Bibliya sa isang taon

1. Ito naman ang sagot ni Job:
2. “Hanggang ngayon ay masama pa itong aking loob, bagama't ako'y nananangis, pinaparusahan pa rin ng Diyos.
3. Kung alam ko lamang kung saan siya matatagpuan, pupuntahan ko siya sa kanyang kinaroroonan.
4. Ihaharap ko sa kanya ang aking kalagayan at ilalahad kong lahat ang aking katuwiran.
5. Gusto kong malaman ang isasagot niya sa akin; nais kong maunawaan ang kanyang sasabihin.
6. Gagamitin kaya sa akin ang lahat niyang kapangyarihan? Hindi! Sa halip, hinaing ko'y kanyang papakinggan.
7. Sapagkat ako'y taong matuwid na haharap sa kanya, kanyang ipahahayag na ako'y walang sala.
8. “Sa dakong silangan, hindi ko siya natagpuan; hindi ko rin siya nakita sa gawing kanluran.
9. Di ko rin siya nakita sa dakong hilaga, at sa bandang timog, ni bakas ay wala.
10. Ngunit alam ng Diyos ang aking bawat hakbang; kapag sinubok niya, lalabas ang kadalisayan.
11. Pagkat landas niya'y aking nilakaran, hindi ako lumihis sa ibang daanan.
12. Ako'y hindi lumalabag sa kanyang kautusan, at ang kanyang mga salita ay aking iniingatan.
13. “Hindi siya nagbabago at di kayang salungatin, walang makakapigil sa nais niyang gawin.
14. Isasakatuparan niya ang plano niya sa akin, ang marami niyang balak ay kanyang gagawin.
15. Kaya ako'y natatakot na sa kanya'y humarap; isipin ko lamang ito, ako ay nasisindak.
16. Pinanghihina ng Diyos ang aking kalooban, tinatakot ako ng Makapangyarihan.
17. Sapagkat kadiliman ang nasa aking palibot, dilim nitong taglay sa mukha ko ay bumalot.
1. “Bakit di nagtatakda ang Makapangyarihang Diyos ng araw ng paghuhukom, upang masaksihan ng mga matuwid ang kanyang paghatol?
2. “Binabago ng mga tao ang hangganan ng mga lupa, nagnanakaw ng mga hayop na iba ang nag-alaga.
3. Tinatangay nila ang asno ng mga ulila, kinakamkam sa mga biyuda ang bakang isinangla.
4. Ang mahirap ay itinataboy sa lansangan; at dahil sa takot, naghahanap ito ng taguan.
5. “Kaya ang dukha, tulad ay asnong mailap, hinahalughog ang gubat, mapakain lang ang anak.
6. Gumagapas sila sa bukid na hindi kanila, natirang ubas ng mga masasama pinupulot nila.
7. Kanilang katawan ay walang saplot; sa lamig ng gabi, wala man lamang kumot.
8. Nauulanan sila doon sa kabundukan; mga pagitan ng bato ang kanilang silungan.
9. “Inaalipin ng masasama ang mga ulila; mga anak ng may utang, kanilang kinukuha.
10. Hubad na pinaglalakad ang mga mahirap, labis ang gutom habang sila'y pinapagapas.
11. Sila ang nagkakatas ng ubas at olibo, ngunit di man lamang makatikim ng alak at langis nito.
12. Mga naghihingalo at mga sugatan, sa loob ng lunsod ay nagdadaingan, ngunit di pa rin pansin ng Diyos ang kanilang panawagan.
13. “May mga taong nagtatakwil sa liwanag; di nila ito maunawaan, patnubay nito'y ayaw sundan.
14. Bumabangon ang mamamatay-tao sa madaling araw, at ang kawawang dukha'y kanyang pinapaslang. Pagsapit naman ng gabi, siya ay nagnanakaw.
15. Ang nakikiapid ay naghihintay na dumilim, nagtatakip ng mukha upang walang makapansin.
16. Kung gabi naman sumasalakay ang mga magnanakaw; ayaw nila sa liwanag kaya't nagtatago pagsikat ng araw.
17. Liwanag ng araw ay kanilang kinatatakutan, ngunit di sila nasisindak sa matinding kadiliman.”
18. Sinabi ni Zofar, “Ang masamang tao'y tinatangay ng baha, sinumpa ng Diyos ang kanilang lupa; sa ubasan nila'y ni walang mangahas magsaka.
19. Kung paanong ang yelo ay natutunaw sa tag-init, gayundin ang masama, naglalaho sa daigdig.
20. Kahit ang kanyang ina sa kanya'y nakakalimot; parang punong nabuwal, inuuod at nabubulok.
21. Pagkat inapi niya ang babaing di nagkaanak, at ang mga biyuda ay kanyang hinamak.
22. Winawasak ng Diyos ang buhay ng malalakas; kapag siya ay kumilos, ang masama'y nagwawakas.
23. Hayaan man ng Diyos na mabuhay ito nang tiwasay, sa bawat sandali, siya'y nagbabantay.
24. Umunlad man ang masama, ngunit panandalian lamang, natutuyo ring tulad ng damo at halaman, parang bungkos ng inani na binunot sa taniman.
25. Kasinungalingan ba ang sinasabi ko? Sinong makapagpapatunay na ito'y di totoo?”
1. Ito naman ang sagot ni Bildad na Suhita:
2. “Makapangyarihan ang Diyos dapat siyang igalang; naghaharing mapayapa sa buong sangkalangitan.
