1. Ito ang pahayag tungkol sa Tiro: Manangis kayo, mga mangangalakal sa Tarsis, sapagkat ang Tiro na inyong daungan ay wasak na; wala na kayong mga tahanang matitirhan! Ito'y inihayag na sa inyo mula sa lupain ng Cyprus.
2. Tumahimik kayo, mga nakatira sa dalampasigan; kayong mga mangangalakal ng Sidon, nagpadala kayo ng inyong mga mensahero sa ibayong dagat,
3. upang bilhin at ipagbili ang mga trigo ng Sihor, ang trigong inani sa kapatagan ng Nilo, at upang makipagkalakal sa lahat ng bansa.
4. Lunsod ng Sidon, mahiya ka naman! Isinusuka ka na ng karagatan, sapagkat ganito ang kanyang pahayag: “Kailanma'y hindi ako nagkaanak; wala akong pinalaking mga anak na lalaki at babae.”
5. Kapag umabot sa mga Egipcio ang pagkawasak ng Tiro, sila'y tiyak na magigimbal at mapapahiya.
6. Tumawid kayo sa Tarsis; manangis kayo mga nakatira sa dalampasigan!
7. Ito ba ang masaya at maingay na lunsod ng Tiro na natatag noon pang unang panahon? Ito ba ang lunsod na nagsugo ng mga mamamayan sa ibayong dagat upang doo'y magtayo ng mga bayan?
8. Sinong nagbalak nito laban sa maharlikang lunsod ng Tiro, na kinikilala ang mga dakilang mangangalakal, at pinaparangalan sa lahat ng bansa?
9. Si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang nagplano nito upang hamakin ang kanilang kataasan at hiyain ang mga taong dinadakila ng sanlibutan.
10. Kayong mangangalakal ng Tarsis, sakahin na ninyo ang inyong lupain na tulad ng Nilo, sapagkat wala nang gagambala sa inyo.
11. Ang parusa ni Yahweh ay abot hanggang sa ibayong dagat at ibinagsak ang mga kaharian; iniutos na niyang wasakin ang mga kuta sa Canaan.
12. Ang sabi ni Yahweh, “Lunsod ng Sidon, tapos na ang maliligayang araw mo! Kahit na pumunta ka sa Cyprus ay nanganganib ka pa rin.”
13. Masdan ninyo ang lupain ng mga taga-Babilonia, ang bayang ito ay hindi Asiria, at ang Tiro ay pinananahanan na ng mga ligaw na hayop. Pinaligiran siya ng mga tore at mga kuta, at winasak ang kanyang mga palasyo.
14. Manangis kayo mga mangangalakal ng Tarsis, sapagkat wasak na ang inyong inaasahan.
15. Pitumpung taon na malilimot ang Tiro, sintagal ng buhay ng isang hari. Ngunit pagkatapos ng panahong iyon, siya'y muling babangon at matutulad sa babaing binabanggit sa awit na ito:
16. “Tugtugin mo ang iyong alpa, babaing haliparot, libutin mo ang lunsod; galingan mo ang pagtugtog sa alpa, umawit ka ng maraming awitin upang ikaw ay muling balikan.”
17. Pagkatapos ng pitumpung taon, muling lilingapin ni Yahweh ang lunsod ng Tiro. Manunumbalik ito sa dating pamumuhay at muling ibebenta ang sarili sa lahat ng kaharian sa daigdig.
18. Ang kanilang tutubuin sa hanapbuhay ay hindi na nila iipunin. Sa halip, ito'y ihahandog nila kay Yahweh upang ibili ng pagkain at kasuotan ng mga taong sumasamba sa kanya.
1. Ang daigdig ay wawasakin ni Yahweh, sasalantain niya ang mga lupain at pangangalatin ang mga tao.
2. Iisa ang sasapitin ng lahat—mamamayan at pari, alipin at panginoon; alila at may-ari ng bahay, nagtitinda't namimili, nangungutang at nagpapautang.
3. Mawawasak ang daigdig at wala nang papakinabangin dito; mangyayari ito sapagkat sinabi ni Yahweh.
4. Matutuyo at malalanta ang lupa, manghihina ang buong sanlibutan. Ang langit at ang lupa ay mabubulok.
5. Sinira na ang daigdig ng mga naninirahan dito dahil sinuway nila ang katuruan ng Diyos; at nilabag ang kanyang mga utos; winasak nila ang walang hanggang tipan.
