Bibliya sa isang taon

1. Ang kaban ng PANGINOON ay nasa lupain ng mga Filisteo sa loob ng pitong buwan.
2. Ipinatawag ng mga Filisteo ang mga pari at ang mga manghuhula, na sinasabi, 'Anong aming gagawin sa kaban ng PANGINOON? Sabihin ninyo sa amin kung anong aming ipapadala kasama nito sa kanyang dako."
3. At kanilang sinabi, "Kung inyong ipapadala ang kaban ng Diyos ng Israel, huwag ninyong ipadalang walang laman, kundi gawin ninyo ang lahat ng paraan na maibalik siya na may handog para sa budhing nagkasala. Kung magkagayo'y gagaling kayo at malalaman ninyo kung bakit ang kanyang kamay ay hindi humihiwalay sa inyo."
4. Kanilang sinabi, "Ano ang handog para sa budhing nagkasala na aming ibabalik sa kanya?" At kanilang sinabi, "Iimang gintong bukol, at Iimang gintong daga ayon sa bilang ng mga panginoon ng mga Filisteo; sapagkat iisang salot ang dumating sa inyong lahat at sa inyong mga panginoon.
5. Kaya't kailangang gumawa kayo ng mga anyo ng inyong mga bukol at daga na sumira ng lupain, at inyong bigyan ng kaluwalhatian ang Diyos ng Israel, baka sakaling kanyang pagaanin ang kanyang kamay sa inyo, sa inyong mga diyos, at sa inyong lupain.
6. Bakit ninyo pinagmamatigas ang inyong puso gaya ng mga taga-Ehipto at ni Faraon na pinagmatigas ang kanilang puso? Pagkatapos na siya'y makagawa ng kahanga-hanga sa kanila, di ba pinahintulutan nilang umalis ang bayan, at sila'y umalis?
7. Ngayo'y kumuha kayo at maghanda ng isang bagong kariton, at dalawang bagong bakang gatasan na hindi pa napatungan ng pamatok; at ikabit ninyo ang mga baka sa kariton ngunit iuwi ninyo ang kanilang mga guya.
8. Kunin ninyo ang kaban ng PANGINOON, ilagay ninyo sa kariton, at isilid ninyo sa isang kahon na nasa tabi niyon ang mga hiyas na ginto na inyong ibabalik sa kanya bilang handog para sa budhing nagkasala. Pagkatapos ay paalisin na ninyo, at hayaang lumakad.
9. Masdan ninyo. Kung umahon sa daang patungo sa kanyang sariling lupain sa Bet-shemes, kung gayon ay siya nga ang gumawa sa atin ng malaking pinsalang ito. Ngunit kung hindi, malalaman natin na hindi ang kanyang kamay ang nanakit sa atin, ito ay pangyayaring nagkataon lamang."
10. Gayon ang ginawa ng mga lalaki, at kumuha ng dalawang bagong bakang gatasan at ikinabit sa kariton, at ikinulong ang kanilang mga guya sa bahay.
11. Kanilang inilagay ang kaban ng PANGINOON sa kariton at ang kahon na may mga dagang ginto at mga anyo ng kanilang mga bukol.
12. Ang mga baka ay tuluy-tuloy sa daang patungo sa Bet-shemes; sila'y nagpatuloy sa lansangan, na umuungal habang humahayo. Sila'y hindi lumiko sa kanan o sa kaliwa; at ang mga panginoon ng mga Filisteo ay sumunod sa kanila hanggang sa hangganan ng Bet-shemes.
13. Noon ang mga tagaBet-shemes ay nag-aani ng kanilang trigo sa libis. Nang sila'y tumingin at nakita ang kaban, sila ay nagalak na makita iyon.
14. Ang kariton ay dumating sa bukid ni Josue na tagaBet-shemes at huminto roon. Isang malaking bato ang naroroon; at kanilang biniyak ang kahoy ng kariton at inihandog sa PANGINOON ang mga baka bilang handog na sinusunog.
15. Ibinabang mga Levita ang kaban ng PANGINOON at ang kahon na nasa tagiliran niyon na may lamang mga hiyas na ginto, at ipinatong sa malaking bato. Ang mga lalaki sa Bet-shemes ay naghandog ng mga handog na sinusunog at nag-alay ng mga alay sa PANGINOON nang araw ding iyon.
16. Nang makita ito ng limang panginoon ng mga Filisteo, sila ay bumalik sa Ekron nang araw ding iyon.
17. Ito ang mga gintong bukol na ibinalik ng mga Filisteo sa PANGINOON bilang handog para sa budhing nagkasala: isa sa Asdod, isa sa Gaza, isa sa Ascalon, isa sa Gat, at isa sa Ekron.
