Bibliya sa isang taon

1. Ganito ang sabi ng PANGINOON: "Narito, ako'y magbabangon ng isang laban sa Babilonia, at laban sa mga naninirahan sa Lebkamai;
2. Ako'y magpapadala sa Babilonia ng mga dayuhan, at kanilang tatahipan siya, at kanilang aalisan ng laman ang kanyang lupain, kapag sila'y dumating laban sa kanya mula sa bawat panig sa araw ng kaguluhan.
3. Huwag iumang ng mamamana ang kanyang pana, at huwag siyang hayaang makatayo sa kanyang baluti. Huwag ninyong hahayaang makaligtas ang kanyang mga kabataang lalaki; lubos ninyong lipulin ang kanyang buong hukbo.
4. Sila'y patay na mabubuwal sa lupain ng mga Caldeo, at sinugatan sa kanyang mga lansangan.
5. Sapagkat ang Israel at Juda ay hindi pa pinababayaan ng kanilang Diyos, ng PANGINOON ng mga hukbo, bagaman ang lupain ng mga Caldeo ay puno ng pagkakasala laban sa Banal ng Israel.
6. "Tumakas kayo mula sa gitna ng Babilonia, at iligtas ng bawat tao ang kanyang buhay! Huwag kayong mapuksa nang dahil sa pagpaparusa sa kanya sapagkat ito ang panahon ng paghihiganti ng PANGINOON; siya'y kanyang pagbabayarin.
7. Ang Babilonia noon ay gintong kopa sa kamay ng PANGINOON na lumasing sa buong daigdig; ang mga bansa ay uminom ng kanyang alak, kaya't ang mga bansa ay nauulol.
8. Ang Babilonia ay biglang nabuwal at nadurog; tangisan ninyo siya! Dalhan ninyo siya ng balsamo para sa kanyang sakit, baka sakaling siya'y gumaling.
9. Ibig sana nating gumaling ang Babilonia, ngunit siya'y hindi napagaling. Pabayaan ninyo siya, at bawat isa sa atin ay humayo sa kanya-kanyang sariling lupain; sapagkat ang kanyang kahatulan ay umaabot hanggang sa langit, at naitaas hanggang sa himpapawid.
10. Inilabas ng PANGINOON ang pagpapawalang-sala sa atin; halikayo, at ating ipahayag sa Zion ang gawa ng PANGINOON nating Diyos.
11. "Patalasin ninyo ang mga palaso! Kunin ninyo ang mga kalasag! Pinukaw ng PANGINOON ang espiritu ng mga hari ng mga Medo, sapagkat ang kanyang layunin tungkol sa Babilonia ay wasakin ito, sapagkat iyon ang paghihiganti ng PANGINOON, ang paghihiganti para sa kanyang templo.
12. Magtaas kayo ng watawat laban sa mga pader ng Babilonia, patibayin ninyo ang bantayan, maglagay kayo ng mga bantay, kayo'y maghanda ng mga panambang; sapagkat binalak at ginawa ng PANGINOON ang kanyang sinabi tungkol sa mga naninirahan sa Babilonia.
13. O ikaw na naninirahan sa tabi ng maraming tubig, sagana sa mga kayamanan, dumating na ang iyong wakas, at ang sukat ng iyong kasakiman.
14. Ang PANGINOON ng mga hukbo ay sumumpa sa pamamagitan ng kanyang sarili: Tiyak na pupunuin kita ng mga tao, na kasindami ng balang, at sila'y sisigaw ng sigaw ng tagumpay laban sa iyo.
15. "Siya ang gumawa ng lupa sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, nagtatag ng sanlibutan sa pamamagitan ng kanyang karunungan, at sa pamamagitan ng kanyang unawa ay iniladlad niya ang mga langit.
16. Kapag siya'y nagsasalita, nagkakaroon ng pagkakaingay ng mga tubig sa kalangitan, at kanyang pinaiilanglang ang mga singaw mula sa mga dulo ng lupa. Siya'y gumagawa ng mga kidlat para sa ulan, at inilalabas niya ang hangin mula sa kanyang mga imbakan.
17. Bawat tao ay hangal at walang kaalaman; bawat panday-ginto ay inilagay sa kahihiyan ng kanyang mga diyus-diyosan, sapagkat ang kanyang mga rebulto ay kasinungalingan, at walang hininga sa mga iyon.
