Bibliya sa isang taon

1. Minsa'y nagtanong si David, “Mayroon pa bang nalalabi sa sambahayan ni Saul? Gusto kong ipadama sa kanya ang aking kagandahang-loob alang-alang kay Jonatan.”
2. Nang buháy pa si Saul, may alipin siyang Ziba ang pangalan, kaya't ipinatawag ito ni David. Paglapit ni Ziba, tinanong siya ng hari, “Ikaw ba si Ziba?” “Ako nga po, mahal na hari” tugon niya.
3. “May nalalaman ka bang buháy sa sambahayan ni Saul? Gusto ko siyang pakitaan ng mabuti, ayon sa aking pangako sa Diyos,” wika ng hari. “Mayroon po. Si Mefiboset na anak ni Jonatan. Siya po'y isang lumpo,” tugon ni Ziba.
4. “Saan siya naroon?” tanong muli ng hari. “Nasa Lo-debar po, nakatira sa bahay ni Maquir na anak ni Amiel,” sagot ni Ziba.
5. Ipinasundo agad ni David
6. si Mefiboset, anak ni Jonatan at apo ni Saul. Nang maiharap siya kay David, siya'y nagpatirapa bilang pagbibigay-galang. “Ikaw ba si Mefiboset?” tanong ng hari. “Ako nga po, mahal na hari” sagot naman nito.
7. Sinabi ni David, “Huwag kang matakot. Gagawin ko ang lahat ng magagawa ko para sa iyo, alang-alang kay Jonatan. Ibabalik ko sa iyo ang lahat ng lupain ng iyong lolong si Saul, at laging nakahanda ang aking hapag para sa iyo.”
8. Nagpatirapang muli si Mefiboset, at sinabi niya, “Sino po ako para pag-ukulan ng pansin? Ako'y walang silbi!”
9. Tinawag ni David si Ziba at sa harapan niya'y sinabi, “Ibibigay ko sa apo ni Saul ang lahat ng ari-arian niya at ng kanyang sambahayan.
10. Kayo ng iyong mga anak at mga alipin ang magbubungkal ng kanyang lupain. Aalagaan ninyong mabuti upang mag-ani nang sagana at magkaroon ng sapat na pagkain ang sambahayan ng iyong panginoon. Ngunit si Mefiboset ay sa akin sasalo ng pagkain.” Ang mga anak ni Ziba ay labinlima at dalawampu ang kanyang mga alipin.
11. Sumagot si Ziba, “Masusunod pong lahat ang utos ninyo, Kamahalan.” At mula noo'y kasalo na ni David si Mefiboset, parang tunay na anak niya.
12. Si Mefiboset ay may bata pang anak na lalaki na ang pangala'y Mica. Mula nga noon, ang buong sambahayan ni Ziba ay naglingkod kay Mefiboset.
13. Kaya't si Mefiboset na pilay ang parehong paa ay nanirahan sa Jerusalem, at kasalo ng hari sa pagkain.
1. Hindi nagtagal at namatay ang hari ng mga Ammonita. Ang pumalit dito ay ang anak niyang si Hanun.
2. Sinabi ni David, “Kakaibiganin ko si Hanun, ang anak ni Nahas, sapagkat kaibigan kong matalik ang kanyang ama.” Kaya't nagsugo siya ng mga kinatawan upang makiramay sa kanya. Ngunit nang dumating ang mga ito,
3. sinabi ng mga pinunong Ammonita kay Hanun, “Nakakatiyak ba kayo na talagang pinaparangalan ni David ang inyong ama sa kanyang pakikiramay sa inyo? Hindi kaya lihim na nagmamanman lamang ang mga sugong ito para masakop ang lunsod?”
4. Kaya't ipinahuli ni Hanun ang mga sugo ni David, inahit ang kalahati ng kanilang balbas, at ginupit ang kanilang kasuotan hanggang sa balakang, saka ipinagtabuyan.
