1. At sinalita ng Panginoon kay Moises sa mga kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan sa Jerico, na sinasabi,
2. Iutos mo sa mga anak ni Israel, na kanilang bigyan ang mga Levita sa mana na kanilang pag-aari, ng mga bayan na matahanan; at ang mga pastulan sa palibot ng mga bayang yaon ay ibibigay ninyo sa mga Levita,
3. At mapapasa kanila ang mga bayan upang tahanan; at ang kanilang mga pastulan ay sa kanilang mga kawan, at sa kanilang mga pag-aari, at sa lahat nilang mga hayop.
4. At ang mga pastulan sa mga bayan, na inyong ibibigay sa mga Levita, ay isang libong siko sa palibot mula sa kuta ng bayan hanggang sa dakong labas.
5. At ang inyong susukatin sa labas ng bayan sa dakong silanganan ay dalawang libong siko, at sa dakong timugan ay dalawang libong siko, at sa dakong kalunuran ay dalawang libong siko, at sa dakong hilagaan ay dalawang libong siko, na ang bayan ay sa gitna. Ito ang magiging sa kanila'y mga pastulan sa mga bayan.
6. At ang mga bayan na inyong ibibigay sa mga Levita ay ang anim na bayan na ampunan, na siya ninyong ibibigay na matatakasan ng nakamatay ng tao: at bukod sa rito ay magbibigay kayo ng apat na pu't dalawang bayan.
7. Lahat ng mga bayan na inyong ibibigay sa mga Levita ay apat na pu't walong bayan: inyong ibibigay sangpu ng kanilang mga pastulan.
8. At tungkol sa mga bayan na pag-aari ng mga anak ni Israel na inyong ibibigay ay kukuha kayo ng marami sa marami; at sa kaunti ay kukuha kayo ng kaunti: bawa't isa ayon sa kaniyang mana na kaniyang minamana ay magbibigay sa kaniyang mga bayan sa mga Levita.
9. At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
10. Salitain mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Pagkaraan ninyo ng Jordan sa lupain ng Canaan,
11. Ay pipili nga kayo ng mga bayan na maging mga bayang ampunan sa inyo, upang ang nakamatay ng tao na pumatay ng sinomang tao na hindi sinasadya, ay makatakas doon.
12. At ang mga bayang yaong ay magiging sa inyo'y pinaka ampunan laban sa manghihiganti; upang ang nakamatay ay huwag mamatay, hanggang sa maitayo sa kapisanan na hatulan.
13. At ang mga bayan na inyong ibibigay ay anim na bayang ampunan sa inyo.
14. Magbibigay kayo ng tatlong bayan sa dako roon ng Jordan, at tatlong bayan ang ibibigay ninyo sa lupain ng Canaan; siyang magiging mga bayang ampunan.
15. Sa mga anak ni Israel, at sa taga ibang lupa, at sa makikipamayan sa kanila ay magiging ampunan ang anim na bayang ito: upang ang bawa't nakamatay ng sinomang tao, na hindi sinasadya, ay makatakas doon.
16. Nguni't kung kaniyang saktan ang kaniyang kapuwa ng isang kasangkapang bakal, na ano pa't namatay, siya nga'y mamamatay tao; ang mamamatay tao ay walang pagsalang papatayin.
17. At kung kaniyang saktan ng isang batong tangan niya sa kamay na ikamamatay ng isang tao, at namatay nga, mamamatay tao siya: ang mamamatay tao ay walang pagsalang papatayin.
18. O kung kaniyang saktan ng isang almas na kahoy na tangan niya sa kamay na ikamamatay ng tao, at namatay nga, ay mamamatay tao siya: ang mamamatay tao ay walang pagsalang papatayin.
19. Ang manghihiganti sa dugo ay siyang papatay sa pumatay: pagka nasumpungan niya ay kaniyang papatayin.
20. At kung kaniyang itinulak sa kapootan, o kaniyang hinagis na binanta, ano pa't siya'y namatay;
21. O sa pakikipagkaalit ay sinaktan niya ng kaniyang kamay, na ano pa't siya'y namatay: siya na sumakit ay walang pagsalang papatayin; siya'y mamamatay tao: ang manghihiganti sa dugo ay siyang papatay sa pumatay, pagka nasumpungan niya.