18. Ang mga iyon ay walang kabuluhan, isang gawa ng pandaraya; sa panahon ng kanilang kaparusahan ay malilipol sila.
19. Hindi gaya ng mga ito ang bahagi ng Jacob, sapagkat siya ang humubog sa lahat ng bagay, at ang lipi ng kanyang pamana; ang kanyang pangalan ay PANGINOON ng mga hukbo.
20. "Ikaw ang aking pandigmang palakol at sandatang pandigma; sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang mga bansa, at sa pamamagitan mo ay winawasak ko ang mga kaharian.
21. Sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang kabayo at ang kanyang sakay; sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang karwahe at ang nagpapatakbo niyon.
22. Sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang lalaki at babae; sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang matanda at ang bata; sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang binata at ang dalaga.
23. Sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang pastol at ang kanyang kawan; sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang magbubukid at ang kanyang mga hayop na katuwang; at sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang mga tagapamahala at ang mga pinuno.
24. "Ngunit pagbabayarin ko ang Babilonia at ang lahat ng naninirahan sa Caldea sa harap mismo ng inyong paningin sa lahat ng kasamaan na kanilang ginawa sa Zion, sabi ng PANGINOON.
25. "Narito, ako'y laban sa iyo, sabi ng PANGINOON, O mapangwasak na bundok, na sumisira ng buong lupa; at aking iuunat ang aking kamay laban sa iyo, at pagugulungin kita mula sa batuhan, at gagawin kitang sunog na bundok.
26. Wala silang batong kukunin sa iyo na gagawing panulok, o ng isang bato bilang pundasyon, kundi ikaw ay magiging wasak magpakailanman, sabi ng PANGINOON.
27. "Magtaas kayo ng watawat sa lupa, inyong hipan ang trumpeta sa gitna ng mga bansa, ihanda ninyo ang mga bansa sa pakikidigma laban sa kanya, ipatawag ninyo laban sa kanya ang mga kaharian ng Ararat, Minni, at Askenaz; pumili kayo ng pinuno laban sa kanya; magdala kayo ng mga kabayo na gaya ng pulutong na mga balang.
28. Ihanda ninyo ang mga bansa sa pakikidigma laban sa kanya, ang mga hari ng mga Medo, ang kanilang mga tagapamahala at mga kinatawan, at ang bawat lupain na kanilang nasasakupan.
29. At ang lupain ay nanginginig at namimilipit sa sakit, sapagkat ang mga layunin ng PANGINOON laban sa Babilonia ay nananatili, upang wasakin ang lupain ng Babilonia, na walang naninirahan.
30. Ang mga mandirigma ng Babilonia ay huminto sa pakikipaglaban, sila'y nanatili sa kanilang mga muog; ang kanilang lakas ay naubos, sila'y naging parang mga babae, ang kanyang mga tirahan ay nasusunog, ang kanyang mga halang ay nabali.
31. Ang isang mananakbo ay tumatakbo upang sumalubong sa isa pa, at ang isang sugo upang sumalubong sa isa pang sugo, upang ibalita sa hari ng Babilonia na ang kanyang lunsod ay nasakop sa magkabilang dulo;
32. ang mga tawiran ay naagaw, ang mga tambo ay nasunog ng apoy, at ang mga mandirigma ay natatakot.
33. Sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Ang anak na babae ng Babilonia ay parang giikan sa panahon na iyon ay niyayapakan; gayunma'y sandali na lamang at ang panahon ng pag-aani sa kanya ay darating."
34. "Nilamon ako ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia, dinurog niya ako, ginawa niya akong sisidlang walang laman, nilulon niya akong gaya ng halimaw; pinuno niya ang kanyang tiyan ng aking masasarap na pagkain; ako'y kanyang iniluwa.
35. Ang karahasang ginawa sa akin at sa aking kamag-anak ay mahulog nawa sa Babilonia," sasabihin ng taga-Zion. "Ang dugo ko nawa ay mahulog sa mga mamamayan ng Caldea," sasabihin ng Jerusalem.
36. Kaya't ganito ang sabi ng PANGINOON: "Narito, ipaglalaban kita at igaganti kita nang lubusan. Tutuyuin ko ang kanyang dagat at tutuyuin ko ang kanyang bukal.
37. Ang Babilonia ay magiging mga bunton ng mga guho, tahanan ng mga asong mailap, isang katatakutan at tampulan ng pagkutya, walang maninirahan.