5. Nang mabalitaan ni David ang ginawang paghamak na ito, ipinasalubong niya ang kanyang mga sugo sapagkat sila'y nahihiyang magbalik. Inutusan niyang doon na muna sila sa Jerico, hanggang hindi tumutubong muli ang kanilang balbas.
6. Nang malaman ng mga Ammonita na ito'y ikinagalit ni David, umupa sila ng 20,000 kawal mula sa Aram buhat sa Beth-rehob at Soba. Umupa rin sila ng 1,000 tauhan sa pangunguna ng hari ng Maaca, at 12,000 pang taga-Tob.
7. Nalaman ito ni David, kaya't pinalabas niya si Joab kasama ang lahat niyang mandirigma.
8. Dumating naman ang mga Ammonita at humanay sa pintuan ng lunsod. Samantala, sa labas ng kapatagan naman humanay ang mga kawal ng Aram, kasama ang mga tauhan nina Tob at Maaca.
9. Nang makita ni Joab ang mga kaaway sa kanilang harapan at likuran, itinapat niya sa mga kawal ng Aram ang pinakamahuhusay na kawal Israelita.
10. Ang iba niyang kawal ay ipinailalim niya sa pamumuno ni Abisai na kanyang kapatid, at iniharap naman sa mga Ammonita.
11. Sinabi ni Joab kay Abisai, “Kung hindi namin makakaya ang mga kawal ng Aram, tulungan ninyo kami. Kung hindi naman ninyo kaya ang mga Ammonita, kayo ang tutulungan namin.
12. Magpakatapang kayo! Lakasan ninyo ang loob sa paglaban alang-alang sa bayan at sa mga lunsod ng ating Diyos, at mangyari nawa ang kalooban ni Yahweh.”
13. Lumusob sina Joab at nang malapit na sila'y nagtakbuhan sa takot ang mga kawal ng Aram.
14. Pagkakita ng mga Ammonita sa nangyari, umatras na rin sila at pumasok sa lunsod dahil sa takot kay Abisai. Mula sa labanan, si Joab ay nagbalik sa Jerusalem.
15. Nang malaman ng mga taga-Siria na sila ay natalo ng mga Israelita, muli nilang tinipon ang kanilang hukbo.
16. Ipinatawag ni Hadadezer ang kanyang mga tauhan sa silangan ng Ilog Eufrates. Dumating sila sa Elam at ipinailalim sa pamumuno ni Sobac.
17. Umabot agad ito sa kaalaman ni David, kaya't tinipon niya ang buong hukbo ng Israel. Tumawid sila ng Ilog Jordan upang harapin ang mga kaaway sa Elam. Humanda naman ang mga kawal ng Aram, at sila'y naglaban.
18. Nalupig na naman sila at nagsitakas habang tinutugis ng mga Israelita. Ang napatay nina David ay 700 nakakarwahe at 40,000 kawal na nakakabayo. Pati si Sobac ay nasugatan nang malubha at namatay sa pook ng labanan.
19. Nang makita ng mga haring sakop ni Hadadezer na wala silang kalaban-laban sa Israel, sumuko na sila. Mula noon, hindi na tumulong kailanman ang mga taga-Siria sa mga Ammonita.
1. Marapat na ikaw, O Diyos, sa Zion ay papurihan, dapat nilang tupdin doon ang pangakong binitiwan,
2. pagkat yaong panalangin nila'y iyong dinirinig. Dahilan sa kasalanan, lahat sa iyo ay lalapit.
3. Bunga nitong pagkukulang, kaya kami nalulupig, gayon pa man, patawad mo'y amin pa ring nakakamit.
4. Silang mga hinirang mo, upang sa templo manahan, silang mga pinili mo'y mapalad na tuturingan! Magagalak kaming lubos sa loob ng templong banal, dahilan sa dulot nitong pagpapala sa nilalang.
5. Kami'y iyong dinirinig, Tagapagligtas naming Diyos, sa kahanga-hangang gawa, kami'y iyong tinutubos. Kahit sino sa daigdig, sa ibayong karagatan, may tiwala silang lahat sa taglay mong kabutihan.
