Bibliya sa isang taon

1. "O lahat ng nauuhaw, pumarito kayo sa tubig at siyang walang salapi, pumarito kayo, kayo'y bumili at kumain! Pumarito kayo, kayo'y bumili ng alak at gatas ng walang salapi at walang halaga.
2. Ano't kayo'y gumugugol ng salapi sa hindi pagkain, at ng inyong sahod sa hindi nakakabusog? Pakinggan ninyo akong mabuti, at kainin ninyo kung ano ang mabuti, at malugod kayo sa katabaan.
3. Ang inyong tainga ay inyong ikiling, at pumarito kayo sa akin; kayo'y makinig upang ang inyong kaluluwa ay mabuhay. Ako'y makikipagtipan sa inyo ng walang hanggan, ayon sa tapat na kahabagang ipinakita kay David.
4. Narito, ginawa ko siyang saksi sa mga bayan, isang pinuno at punong kawal para sa mga bayan.
5. Narito, ang mga bansa na hindi mo nakikilala ay tatawagin mo, at ang bansa na hindi ka nakikilala ay tatakbo sa iyo, dahil sa PANGINOON mong Diyos, at para sa Banal ng Israel; sapagkat kanyang niluwalhati ka.
6. "Inyong hanapin ang PANGINOON habang siya'y matatagpuan, tumawag kayo sa kanya habang siya'y malapit.
7. Lisanin ng masama ang kanyang lakad, at ng liko ang kanyang mga pag-iisip; at manumbalik siya sa PANGINOON, at kanyang kaaawaan siya; at sa aming Diyos, sapagkat siya'y magpapatawad ng sagana.
8. Sapagkat ang aking mga pag-iisip ay hindi ninyo mga pag-iisip, ni ang inyong mga pamamaraan ay aking mga pamamaraan, sabi ng PANGINOON.
9. Sapagkat kung paanong ang langit ay higit na mataas kaysa lupa, gayon ang aking mga pamamaraan ay higit na mataas kaysa inyong mga pamamaraan, at ang aking mga pag-iisip kaysa inyong mga pag-iisip.
10. "Sapagkat kung paanong ang ulan at ang niyebe ay bumabagsak mula sa langit, at hindi bumabalik doon kundi dinidilig ang lupa, at ito'y pinasisibulan at pinatutubuan, at nagbibigay ng binhi sa maghahasik at pagkain sa kumakain,
11. magiging gayon ang aking salita na lumalabas sa bibig ko; hindi ito babalik sa akin na walang bunga, kundi gaganapin ang ayon sa layunin ko, at magtatagumpay sa bagay na kung saan ay sinugo ko ito.
12. "Sapagkat kayo'y lalabas na may kagalakan, at papatnubayang may kapayapaan. Ang mga bundok at ang mga burol sa harapan ninyo ay magbubulalas ng pag-awit, at ipapalakpak ng lahat ng punungkahoy sa parang ang kanilang mga kamay.
13. Sa halip na tinik, puno ng sipres ang tutubo; sa halip na dawag, tutubo ang punong mirtol; at ito'y magiging sa PANGINOON bilang isang alaala, para sa walang hanggang tanda na hindi maglalaho."
1. Ganito ang sabi ng PANGINOON: "Kayo'y magpairal ng katarungan, at gumawa ng matuwid; sapagkat ang aking pagliligtas ay malapit nang dumating, at ang aking katuwiran ay mahahayag.
2. Mapalad ang taong gumagawa nito, at ang anak ng tao na nanghahawak dito; na nangingilin ng Sabbath at hindi ito nilalapastangan, at umiiwas sa paggawa ng anumang kasamaan."
3. Ang dayuhan na sumanib sa PANGINOON ay huwag magsasabi, "Tiyak na ihihiwalay ako ng PANGINOON sa kanyang bayan"; at huwag sasabihin ng eunuko, "Narito, ako'y punungkahoy na tuyo."
4. Sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON: "Tungkol sa mga eunuko na nangingilin ng aking mga Sabbath, at pumipili ng mga bagay na nakakalugod sa akin, at nag-iingat ng aking tipan,
5. ibibigay ko sa kanila sa aking bahay at sa loob ng aking mga pader, ang isang alaala at pangalan na higit na mabuti kaysa mga anak na lalaki at babae; bibigyan ko sila ng walang hanggang pangalan, na hindi maglalaho.
6. "At ang mga dayuhan na sumanib sa PANGINOON, upang maglingkod sa kanya at ibigin ang pangalan ng PANGINOON, at maging kanyang mga lingkod, bawat nangingilin ng Sabbath at hindi nilalapastangan ito, at nag-iingat ng aking tipan —
7. sila ay dadalhin ko sa aking banal na bundok, at pasasayahin ko sila sa aking bahay dalanginan. Ang kanilang mga handog na sinusunog at ang kanilang mga alay ay tatanggapin sa aking dambana; sapagkat ang aking bahay ay tatawaging bahay panalanginan para sa lahat ng mga bayan.
8. Gayon ang sabi ng Panginoong DIYOS, na nagtitipon ng mga itinapon mula sa Israel, titipunin ko pa ang iba sa kanya bukod sa mga natipon na."
9. Kayong lahat na mga hayop sa parang, kayo'y pumarito upang manakmal — kayong lahat na mga hayop sa gubat.
10. Ang kanyang mga bantay ay mga bulag, silang lahat ay walang kaalaman; silang lahat ay mga piping aso, sila'y hindi makatahol; nananaginip, nakahiga, maibigin sa pagtulog.
11. Ang mga aso ay matatakaw, sila'y kailanman ay walang kabusugan. At sila'y mga pastol na walang pang-unawa, silang lahat ay lumihis sa kanilang sariling daan, bawat isa'y sa kanyang pakinabang hanggang sa kahuli-hulihan.
12. "Kayo'y pumarito," sabi nila, "kumuha tayo ng alak, at punuin natin ang ating sarili ng matapang na inumin; at ang bukas ay magiging gaya ng araw na ito, dakila at walang katulad."
5. Sino ang gaya ng PANGINOON nating Diyos, na nakaupo sa itaas,
6. na nagpapakababang tumitingin sa kalangitan at sa lupa?
7. Ibinabangon niya ang dukha mula sa alabok, at itinataas ang nangangailangan mula, sa bunton ng abo,
8. upang kasama ng mga pinuno ay paupuin sila, mga pinuno ng kanyang bayan ang kanilang kasama.
9. Ginagawa niyang manatili sa bahay ang baog na babae, isang masayang ina ng mga anak. Purihin ang PANGINOON!
20. Sapagkat sa kakulangan ng gatong ang apoy ay namamatay, at kung saan walang salita ng sitsit ay tumitigil ang alitan.
21. Kung paano ang mga uling sa maiinit na baga, at ang kahoy sa apoy; gayon ang taong palaaway na nagpapaningas ng sigalot.
1. Kaya't ako na bilanggo sa Panginoon ay nagsusumamo sa inyo na kayo'y lumakad ng nararapat sa pagkatawag na sa inyo'y itinawag,
2. na may lubos na kapakumbabaan at kaamuan, may pagtitiyaga, na magparaya sa isa't isa sa pag-ibig;
3. na nagsisikap na mapanatili ang pagkakaisa ng Espiritu sa buklod ng kapayapaan.
4. May isang katawan at isang Espiritu, kung paanong tinawag kayo sa isang pag-asa ng pagkatawag sa inyo,
5. isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo,
6. isang Diyos at Ama ng lahat, na siyang nasa ibabaw ng lahat, at sumasa lahat, at nasa lahat.
7. Subalit sa bawat isa sa atin ay ibinigay ang biyaya ayon sa sukat ng kaloob ni Cristo.
8. Kaya't sinasabi, "Nang umakyat siya sa itaas ay dinala niyang bihag ang pagkabihag, at nagbigay siya ng mga kaloob sa mga tao."
9. (Nang sabihing, "Umakyat siya," anong ibig sabihin nito, kundi siya'y bumaba rin sa mas mababang bahagi ng lupa?