38. "Sila'y magkakasamang uungal na parang mga leon; sila'y uungal na parang mga batang leon.
39. Kapag sila'y nag-init ay ipaghahanda ko sila ng isang salu-salo, at akin silang lalasingin, hanggang sa sila'y magkatuwaan at matulog nang walang hanggang pagtulog, at hindi na magising, sabi ng PANGINOON.
40. Ibababa ko sila sa katayan na parang mga kordero, gaya ng mga lalaking tupa at mga kambing na lalaki.
41. "Ano't nasakop ang Sheshach, at ang kapurihan ng buong lupa ay naagaw! Ano't ang Babilonia ay naging katatakutan sa gitna ng mga bansa!
42. Ang dagat ay umapaw sa Babilonia; siya'y natakpan ng nagngangalit nitong mga alon.
43. Ang kanyang mga lunsod ay naging katatakutan, isang tuyong lupain at ilang, isang lupain na walang taong naninirahan, o dinaraanan man ng sinumang anak ng tao.
44. At aking parurusahan si Bel sa Babilonia, at aking ilalabas mula sa kanyang bibig ang kanyang nilulon. Ang mga bansa ay hindi na dadagsa pa sa kanya, ang pader ng Babilonia ay bumagsak!
45. "Lumabas kayo sa kalagitnaan niya, bayan ko! Iligtas ng bawat isa ang kanyang buhay mula sa mabangis na galit ng PANGINOON!
46. Huwag manlupaypay ang inyong puso, o matakot man kayo sa balitang naririnig sa lupain, kapag may ulat na dumating sa isang taon, at pagkatapos niyon ay isa pang ulat sa isa pang taon, at ang karahasan ay nasa lupain, at ang pinuno ay laban sa pinuno.
47. "Kaya't narito, ang mga araw ay dumarating na aking parurusahan ang mga larawang inanyuan ng Babilonia; ang kanyang buong lupain ay mapapahiya, at ang lahat ng mapapatay sa kanya ay bubulagta sa gitna niya.
48. Kung magkagayo'y ang langit at ang lupa, at lahat ng naroroon ay aawit sa kagalakan dahil sa Babilonia; sapagkat ang mga mangwawasak ay darating laban sa kanila mula sa hilaga, sabi ng PANGINOON.
49. Ang Babilonia ay dapat bumagsak dahil sa pinaslang sa Israel, kung paanong ang mga pinaslang sa buong lupa ay nabuwal dahil sa Babilonia.
50. "Kayong nakatakas sa tabak, humayo kayo, huwag kayong magsitigil! Alalahanin ninyo ang PANGINOON mula sa malayo, at papasukin ninyo ang Jerusalem sa inyong pag-iisip:
51. 'Kami ay napahiya, sapagkat kami ay nakarinig ng pagkutya; ang kasiraang-puri ay tumakip sa aming mga mukha, sapagkat ang mga dayuhan ay pumasok sa mga banal na dako ng bahay ng PANGINOON.
52. "Kaya't narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng PANGINOON, na ako'y maglalapat ng hatol sa kanyang mga larawang inanyuan; at sa buong lupain niya ay daraing ang malubhang nasugatan.
53. Kahit abutin pa ng Babilonia ang langit, at kahit patibayin pa niya ang kanyang malakas na kataasan, gayunma'y darating sa kanya ang mga manglilipol mula sa akin, sabi ng PANGINOON.
54. "Pakinggan ninyo! Isang sigaw mula sa Babilonia! Ang ingay ng malaking pagkawasak mula sa lupain ng mga Caldeo!
55. Sapagkat gigibain ng PANGINOON ang Babilonia at patatahimikin ang kanyang mga makapangyarihang tinig. Ang kanilang mga alon ay uugong na gaya ng maraming tubig, ang ingay ng kanilang tinig ay itinataas;
56. sapagkat ang isang mangwawasak ay dumating sa kanya, laban sa Babilonia, ang kanyang mga mandirigma ay hinuhuli, ang kanilang mga busog ay pinagpuputul-putol; sapagkat ang PANGINOON ay Diyos ng paghihiganti, siya'y tiyak na maniningil.
57. Lalasingin ko ang kanyang mga pinuno at ang kanyang mga taong pantas, ang kanyang mga tagapamahala, mga punong kawal, at ang kanyang mga mandirigma; sila'y matutulog nang walang hanggang pagtulog at hindi magigising, sabi ng Hari, na ang pangalan ay ang PANGINOON ng mga hukbo.
