Bibliya sa isang taon

1. Nang ikatlong araw, nagsuot si Esther ng kanyang damit pang-reyna, at tumayo sa pinakaloob na bulwagan ng palasyo ng hari, sa tapat ng tirahan ng hari. Ang hari ay nakaupo sa kanyang trono sa loob ng palasyo, sa tapat ng pasukan ng palasyo.
2. Nang makita ng hari si Reyna Esther na nakatayo sa bulwagan, nakuha ng reyna ang paglingap ng hari. Kaya't inilawit ng hari kay Esther ang gintong setro na nasa kanyang kamay. At lumapit si Esther at hinipo ang dulo ng setro.
3. Itinanong ng hari sa kanya, "Ano iyon, Reyna Esther? Ano ang iyong kahilingan? Ibibigay ko sa iyo kahit kalahati ng aking kaharian."
4. Sinabi ni Esther, "Kung ikalulugod ng hari, pumunta sa araw na ito ang hari at si Haman sa salu-salong inihanda ko para sa hari."
5. At sinabi ng hari, "Dalhin mong madali dito si Haman upang magawa namin ang gaya ng nais ni Esther." Kaya't pumunta ang hari at si Haman sa salu-salo na inihanda ni Esther.
6. Samantalang umiinom sila ng alak, sinabi ng hari kay Esther, "Ano ang iyong kahilingan? Ipagkakaloob iyon sa iyo. Ano ang iyong kahilingan? Kahit kalahati ng kaharian ay ipagkakaloob sa iyo."
7. At sumagot si Esther, "Ang aking kahilingan ay ito:
8. Kung ako'y nakatagpo ng paglingap sa paningin ng hari, at kung kalugdan ng hari na ipagkaloob ang aking kahilingan, pumunta ang hari at si Haman sa salusalo na aking ihahanda sa kanila, at bukas ay aking gagawin ang gaya ng sinabi ng hari."
9. Lumabas si Haman nang araw na iyon na galak na galak at may masayang puso. Ngunit nang makita ni Haman si Mordecai sa pintuan ng hari, na hindi siya tumayo o nanginig man sa harapan niya, siya'y napuno ng poot laban kay Mordecai.
10. Gayunma'y nagpigil si Haman sa kanyang sarili, at umuwi sa bahay. Siya'y nagsugo at ipinasundo ang kanyang mga kaibigan at si Zeres na kanyang asawa.
11. Ikinuwento ni Haman sa kanila ang karangyaan ng kanyang mga kayamanan, ang bilang ng kanyang mga anak na lalaki, at lahat ng pagkataas ng katungkulan na ipinarangal ng hari sa kanya, at kung paanong kanyang itinaas siya nang higit kaysa mga pinuno at mga lingkod ng hari.
12. Dagdag pa ni Haman, "Maging si Reyna Esther ay hindi nagpapasok ng sinuman na kasama ng hari sa kapistahan na kanyang inihanda kundi ako lamang. At bukas ay inaanyayahan na naman niya ako na kasama ng hari.
13. Gayunma'y ang lahat ng ito'y walang kabuluhan sa akin habang aking nakikita ang Judiong si Mordecai na nakaupo sa pintuan ng hari."
14. Nang magkagayo'y sinabi sa kanya ni Zeres na kanyang asawa at ng lahat niyang kaibigan, "Magpagawa ka ng isang bitayan na may limampung siko ang taas, at kinaumagahan ay sabihin mo sa hari na bitayin doon si Mordecai. Pagkatapos ay lumakad kang masaya na kasama ng hari sa kapistahan." Ang payong ito ay nagustuhan ni Haman at kanyang ipinagawa ang bitayan.
1. Nang gabing iyon ay hindi makatulog ang hari kaya't kanyang iniutos na dalhin ang aklat ng mahahalagang mga gawa, ang mga kasaysayan, at ang mga ito ay binasa sa harapan ng hari.
2. Natuklasang nakasulat kung paanong sinabi ni Mordecai ang tungkol kina Bigtana at Teres, dalawa sa mga eunuko ng hari, na nagbabantay sa pintuan na nagbalak patayin si Haring Ahasuerus.
3. At sinabi ng hari, "Anong karangalan at kadakilaan ang ibinigay kay Mordecai dahil dito?" Sinabi ng mga lingkod ng hari na naglilingkod sa kanya, "Walang anumang ginawa para sa kanya."
4. Sinabi ng hari, "Sino ang nasa bulwagan?" Kapapasok pa lamang ni Haman sa bulwagan ng palasyo ng hari, upang magsalita sa hari na bitayin si Mordecai sa bitayan na inihanda niya sa kanya.