6. Kaya susumpain ng Diyos ang daigdig, at magdurusa ang mga tao dahil sa kanilang kasamaan, mababawasan ang mga naninirahan sa lupa; kaunti lamang ang matitira sa kanila.
7. Mauubos ang alak, malalanta ang ubasan, ang mga nagsasaya'y daranas ng kalungkutan.
8. Ang masayang tugtog ng tamburin ay hindi na maririnig; titigil na ang ingay ng mga nagsasaya; mapaparam ang masayang tunog ng alpa!
9. Mawawala na rin ang pag-iinuman ng alak sa saliw ng awitan, ang alak ay magiging mapait sa panlasa.
10. Magulo ang lunsod na winasak; ang pintuan ng bawat tahanan ay may harang upang walang makapasok.
11. Sa mga lansangan ay sumisigaw sila dahil kulang ng alak, nawala na ang kagalakan at nauwi sa kalungkutan; lahat ng kasayahan ay napawi sa lupa.
12. Naguho na ang buong lunsod, ang pinto nito'y nagkadurug-durog.
13. Ganyan din ang mangyayari sa lahat ng bansa sa buong daigdig; parang puno ng olibo matapos lagasin ang bunga, tulad ng ubasan matapos ang anihan.
14. Silang nakaligtas ay aawit dahil sa kagalakan, mula sa kanluran ay kanilang dadakilain si Yahweh.
15. Pupurihin siya doon sa silangan, at ipagbubunyi ang pangalan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, sa baybayin ng dagat.
16. May awit ng pagpupuring maririnig, maging sa pinakamalalayong dulo ng daigdig, bilang papuri sa Diyos na Matuwid. Ngunit ang sabi ko naman, “Nalulungkot ako. Nasasayang lamang ang panahon. Wala na akong pag-asa. Patuloy ang panlilinlang ng mga taksil. Palala nang palala ang kanilang pagtataksil.”
17. Mga tao sa daigdig, naghihintay sa inyo ang matinding takot, malalim na hukay, at nakaumang na bitag.
18. Sinumang tumakas dahil sa takot, sa balong malalim, doon mahuhulog. Pag-ahon sa balon na kinahulugan, bitag ang siyang kasasadlakan. Sapagkat mabubuksan ang durungawan ng langit, at mauuga ang pundasyon ng daigdig.
19. Ang daigdig ay tuluyang mawawasak, sa lakas ng uga ito'y mabibiyak.
20. Ang lupa'y tulad ng lasenggong pasuray-suray at kubong maliit na hahapay-hapay, sa bigat ng kasalanang kanyang tinataglay, tiyak na babagsak ang sandaigdigan at hindi na babangon magpakailanman.
21. Darating ang araw na paparusahan ni Yahweh ang hukbo ng kasamaan sa himpapawid, gayundin ang mga hari dito sa daigdig.
22. Tulad ng mga bilanggo, ihuhulog silang sama-sama sa isang malalim na balon; ikukulong sila sa piitang bakal, at paparusahan pagkaraan ng maraming araw.
23. Mawawala ang liwanag ng araw at buwan, at maghahari si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, sa Bundok ng Zion, at sa Jerusalem. Doo'y mahahayag ang kanyang kaluwalhatian, sa harap ng mga pinuno ng bayan.
10. Sa dakong madilim, may mga nakaupo na puspos ng lungkot, bilanggo sa dusa, at sa kahirapan sila'y nagagapos.
11. Ang dahilan nito— sila'y naghimagsik, lumaban sa Diyos; mga pagpapayo ng Kataas-taasan ay hindi sinunod.
12. Nahirapan sila, pagkat sa gawain sila'y hinagupit; sa natamong hirap, nang sila'y bumagsak ay walang lumapit.
13. Sa gitna ng hirap, kay Yahweh sila ay tumawag; at dininig naman yaong kahilingan na sila'y iligtas.
14. Sa dakong madilim, sila ay hinango sa gitna ng lungkot, at ang tanikala sa kamay at paa ay kanyang nilagot.
15. Kaya dapat namang kay Yahweh ay magpasalamat, dahil sa pag-ibig at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