22. Nguni't kung sa kabiglaanan ay kaniyang maitulak na walang pakikipagkaalit, o mahagisan niya ng anomang bagay na hindi binanta,
23. O ng anomang bato na ikamamatay ng tao, na hindi niya nakikita at kaniyang maihagis sa kaniya, na ano pa't namatay at hindi niya kaaway, at hindi niya pinagaakalaan ng masama:
24. Kung gayo'y ang kapisanan ang siyang hahatol sa sumakit at sa manghihiganti sa dugo, ayon sa mga kahatulang ito:
25. At ililigtas ng kapisanan ang nakamatay sa kamay ng manghihiganti sa dugo, at siya'y pababalikin ng kapisanan sa kaniyang bayang ampunan, na kaniyang tinakasan: at siya'y tatahan doon hanggang sa pagkamatay ng pangulong saserdote, na pinahiran ng banal na langis.
26. Nguni't kung ang nakamatay ay lumabas sa anomang dahilan, sa hangganan ng kaniyang bayang ampunan, na kaniyang tinakasan;
27. At masumpungan siya ng manghihiganti sa dugo sa labas ng hangganan ng kaniyang bayang ampunan, at patayin ng manghihiganti sa dugo ang nakamatay, ay hindi siya magiging salarin sa dugo,
28. Sapagka't siya'y nararapat na tumira sa kaniyang bayang ampunan, hanggang sa pagkamatay ng dakilang saserdote: nguni't pagkamatay ng dakilang saserdote ang nakamatay ay makababalik sa lupain ng kaniyang pag-aari.
29. At ang mga bagay na ito ay magiging isang palatuntunan sa kahatulan sa inyo, sa buong panahon ng inyong mga lahi sa lahat ng inyong mga tahanan.
30. Sinomang pumatay sa kaninoman, ay papatayin ang pumatay sa patotoo ng mga saksi: nguni't ang isang saksi ay hindi makapagpapatotoo laban sa kaninomang tao upang patayin.
31. Bukod sa rito, huwag kayong tatanggap ng suhol sa buhay ng pumatay na nagiging salarin sa pagpapatay: kundi siya'y walang pagsalang papatayin.
32. At huwag kayong tatanggap ng suhol sa kaninomang tumakas sa kaniyang bayang ampunan, upang bumalik na manahan sa kaniyang lupain, hanggang sa pagkamatay ng dakilang saserdote.
33. Kaya't huwag ninyong dudumhan ang lupain na inyong kinaroroonan; sapagka't ang dugo ay nagpaparumi ng lupain: at walang paglilinis na magagawa sa lupa dahil sa dugo na nabubo doon, kundi sa pamamagitan ng dugo niyaong nagbubo.
34. At huwag ninyong dudumhan ang lupain na inyong tinatahanan, na ako'y tumahan sa gitna niyan: sapagka't akong Panginoon ay tumatahan sa gitna ng mga anak ni Israel.
1. At ang mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang ng mga anak ni Galaad, na anak ni Machir, na anak ni Manases, sa mga angkan ng mga anak ni Jose, ay nagsilapit, at nagsalita sa harap ni Moises at sa harap ng mga prinsipe, na mga pangulo sa mga sangbahayan ng mga magulang ng mga anak ni Israel:
2. At sinabi nila, Ang Panginoon ay nagutos sa aking panginoon na ibigay sa sapalaran ang lupain na pinakamana sa mga anak ni Israel: at inutusan din naman ng Panginoon ang aking panginoon na ibigay ang mana ni Salphaad na aming kapatid sa kaniyang mga anak na babae.
3. At kung sila'y magasawa sa kaninoman sa mga anak ng ibang mga lipi ng mga anak ni Israel ay aalisin nga ang mana nila na mula sa mana ng aming mga magulang, at sa idaragdag sa mana ng lipi na kinauukulan nila: sa gayo'y aalisin sa manang naukol sa amin.