58. "Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo: Ang malawak na pader ng Babilonia ay lubos na magigiba, at ang kanyang matataas na pintuan ay matutupok ng apoy. Ang mga tao ay nagpapagal sa walang kabuluhan, at ang mga bansa ay nagpapakapagod para lamang sa apoy."
59. Ang salita na iniutos ni propeta Jeremias kay Seraya na anak ni Nerias, na anak ni Maasias, nang siya'y pumunta sa Babilonia na kasama ni Zedekias na hari ng Juda, nang ika-apat na taon ng kanyang paghahari. Si Seraias ay tagapamahala.
60. Kaya't isinulat ni Jeremias sa isang aklat ang lahat ng kasamaan na darating sa Babilonia, ang lahat ng salitang ito na isinulat tungkol sa Babilonia.
61. Sinabi ni Jeremias kay Seraya: "Pagdating mo sa Babilonia, basahin mong lahat ang mga salitang ito,
62. At iyong sabihin, 'O PANGINOON, sinabi mo tungkol sa lugar na ito na iyong pupuksain, anupa't walang maninirahan doon, maging tao o hayop man, at ito'y magiging wasak magpakailanman.'
63. Pagkatapos mong basahin ang aklat na ito, talian mo na may kasamang bato, at ihagis mo sa gitna ng Eufrates,
64. at sabihin mo, 'Ganito lulubog ang Babilonia, at hindi na muling lumitaw dahil sa kapinsalaan na aking dadalhin sa kanya.'" Hanggang dito ang mga salita ni Jeremias.
1. Si Zedekias ay dalawampu't isang taon nang siya'y maging hari; at siya'y nagharing labing-isang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Hamutal, na anak ni Jeremias na taga-Libna.
2. Siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng PANGINOON, ayon sa lahat ng ginawa ni Jehoiakim.
3. Sapagkat talagang ginalit ng Jerusalem at Juda ang PANGINOON kaya't sila'y pinalayas niya sa kanyang harapan. At si Zedekias ay naghimagsik laban sa hari ng Babilonia.
4. At nangyari, nang ikasiyam na taon ng kanyang paghahari, nang ikasampung buwan, nang ikasampung araw ng buwan, si Nebukadnezar na hari ng Babilonia at ang kanyang buong hukbo ay dumating laban sa Jerusalem. Kinubkob nila ito at sila'y nagtayo ng mga pangkubkob sa palibot niyon.
5. Kaya't nakubkob ang lunsod hanggang sa ikalabing-isang taon ni Haring Zedekias.
6. Nang ikasiyam na araw ng ika-apat na buwan, tumindi ang tag-gutom sa lunsod, kaya't walang makain ang taong-bayan ng lupain.
7. Nang magkagayo'y gumawa ng butas sa lunsod at lahat ng lalaking mandirigma ay nagsitakas at lumabas sa lunsod nang kinagabihan sa daan ng pintuan sa pagitan ng dalawang pader, na nasa tabi ng halamanan ng hari, samantalang ang mga Caldeo ay nakapalibot sa lunsod. At sila'y tumakas patungong Araba.
8. Ngunit hinabol ng hukbo ng mga Caldeo ang hari, at inabutan si Zedekias sa mga kapatagan ng Jerico; at ang buo niyang hukbo ay nagkawatak-watak.
9. Kanilang hinuli ang hari at kani-lang dinala siya sa hari ng Babilonia sa Ribla, sa lupain ng Hamat, at siya'y hinatulan ng hari.
10. Pinatay ng hari ng Babilonia ang mga anak ni Zedekias sa kanyang harapan, kasama ang lahat ng pinuno ng Juda sa Ribla.
11. Pagkatapos ay kanyang dinukot ang mga mata ni Zedekias at ginapos siya sa mga tanikala. Dinala siya sa Babilonia ng hari ng Babilonia, at ibinilanggo siya hanggang sa araw ng kanyang kamatayan.
12. Nang ikalimang buwan, nang ikasampung araw ng buwan, na siyang ikalabinsiyam na taon ni Haring Nebukadnezar, hari ng Babilonia, pumasok sa Jerusalem si Nebuzaradan na pinuno ng bantay na naglingkod sa hari ng Babilonia.
13. Kanyang sinunog ang bahay ng PANGINOON, ang bahay ng hari, at lahat ng bahay sa Jerusalem. Bawat malaking bahay ay sinunog niya.
