1. Sina Maala, Noa, Hogla, Milca at Tirza ay mga anak na babae ni Zelofehad. Si Zelofehad ay anak ni Gilead na anak ni Maquir, na anak ni Manases, na anak naman ni Jose.
2. Lumapit ang mga babaing ito kay Moises, sa paring si Eleazar, at sa mga pinuno ng Israel sa harap ng Toldang Tipanan. Sinabi nila,
3. “Ang aming ama ay namatay sa ilang. Hindi nga siya kasamang namatay sa pangkat ni Korah na naghimagsik laban kay Yahweh, subalit namatay naman siya dahil sa sarili niyang kasalanan. Namatay siyang hindi nagkaanak ng lalaki.
4. Dahil ba sa wala siyang anak na lalaki ay buburahin na ninyo siya sa listahan ng Israel? Bigyan ninyo kami ng kaparteng lupa tulad ng mga kamag-anak ng aming ama.”
5. Ang usaping ito'y iniharap ni Moises kay Yahweh,
6. at ganito ang sagot ni Yahweh,
7. “Tama ang mga anak ni Zelofehad. Dapat magkaroon ng kaparte ang kanilang ama. Ang mana niya ay ibigay mo sa kanyang mga anak.
8. At sabihin mo sa mga Israelita na kapag ang isang tao'y namatay na walang anak na lalaki, ang mana niya ay ibibigay sa mga anak na babae.
9. Kung wala ring anak na babae, ang kaparte niya ay ibibigay sa kanyang mga kapatid.
10. Kung wala siyang kapatid na lalaki ay ibibigay sa kanyang mga tiyo
11. at kung wala pa rin siyang tiyo, ang mana'y ibibigay sa pinakamalapit niyang kamag-anak. Ito ay mananatiling tuntunin sa Israel. Akong si Yahweh ang nagtakda nito bilang kautusan at tuntuning susundin ninyo.”
12. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Umakyat ka sa Bundok ng Abarim at tanawin mo ang lupaing ibibigay ko sa mga Israelita.
13. Pagkatapos, mamamatay ka na. Makakapiling mo na ang iyong mga yumaong magulang, tulad ng nangyari kay Aaron na iyong kapatid.
14. Sumuway ka rin sa akin sa ilang ng Zin nang maghimagsik sa akin ang buong sambayanan doon sa Meriba. Hindi mo pinakita sa mga Israelita doon sa may bukal na ako ay banal.” (Ito ang bukal doon sa Meriba sa Kades na nasa ilang ng Zin.)
15. Sinabi ni Moises,
16. “Hinihiling ko, Yahweh, Diyos na bukal ng buhay, na pumili kayo ng isang taong
17. mangunguna sa Israel upang ang iyong sambayanan ay hindi matulad sa mga tupang walang pastol.”
18. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Ipatawag mo si Josue na anak ni Nun; siya ay may natatanging kakayahan. Ipatong mo sa kanya ang iyong mga kamay.
19. Patayuin mo siya sa harapan ng paring si Eleazar at ng buong Israel at doo'y ipahayag mo siya bilang iyong kahalili.
20. Bigyan mo siya ng iyong kapangyarihan upang sundin siya ng buong Israel.
21. Kay Eleazar niya malalaman sa pamamagitan ng Urim kung ano ang aking kalooban. Kung ano ang sabihin ni Eleazar ay susundin ng buong kapulungan.”
22. Sinunod ni Moises ang lahat ng sinabi ni Yahweh. Ipinatawag nga niya si Josue, pinatayo sa harapan ni Eleazar at ng buong bayan.
23. Pagkatapos, ipinatong niya rito ang kanyang mga kamay at ipinahayag na kahalili niya.
1. Sinabi ni Yahweh kay Moises,
2. “Sabihin mo sa mga Israelita na sila'y mag-alay sa akin ng mga handog na pagkaing butil, handog na susunugin, at mababangong handog sa takdang panahon.
3. “Ito ang ihahandog nila sa akin araw-araw bilang handog na susunugin: dalawang tupa na tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan;
4. isa sa umaga at isa sa hapon.
5. Ito'y sasamahan ng kalahating salop ng harina at minasa sa isang litrong langis ng olibo.
6. Ito ang pang-araw-araw ninyong handog na susunugin tulad ng sinabi ko sa inyo sa Bundok ng Sinai, isang mabangong handog sa akin.
7. Samahan ninyo ito ng isang litrong handog na inumin na inyong ibubuhos sa Dakong Banal para sa akin.
8. Ang isa pang tupa ay ihahandog nga sa hapon at sasamahan din ng handog na pagkaing butil at handog na inumin, tulad ng handog sa umaga, upang ang usok nito'y maging mabangong samyo para sa akin.
