1. Ipinatawag ng PANGINOON si Moises at nagsalita sa kanya mula sa toldang tipanan, na sinasabi,
2. "Magsalita ka sa mga anak ni Israel at sabihin mo sa kanila: Kapag ang sinuman sa inyo ay nagdadala ng alay sa PANGINOON, ang dadalhin ninyong alay ay galing sa mga hayop, mga bakahan, at sa kawan.
3. "Kung ang kanyang alay ay isang handog na sinusunog mula sa bakahan, mag-aalay siya ng isang lalaking walang kapintasan. Ito ay kanyang dadalhin sa pintuan ng toldang tipanan, upang siya ay tanggapin sa harapan ng PANGINOON.
4. Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng handog na sinusunog at ito ay tatanggapin para sa ikatutubos niya.
5. At kanyang papatayin ang toro sa harapan ng PANGINOON; ang dugo ay ihahandog ng mga anak ni Aaron, na mga pari, at iwiwisik ito sa palibot ng dambana na nasa pintuan ng toldang tipanan.
6. Kanyang babalatan at pagpuputul-putulin ang handog na sinusunog.
7. Maglalagay ang mga anak ng paring si Aaron ng apoy sa ibabaw ng dambana, at aayusin ang kahoy sa apoy.
8. Aayusin ng mga paring anak ni Aaron ang mga bahagi, ang ulo, at ang taba sa kahoy na nakapatong sa apoy na nasa ibabaw ng dambana;
9. ngunit ang mga lamang-loob at mga paa ay huhugasan niya ng tubig. Susunugin ng pari ang kabuuan nito sa ibabaw ng dambana bilang handog na sinusunog, isang handog na pinaraan sa apoy na isang mabangong samyo sa PANGINOON.
10. "Kung ang kanyang kaloob para sa handog na sinusunog ay mula sa kawan, sa mga tupa, o sa mga kambing, siya ay maghahandog ng isang lalaking walang kapintasan.
11. Ito ay kanyang kakatayin sa hilagang bahagi ng dambana sa harapan ng PANGINOON. Iwiwisik ng mga anak ni Aaron, na mga pari, ang dugo niyon sa palibot ng dambana.
12. At ito ay kanyang pagpuputul-putulin, kasama ang ulo at ang kanyang taba, at iaayos ng pari sa ibabaw ng kahoy na nasa apoy sa ibabaw ng dambana;
13. ngunit ang mga lamang-loob at ang mga paa ay huhugasan ng tubig. At ihahandog ng pari ang kabuuan at susunugin sa dambana; ito ay isang handog na sinusunog, isang handog na pinaraan sa apoy, na isang mabangong samyo sa PANGINOON.
14. "Kung ang kanyang alay sa PANGINOON ay handog na sinusunog na mula sa mga ibon, ang ihahandog niya ay mga batu-bato o mga batang kalapati.
15. Ito ay dadalhin ng pari sa dambana, puputulan ng ulo, susunugin sa ibabaw ng dambana, at ang dugo'y patutuluin sa tabi ng dambana.
16. Aalisin niya ang butsi pati ang mga laman nito, at ihahagis sa silangang bahagi ng dambana, sa kinalalagyan ng mga abo.
17. Bibiyakin niya ito sa mga pakpak, ngunit hindi hahatiin. Ito'y susunugin ng pari sa ibabaw ng dambana, sa ibabaw ng kahoy na nasa apoy, bilang isang handog na sinusunog. Ito ay isang handog na pinaraan sa apoy, na isang mabangong samyo sa PANGINOON.
1. "Kapag ang isang tao ay magdadala ng butil na handog bilang handog sa PANGINOON, dapat na ang kanyang handog ay mula sa piling harina. Bubuhusan niya ito ng langis, at lalagyan ito ng kamanyang.
2. Dadalhin niya ito sa mga anak ni Aaron na mga pari at siya'y kukuha mula roon ng isang dakot na piling harina at langis, at lahat ng kamanyang nito. Ito ay susunugin ng pari sa ibabaw ng dambana, isang handog na pinakaalaala, isang handog na pinaraan sa apoy, na mabangong samyo sa PANGINOON.
3. Ang nalabi sa butil na handog ay para kay Aaron at sa kanyang mga anak; ito ay kabanal-banalan sa mga handog sa PANGINOON na pinaraan sa apoy.
4. "Kapag ikaw ay magdadala ng butil na handog na niluto sa hurno, dapat na ito ay tinapay na walang pampaalsa mula sa piling harina na hinaluan ng langis, o maninipis na tinapay na walang pampaalsa na hinaluan ng langis.