14. At pinabagsak ng buong hukbo ng mga Caldeo na kasama ng pinuno ng bantay ang lahat ng pader sa palibot ng Jerusalem.
15. Pagkatapos ay dinalang bihag ni Nebuzaradan na pinuno ng bantay ang ilan sa pinakadukha sa bayan at ang nalabi sa mga tao na naiwan sa lunsod at ang mga takas na tumakas patungo sa hari ng Babilonia, kasama ng nalabi sa mga manggagawa.
16. Ngunit iniwan ni Nebuzaradan na kapitan ng bantay ang ilan sa mga pinakadukha sa lupain upang maging tagapag-alaga ng ubasan at mga magbubukid.
17. At ang mga haliging tanso na nasa bahay ng PANGINOON, ang mga tuntungan, at ang dagat-dagatang tanso na nasa bahay ng PANGINOON, ay pinagputul-putol ng mga Caldeo, at dinala ang lahat ng tanso sa Babilonia.
18. Tinangay nila ang mga palayok, mga pala, mga gunting, mga palanggana, at ang mga pinggan para sa mga insenso, at lahat ng sisidlang tanso na ginagamit sa paglilingkod sa templo;
19. gayundin ang maliliit na mangkok, mga apuyan, mga palanggana, mga palayok, mga ilawan, mga pinggan para sa insenso at mga inumang mangkok. Lahat ng yari sa ginto at pilak ay dinalang lahat ng kapitan ng bantay.
20. Tungkol sa dalawang haligi, ang dagat-dagatan, at ang labindalawang torong tanso na nasa ilalim, at ang mga patungan na ginawa ni Haring Solomon para sa bahay ng PANGINOON, ang tanso ng lahat ng mga bagay na ito ay hindi matimbang.
21. At tungkol sa mga haligi, ang taas ng isang haligi ay labingwalong siko; ang pabilog na sukat nito ay labindalawang siko, at ang kapal nito'y apat na daliri, at ito'y may guwang sa loob.
22. Sa ibabaw nito ay isang kapitel na tanso; at ang taas ng isang kapitel ay limang siko, na yaring nilambat at may mga granada sa kapitel sa palibot na yari sa tanso. Ang ikalawang haligi naman ay mayroong gaya ng mga ito, at mga granada.
23. Mayroong siyamnapu't anim na granada sa mga tagiliran; lahat na granada ay isandaan na yaring nilambat sa palibot.
24. At kinuha ng kapitan ng bantay si Seraya na punong pari, si Sefanias na pangalawang pari, at ang tatlong tanod sa pinto.
25. Mula sa lunsod ay kinuha niya ang isang namahala sa mga lalaking mandirigma, at pitong lalaki mula sa sanggunian ng hari na natagpuan sa lunsod, ang kalihim ng pinuno ng hukbo na nagtipon sa mga tao ng lupain, at animnapung katao sa taong-bayan ng lupain na nasa gitna ng lunsod.
26. At dinala sila ni Nebuzaradan na kapitan ng bantay sa hari ng Babilonia sa Ribla.
27. Pagkatapos ay sinaktan sila ng hari ng Babilonia at sila'y pinatay sa Ribla sa lupain ng Hamat. Sa gayon, nadalang bihag ang Juda mula sa lupain nito.
28. Ito ang bilang ng mga taong dinalang bihag ni Nebukadnezar nang ikapitong taon: tatlong libo at dalawampu't tatlong Judio;
29. nang ikalabingwalong taon ni Nebukadnezar ay nagdala siya ng bihag mula sa Jerusalem ng walong daan at tatlumpu't dalawang katao.
30. Nang ikadalawampu't tatlong taon ni Nebukadnezar, si Nebuzaradan na pinuno ng bantay ay nagdala ng bihag na mga Judio na pitong daan at apatnapu't limang katao; lahat-lahat ay apat na libo at animnaraang katao.
31. Nang ikatatlumpu't pitong taon ng pagkabihag kay Jehoiakin na hari ng Juda, nang ikadalawampu't limang araw ng ikalabindalawang buwan, si Evilmerodac na hari ng Babilonia, nang unang taon na siya ay maging hari, ay nagpakita ng kabutihan kay Jehoiakim na hari ng Juda at kanyang inilabas siya sa bilangguan.
32. Siya'y nagsalitang may kabaitan sa kanya, at binigyan siya ng trono na higit na mataas kaysa trono ng mga hari na kasama niya sa Babilonia.
