Bibliya sa isang taon

1. Ginawa nila ang kasuotan ni Aaron ayon sa iniutos ni Yahweh kay Moises. Lanang kulay asul, kulay ube at pula ang ginamit nila sa kasuotan ng mga pari.
2. Mainam na lino, lanang kulay asul, kulay ube at kulay pula ang ginamit nila sa efod.
3. Ang ginto ay pinitpit nila nang manipis at ginupit nang pino na parang sinulid, at inihalo sa paghabi sa lanang kulay asul, kulay ube at pula at sa mainam na lino.
4. Ang efod ay kinabitan nila ng malapad na tali na siyang nagdudugtong sa likod at harap.
5. Kinabitan din nila ito ng isang magandang sinturong kamukha ng efod na yari rin sa mainam na lino, at lanang kulay asul, kulay ube at pula at binurdahan din ng mga hibla ng ginto tulad ng iniutos ni Yahweh.
6. Kumuha sila ng mga batong kornalina at iniayos ito sa patungang ginto. Iniukit nila dito ang pangalan ng mga anak na lalaki ni Israel. Nang mayari, para itong isang magandang pantatak.
7. Ang mga bato'y ikinabit nila sa tali sa balikat ng efod upang maalala ang mga anak ni Israel. Ginawa rin nila ito ayon sa utos ni Yahweh.
8. Gumawa rin sila ng pektoral. Magandang-maganda ang burda nito, tulad ng efod, at yari din sa mainam na lino, at lanang kulay asul, kulay ube at pula at mayroon din itong sinulid na ginto.
9. Ito'y magkataklob at parisukat: 0.2 metro ang haba, at ganoon din ang lapad.
10. Kinabitan nila ito ng apat na hilera ng mamahaling bato: Sa unang hanay ay rubi, topaz at karbungko.
11. Sa ikalawang hilera naman ay esmeralda, safiro at brilyante.
12. Sa ikatlong hilera ay jacinto, agata at ametista.
13. At sa ikaapat, berilo, kornalina at jasper. Lahat ng ito ay nakalagay sa patungang ginto.
14. Labindalawa lahat ang batong ginamit upang kumatawan sa labindalawang anak ni Israel. Tulad ng isang pantatak, sa bawat bato'y nakaukit nang maganda ang pangalan ng bawat anak na lalaki ni Israel.
15. Naglubid sila ng pinitpit na ginto at ito ang ginawang panali sa pektoral.
16. Gumawa rin sila ng dalawang patungan at dalawang argolyang ginto na ikinabit nila sa dalawang sulok ng pektoral, sa gawing itaas.
17. Itinali nila sa argolya ang tig-isang dulo ng mga nilubid na ginto.
18. Ang kabilang dulo naman ay itinali nila sa dalawang patungang ginto sa tali sa balikat ng efod.
19. Gumawa rin sila ng dalawang argolya at ikinabit sa dalawang sulok sa gawing ibaba ng pektoral.
20. Gumawa rin sila ng dalawang argolyang ginto at ikinabit sa ibaba ng tali sa balikat, sa may tahi, sa itaas ng pamigkis ng efod.
21. Ang argolya ng pektoral at ng efod ay pinagkabit nila ng lubid na asul para hindi magkahiwalay. Ito'y ginawa nila ayon sa utos ni Yahweh.
22. Gumawa rin sila ng damit na nasa ilalim ng efod. Ito'y yari sa lanang kulay asul,
23. at may butas na suotan ng ulo; ang butas ay may tupi upang hindi matastas.
24. Ang laylayan nito'y nilagyan nila ng mga palawit na tila bunga ng punong granada; ang mga ito'y yari sa pinong lino, at lanang asul, kulay ube at pula.
25. Gumawa rin sila ng mga kampanilyang ginto at ikinabit sa laylayan, sa pagitan ng mga palawit.
26. Kaya ang laylayan ay may isang hilera ng mga palawit na mukhang bunga ng punong granada at mga kampanilyang ginto. Ito'y ginawa nila ayon sa utos ni Yahweh.
27. Gumawa rin sila ng mahabang panloob na kasuotan para kay Aaron at sa kanyang mga anak. Ang mga ito'y yari sa pinong lino,
28. ganoon din ang turbante, ang mga sumbrero at ang mga linong salawal.
29. Ang pamigkis naman sa baywang ay yari sa pinong lino, lanang kulay asul, kulay ube at pula at binurdahan nang maganda ayon sa utos ni Yahweh.
