Bibliya sa isang taon

1. At sinabi ni David, May nalalabi pa ba sa sangbahayan ni Saul, upang aking mapagpakitaan ng kagandahang loob dahil kay Jonathan?
2. At may isang lingkod sa sangbahayan ni Saul na nagngangalang Siba, at kanilang tinawag siya sa harap ni David; at sinabi ng hari sa kaniya, Ikaw ba'y si Siba? At kaniyang sinabi, Ang iyong lingkod nga.
3. At sinabi ng hari, wala na ba kayang natitira sa sangbahayan ni Saul, upang aking mapagpakitaan siya ng kagandahang loob ng Dios? At sinabi ni Siba sa hari, Si Jonathan ay may isang anak pa, na pilay ang kaniyang mga paa.
4. At sinabi ng hari sa kaniya, Saan nandoon siya? At sinabi ni Siba sa hari, Narito, siya'y nasa bahay ni Machir na anak ni Amiel, sa Lo-debar.
5. Nang magkagayo'y nagsugo ang haring si David at ipinakuha siya sa bahay ni Machir na anak ni Amiel mula sa Lo-debar.
6. At si Mephiboseth, na anak ni Jonathan, na anak ni Saul, ay naparoon kay David, at nagpatirapa sa kaniyang harap, at nagbigay galang. At sinabi ni David, Mephiboseth. At siya'y sumagot: Narito, ang iyong lingkod!
7. At sinabi ni David sa kaniya, Huwag kang matakot: sapagka't aking tunay na pagpapakitaan ka ng kagandahang loob dahil kay Jonathan na iyong ama, at aking isasauli ang buong lupa ni Saul na iyong ama, sa iyo; at ikaw ay parating kakain ng pagkain sa aking dulang.
8. At siya'y nagbigay galang at nagsabi, Ano ang iyong lingkod upang iyong lingapin akong isang asong patay?
9. Nang magkagayo'y tinawag ng hari si Siba na lingkod ni Saul, at sinabi sa kaniya, Lahat ng nauukol kay Saul at sa buong kaniyang sangbahayan ay aking ibinigay sa anak ng iyong panginoon.
10. At iyong bubukirin ang lupain para sa kaniya, ninyo ng iyong mga anak, at ng iyong mga bataan at iyong dadalhin dito ang mga bunga, upang ang anak ng iyong panginoon ay magkaroon ng tinapay na makakain: nguni't si Mephiboseth na anak ng iyong panginoon ay kakain ng tinapay kailan man sa aking dulang. Si Siba nga ay may labing limang anak at dalawang pung bataan.
11. Nang magkagayo'y sinabi ni Siba sa hari, Ayon sa lahat na iniutos ng aking panginoon na hari sa kaniyang lingkod, ay gayon gagawin ng iyong lingkod. Tungkol kay Mephiboseth, sinabi ng hari, Siya'y kakain sa aking dulang na gaya ng isa sa mga anak ng hari.
12. At si Mephiboseth ay may isang anak na binata, na ang pangalan ay Micha. At lahat na nagsisitahan sa bahay ni Siba ay mga bataan ni Mephiboseth.
13. Gayon tumahan si Mephiboseth sa Jerusalem: sapagka't siya'y kumaing palagi sa dulang ng hari. At siya'y pilay sa kaniyang dalawang paa.
1. At nangyari pagkatapos nito, na ang hari ng mga anak ni Ammon ay namatay, at si Hanun na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
2. At sinabi ni David, Aking pagpapakitaan ng kagandahang loob si Hanun na anak ni Naas, na gaya ng pagpapakita ng kagandahang loob ng kaniyang ama sa akin. Sa gayo'y nagsugo si David sa pamamagitan ng kaniyang mga lingkod upang aliwin siya tungkol sa kaniyang ama. At nagsiparoon ang mga lingkod ni David sa lupain ng mga anak ni Ammon.
3. Nguni't sinabi ng mga prinsipe ng mga anak ni Ammon kay Hanun na kanilang panginoon, Inakala mo bang pinararangalan ni David ang iyong ama, kaya't siya'y nagsugo ng mga tagaaliw sa iyo? hindi ba nagsugo si David ng kaniyang mga bataan sa iyo upang kilalanin ang bayan, at upang tiktikan, at upang daigin?
4. Sa gayo'y kinuha ni Hanun ang mga lingkod ni David, at inahit ang kalahati ng kanilang balbas, at pinutol ang kanilang mga suot sa gitna, sa kanilang pigi, at pinayaon.