18. Ang mga dagang ginto, ayon sa bilang ng lahat ng mga lunsod ng mga Filisteo na sakop ng limang panginoon, ang mga lunsod na nakukutaan at mga nayoh sa kaparangan. Ang malaking bato na kanilang pinagbabaan ng kaban ng PANGINOON ay isang saksi hanggang sa araw na ito sa bukid ni Josue na tagaBet-shemes.
19. Kanyang pinatay ang ilan sa mga tao sa Bet-shemes, sapagkat kanilang tiningnan ang loob ng kaban ng PANGINOON. Pumatay siya sa bayan ng pitumpung lalaki at limampung libong katao. Ang bayan ay nagluksa sapagkat ang PANGINOON ay gumawa ng malaking pagpatay sa taong-bayan.
20. Sinabi ng mga lalaking tagaBet-shemes, "Sino ang makakatayo sa harap ng PANGINOON, dito sa banal na Diyos? Kanino niya ito ipadadala upang mapalayo sa atin?"
21. Kaya't sila'y nagpadala ng mga sugo sa mga naninirahan sa Kiryat-jearim, na nagsasabi, "Ibinalik na ng mga Filisteo ang kaban ng PANGINOON; kayo'y lumusong at iahon ninyo sa inyo."
1. Ang mga tao sa Kiryat-jearim ay dumating at iniahon ang kaban ng PANGINOON, at dinala sa bahay ni Abinadab sa burol; at kanilang itinalaga si Eleazar na kanyang anak upang ingatan ang kaban ng PANGINOON.
2. Mula nang araw na ilagay ang kaban sa Kiryat-jearim ay lumipas ang mahabang panahon, mga dalawampung taon at ang buong sambahayan ng Israel ay tumaghoy sa PANGINOON.
3. Nagsalita si Samuel sa buong sambahayan ng Israel, "Kung kayo'y nanunumbalik sa PANGINOON nang inyong buong puso ay inyo ngang alisin ang ibang mga diyos at ang mga Astarot na nasa inyo. Ituon ninyo ang inyong mga puso sa PANGINOON, at sa kanya lamang kayo maglingkod at ililigtas niya kayo sa kamay ng mga Filisteo."
4. Kaya't inalis ng mga anak ni Israel ang mga Baal at ang mga Astarot, at ang PANGINOON lamang ang kanilang pinaglingkuran.
5. Sinabi ni Samuel, "Tipunin ninyo ang buong Israel sa Mizpa at idadalangin ko kayo sa PANGINOON."
6. Kaya't sila'y nagtipun-tipon sa Mizpa, umigib ng tubig, ibinuhos sa harap ng PANGINOON, at nag-ayuno nang araw na iyon. Sinabi nila roon, "Kami ay nagkasala laban sa PANGINOON." At naghukom si Samuel sa mga anak ni Israel sa Mizpa.
7. Nang mabalitaan ng mga Filisteo na ang mga anak ni Israel ay nagtipon sa Mizpa, umahon laban sa Israel ang mga panginoon ng mga Filisteo. Nang mabalitaan iyon ng mga anak ni Israel, sila ay natakot sa mga Filisteo.
8. Sinabi ng mga anak ni Israel kay Samuel, "Huwag kang tumigil ng pagsamo para sa atin sa PANGINOON nating Diyos, upang iligtas niya tayo sa kamay ng mga Filisteo."
9. Kumuha si Samuel ng isang korderong pasusuhin at inihandog bilang buong handog na sinusunog sa PANGINOON. Dumaing si Samuel sa PANGINOON para sa Israel; at ang PANGINOON ay sumagot sa kanya.
10. Samantalang si Samuel ay naghahandog ng handog na sinusunog, lumapit ang mga Filisteo upang lumusob sa Israel; ngunit ang PANGINOON ay nagpakulog ng isang malakas na kulog nang araw na iyon sa mga Filisteo at nilito sila. Sila'y nabuwal sa harap ng Israel.
11. Ang mga lalaki ng Israel ay lumabas sa Mizpa at hinabol ang mga Filisteo at pinatay sila hanggang sa ibabang Betcar.
12. Nang magkagayo'y kumuha si Samuel ng isang bato at inilagay sa pagitan ng Mizpa at ng Sen. Tinawag ang pangalan nito na Ebenezer sapagkat sinasabi niya, "Hanggang dito'y tinulungan tayo ng PANGINOON."
13. Kaya't nagapi ang mga Filisteo at hindi na muling pumasok sa nasasakupan ng Israel. Ang kamay ng PANGINOON ay laban sa Filisteo sa lahat ng mga araw ni Samuel.
14. Ang mga bayang sinakop ng mga Filisteo sa Israel ay ibinalik sa Israel, mula sa Ekron hanggang sa Gat; at binawi ng Israel ang kanilang nasasakupan mula sa kamay ng mga Filisteo. Nagkaroon din ng kapayapaan sa pagitan ng Israel at ng mga Amoreo.