6. Sa taglay mong kalakasan, mga bundok tumatatag; dakila ka't ang lakas mo ay sa gawa nahahayag!
7. Ang ugong ng karagatan, iyong pinatatahimik, pati along malalaki sa panahong nagngangalit; maging mga kaguluhan nilang mga nagagalit.
8. Dahilan sa ginawa mong mga bagay na dakila, natatakot ang daigdig, at ang buong sangnilikha. Bunga nitong ginawa mo, sa galak ay sumisigaw, buong mundo, kahit saang sulok nitong daigdigan.
20. Ang sumusunod sa payo ay mananagana, at mapalad ang taong kay Yahweh ay nagtitiwala.
21. Ang matalinong tao ay nakikilala sa kanyang pang-unawa, ang matamis niyang pangungusap ay panghikayat sa iba.
1. Pagkatapos nito, tumawid si Jesus sa ibayo ng Lawa ng Galilea, na tinatawag ding Lawa ng Tiberias.
2. Sinundan siya ng napakaraming tao sapagkat nakita nila ang mga himalang ginawa niya sa pagpapagaling sa mga maysakit.
3. Umakyat si Jesus sa bundok kasama ang kanyang mga alagad at naupo roon.
4. Noon ay malapit na ang Paskwa ng mga Judio.
5. Tumanaw si Jesus at nang makita niyang dumarating ang napakaraming tao, tinanong niya si Felipe, “Saan kaya tayo makakabili ng tinapay upang makakain ang mga taong ito?”
6. Sinabi niya iyon upang subukin si Felipe, sapagkat alam na niya ang kanyang gagawin.
7. Sumagot naman si Felipe, “Kahit na po halagang dalawandaang salaping pilak ng tinapay ay di sasapat para makakain sila nang tigkakaunti.”
8. Sinabi ni Andres na isa sa kanyang mga alagad at kapatid ni Simon Pedro,
9. “Mayroon po ritong isang batang lalaki na may dalang limang tinapay na sebada at dalawang isda. Subalit sasapat kaya ang mga ito?”
10. “Paupuin ninyo ang mga tao,” sabi ni Jesus. Madamo sa lugar na iyon. Umupo nga ang mga tao; sa kanila'y may humigit-kumulang sa limanlibo ang mga lalaki.
11. Kinuha ni Jesus ang tinapay at matapos magpasalamat sa Diyos ay ipinamahagi iyon sa mga taong nakaupo. Gayundin ang ginawa niya sa mga isda. Nakakain ang lahat at nabusog.
12. Nang makakain na ang mga tao, sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Ipunin ninyo ang lumabis nang di masayang.”
13. Ganoon nga ang ginawa nila, at nakapuno sila ng labindalawang kaing mula sa limang tinapay na sebada.
14. Nang makita ng mga tao ang himalang ginawa ni Jesus, sinabi nila, “Tunay na ito ang Propetang darating sa sanlibutan!”
15. Napansin ni Jesus na lalapitan siya ng mga tao at pipilitin siyang gawing hari, kaya't umalis siyang muli at mag-isang umakyat sa bundok.
16. Nang magtatakipsilim na, ang mga alagad ay pumunta sa tabi ng lawa.
17. Sumakay sila sa bangka at naglayag papuntang Capernaum. Madilim na'y wala pa si Jesus.
18. Lumakas ang hangin at lumaki ang alon.
19. Nang makasagwan na sila nang may lima o anim na kilometro, nakita nila si Jesus na lumalakad sa ibabaw ng tubig papalapit sa bangka, at sila'y natakot.
20. Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag kayong matakot. Ako ito!”
21. Tuwang-tuwa nilang pinasakay si Jesus; at kaagad na nakarating ang bangka sa kanilang pupuntahan.
Tagalog Bible 2012
New Testament 2012 Philippine Bible Society Old Testament 2005 Philippine Bible Society