5. Nang kanilang saysayin kay David, siya'y nagsugo upang salubungin sila; sapagka't ang mga lalake ay totoong nangapahiya. At sinabi ng hari, Mangaghintay kayo sa Jerico hanggang sa tumubo ang inyong balbas, at kung magkagayo'y mangagbalik kayo.
6. At nang makita ng mga anak ni Ammon na sila'y naging nakapopoot kay David, ang mga anak ni Ammon ay nangagsugo, at inupahan ang mga taga Siria sa Beth-rehob, at ang mga taga Siria sa Soba, na dalawang pung libong naglalakad, at ang hari sa Maaca na may isang libong lalake, at ang mga lalaking taga Tob na labing dalawang libong lalake.
7. At nang mabalitaan ni David, kaniyang sinugo si Joab at ang buong hukbo ng makapangyarihang mga lalake.
8. At ang mga anak ni Ammon ay nagsilabas at nagsihanay ng pakikipagbaka sa pasukan sa pintuang-bayan: at ang mga taga Siria sa Soba, at sa Rehob, at ang mga lalaking taga Tob at mga taga Maaca, ay nangabubukod sa parang.
9. Nang makita nga ni Joab na ang pagbabaka ay nauumang laban sa kaniyang harapan at likuran, siya'y pumili ng lahat na mga hirang na lalake sa Israel, at ipinaghahanay niya laban sa mga taga Siria:
10. At ang nalabi sa bayan ay kaniyang ibinigay sa kamay ni Abisai na kaniyang kapatid, at kaniyang ipinaghahanay laban sa mga anak ni Ammon.
11. At kaniyang sinabi, Kung ang mga taga Siria ay maging malakas kay sa akin, iyo ngang tutulungan ako: nguni't kung ang mga anak ni Ammon ay maging malakas kay sa iyo, ay paparoon nga ako at tutulungan kita.
12. Magpakatapang ka, at tayo'y magpakalalake para sa ating bayan, at sa mga bayan ng ating Dios: at gawin nawa ng Panginoon ang inaakala niyang mabuti.
13. Sa gayo'y nagsilapit si Joab at ang bayan na kasama niya sa pakikipagbaka laban sa mga taga Siria: at sila'y nagsitakas sa harap niya.
14. At nang makita ng mga anak ni Ammon na ang mga taga Siria ay nagsitakas, sila naman ay nagsitakas sa harap ni Abisai, at nagsipasok sa bayan. Ngayo'y bumalik si Joab na mula sa mga anak ni Ammon, at naparoon sa Jerusalem.
15. At nang makita ng mga taga Siria na sila'y nasasahol sa harap ng Israel, sila'y nagpipisan.
16. At nagsugo si Hadadezer at dinala ang mga taga Siria na nangaroon sa dako pa roon ng Ilog; at sila'y nagsiparoon sa Helam, na kasama ni Sobach na puno ng hukbo ni Hadadezer sa kanilang unahan.
17. At nasaysay kay David, at kaniyang pinisan ang buong Israel, at tumawid sa Jordan, at naparoon sa Helam. At ang mga taga Siria ay nagsihanay laban kay David, at nagsilaban sa kaniya.
18. At ang mga taga Siria ay nagsitakas sa harap ng Israel; at pumatay si David sa mga taga Siria ng mga tao ng pitong daang karo, at apat na pung libo na nangangabayo, at sinaktan si Sobach na kapitan sa kanilang hukbo, na anopa't namatay roon.
19. At nang makita ng lahat na hari na mga lingkod ni Hadadezer na sila'y nasahol sa harap ng Israel, ay nangakipagpayapaan sa Israel at nangaglingkod sa kanila. Sa gayo'y nangatakot ang mga taga Siria na magsitulong pa sa mga anak ni Ammon.
1. Ang kapurihan ay naghihintay sa iyo, Oh Dios, sa Sion: at sa iyo'y maisasagawa ang panata.
2. Oh ikaw na dumidinig ng dalangin, sa iyo'y paroroon ang lahat ng laman.
3. Mga kasamaan ay nangananaig laban sa akin: tungkol sa aming pagsalangsang, ay lilinisin mo.
4. Mapalad ang tao na iyong pinipili, at pinalalapit mo sa iyo, upang siya'y makatahan sa iyong mga looban: kami ay mangasisiyahan sa kabutihan ng iyong bahay, ng iyong banal na templo.
