang mga Amalecita; sapagka't ang mga yaon ay dating nangananahan sa lupain, mula nang gaya ng kung ikaw ay paroroon sa Shur, hanggang sa lupain ng Egipto.
9. At sinaktan ni David ang lupain, at walang iniligtas na buhay kahit lalake o babae man, at dinala ang mga tupa at ang mga baka, at ang mga asno, at ang mga kamelyo, at ang mga kasuutan; at siya'y bumalik, at naparoon kay Achis.
10. At sinabi ni Achis, Saan kayo sumalakay ngayon? At sinabi ni David, Laban sa Timugan ng Juda, at laban sa Timugan ng mga Jerameeliteo, at laban sa Timugan ng mga Cineo.
11. At walang iniligtas na buhay si David kahit ng lalake o ng babae man, upang dalhin sa Gath, na sinasabi, Baka sila'y magsumbong laban sa atin, na sabihin, Ganoon ang ginawa ni David, at gayon ang kaniyang paraan sa buong panahon na kaniyang itinahan sa lupain ng mga Filisteo.
12. At naniwala si Achis kay David, na nagsasabi, Kaniyang ginawa na ang kaniyang bayang Israel ay lubos na nakayayamot sa kaniya: kaya't siya'y magiging aking lingkod magpakailan man.
6. Nagsalita ang Dios sa kaniyang kabanalan; ako'y magsasaya: aking hahatiin ang Sichem, at aking susukatin ang libis ng Succoth,
7. Galaad ay akin, at Manases ay akin; Ephraim naman ay sanggalang ng aking ulo; Juda ay aking setro.
8. Moab ay aking hugasan; sa Edom ay aking ihahagis ang aking panyapak; Filistia, humiyaw ka dahil sa akin.
9. Sinong magdadala sa akin sa matibay na bayan? Sinong papatnubay sa akin hanggang sa Edom?
10. Hindi mo ba kami iniwaksi, Oh Dios? At hindi ka lumalabas, Oh Dios, na kasama ng aming mga hukbo.
11. Tulungan mo kami laban sa kaaway; sapagka't walang kabuluhan ang tulong ng tao.
12. Sa pamamagitan ng Dios ay gagawa kaming may katapangan: sapagka't siya ang yumayapak sa aming mga kaaway.
4. Ginawa ng Panginoon ang bawa't bagay na ukol sa kaniyang sariling wakas: Oo, pati ng masama na ukol sa kaarawan ng kasamaan.
5. Bawa't palalo sa puso ay kasuklamsuklam sa Panginoon: bagaman maghawakan sa kamay ay walang pagsalang parurusahan.
1. At nang ikatlong araw ay nagkaroon ng isang kasalan sa Cana ng Galilea; at naroon ang ina ni Jesus:
2. At inanyayahan din naman si Jesus, at ang kaniyang mga alagad, sa kasalan.
3. At nang magkulang ng alak, ang ina ni Jesus ay nagsabi sa kaniya, Wala silang alak.
4. At sinabi sa kaniya ni Jesus, Babae, anong pakialam ko sa iyo? ang aking oras ay hindi pa dumarating.
5. Sinabi ng kaniyang ina sa mga alila, Gawin ninyo ang anomang sa inyo'y kaniyang sabihin.
6. Mayroon nga roong anim na tapayang bato na nalalagay alinsunod sa kaugaliang paglilinis ng mga Judio, na naglalaman ang bawa't isa ng dalawa o tatlong bangang tubig.
7. Sinabi sa kanila ni Jesus, Punuin ninyo ng tubig ang mga tapayan. At kanilang pinuno hanggang sa labi.
8. At sinabi niya sa kanila, Kunin ninyo ngayon, at inyong iharap sa pangulo ng kapistahan. At kanilang iniharap.
9. At nang matikman ng pangulo ng kapistahan ang tubig na naging alak nga, at hindi niya nalalaman kung saan buhat (datapuwa't nalalaman ng mga alila na nagsikuha ng tubig), ay tinawag ng pangulo ng kapistahan ang kasintahang lalake,
10. At sinabi sa kaniya, Ang bawa't tao ay unang inilalagay ang mabuting alak; at kung mangakainom nang mabuti ang mga tao, ay saka inilalagay ang pinakamasama: itinira mo ang mabuting alak hanggang ngayon.
11. Ang pasimulang ito ng kaniyang mga tanda ay ginawa ni Jesus sa Cana ng Galilea, at inihayag ang kaniyang kaluwalhatian; at nagsisampalataya sa kaniya ang kaniyang mga alagad.
12. Pagkatapos nito ay lumusong siya sa Capernaum, siya, at ang kaniyang ina, at ang kaniyang mga kapatid, at ang kaniyang mga alagad; at sila'y nangatira roong hindi maraming araw.
13. At malapit na ang paskua ng mga Judio, at umahon si Jesus sa Jerusalem.
14. At nasumpungan niya sa templo yaong nangagbibili ng mga baka at mga tupa at mga kalapati, at ang mga mamamalit ng salapi na nangakaupo:
15. At ginawa niyang isang panghampas ang mga lubid, itinaboy niyang lahat sa templo, ang mga tupa at gayon din ang mga baka; at ibinubo niya ang salapi ng mga mamamalit, at ginulo ang kanilang mga dulang;
16. At sa nangagbibili ng mga kalapati ay sinabi niya, Alisin ninyo rito ang mga bagay na ito; huwag ninyong gawin ang bahay ng aking Ama na bahay-kalakal.
17. Napagalaala ng kaniyang mga alagad na nasusulat, Kakanin ako ng sikap sa iyong bahay.
18. Ang mga Judio nga'y nagsisagot at sa kaniya'y sinabi, Anong tanda ang maipakikita mo sa amin, yamang ginawa mo ang mga bagay na ito?
19. Sumagot si Jesus at sa kanila'y sinabi, Igiba ninyo ang templong ito, at aking itatayo sa tatlong araw.
20. Sinabi nga ng mga Judio, Apat na pu't anim na taon ang pagtatayo ng templong ito, at itatayo sa tatlong araw?
21. Datapuwa't sinasalita niya ang tungkol sa templo ng kaniyang katawan.
22. Nang magbangon na maguli nga siya sa mga patay, ay naalaala ng kaniyang mga alagad na sinalita niya ito; at nagsisampalataya sila sa kasulatan, at sa salitang sinabi ni Jesus.
23. Nang siya nga'y nasa Jerusalem nang paskua, sa loob ng panahon ng kapistahan, ay marami ang mga nagsisampalataya sa kaniyang pangalan, pagkakita ng kaniyang mga tandang ginawa.
24. Datapuwa't si Jesus sa kaniyang sarili ay hindi rin nagkatiwala sa kanila, sapagka't nakikilala niya ang lahat ng mga tao,
25. Sapagka't hindi niya kinakailangan na ang sinoman ay magpatotoo tungkol sa tao; sapagka't nalalaman nga niya ang isinasaloob ng tao.
Tagalog Bible TLBA
None