15. Naghukom si Samuel sa Israel sa lahat ng mga araw ng kanyang buhay.
16. Siya'y nagpalibut-libot taun-taon sa Bethel, Gilgal, at Mizpa; at naghukom siya sa Israel sa mga lugar na ito.
17. Pagkatapos ay bumabalik siya sa Rama, sapagkat naroroon ang kanyang tahanan, at doon ay pinapangasiwaan din niya ang katarungan sa Israel. Nagtayo siya roon ng isang dambana sa PANGINOON.
1. O Diyos, dalangin ko'y pakinggan mo, at huwag kang magtago sa daing ko!
2. Pansinin mo ako, at sagutin mo ako; ako'y natatalo ng aking pagdaramdam. Ako'y walang katiwasayan sa aking pag-angal at ako'y dumadaing,
3. dahil sa tinig ng kaaway, dahil sa pagmamalupit ng masama. Sapagkat nagdadala sila sa akin ng kaguluhan, at sa galit ay inuusig nila ako.
4. Ang aking puso ay nagdaramdam sa loob ko, ang mga kilabot ng kamatayan ay bumagsak sa akin.
5. Takot at panginginig ay dumating sa akin, at nadaig ako ng pagkatakot.
6. At aking sinabi, "O kung ako sana'y nagkaroon ng mga pakpak na gaya ng kalapati! Lilipad ako at magpapahinga.
7. Narito, kung magkagayo'y gagala ako sa malayo, sa ilang ay maninirahan ako. (Selah)
8. Ako'y magmamadaling hahanap ng silungan ko, mula sa malakas na hangin at bagyo."
14. Ang isip ng may unawa ay humahanap ng kaalaman, ngunit ang bibig ng mga hangal ay kumakain ng kahangalan.
20. "Subalit kapag nakita ninyong pinaliligiran ng mga hukbo ang Jerusalem, alamin nga ninyo na ang kanyang pagkawasak ay malapit na.
21. Kaya't ang mga nasa Judea ay dapat tumakas patungo sa mga bundok; at ang mga nasa loob ng lunsod ay lumabas, at ang mga nasa labas ng lupain ay huwag pumasok doon;
22. sapagkat ito ang mga araw ng paghihiganti, upang matupad ang lahat ng mga bagay na nasusulat.
23. Kahabag-habag ang mga buntis at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon! Sapagkat magkakaroon ng malaking pagdurusa sa ibabaw ng lupa at poot laban sa sambayanang ito.
24. Sila'y mabubuwal sa pamamagitan ng talim ng tabak at dadalhing bihag sa lahat ng mga bansa. Yuyurakan ang Jerusalem ng mga Hentil, hanggang sa matupad ang mga panahon ng mga Hentil.
25. "At magkakaroon ng mga tanda sa araw, at buwan, at mga bituin, at sa lupa'y magkakaroon ng kahirapan sa mga bansa, na nalilito dahil sa ugong ng dagat at mga daluyong.
26. Ang mga tao ay manlulupaypay dahil sa takot, at mangangamba sa mga bagay na darating sa daigdig, sapagkat ang mga kapangyarihan sa mga langit ay mayayanig.
27. Pagkatapos ay makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa isang ulap na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.
28. Kapag nagsimulang mangyari ang mga bagay na ito, tumingala kayo at itaas ninyo ang inyong mga ulo, sapagkat malapit na ang katubusan ninyo."
29. At isinalaysay niya sa kanila ang isang talinghaga: "Masdan ninyo ang puno ng igos at ang lahat ng mga punungkahoy;
30. kapag mayroon na silang mga dahon ay nakikita mismo ninyo at nalalaman na malapit na ang tag-araw.
31. Gayundin naman kayo, kapag nakita ninyong nangyayari ang mga bagay na ito, nalalaman ninyo na malapit na ang kaharian ng Diyos.
32. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi lilipas ang salinlahing ito, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.
33. Ang langit at ang lupa ay lilipas, subalit ang aking salita ay hindi lilipas.
34. "Subalit mag-ingat kayo sa inyong sarili, baka magumon ang inyong mga puso sa katakawan, at kalasingan, at sa mga alalahanin ukol sa buhay na ito, at biglang dumating ang araw na iyon na parang bitag.
35. Sapagkat ito ay darating sa lahat ng nabubuhay sa ibabaw ng lupa.
36. Subalit maging handa kayo sa bawat panahon, na nananalanging magkaroon kayo ng lakas upang makatakas sa lahat ng mga bagay na ito na mangyayari, at upang makatayo kayo sa harapan ng Anak ng Tao."
37. Araw-araw ay nagtuturo siya sa templo; subalit sa gabi ay lumalabas siya at ginugugol ang magdamag sa bundok na tinatawag na Olibo.
38. At lahat ng mga tao ay maagang pumaparoon sa kanya sa templo upang pakinggan siya.
Tagalog Bible 2001
Philippine Bible Society, 2001