5. Sasagutin mo kami sa katuwiran sa pamamagitan ng mga kakilakilabot na bagay, Oh Dios ng aming kaligtasan; ikaw na katiwalaan ng lahat na wakas ng lupa, at nila na malayo sa dagat:
6. Na naglalagay na matibay ng mga bundok sa pamamagitan ng kaniyang kalakasan; palibhasa't nabibigkisan sa palibot ng kapangyarihan:
7. Na nagpapatigil ng hugong ng mga dagat, ng hugong ng kanilang mga alon, at ng kaingay ng mga bayan.
8. Sila naman na nagsisitahan sa mga pinakadulong bahagi ay nangatatakot sa iyong mga tanda: ikaw ang nagbibigay galak sa pagbubukang liwayway at pagtatakip-silim.
20. Siyang nagiingat sa salita ay makakasumpong ng mabuti: at ang nananalig sa Panginoon ay mapalad.
21. Ang pantas sa puso ay tatawaging mabait: at ang katamisan sa mga labi ay nagdaragdag ng katututuhan.
1. Pagkatapos ng mga bagay na ito ay naparoon si Jesus sa kabilang ibayo ng dagat ng Galilea, na siyang dagat ng Tiberias.
2. At sumusunod sa kaniya ang lubhang maraming tao, sapagka't kanilang nangakikita ang mga tanda na ginagawa niya sa mga maysakit.
3. At umahon si Jesus sa bundok, at doo'y naupo siya na kasama ng kaniyang mga alagad.
4. Malapit na nga ang paskua, na pista ng mga Judio.
5. Itinanaw nga ni Jesus ang kaniyang mga mata, at pagkakita na ang lubhang maraming tao'y lumalapit sa kaniya, ay sinabi kay Felipe, Saan tayo magsisibili ng tinapay, upang mangakakain ang mga ito?
6. At ito'y sinabi niya upang siya'y subukin: sapagka't nalalaman niya sa kaniyang sarili kung ano ang kaniyang gagawin.
7. Sumagot si Felipe sa kaniya, Hindi magkakasiya sa kanila ang dalawang daang denariong tinapay, upang makakain ng kaunti ang bawa't isa.
8. Sinabi sa kaniya ng isa sa kaniyang mga alagad, si Andres, na kapatid ni Simon Pedro,
9. May isang batang lalake rito, na mayroong limang tinapay na sebada, at dalawang isda: datapuwa't gaano na ang mga ito sa ganyang karamihan?
10. Sinabi ni Jesus, Inyong paupuin ang mga tao. Madamo nga sa dakong yaon. Kaya't nagsiupo ang mga lalake, na may limang libo ang bilang.
11. Kinuha nga ni Jesus ang mga tinapay; at nang makapagpasalamat, ay ipinamahagi niya sa kanilang nangakaupo; at gayon din naman binigyan sila ng mga isda kung gaanong ibigin nila.
12. At nang sila'y mangabusog, ay sinabi niya sa kaniyang mga alagad, Pulutin ninyo ang mga pinagputolputol na lumabis, upang walang anomang masayang.
13. Kaya't kanilang tinipon, at nangapuno ang labingdalawang bakol ng mga pinagputolputol sa limang tinapay na sebada, na lumabis sa nagsikain.
14. Kaya't nang makita ng mga tao ang tandang ginawa niya, ay kanilang sinabi, Totoong ito nga ang propeta na paririto sa sanglibutan.
15. Nang mapaghalata nga ni Jesus na sila'y magsisilapit at siya'y agawin, upang siya'y gawing hari, ay muling nagbalik sa bundok na nagiisa.
16. At nang kinahapunan, ay nagsilusong ang kaniyang mga alagad sa dagat;
17. At nagsilulan sila sa isang daong, at kanilang tinatawid ang dagat hanggang sa Capernaum. At madilim na nga, at hindi dumarating sa kanila si Jesus.
18. At lumalaki ang dagat dahil sa isang malakas na hanging humihihip.
19. Nang sila nga'y mangakagaod na ng may dalawangpu't lima o tatlongpung estadio, ay kanilang nakita si Jesus na lumalakad sa ibabaw ng dagat, at lumalapit sa daong: at sila'y nangahintakutan.
20. Datapuwa't sinabi niya sa kanila, Ako nga; huwag kayong mangatakot.
21. Malugod nga nilang tinanggap siya sa daong: at pagdaka'y dumating ang daong sa lupang kanilang tinutumpa.
Tagalog Bible TLBA
None