5. At kung ang iyong alay ay butil na handog na luto sa kawali, dapat na ang iyong handog ay piling harina na walang pampaalsa na hinaluan ng langis.
6. Ito ay iyong pagpuputul-putulin at bubuhusan mo ito ng langis; ito ay butil na handog.
7. Kung ang butil na handog ay niluto sa kawali, dapat na ang iyong handog ay piling harina na hinaluan ng langis.
8. At dadalhin mo sa PANGINOON ang pagkaing handog na mula sa mga sangkap na ito, at dadalhin ito ng pari sa dambana.
9. Kukunin ng pari mula sa butil na handog ang bahaging pinakaalaala nito at susunugin sa ibabaw ng dambana, isang handog na pinaraan sa apoy, na mabangong samyo sa PANGINOON.
10. At ang nalabi sa pagkaing handog ay para kay Aaron at sa kanyang mga anak; kabanal-banalan sa mga handog sa PANGINOON na pinaraan sa apoy na mabangong samyo sa Diyos.
11. "Alinmang butil na handog na iaalay ninyo sa PANGINOON, ay gawin ninyong walang pampaalsa. Huwag kayong magsusunog ng anumang pampaalsa ni ng anumang pulot bilang handog na pinaraan sa apoy para sa PANGINOON.
12. Bilang alay na mga unang bunga, ihahandog ninyo ang mga ito sa PANGINOON, ngunit ang mga ito ay hindi ihahandog sa dambana bilang isang mabangong samyo.
13. Titimplahan mo ng asin ang lahat ng iyong butil na handog. Huwag mong hayaang ang iyong butil na handog ay mawalan ng asin sa pakikipagtipan ng iyong Diyos; lahat ng iyong mga alay ay ihahandog mong may asin.
14. "Kung maghahandog ka sa PANGINOON ng butil na handog ng mga unang bunga, ang iaalay mo bilang butil na handog ng iyong unang bunga ay niligis na bagong butil na sinangag sa apoy.
15. Bubuhusan mo iyon ng langis at lalagyan mo ng kamanyang sa ibabaw nito, ito ay butil na handog.
16. At susunugin ng pari bilang bahaging pinakaalaala ang bahagi ng butil na niligis at ang bahagi ng langis, pati ang lahat ng kamanyang niyon; ito ay isang handog sa PANGINOON na pinaraan sa apoy.
22. Sa aking mga kapatid ay ipahahayag ko ang iyong pangalan, pupurihin kita sa gitna ng kapulungan:
23. Kayong natatakot sa PANGINOON, magpuri kayo sa kanya! Kayong lahat na binhi ni Jacob, luwalhatiin ninyo siya, at magsitayong may paggalang sa kanya, kayong lahat na mga anak ni Israel.
24. Sapagkat hindi niya hinamak o kinapootan man ang kadalamhatian ng nagdadalamhati; at hindi niya ikinubli ang kanyang mukha sa kanya; kundi pinakinggan nang siya'y dumaing sa kanya.
25. Sa iyo nanggagaling ang aking papuri sa dakilang kapulungan; tutuparin ko ang aking mga panata sa harapan ng mga sa kanya'y gumagalang.
26. Ang dukha ay kakain at masisiyahan, yaong mga humanap sa kanya ay magpupuri sa PANGINOON! Mabuhay nawa ang inyong mga puso magpakailanman.
27. Maaalala ng lahat ng mga dulong lupa, at sa PANGINOON ay manunumbalik sila; at lahat ng mga sambahayan ng mga bansa ay sa harapan mo magsisamba.
28. Sapagkat sa PANGINOON ang kaharian, at siya ang namumuno sa mga bansa.
29. Oo, sa kanya ang lahat ng masasagana sa lupa ay kakain at sasamba; sa harapan niya ay yumuyukod ang lahat ng bumabalik sa alabok, at siya na hindi mapapanatiling buhay ang kanyang kaluluwa,
30. Ang susunod na salinlahi sa kanya ay magsisilbi, ang Panginoon ay ibabalita ng mga tao sa darating na salinlahi.
31. Sila'y darating at maghahayag ng kanyang katuwiran sa isang bayang isisilang, na dito ay siya ang may kagagawan.
32. At ngayon, mga anak ko, ako'y inyong pakinggan, mapapalad ang nag-iingat ng aking mga daan.
33. Makinig kayo sa turo, at magpakatalino, at huwag ninyong pababayaan ito.
34. Mapalad ang taong nakikinig sa akin, na nagbabantay araw-araw sa aking mga tarangkahan, na naghihintay sa mga haligi ng aking mga pintuan.