30. Ang turbante ay nilagyan nila ng palamuting ginto at may nakaukit na ganitong mga salita: “Nakalaan kay Yahweh.”
31. Ito'y itinali nila sa turbante sa pamamagitan ng kurdong asul, tulad ng utos ni Yahweh.
32. Natapos nilang gawin ang Toldang Tipanan ayon sa iniutos ni Yahweh; gayundin ang lahat ng mga kagamitan doon.
33. Ipinakita nila kay Moises ang lahat: ang tabernakulo, ang tolda at lahat ng gamit dito, ang mga kawit, ang mga patayo at pahalang na balangkas, tukod at mga tuntungan nito;
34. ang mga pantakip na balat ng tupa na kinulayan ng pula, balat ng kambing, at ang mga tabing;
35. ang Kaban ng Tipan, ang mga pasanan nito at ang Luklukan ng Awa.
36. Ipinakita rin nila ang mesa at ang mga kagamitan nito, ang tinapay na panghandog sa Diyos,
37. ang ilawang ginto, ang mga ilaw at ang iba pang mga kagamitan nito, at ang langis para sa mga ilaw;
38. ang altar na ginto, ang langis na pampahid, ang mabangong insenso at ang kurtina para sa pintuan ng tolda.
39. Ipinakita rin nila ang altar na tanso, kasama ang parilyang tanso, ang mga pasanan at lahat ng kagamitan ng altar, ang palangganang tanso at ang patungan nito;
40. ang mga kurtina para sa bulwagan, ang mga poste at ang mga tuntungan nito, ang tabing sa pagpasok sa bulwagan, ang mga tali, ang mga tulos para sa tolda at lahat ng kagamitan sa paglilingkod sa loob ng Toldang Tipanan.
41. Ipinakita rin nila ang sagradong kasuotan ng mga pari para sa kanilang paglilingkod sa Dakong Banal; ang banal na kasuotan ng paring si Aaron, at ang kasuotan ng kanyang mga anak na maglilingkod bilang mga pari.
42. Lahat ng ito'y ginawa ng mga Israelita ayon sa iniutos ni Yahweh kay Moises.
43. Ang mga ito'y isa-isang tiningnan ni Moises, at binasbasan nang matiyak na nayari ang mga ito ayon sa iniutos ni Yahweh.
1. Sinabi ni Yahweh kay Moises,
2. “Sa unang araw ng unang buwan, itayo mo ang tabernakulo ng Toldang Tipanan.
3. Ilagay mo sa loob nito ang Kaban ng Tipan, at tabingan mo.
4. Ipasok mo ang mesa at ipatong mo roon ang kagamitan niyon. Ipasok mo rin ang ilawan at iayos ang mga ilaw.
5. Ang altar na gintong sunugan ng insenso ay ilagay mo sa tapat ng Kaban ng Tipan at kabitan mo ng tabing ang pintuan nito.
6. Ang altar namang sunugan ng mga handog ay ilagay mo sa harap ng tabernakulo ng Toldang Tipanan.
7. Ilagay mo naman sa pagitan ng altar at ng tolda ang palanggana, at lagyan mo ng tubig.
8. Pagkatapos, paligiran mo ng tabing ang bulwagan at ikabit ang tabing ng pintuan nito.
9. “Pagkatapos, kunin mo ang langis na pantalaga at buhusan mo nito ang buong tolda at ang lahat ng kagamitan doon upang maging sagrado. Gayundin ang gawin mo sa lahat ng kagamitan doon upang maging banal.
10. Ito rin ang gawin mo sa altar na sunugan ng mga handog at ang mga kasangkapan nito upang maging ganap na sagrado.
11. Pahiran mo ng langis ang palanggana at ang patungan nito upang maging banal din.
12. “Si Aaron at ang kanyang mga anak ay dalhin mo sa pintuan ng Toldang Tipanan at doo'y maghugas ayon sa rituwal.
13. Pagkatapos, isuot mo kay Aaron ang banal na kasuotan at pahiran mo siya ng langis. Sa ganitong paraan mo siya itatalaga sa akin at siya'y maglingkod sa akin bilang pari.
14. Palapitin mo rin ang kanyang mga anak, at isuot mo sa kanila ang mahabang panloob na kasuotan.
15. Pahiran mo sila ng langis tulad ng ginawa mo sa kanilang ama upang makapaglingkod sila sa akin bilang mga pari. Dahil sa pagkapahid mo sa kanila ng langis, mananatili silang mga pari habang buhay.”
16. Ginawa ni Moises ang lahat ayon sa iniutos ni Yahweh.
17. Kaya, ang tabernakulo'y itinayo nila noong unang araw ng unang buwan ng ikalawang taon mula nang umalis sila sa Egipto.
18. Si Moises ang nagtayo ng tabernakulo. Inilagay niya ang mga tuntungan nito, itinayo ang mga balangkas, isinuot sa mga argolya ang mga pahalang na balangkas at itinayo ang mga poste.