4. At pagjujubileo ng mga anak ni Israel, ay idaragdag nga ang kanilang mana sa mana ng lipi na kanilang kinaukulan: sa gayo'y ang kanilang mana ay aalisin sa mana ng lipi ng aming mga magulang.
5. At iniutos ni Moises sa mga anak ni Israel ayon sa salita ng Panginoon na sinasabi, Ang lipi ng mga anak ni Jose ay nagsasalita ng matuwid.
6. Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon tungkol sa mga anak na babae ni Salphaad, na sinasabi, Magasawa sila sa kaninomang kanilang magalingin; nguni't sa angkan ng lipi lamang ng kanilang ama magasawa sila.
7. Sa gayon ay hindi magkakalipatlipat ang mana ng mga anak ni Israel sa iba't ibang lipi: sapagka't ang mga anak ni Israel ay masasanib bawa't isa sa mana ng lipi ng kaniyang mga magulang.
8. At bawa't anak na babae na nagaari sa anomang lipi ng mga anak ni Israel ay magasawa sa isa ng angkan ng lipi ng kaniyang ama, upang ang mga anak ni Israel ay magmana bawa't isa ng mana ng kaniyang mga magulang.
9. Sa gayon ay hindi magkakalipatlipat ang mana sa ibang lipi; sapagka't ang mga lipi ng mga anak ni Israel ay masasanib bawa't isa sa kaniyang sariling mana.
10. Kung paanong iniutos ng Panginoon kay Moises, ay gayong ginawa ng mga anak na babae ni Salphaad:
11. Sapagka't si Maala, si Tirsa, si Holga, at si Milca, at si Noa, na mga anak na babae ni Salphaad ay nagsipagasawa sa mga anak ng mga kapatid ng kanilang ama.
12. Sila'y nag-asawa sa mga angkan ng mga anak ni Manases na anak ni Jose; at ang kanilang mana ay naiwan sa lipi ng angkan ng ama nila.
13. Ito ang mga utos at ang mga kahatulan, na iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises sa mga anak ni Israel sa mga kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan sa Jerico.
17. Panginoon, hanggang kailan titingin ka? Iligtas mo ang aking kaluluwa sa kanilang mga pagsira, ang aking sinta mula sa mga leon.
18. Ako'y magpapasalamat sa iyo sa dakilang kapisanan: aking pupurihin ka sa gitna ng maraming tao.
19. Huwag magalak sa akin na may kamalian ang aking mga kaaway; ni magkindat man ng mata ang nangagtatanim sa akin ng walang kadahilanan.
20. Sapagka't sila'y hindi nangagsasalita ng kapayapaan: kundi sila'y nagsisikatha ng mga magdarayang salita laban sa mga tahimik sa lupain.
21. Oo, kanilang ibinuka ng maluwang ang kanilang bibig laban sa akin; kanilang sinasabi: Aha, aha, nakita ng aming mata.
22. Iyong nakita ito, Oh Panginoon; huwag kang tumahimik, Oh Panginoon, huwag kang lumayo sa akin.
23. Kumilos ka, at ikaw ay gumising upang gawan ako ng kahatulan, sa aking usap, Dios ko at Panginoon ko.
24. Hatulan mo ako, Oh Panginoon kong Dios, ayon sa iyong katuwiran; at huwag mo silang pagalakin sa akin.
25. Huwag silang magsabi sa kanilang sarili: Aha, nasa namin: huwag silang magsabi: Aming sinakmal siya.
26. Mangapahiya nawa sila, at mangalito na magkakasama ang mga nangagalak sa aking pagkapahamak: manganamit nawa ng kahihiyan at kasiraang puri ang nangagmamalaki laban sa akin.
27. Magsihiyaw nawa ng kagalakan, at mangasayahan, ang nagsisilingap ng aking katuwiran: Oo, mangagsabi nawa silang palagi: Dakilain ang Panginoon, na nalulugod sa kaginhawahan ng kaniyang lingkod.