9. “Tuwing Araw ng Pamamahinga, dalawang lalaking tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan ang inyong ihahandog. Sasamahan din ito ng handog na pagkaing butil at handog na inumin. Ang handog na pagkaing butil ay isang salop na harina at minasa sa langis ng olibo.
10. Ito ay ihahandog ninyo tuwing Araw ng Pamamahinga, bukod sa pang-araw-araw ninyong handog.
11. “Tuwing unang araw ng buwan, ito naman ang ihahandog ninyo: dalawang batang toro, isang lalaking tupa at pitong batang tupa na walang kapintasan.
12. Ang handog na pagkaing butil ay isa't kalahating salop ng harinang minasa sa langis para sa bawat toro; isang salop para sa isang tupa,
13. at kalahating salop naman sa bawat batang tupa. Ito ay handog na susunugin, isang mabangong samyo para sa akin.
14. Ang inuming handog naman ay dalawang litro para sa bawat toro, 1 1/3 litro sa bawat lalaking tupa at isang litro naman sa bawat batang tupa. Ito ang buwanan ninyong handog.
15. Bukod sa pang-araw-araw na handog na susunugin at handog na pagkain, maghahandog pa rin kayo ng isang kambing na lalaki para sa kasalanan.
16. “Ang ika-14 na araw ng unang buwan ay Pista ng Paskwa ni Yahweh.
17. Ang ika-15 araw ang simula ng pista, at pitong araw kayong kakain ng tinapay na walang pampaalsa.
18. Sa unang araw, magdaraos kayo ng banal na pagpupulong. Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon.
19. Sa halip, magdala kayo ng handog na susunugin. Ito ang ihahandog ninyo: dalawang batang toro, isang lalaking tupa at pitong tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan.
20. Ito'y sasamahan ninyo ng handog na pagkaing butil: isa't kalahating salop ng harina na minasa sa langis para sa bawat toro, isang salop sa bawat lalaking tupa
21. at kalahating salop sa bawat batang tupa.
22. Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa katubusan ng kasalanan ng bayan.
23. Ang mga ito'y ihahandog ninyo bukod pa sa pang-araw-araw na handog.
24. Sa loob ng pitong araw, iyan ang mga handog na inyong susunugin, isang mabangong samyo para sa akin. Ito'y inyong gagawin maliban pa sa pang-araw-araw na handog na sinusunog at sa inuming handog.
25. Sa ikapitong araw, magdaraos muli kayo ng banal na pagpupulong. Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon.
26. “Sa unang araw ng Pista ng Pag-aani, magdaraos din kayo ng banal na pagpupulong at doon ninyo ihahandog ang unang ani ng inyong mga bukid. Huwag din kayong magtatrabaho sa araw na iyon.
27. Sa halip, mag-alay kayo ng handog na susunugin; handog na mabangong samyo kay Yahweh. Ito ang inyong ihahandog: dalawang batang toro, isang lalaking tupa, at pitong batang tupa.
28. Sasamahan ninyo ito ng handog na pagkaing butil: isa't kalahating salop ng harina na minasa sa langis ng olibo para sa bawat toro, isang salop para sa bawat lalaking tupa
29. at kalahating salop para sa bawat batang tupa.
30. Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa katubusan ng kasalanan ng bayan.
31. Ito'y ihahandog ninyo, kasama ng handog na inumin, bukod sa pang-araw-araw na handog na susunugin at handog na pagkaing butil. Kinakailangang ang mga ito'y walang kapintasan.
8. Tingnan mo at lasapin ang kabutihan ni Yahweh; mapalad ang mga taong nananalig sa kanya.
9. Matakot kay Yahweh, kayo na kanyang bayan, nang makamtan ninyo ang lahat ng bagay.
10. Kahit mga leon ay nagugutom din, sila'y nagkukulang sa hustong pagkain; ngunit ang sinumang kay Yahweh ay sumunod, mabubuting bagay, sa kanya'y di mauudlot.
11. Lapit, ako'y dinggin mga kaibigan, at kayo ngayo'y aking tuturuan na si Yahweh ay dapat sundi't igalang.
12. Sinong may gusto ng mahabang buhay; sinong may nais ng masaganang buhay?
13. Dila mo'y pigilan sa paghabi ng kasamaan.
14. Mabuti ang gawi't masama'y layuan pagsikapang kamtin ang kapayapaan.
29. Ang nagpupunla ng gulo sa sariling sambahayan, mag-aani ng problema, gugulo ang pamumuhay. Ang taong mangmang at walang nalalaman, ay alipin ng matalino habang siya'y nabubuhay.