19. Nilatagan niya ng lona ang ibabaw nito at inatipan, tulad ng iniutos ni Yahweh.
20. Inilagay niya sa loob ng Kaban ng Tipan ang mga tapyas na batong kinasusulatan ng mga utos. Isinuot sa mga argolya ng Kaban ang mga pasanan at ipinatong ang Luklukan ng Awa.
21. Ipinasok niya sa tolda ang Kaban ng Tipan at tinabingan, ayon sa utos ni Yahweh.
22. Ang mesa ay inilagay niya sa loob ng Toldang Tipanan, sa may gawing hilaga ng tabernakulo, sa labas ng tabing.
23. Tulad ng utos ni Yahweh, ipinatong niya sa mesa ang tinapay na panghandog.
24. Inilagay niya ang ilawan sa loob ng Toldang Tipanan, sa gawing timog ng tabernakulo, sa tapat ng mesa at
25. iniayos ang mga ilaw, tulad ng utos ni Yahweh.
26. Inilagay niya sa loob ng Toldang Tipanan ang altar na ginto, sa harap ng tabing.
27. Dito niya sinunog ang mabangong insenso, tulad ng utos sa kanya ni Yahweh.
28. Ikinabit niya ang tabing sa pintuan ng tabernakulo.
29. Ang altar na sunugan ng mga handog ay inilagay niya sa harap ng pintuan ng Toldang Tipanan at dito niya inialay ang mga handog na sinusunog at mga handog na pagkaing butil, tulad ng utos ni Yahweh.
30. Inilagay niya ang palanggana sa pagitan ng Toldang Tipanan at ng altar, at ito'y nilagyan ng tubig.
31. Doon naghuhugas ng paa't kamay sina Moises, Aaron at ang kanyang mga anak.
32. Tuwing papasok sila sa Toldang Tipanan o lalapit sa altar, naghuhugas sila tulad ng iniutos ni Yahweh kay Moises.
33. Pinaligiran niya ng tabing ang tolda at ang altar; tinabingan din niya ang pintuan ng bulwagan. Natapos ni Moises ang lahat ng ipinagagawa sa kanya.
34. Nang magawâ ang Toldang Tipanan, nabalot ito ng ulap at napuno ng kaluwalhatian ni Yahweh.
35. Hindi makapasok si Moises sapagkat nanatili sa loob nito ang ulap at napuspos ito ng kaluwalhatian ni Yahweh.
36. Sa paglalakbay ng mga Israelita, nagpapatuloy lamang sila tuwing tataas ang ulap mula sa tabernakulo.
37. Kapag hindi tumaas ang ulap, hindi sila nagpapatuloy; hanggang hindi tumataas ang ulap, hindi sila lumalakad.
38. Kung araw, ang ulap ng kapangyarihan ni Yahweh ay nasa tapat ng tabernakulo; kung gabi nama'y ang haliging apoy. Ito'y nasa isang lugar na kitang-kita ng mga Israelita at siya nilang tanglaw sa kanilang paglalakbay.
16. Isang pangkat ng salarin, sa aki'y nakapaligid, para akong nasa gitna ng mga asong ganid; mga kamay at paa ko'y kanilang pinupunit.
17. Kitang-kita ang lahat ng aking mga buto, tinitingnan at nilalait ng mga kaaway ko.
18. Mga damit ko'y kanilang pinagsugalan, at mga saplot ko'y pinaghati-hatian.
19. O Yahweh, huwag mo sana akong layuan! Ako ay tulungan at agad na saklolohan!
20. Iligtas mo ako sa talim ng tabak, at sa mga asong sa aki'y gustong kumagat.
21. Sa bibig ng mga leon ako'y iyong hanguin, sa sungay ng mga toro ako ay iyong sagipin. O Yahweh, panalangin ko sana'y dinggin.
22. “Sa lahat ng nilikha ni Yahweh, ako ang siyang una, noong una pang panahon ako ay nalikha na.
23. Matagal nang panahon nang anyuan niya ako, bago pa nalikha at naanyo itong mundo.
24. Wala pa ang mga dagat nang ako'y lumitaw, wala pa ang mga bukal ng tubig na malilinaw.
25. Wala pa ang mga burol, ganoon din ang mga bundok, nang ako ay isilang dito sa sansinukob.
26. Ako muna ang nilikha bago ang lupa at bukid, nauna pa sa alabok, at sa lupang daigdig.
27. Nang likhain ang mga langit, ako ay naroroon na, maging nang ang hangganan ng langit at lupa'y italaga.
28. Naroon na rin ako nang ang ulap ay ilagay, at nang kanyang palitawin ang bukal sa kalaliman.
29. Nang ilagay niya ang hangganan nitong dagat, nang ang patibayan ng mundo ay ilagay at itatag,
30. ako'y lagi niyang kasama at katulong sa gawain, ako ay ligaya niya at sa akin siya'y aliw.