16. Winawasak niya, maging mga pinto na yari sa tanso, ang rehas na bakal ay nababaluktot kung kanyang mahipo.
17. May nangagkasakit, dahil sa kanilang likong pamumuhay; dahil sa pagsuway, ang dinanas nila'y mga kahirapan.
18. Anumang pagkain na makita nila'y di na magustuhan, anupa't sa anyo, di na magluluwat ang kanilang buhay.
19. Sa ganoong lagay, sila ay tumawag kay Yahweh, tinulungan sila at sa kahirapan, sila ay tinubos.
20. Sa salita lamang na kanyang pahatid sila ay gumaling, at naligtas sila sa kapahamakang sana ay darating.
21. Kaya't dapat namang kay Yahweh ay magpasalamat, dahil sa pag-ibig at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
22. Dapat ding dumulog, na dala ang handog ng pasasalamat, lahat ng ginawa niya'y ibalita, umawit sa galak!
17. Huwag mong dadalasan ang dalaw sa kapwa, baka siya mabagot at sa iyo'y magsawa.
8. Mga kapatid, nais naming malaman ninyo ang mga kapighatiang dinanas namin sa Asia. Napakabigat ng aming dinanas, anupa't akala namin ay mamamatay na kami.
9. Para kaming hinatulan ng kamatayan. Subalit nangyari iyon upang huwag kaming manalig sa aming sarili, kundi sa Diyos na muling bumubuhay sa mga patay.
10. Iniligtas niya kami sa malagim na kamatayan, at patuloy na ililigtas. Kami'y umaasa rin na patuloy niya kaming ililigtas
11. sa tulong ng inyong mga panalangin. Sa gayon, marami ang magpapasalamat sa Diyos dahil sa pagpapala niya sa amin bilang tugon sa panalangin ng marami.
12. Ito ang aming ipinagmamalaki at pinapatunayan naman ng aming budhi: tapat at walang pagkukunwari ang aming pakikisama sa lahat, lalo na sa inyo. Subalit nagawa namin ito sa kagandahang-loob ng Diyos at hindi sa pamamagitan ng karunungan ng tao.
13. Ang isinulat namin sa inyo ay iyon lamang kaya ninyong basahin at unawain. Gayon pa man, hindi pa rin ninyo kami lubos na maunawaan.
14. Ngunit umaasa akong mauunawaan din ninyo kami, upang sa araw ng ating Panginoong Jesus ay maipagmalaki ninyo kami kung paanong maipagmamalaki namin kayo.
15. Dahil sa natitiyak ko ito, binalak kong pumunta muna diyan upang dalawang ulit kayong pagpalain.
16. Binalak kong dalawin muna kayo diyan bago pumunta sa Macedonia, at dumaan muli sa pagbabalik ko galing doon upang matulungan ninyo ako sa pagpunta ko sa Judea.
17. Ako ba'y nagdadalawang-isip nang balakin ko ito? Ako ba'y nagpaplanong tulad ng mga taga-sanlibutan, na nagsasabi ng “Oo” at pagkatapos ay hindi naman pala?
18. Kung paanong ang Diyos ay tapat, gayundin ang aming salita sa inyo ay “Oo” kung “Oo” at “Hindi” kung “Hindi”.
19. Ang Anak ng Diyos, na si Jesu-Cristo, na ipinangaral namin nina Silvano at Timoteo, ay hindi “Oo” at “Hindi” dahil lagi siyang “Oo,”
20. sapagkat kay Cristo, ang lahat ng pangako ng Diyos ay palaging “Oo”. Dahil dito, nakakasagot tayo ng “Amen” sa pamamagitan niya para sa ikaluluwalhati ng Diyos.
21. Ang Diyos ang nagpapatibay sa amin at sa inyo sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Cristo, at siya rin ang humirang sa amin.
22. Nilagyan niya kami ng kanyang tatak at pinagkalooban ng kanyang Espiritu bilang patunay na tutuparin niya ang kanyang mga ipinangako.
23. Saksi ko ang Diyos, alam niya ang laman ng aking puso. Hindi muna ako pumunta riyan sa Corinto sapagkat kayo rin ang inaalala ko.
24. Hindi sa nais naming pangunahan kayo sapagkat alam naming sinisikap ninyong maging matatag sa pananampalataya. Nais lamang naming tumulong upang maging maligaya kayo.
Tagalog Bible 2012
New Testament 2012 Philippine Bible Society Old Testament 2005 Philippine Bible Society