Bibliya sa isang taon

1. Samantalang nakahimpil sa Sitim ang Israel, ang mga kalalakihan nila'y nakipagtalik sa mga babaing Moabita na naroroon.
2. Inanyayahan sila ng mga ito sa paghahandog nila sa mga diyus-diyosan. Ang mga Israelita'y nakikain sa mga atang na iyon at sumamba rin sa mga diyus-diyosan doon.
3. Sumali sa pagsamba kay Baal-peor ang mga Israelita kaya nagalit sa kanila si Yahweh.
4. Sinabi niya kay Moises, “Tipunin mo ang mga pinuno ng Israel at patayin mo sila sa harap ng madla para mapawi ang galit ko sa Israel.”
5. Iniutos ni Moises sa mga hukom ng Israel, “Patayin ninyo ang lahat ng kasamahan ninyong sumamba kay Baal-peor.”
6. Samantalang si Moises at ang buong bayan ay nananangis sa harap ng Toldang Tipanan, dumating ang isang Israelita. May kasama itong Midianita, at hayagang ipinasok sa kanyang tolda.
7. Nang makita ito ni Finehas na anak ni Eleazar at apo ni Aaron, umuwi siya at kumuha ng sibat.
8. Sinundan niya sa tolda ang Israelitang may kasamang Midianita at tinuhog silang dalawa ng sibat. Dahil dito, tumigil ang salot na sumasalanta sa Israel.
9. Gayunman, dalawampu't apat na libo na ang namatay sa salot na iyon.
10. Sinabi ni Yahweh kay Moises,
11. “Dahil sa ginawa ni Finehas, pinahalagahan niya ang aking karangalan. Kaya, hindi ko nilipol ang mga Israelita dahil sa aking galit.
12. Sabihin mo sa kanyang ako'y gumagawa ng isang kasunduan sa kanya; ipinapangako kong hindi ko siya pababayaan kailanman.
13. Mananatili ang walang katapusang pagkapari sa kanya at sa kanyang angkan sapagkat ipinagtanggol niya ang aking karangalan, at ginawa niya ang pagtubos sa kasalanan ng sambayanang Israel.”
14. Ang Israelitang nagsama ng Midianita at napatay ni Finehas ay si Zimri na anak ni Salu at isa sa mga pinuno ng angkan sa lipi ni Simeon.
15. Ang Midianita naman ay si Cozbi na anak ni Zur, na isa sa mga pinuno ng angkan sa Midian.
16. Sinabi ni Yahweh kay Moises,
17. “Salakayin ninyo ang mga Midianita at puksain sila
18. dahil sa kasamaang ginawa nila sa inyo nang akitin nila kayong sumamba sa mga diyus-diyosan sa Peor, at sa ginawa ng kababayan nilang si Cozbi na pinatay ni Finehas noong sinasalanta kayo ng salot sa Peor.”
1. Pagkalipas ng salot, sinabi ni Yahweh kina Moises at Eleazar na anak ni Aaron,
2. “Magsagawa ka ng isang sensus. Bilangin at ilista ninyo ang pangalan ng mga Israelita na maaaring isama sa hukbo upang makipagdigma, mula sa gulang na dalawampung taon pataas.”
3. Dahil dito, tinipon nila ang mga pinuno sa kapatagan ng Moab, sa tabi ng Jordan, sa tapat ng Jerico.
4. Binilang at inilista ang mga Israelita tulad ng iniutos ni Yahweh kay Moises. Ito ang listahan ng mga Israelitang umalis sa Egipto:
5. Sa lipi ni Ruben na panganay ni Israel ay ang mga angkan nina Hanoc, Fallu,
6. Hesron at Carmi.
7. Ang mga angkang ito ang bumubuo sa lipi ni Ruben. Silang lahat ay 43,730.
8. Ang anak ni Fallu ay si Eliab
9. at ang mga anak ni Eliab ay sina Nemuel, Datan at Abiram. Sina Datan at Abiram, kasama ng pangkat ni Korah, ang nagpasimuno sa mga Israelita ng paghihimagsik laban kina Moises at Aaron, at kay Yahweh.
10. Si Korah naman at ang kanyang 250 kasama ang nilamon ng lupa. Ang mga pangyayaring ito ay nagsilbing babala sa buong bayan.