3. Ang kanyang mga anghel ay hindi mabibilang, lahat ay nasisikatan ng kanyang kaliwanagan.
4. Maaari bang maging matuwid ang tao sa paningin ng Diyos? Sa harapan ng Maykapal siya ba'y dalisay nang lubos?
5. Para sa Diyos, ang buwan ay walang ningning, at ang mga bituin ay marumi sa kanyang tingin.
6. Gaano pa ang tao na isa lamang hamak na uod, may halaga kaya siya sa paningin ng Diyos?”
7. O si Yahweh ay purihin ng lahat sa daigdigan! Purihin ang lakas niya at kanyang kaluwalhatian!
8. Ang pagpuri ay iukol sa pangalan niyang banal, dumulog sa kanyang templo't maghandog ng mga alay.
9. Kung si Yahweh ay dumating, sa likas niyang kabanalan, humarap na nanginginig ang lahat sa sanlibutan.
10. “Si Yahweh ay siyang hari,” sa daigdig ay sabihin, “Sanlibuta'y matatag na, kahit ito ay ugain; sa paghatol sa nilikha, lahat pantay sa paningin.”
9. Ingatan mo ang iyong dila sa harap ng mga mangmang, hindi nila mauunawaan kahit gaano kaganda ang sabihin mo.
1. Tayong malalakas sa paniniwala ay dapat tumulong sa mahihina at huwag ang pansariling kasiyahan lamang ang ating isipin.
2. Sikapin nating lahat na itaguyod ang kapakanan ng ating kapwa para sa kanyang ikalalakas.
3. Sapagkat maging si Cristo man ay hindi naghangad ng sariling kasiyahan subalit nagpaubaya; tulad ng nasusulat, “Ako ang binagsakan ng mga pag-alipusta na sa iyo ipinapatama.”
4. Anumang nasa Kasulatan noon pang una ay nasulat sa ikatututo natin, upang sa pamamagitan ng pagtitiis at sa pagpapalakas ng loob mula sa kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.
5. Ipagkaloob nawa ng Diyos, na siyang nagbibigay sa atin ng katatagan at lakas ng loob, na kayo'y mamuhay nang may pagkakaisa ayon kay Cristo Jesus,
6. upang sa gayon, nagkakaisa kayong magpupuri sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
7. Kung paanong kayo'y malugod na tinanggap ni Cristo, tanggapin ninyo ang isa't isa upang mapapurihan ang Diyos.
8. Sinasabi ko sa inyo, si Cristo'y naglingkod sa mga Judio upang patunayang ang Diyos ay tapat, at tumutupad sa mga pangako niya sa kanilang mga ninuno,
9. at upang ang mga Hentil naman ay magpuri sa Diyos dahil sa kanyang habag. Tulad ng nasusulat, “Kaya't sa gitna ng mga Hentil, ika'y aking pupurihin, At aawitan ko ang iyong pangalan.”
10. Sinabi rin, “Magalak kayo mga Hentil, kasama ng kanyang bayan!”
11. At muling sinabi, “Magpuri kayo sa Panginoon, kayong mga Hentil, lahat ng bansa ay magpuri sa kanya!”
12. Sinabi pa ni Isaias, “May isisilang sa angkan ni Jesse, upang maghari sa mga Hentil; siya ang kanilang magiging pag-asa.”
13. Puspusin nawa kayo ng Diyos na siyang bukal ng pag-asa, at nawa ay pagkalooban niya kayo ng kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, upang mag-umapaw ang inyong pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
14. Mga kapatid, lubos akong naniniwalang kayo mismo ay puspos ng kabutihan at punô ng kaalaman, kaya't matuturuan na ninyo ang isa't isa.
15. Gayunman, sa sulat na ito'y naglakas-loob akong paalalahanan kayo tungkol sa ilang bagay. Ginawa ko ito dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa akin
16. upang maging lingkod ni Cristo Jesus at gumanap ng tungkulin gaya ng isang pari sa mga Hentil. Ipinapangaral ko sa kanila ang Magandang Balita ng Diyos upang sila'y maging handog na kalugud-lugod sa kanya, dahil sila ay ginawang banal ng Espiritu Santo.
17. Kaya't sa pakikiisa ko kay Cristo Jesus, maipagmamalaki ko ang aking paglilingkod sa Diyos.
18. Wala akong pinapangahasang ipagmalaki kundi ang ginawa ni Cristo upang maakit ang mga Hentil na sumunod sa Diyos sa pamamagitan ng aking mga salita at gawa,
19. sa tulong ng mga himala at mga kababalaghan, at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos. Kaya't mula sa Jerusalem hanggang sa Ilirico, ipinangaral ko ang Magandang Balita tungkol kay Cristo.
20. Ang hangad ko'y ipangaral ito sa mga lugar na hindi pa nakikilala si Cristo, upang hindi ako magtayo sa pundasyon ng iba.
21. Subalit tulad ng nasusulat, “Makakakilala ang hindi pa nakakabalita tungkol sa kanya. Makakaunawa ang hindi pa nakakarinig tungkol sa kanya.”
22. Iyan ang dahilan kung bakit hindi ako matuluy-tuloy sa pagpunta sa inyo.
23. Ngunit ngayong tapos na ang gawain ko sa lupaing ito, at dahil matagal ko na ring gustong pumunta riyan,
24. inaasahan kong magkikita-kita tayo pagdaan ko riyan papuntang Espanya. Inaasahan ko ring ako'y tutulungan ninyong makarating doon matapos nating magkasama-sama nang sandaling panahon.
Tagalog Bible 2012
New Testament 2012 Philippine Bible Society Old Testament 2005 Philippine Bible Society