35. Sapagkat ang nakakatagpo sa akin, ay nakakatagpo ng buhay, at biyaya mula sa PANGINOON ay kanyang makakamtan.
36. Ngunit siyang nagkakasala laban sa akin ay sarili niya ang sinasaktan; lahat ng namumuhi sa akin ay umiibig sa kamatayan."
27. Dinala si Jesus ng mga kawal ng gobernador sa Pretorio at tinipon nila ang buong pangkat ng mga kawal sa paligid niya.
28. At siya'y kanilang hinubaran at dinamitan ng isang balabal na pulang-pula.
29. Sila'y gumawa ng isang koronang tinik, ipinatong ito sa kanyang ulo, at inilagay sa kanang kamay niya ang isang tambo. Lumuhod sila sa harapan niya at siya'y kanilang nilibak, na nagsasabi, "Mabuhay, Hari ng mga Judio!"
30. Siya'y kanilang niluraan. Kinuha nila ang tambo at hinampas ang kanyang ulo.
31. Pagkatapos na siya'y libakin, hinubad nila sa kanya ang balabal, isinuot sa kanya ang mga damit niya, at kanilang inilabas siya upang ipako sa krus.
32. Sa paglabas nila'y kanilang nasalubong ang isang taong taga-Cirene, na Simon ang pangalan. Pinilit nila ang taong ito na pasanin ang krus ni Jesus."
33. At nang sila'y makarating sa isang dakong tinatawag na Golgota (na ang kahulugan ay, 'Ang Dako ng Bungo"),
34. kanilang binigyan siya ng alak na may kahalong apdo upang inumin. Ngunit nang kanyang matikman ay ayaw niyang inumin.
35. At nang siya'y maipako nila sa krus, pinaghati-hatian nila ang kanyang mga damit sa pamamagitan ng palabunutan.
36. Pagkatapos, sila'y umupo at binantayan siya roon.
37. At sa itaas ng kanyang ulo ay inilagay nila ang paratang sa kanya, na nasusulat, "ITO SI JESUS, ANG HARI NG MGA JUDIO."
38. At may dalawang tulisan na ipinakong kasama niya, isa sa kanan at isa sa kaliwa.
39. Siya'y inalipusta ng mga nagdaraan at pailing-iling,
40. na nagsasabi, "Ikaw na gigiba sa templo, at sa ikatlong araw ay itatayo ito, iligtas mo ang iyong sarili! Kung ikaw ang Anak ng Diyos, bumaba ka sa krus!"
41. Sa gayunding paraan ay nilibak siya ng mga punong pari, kasama ng mga eskriba at ng matatanda, na nagsasabi,
42. "Nagligtas siya ng iba; hindi niya mailigtas ang kanyang sarili. Siya ang Hari ng Israel; bumaba siya ngayon sa krus, at maniniwala tayo sa kanya.
43. Nagtiwala siya sa Diyos; kanyang iligtas siya ngayon kung ibig niya, sapagkat sinabi niya, 'Ako'y Anak ng Diyos.'"
44. Sa gayunding paraan ay inalipusta siya ng mga tulisan na ipinako sa krus na kasama niya.
45. Mula nang oras na ikaanin ay nagdilim sa buong lupain hanggang sa oras na ikasiyam.
46. At nang malapit na ang oras na ikasiyam ay sumigaw si Jesus ng may malakas na tinig, na sinasabi, "Eli, Eli, lama sabacthani?" na ang kahulugan ay "Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?"
47. At nang marinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon ay sinabi nila, "Tinatawag ng taong ito si Elias."
48. Tumakbo kaagad ang isa sa kanila at kumuha ng isang espongha, pinuno ito ng suka, inilagay sa isang tambo, at ibinigay sa kanya upang inumin.
49. Ngunit sinabi ng iba, "Pabayaan ninyo siya, tingnan natin kung darating si Elias upang iligtas siya."
50. At muling sumigaw si Jesus ng may malakas na tinig at nalagot ang kanyang hininga.
51. At nang sandaling iyon, ang tabing ng templo ay napunit sa dalawa, mula sa itaas hanggang sa ibaba; nayanig ang lupa; at nabiyak ang mga bato.
52. Nabuksan ang mga libingan at maraming katawan ng mga banal na natulog ay bumangon,
53. at paglabas nila sa mga libingan pagkatapos ng kanyang muling pagkabuhay ay pumasok sila sa banal na lunsod at nagpakita sa marami.
54. Nang makita ng senturion at ng mga kasamahan niyang nagbabantay kay Jesus ang lindol at ang mga bagay na nangyari, sila'y lubhang natakot, at nagsabi, "Tunay na ito ang Anak ng Diyos!"