11. Gayunma'y hindi kasamang namatay ang mga anak ni Korah.
12. Sa lipi naman ni Simeon ay ang mga angkan nina Nemuel, Jamin, Jaquin,
13. Zera at Saul.
14. Ang kabuuang bilang ng lipi ni Simeon ay 22,200.
15. Sa lipi ni Gad ay ang mga angkan nina Zefon, Hagui, Suni,
16. Ozni, Eri,
17. Arod at Areli.
18. Ang kabuuang bilang ng lipi ni Gad ay 40,500.
19. Sa lipi naman ni Juda, hindi kabilang sina Er at Onan na namatay sa Canaan, ay
20. ang mga angkan nina Sela, Fares, Zara,
21. Hezron at Hamul.
22. Ang kabuuang bilang sa lipi ni Juda ay 76,500.
23. Sa lipi ni Isacar ay ang mga angkan nina Tola, Pua,
24. Jasub at Simron.
25. Lahat-lahat sa lipi ni Isacar ay 64,300.
26. Sa lipi ni Zebulun ay ang mga angkan nina Sered, Elon at Jahleel.
27. Silang lahat ay 60,500.
28. Sa lipi ni Jose na may dalawang anak ay ang mga angkan nina Manases at Efraim.
29. Sa lipi ni Manases ay ang angkan ni Maquir at ang anak nitong si Gilead.
30. Ang angkan ni Gilead ay binubuo ng mga sambahayan nina Jezer, Helec,
31. Asriel, Shekem,
32. Semida, at Hefer.
33. Si Zelofehad na anak ni Hefer ay hindi nagkaanak ng lalaki, kundi panay babae: sina Maala, Noa, Hogla, Milca at Tirza.
34. Lahat-lahat sa angkan ni Manases ay 52,700.
35. Sa lipi ni Efraim ay ang mga angkan nina Sutela, Bequer, at Tahan.
36. Ito naman ang bumubuo sa angkan ni Sutela: si Eran at ang kanyang sambahayan.
37. Ang kabuuang bilang sa lipi ni Efraim ay 32,500. Ito ang mga angkang nagmula sa lipi ni Jose.
38. Sa lipi ni Benjamin ay ang mga angkan nina Bela, Asbel, Ahiram,
39. Sufam, at Hufam.
40. Ang bumubuo sa angkan ni Bela ay ang mga sambahayan nina Ard at Naaman.
41. Lahat-lahat sa lipi ni Benjamin ay 45,600.
42. Sa lipi ni Dan ay ang angkan ni Suham
43. na ang kabuuang bilang ay 64,400.
44. Sa lipi ni Asher ay ang mga angkan nina Imna, Isvi, at Beria.
45. Ang angkan ni Beria ay binubuo ng mga sambahayan nina Heber at Malquiel.
46. Si Asher ay may anak na babae na nagngangalang Sera.
47. Lahat-lahat sa lipi ni Asher ay 53,400.
48. Sa lipi ni Neftali ay ang mga angkan nina Jahzeel, Guni,
49. Jezer at Silem.
50. Lahat-lahat sa lipi ni Neftali ay 45,400.
51. Ang kabuuang bilang ng mga Israelita ay 601,730.
52. Sinabi ni Yahweh kay Moises,
53. “Hatiin mo ang lupain ayon sa laki ng bawat lipi.
54. Malaki ang kaparte ng malaking lipi at maliit ang sa maliit na lipi. Ang kaparte ng bawat lipi ay ayon sa dami ng kanyang bilang.
55. Ang lupain ay hahatiin sa pamamagitan ng palabunutan, sa pangalan ng bawat lipi.
56. Ang pagtatakda ng kaparte ng bawat lipi ay dadaanin sa palabunutan.”
57. Ang lipi naman ni Levi ay binubuo ng mga angkan nina Gershon, Kohat, at Merari.
58. Kabilang din sa liping ito ang mga sambahayan ni Libni, Hebron, Mahli, Musi at Korah. Si Kohat ang ama ni Amram,
59. na napangasawa ni Jocebed na kabilang din sa lipi ni Levi. Isinilang si Jocebed sa Egipto. Naging anak nila sina Aaron, Moises at Miriam.