33. At kanyang pinalitan ang kanyang mga damit-bilanggo. At araw-araw sa buong buhay niya ay kumain siya sa hapag ng hari.
34. At tungkol sa kanyang gastusin, binigyan siya ng hari ng gastusin ayon sa kanyang pang-araw-araw na pangangailangan, habang siya ay nabubuhay, hanggang sa araw ng kanyang kamatayan.
129. Kahanga-hanga ang mga patotoo mo, kaya't sila'y iniingatan ng kaluluwa ko.
130. Ang paghahayag ng iyong mga salita ay nagbibigay ng kaliwanagan; nagbibigay ng unawa sa walang karunungan.
131. Binuksan ko ang aking bibig ng maluwag at humihingal ako, sapagkat ako'y nasasabik sa mga utos mo.
132. Manumbalik ka sa akin, at maawa ka sa akin, gaya ng sa umiibig ng iyong pangalan ay kinaugalian mong gawin.
133. Gawin mong matatag ang mga hakbang ko ayon sa iyong pangako, at huwag magkaroon ng kapangyarihan sa akin ang kasamaan.
134. Tubusin mo ako sa kalupitan ng tao, upang aking matupad ang mga tuntunin mo.
135. Paliwanagin mo ang iyong mukha sa lingkod mo, at ituro mo sa akin ang mga alituntunin mo.
136. Inaagusan ng mga luha ang mga mata ko, sapagkat hindi nila tinutupad ang kautusan mo.
7. Matalinong anak ang tumutupad sa kautusan, ngunit ang kasama ng matatakaw, sa kanyang ama ay kahihiyan.
8. Ang nagpapalago ng kanyang yaman sa pamamagitan ng labis na patubo, ay nagtitipon para sa iba na mabait sa dukha.
1. Ngunit ikaw naman, magsalita ka ng mga bagay na angkop sa mahusay na aral.
2. Ang matatandang lalaki ay dapat maging mapagpigil sa sarili, kagalang-galang, matino, malakas sa pananampalataya, sa pag-ibig, at sa pagtitiis.
3. Sabihan mo rin ang matatandang babae na maging magalang sa kanilang asal, hindi mapanirang-puri, ni paalipin man sa alak; dapat silang magturo ng kabutihan,
4. upang kanilang maturuan ang mga kabataang babae na ibigin ang kani-kanilang mga asawa, ibigin ang kanilang mga anak,
5. maging matino, dalisay, masipag sa gawaing bahay, mabait, na nagpapasakop sa kani-kanilang asawa, upang huwag lapastanganin ang salita ng Diyos.
6. Gayundin naman, himukin mo ang mga kabataang lalaki na maging matino sa pag-iisip.
7. Sa lahat ng mga bagay ay ipakita mo ang iyong sarili na isang uliran sa mabubuting gawa; at sa iyong pagtuturo ay magpakita ka ng katapatan, pagiging kagalang-galang,
8. wastong pananalita na hindi mapipintasan, upang ang kalaban ay mapahiya, na walang anumang masamang masasabi tungkol sa atin.
9. Ang mga alipin ay magpasakop sa kanilang mga panginoon at magbigay ng kasiyahan sa lahat ng mga bagay, at huwag maging palasagot,
10. ni huwag mangungupit, kundi magpakita ng lubos at tunay na katapatan, upang sa lahat ng bagay ay mapalamutian nila ang aral ng Diyos na ating Tagapagligtas.
11. Sapagkat nagpakita ang biyaya ng Diyos, na nagdadala ng kaligtasan sa lahat ng tao,
12. na nagtuturo sa atin na matapos itakuwil ang kasamaan, at mga makamundong pagnanasa, ay dapat tayong mamuhay nang may katinuan, matuwid at banal sa kasalukuyang panahon,
13. habang hinihintay natin ang mapalad na pag-asa at ang pagpapakita ng kaluwalhatian ng ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.
14. Siya ang nagbigay ng kanyang sarili alang-alang sa atin, upang tayo'y matubos niya sa lahat ng mga kasamaan, at pakalinisin para sa kanyang sarili ang sambayanang pag-aari niya na masigasig sa mabubuting gawa.
15. Ipahayag mo ang mga bagay na ito. Mangaral ka at sumaway na may buong kapamahalaan. Huwag mong hayaang hamakin ka ng sinuman.
Tagalog Bible 2001
Philippine Bible Society, 2001