1. Dalawang araw na lamang at Pista na ng Paskwa at ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Ang mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan ay patuloy na naghahanap ng paraan upang maipadakip si Jesus nang palihim at maipapatay.
2. “Huwag sa kapistahan at baka magkagulo ang mga tao,” sabi nila.
3. Nasa Bethania noon si Jesus, sa bahay ni Simon na may ketong. Habang siya'y kumakain, dumating ang isang babaing may dalang isang sisidlang alabastro na puno ng napakamahal na pabango mula sa katas ng purong nardo. Binasag niya ang sisidlan at ibinuhos ang pabango sa ulo ni Jesus.
4. Nagalit ang ilang naroroon at sila'y nag-usap-usap, “Bakit niya inaksaya ang pabango?
5. Maaaring ipagbili iyon nang mahigit sa tatlong daang salaping pilak at maibigay sa mga dukha ang pinagbilhan!” At pinagalitan nila ang babae.
6. Ngunit sinabi naman ni Jesus, “Bakit ninyo siya ginugulo? Pabayaan ninyo siya! Isang mabuting bagay ang ginawa niyang ito sa akin.
7. Sapagkat habang panaho'y kasama ninyo ang mga dukha, at anumang oras ninyong naisin ay makakagawa kayo sa kanila ng mabuti. Ngunit ako'y hindi ninyo kasama habang panahon.
8. Ginawa niya ang kanyang makakaya; hindi pa ma'y binuhusan na niya ng pabango ang aking katawan bilang paghahanda sa paglilibing sa akin.
9. Tandaan ninyo, saanman sa buong mundo ipangaral ang Magandang Balita, ang ginawa ng babaing ito ay ipahahayag bilang pag-alaala sa kanya.”
10. Si Judas Iscariote, na kabilang sa Labindalawa, ay pumunta sa mga punong pari upang ipagkanulo si Jesus.
11. Natuwa sila nang marinig nila ang alok ni Judas at nangakong bibigyan siya ng salapi. Mula noo'y humanap na si Judas ng pagkakataong maipagkanulo si Jesus.
12. Unang araw noon ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, araw ng paghahain ng korderong pampaskwa. Tinanong si Jesus ng kanyang mga alagad, “Saan po ninyo nais na maghanda kami ng hapunang pampaskwa?”
13. Inutusan niya ang dalawa sa kanyang mga alagad, “Pumunta kayo sa bayan at may masasalubong kayong isang lalaking may dalang banga ng tubig. Sundan ninyo siya
14. sa bahay na kanyang papasukan at sabihin ninyo sa may-ari, ‘Ipinapatanong po ng Guro kung mayroon kayong silid na maaaring magamit niya at ng kanyang mga alagad para sa hapunang pampaskwa.’
15. At ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na mayroon nang kagamitan. Doon kayo maghanda para sa atin.”
16. Nagpunta nga sa bayan ang mga alagad at natagpuan nila roon ang lahat, gaya ng sinabi ni Jesus sa kanila. At inihanda nila ang hapunang pampaskwa.
17. Kinagabihan, dumating si Jesus na kasama ang Labindalawa.
18. Habang sila'y kumakain, sinabi ni Jesus, “Tandaan ninyo ito: isa sa inyo na kasalo ko ngayon ay magkakanulo sa akin.”
19. Nalungkot ang mga alagad, at ang bawat isa ay nagtanong sa kanya, “Hindi ako iyon, di po ba, Panginoon?”
20. Sumagot siya, “Isa siya sa inyong labindalawa, na kasabay ko sa pagsawsaw ng tinapay sa mangkok.
21. Papanaw ang Anak ng Tao ayon sa nasusulat tungkol sa kanya, subalit kahabag-habag ang taong magkakanulo sa kanya! Mabuti pa sa taong iyon ang hindi na siya ipinanganak.”
22. Habang kumakain sila, si Jesus ay dumampot ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos. Pagkatapos, kanyang pinaghati-hati ang tinapay at iniabot sa mga alagad. Sinabi niya, “Kunin ninyo ito; ito ang aking katawan.”
23. Dumampot din siya ng kopa at matapos magpasalamat sa Diyos ay iniabot din niya iyon sa mga alagad, at uminom silang lahat.
24. Sinabi niya, “Ito ang aking dugo; pinapagtibay nito ang tipan ng Diyos. Ang aking dugo ay mabubuhos para sa marami.
25. Tandaan ninyo: hinding-hindi na ako muling iinom pa ng katas ng ubas hanggang sa araw na inumin kong panibago sa kaharian ng Diyos.”
26. Umawit sila ng isang himno, at pagkatapos ay nagpunta sila sa Bundok ng mga Olibo.
Tagalog Bible 2012
New Testament 2012 Philippine Bible Society Old Testament 2005 Philippine Bible Society