60. Naging anak naman ni Aaron sina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar.
61. Sina Nadab at Abihu ay namatay nang sila'y gumamit ng apoy na di karapat-dapat kay Yahweh.
62. Lahat-lahat, ang natala sa lipi ni Levi ay 23,000, mula sa gulang na isang buwan pataas. Sila'y hindi kabilang sa talaan ng Israel sapagkat hindi sila kasama sa paghahati ng lupain.
63. Ito ang mga Israelitang binilang at inilista ni Moises at ng paring si Eleazar sa kapatagan ng Moab, sa tabi ng Jordan, sa may tapat ng Jerico.
64. Dito'y walang kasama isa man sa mga Israelitang itinala nina Moises at Aaron noong sila'y nasa Bundok ng Sinai.
65. Ang mga ito'y namatay, liban kina Caleb na anak ni Jefune at Josue na anak ni Nun, tulad ng sinabi ni Yahweh.
1. Sa lahat ng pagkakataon si Yahweh ay aking pupurihin; pagpupuri ko sa kanya'y hindi ko papatigilin.
2. Aking pupurihin kanyang mga gawa, kayong naaapi, makinig, matuwa!
3. Ang kadakilaan niya ay ihayag, at ang ngalan niya'y purihin ng lahat!
4. Ang aking dalangi'y dininig ng Diyos, inalis niya sa akin ang lahat kong takot.
5. Nagalak ang aping umasa sa kanya, pagkat di nabigo ang pag-asa nila.
6. Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa, sila'y iniligtas sa hirap at dusa.
7. Anghel ang siyang bantay sa may takot sa Diyos, sa mga panganib, sila'y kinukupkop.
28. Malalantang tila dahon ang nagtitiwala sa kanyang yaman, ngunit ang matuwid ay giginhawa, tulad ng sariwang halaman.
21. “Kung may magsabi sa inyo, ‘Narito ang Cristo!’ o kaya'y ‘Naroon siya!’ huwag kayong maniniwala.
22. Sapagkat may mga magpapanggap na Cristo at may mga magpapanggap na propeta. Magpapakita sila ng mga himala at mga kababalaghan upang iligaw, kung maaari, maging ang mga hinirang ng Diyos.
23. Kaya't mag-ingat kayo. Sinasabi ko na sa inyo ang lahat ng bagay bago pa man ito mangyari.”
24. “Subalit sa mga araw na iyon, pagkatapos ng kapighatiang iyon, magdidilim ang araw, hindi magliliwanag ang buwan,
25. malalaglag mula sa langit ang mga bituin, at magugulo ang mga kapangyarihan sa kalawakan.
26. Pagkatapos, makikita nila ang Anak ng Tao na nasa ulap, may dakilang kapangyarihan at karangalan.
27. Susuguin niya ang kanyang mga anghel sa apat na sulok ng daigdig upang tipunin ng mga ito ang mga hinirang ng Diyos.”
28. “Unawain ninyo ang aral mula sa puno ng igos; kapag sumisibol na ang mga sanga nito at nagkakadahon na, alam ninyong malapit na ang tag-araw.
29. Gayundin naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga bagay na ito, malalaman ninyong malapit na ang kanyang pagdating; siya'y halos naririto na.
30. Tandaan ninyo: magaganap ang lahat ng ito bago lumipas ang kasalukuyang salinlahi.
31. Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit ang aking mga salita ay mananatili magpakailanman.”
32. “Ngunit walang nakakaalam ng araw o ng oras na iyon, kahit ang mga anghel sa langit, o ang Anak man. Ang Ama lamang ang nakakaalam nito.
33. Mag-ingat kayo at maging handa dahil hindi ninyo alam kung kailan ito mangyayari.
34. Ang katulad nito'y isang taong maglalakbay sa malayo. Iniwan niya ang kanyang tahanan sa pamamahala ng kanyang mga alipin. Binigyan niya ang bawat isa ng kanya-kanyang gawain, at inutusan niya ang tanod na magbantay.
35. Gayundin naman, magbantay kayong lagi dahil hindi ninyo alam kung kailan darating ang panginoon ng sambahayan. Ito'y maaaring sa takipsilim, sa hatinggabi, sa madaling-araw, o kaya'y sa umaga.
36. Baka siya'y biglang dumating at maratnan kayong natutulog.
37. Ang sinasabi ko sa inyo'y sinasabi ko sa lahat. Maging handa kayo!”
Tagalog Bible 2012
New Testament 2012 Philippine Bible Society Old Testament 2005 Philippine Bible Society