10. Ang bumaba ay siya ring umakyat sa kaitaasan ng sangkalangitan upang kanyang mapuspos ang lahat ng mga bagay.)
11. Pinagkalooban niya ang iba na maging mga apostol, ang iba'y propeta, ang iba'y ebanghelista, at ang iba'y pastor at mga guro;
12. upang ihanda ang mga banal sa gawain ng paglilingkod, sa ikatitibay ng katawan ni Cristo,
13. hanggang makarating tayong lahat sa pagkakaisa ng pananampalataya, at sa ganap na pagkakilala sa Anak ng Diyos, hanggang maging taong may sapat na gulang, hanggang sa sukat ng ganap na kapuspusan ni Cristo.
14. Tayo'y huwag nang maging mga bata, na tinatangay-tangay ng mga alon at dinadala-dala ng bawat hangin ng aral, sa pamamagitan ng pandaraya ng mga tao, sa pamamagitan ng kanilang mga katusuhan sa paraang mapandaya.
15. Kundi humahawak sa katotohanan na may pag-ibig, lumago tayong lahat sa kanya, na siyang ulo, samakatuwid ay si Cristo,
16. na sa kanya ang buong katawan na nakalapat na mabuti at nagkakaisa sa pamamagitan ng bawat litid, ayon sa paggawa sa sukat ng bawat bahagi ay nagpapalaki sa katawan tungo sa ikatitibay ng sarili sa pag-ibig.
17. Kaya't sinasabi ko ito at pinatototohanan sa Panginoon, na kayo'y hindi na dapat lumakad na gaya ng lakad ng mga Hentil, sa kawalang saysay ng kanilang mga pag-iisip.
18. Nagdilim ang kanilang mga pang-unawa, palibhasa'y nahiwalay sa buhay ng Diyos, dahil sa kanilang kamangmangan, dahil sa katigasan ng kanilang mga puso;
19. sila'y naging manhid at ibinigay ang kanilang sarili sa kahalayan, sakim sa paggawa ng bawat uri ng karumihan.
20. Ngunit hindi sa gayong paraan ninyo natutuhan si Cristo!
21. Kung tunay na siya'y inyong narinig at tinuruan sa kanya, kung paanong ang katotohanan ay na kay Jesus,
22. alisin ninyo ang dating paraan ng inyong pamumuhay, ang dating pagkatao na pinasama sa pamamagitan ng mapandayang pagnanasa,
23. at magbago sa espiritu ng inyong pag-iisip,
24. at kayo'y magbihis ng bagong pagkatao, na nilalang ayon sa wangis ng Diyos, sa katuwiran at kabanalan ng katotohanan.
25. Kaya't pagkatapos itakuwil ang kasinungalingan, ang bawat isa ay magsalita ng katotohanan sa kanyang kapwa, sapagkat tayo'y mga bahagi ng isa't isa.
26. Magalit kayo ngunit huwag magkasala; huwag hayaang lubugan ng araw ang inyong galit,
27. at huwag bigyan ng pagkakataon ang diyablo.
28. Ang nagnanakaw ay huwag nang magnakaw pa, kundi magtrabaho at gumawa siya sa pamamagitan ng kanyang sariling mga kamay ng mabuting bagay, upang siya'y may maibahagi sa nangangailangan.
29. Anumang masamang salita ay hindi dapat lumabas sa inyong bibig, kundi ang mabuti lamang para sa ikatitibay, ayon sa pangangailangan, upang ito ay makapagbigay ng biyaya sa mga nakikinig.
30. At huwag ninyong pighatiin ang Espiritu Santo ng Diyos, na sa pamamagitan niya kayo'y tinatakan para sa araw ng pagtubos.
31. Lahat ng pait, galit, poot, pag-aaway, at paninirang puri ay inyong alisin, pati lahat ng kasamaan,
32. at maging mabait kayo sa isa't isa, mga mahabagin, nagpapatawad sa isa't isa, gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos kay Cristo.
Tagalog Bible 2001
Philippine Bible Society, 2001