31. Ako ay nagdiwang, nang daigdig ay matapos, dahil sa sangkatauhan, ligaya ko ay nalubos.
1. Kinaumagahan, nagpulong ang mga punong pari at mga pinuno ng bayan kung paano nilang maipapapatay si Jesus.
2. Siya'y kanilang iginapos at dinala kay Pilato na gobernador.
3. Nang malaman ng taksil na si Judas na si Jesus ay nahatulang mamatay, nagsisi siya at isinauli sa mga punong pari at mga pinuno ng bayan ang tatlumpung pirasong pilak.
4. Sinabi niya, “Nagkasala ako! Ipinagkanulo ko ang dugo ng taong walang kasalanan.” “Ano ang pakialam namin sa iyo? Bahala ka sa buhay mo!” sagot nila.
5. Inihagis ni Judas sa loob ng Templo ang tatlumpung pirasong pilak, at pagkaalis doon, siya'y nagbigti.
6. Pinulot ng mga punong pari ang mga pirasong pilak. Sinabi nila, “Labag sa Kautusan na ilagay ang salaping ito sa kabang-yaman ng Templo sapagkat bayad ito sa buhay ng isang tao.”
7. Nagkaisa sila na ang salaping iyon ay ibili ng bukid ng isang magpapalayok, upang gawing libingan ng mga dayuhan.
8. Mula noon hanggang ngayon, ang bukid na iyon ay tinatawag na “Bukid ng Dugo.”
9. Sa gayon, natupad ang sinabi ni propeta Jeremias: “Kinuha nila ang tatlumpung pirasong pilak, ang halagang katumbas niya ayon sa mga Israelita,
10. at ginamit ito upang bilhin ang bukid ng isang magpapalayok, ayon sa iniutos sa akin ng Panginoon.”
11. Iniharap si Jesus sa gobernador at siya'y tinanong nito, “Ikaw nga ba ang Hari ng mga Judio?” Sumagot si Jesus, “Ikaw na ang may sabi.”
12. Ngunit nang paratangan siya ng mga punong pari at ng mga pinuno ng bayan, hindi siya umimik.
13. Kaya't sinabi sa kanya ni Pilato, “Hindi mo ba naririnig ang marami nilang paratang laban sa iyo?”
14. Ngunit hindi pa rin siya umimik kaya't labis na nagtaka ang gobernador.
15. Nakaugalian na ng gobernador na tuwing Paskwa ay magpalaya ng isang bilanggo na hinihiling ng taong-bayan.
16. Noon ay may isang kilalang bilanggo na kilala sa kasamaan na ang pangalan ay [Jesus] Barabbas.
17. Nang magkatipon ang mga tao ay tinanong sila ni Pilato, “Sino ang ibig ninyong palayain ko, si Jesus Barabbas, o si Jesus na tinatawag na ‘Cristo’?”
18. Alam ni Pilato na naiinggit lamang sila kaya nila isinakdal si Jesus.
19. Bukod dito, nang si Pilato ay nakaupo sa hukuman, nagpasabi ang kanyang asawa, “Huwag kang makialam sa usapin ng taong iyan. Wala siyang kasalanan. Labis akong nahirapan dahil sa aking panaginip kagabi tungkol sa kanya.”
20. Ang mga tao nama'y hinikayat ng mga punong pari at ng mga pinuno ng bayan na hilingin kay Pilato na si Barabbas ang palayain at si Jesus ay ipapatay.
21. Muli silang tinanong ng gobernador, “Sino sa dalawa ang nais ninyong palayain ko?” “Si Barabbas!” sigaw ng mga tao.
22. Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kung gayon, ano ang gagawin ko kay Jesus, na tinatawag na Cristo?” At sumagot ang lahat, “Ipako siya sa krus!”
23. “Bakit? Ano ang nagawa niyang masama?” tanong ni Pilato. Ngunit lalo pang lumakas ang kanilang sigawan, “Ipako siya sa krus!”
24. Nang makita ni Pilato na wala siyang magagawa, at malamang pa'y magkagulo, nagpakuha siya ng tubig at naghugas ng kamay sa harap ng mga tao. “Wala akong pananagutan sa dugo ng taong ito. Ito'y pananagutan ninyo!” sabi niya.
25. Sumagot naman ang mga tao, “Pananagutan namin at ng aming mga anak ang dugo niya.”
26. Pinalaya nga ni Pilato si Barabbas at ipinahagupit naman si Jesus. Pagkatapos, ibinigay siya sa kanila upang ipako sa krus.
Tagalog Bible 2012
New Testament 2012 Philippine Bible Society Old Testament 2005 Philippine Bible Society