28. At ang aking dila ay mangungusap ng iyong katuwiran, at ng pagpuri sa iyo sa buong araw.
3. Ang tao ay hindi matatag sa pamamagitan ng kasamaan: nguni't ang ugat ng matuwid ay hindi makikilos.
25. At ikatlo na ang oras, at siya'y kanilang ipinako sa krus.
26. At ang pamagat ng pagkasakdal sa kaniya ay isinulat sa ulunan, ANG HARI NG MGA JUDIO.
27. At ipinako sa krus na kasama niya ang dalawang tulisan; isa sa kaniyang kanan, at isa sa kaniyang kaliwa.
28. At natupad ang kasulatan, na nagsasabi: At siya'y ibinilang sa mga suwail.
29. At siya'y inalipusta ng nagsisipagdaan na pinatatangotango ang kanilang mga ulo, at sinasabi, Ah! ikaw na iginigiba mo ang templo, at sa tatlong araw ay iyong itinatayo,
30. Iyong iligtas ang sarili mo, at bumaba ka sa krus.
31. Gayon din naman ang mga pangulong saserdote pati ng mga eskriba, siya'y minumura na nangagsasalitaan sila-sila na sinasabi, Nagligtas siya sa mga iba; sa kaniyang sarili ay hindi makapagligtas.
32. Bumaba ngayon mula sa krus ang Cristo, ang Hari ng Israel, upang aming makita at sampalatayanan. At minumura siya ng mga kasama niyang nangapapako.
33. At nang dumating ang ikaanim na oras, ay nagdilim sa buong lupa hanggang sa oras na ikasiyam.
34. At nang oras na ikasiyam ay sumigaw si Jesus ng malakas na tinig: Eloi, Eloi, lama sabacthani? na kung liliwanagin ay, Dios ko, Dios ko, bakit mo ako pinabayaan?
35. At nang marinig ng ilang nangaroon, ay sinabi nila, Narito, tinatawag niya si Elias.
36. At tumakbo ang isa, at binasa ng suka ang isang espongha, saka inilagay sa isang tambo, at ipinainom sa kaniya, na sinasabi, Pabayaan ninyo; tingnan natin kung paririto si Elias upang siya'y ibaba.
37. At si Jesus ay sumigaw ng malakas na tinig, at nalagot ang hininga.
38. At ang tabing ng templo ay nahapak na nagkadalawa mula sa itaas hanggang sa ibaba.
39. At ang senturiong nakatayo sa tapat niya, nang makitang malagot ang hininga niya, ay kaniyang sinabi, Katotohanang ang taong ito ay Anak ng Dios.
40. At mayroon din namang mga babae na nagsisitanaw mula sa malayo: na sa mga yao'y nangaroroon kapuwa si Maria Magdalena, at si Mariang ina ni Santiago na bata at ni Jose, at si Salome;
41. Na, nang siya'y nasa Galilea, ay nagsisunod sila sa kaniya, at siya'y pinaglilingkuran nila; at mga iba pang maraming babae na nagsiahong kasama niya sa Jerusalem.
42. At nang kinahapunan, sapagka't noo'y Paghahanda, sa makatuwid baga'y ang araw na nauuna sa sabbath,
43. Dumating si Jose na taga Arimatea, isang kasangguni na may marangal na kalagayan, na naghihintay rin naman ng kaharian ng Dios; at pinangahasan niyang pinasok si Pilato, at hiningi ang bangkay ni Jesus.
44. At nanggilalas si Pilato kung siya'y patay na: at nang mapalapit niya sa kaniya ang senturion, ay itinanong niya sa kaniya kung malaon nang patay.
45. At nang matanto niya sa senturion, ay ipinagkaloob niya ang bangkay kay Jose.
46. At binili niya ang isang kayong lino, at pagkababa sa kaniya sa krus, ay binalot siya ng kayong lino at inilagay siya sa isang libingan na hinukay sa isang bato; at iginulong niya ang isang bato hanggang sa pintuan ng libingan.
47. At tinitingnan ni Maria Magdalena at ni Mariang ina ni Jose kung saan siya nalagay.