5. At ang mga lingkod ng hari ay nagsabi sa kanya, "Naroon si Haman, nakatayo sa bulwagan." At sinabi ng hari, "Papasukin siya."
6. Sa gayo'y pumasok si Haman at sinabi ng hari sa kanya, "Anong gagawin sa lalaking kinalulugdang parangalan ng hari?" Sinabi ni Haman sa kanyang sarili, "Sino ang kinalulugdang parangalan ng hari nang higit kaysa akin?"
7. At sinabi ni Haman sa hari, "Para sa lalaking kinalulugdang parangalan ng hari,
8. ay ipakuha ang damit-hari na isinuot ng hari, at ang kabayo na sinakyan ng hari, at ang korona ng hari para sa kanyang ulo,
9. at ibigay ang bihisan at ang kabayo sa isa sa pinakapangunahing pinuno ng hari. Bihisan niya ang lalaking kinalulugdang parangalan ng hari, at ilibot sa buong lunsod na nakasakay sa kabayo, at ipahayag na nauuna sa kanya: 'Ganito ang gagawin sa lalaking kinalulugdang parangalan ng hari.'"
10. Nang magkagayo'y sinabi ng hari kay Haman, "Ikaw ay magmadali, at kunin mo ang bihisan at ang kabayo, gaya ng iyong sinabi, at gayon ang gawin mo kay Mordecai, na Judio na umuupo sa pintuan ng hari. Huwag mong bawasan ang anumang bagay na iyong sinabi."
11. Nang magkagayo'y kinuha ni Haman ang bihisan at ang kabayo, at binihisan si Mordecai, at sakay na inilibot sa buong lunsod at ipinahahayag na nauuna sa kanya: "Ganito ang gagawin sa lalaking kinalulugdang parangalan ng hari."
12. Pagkatapos ay bumalik si Mordecai sa pintuan ng hari. Ngunit si Haman ay nagmadaling umuwi, tumatangis at may takip ang ulo.
13. At ibinalita ni Haman kay Zeres na kanyang asawa at sa lahat ng kanyang mga kaibigan ang lahat ng bagay na nangyari sa kanya. Nang magkagayo'y sinabi sa kanya ng kanyang mga pantas na lalaki at ni Zeres na kanyang asawa, "Kung si Mordecai, na siyang pinagsimulan ng iyong pagbagsak, ay mula sa bayan ng mga Judio, hindi ka magtatagumpay laban sa kanya, kundi ikaw ay tiyak na mahuhulog sa harapan niya."
14. Samantalang sila'y nakikipag-usap pa sa kanya, dumating ang mga eunuko ng hari at nagmamadaling dinala si Haman sa salu-salo na inihanda ni Esther.
1. Panginoon, ikaw ay naging aming tahanang dako sa lahat ng salinlahi.
2. Bago nilikha ang mga bundok, o bago mo nilikha ang lupa at ang sanlibutan, ikaw ay Diyos, mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan.
3. Iyong ibinabalik ang tao sa alabok, at iyong sinasabi, "Bumalik kayo, kayong mga anak ng mga tao!"
4. Sapagkat ang isang libong taon sa iyong paningin, ay parang kahapon lamang kapag ito'y nakalipas, o gaya ng isang gabing pagbabantay.
5. Iyong dinadala sila na parang baha, sila'y nakatulog, kinaumagahan ay parang damo na tumutubo;
6. sa umaga ito'y nananariwa at lumalago, sa hapon ito'y nalalanta at natutuyo.
9. Ang may mga matang mapagbigay ay pinagpapala, sapagkat nagbibigay siya ng kanyang tinapay sa mga dukha.
1. Ano nga ang ating sasabihin na natuklasan ni Abraham na ating ninuno ayon sa laman?
2. Sapagkat kung si Abraham ay itinuring na ganap sa pamamagitan ng mga gawa, ay mayroon sana siyang ipagmamalaki, ngunit hindi sa Diyos.
3. Sapagkat ano ang sinasabi ng kasulatan? "Sumampalataya si Abraham sa Diyos, at iyon ay ibinilang sa kanya na katuwiran."
4. Ngayon sa gumagawa, ang kabayaran ay hindi itinuturing na biyaya, kundi siyang talagang nararapat.
5. Ngunit sa kanya na hindi gumagawa, kundi sumasampalataya sa kanya na umaaring-ganap sa masamang tao, ang kanyang pananampalataya ay itinuturing na katuwiran.
6. Gaya naman ng sinasabi ni David tungkol sa pagiging mapalad ng tao na itinuturing ng Diyos na matuwid na hiwalay sa gawa:
7. "Mapapalad ang mga pinatatawad sa kanilang mga masasamang gawa, at ang mga tinakpan ang kanilang mga kasalanan.
8. Mapalad ang tao na hindi ibibilang laban sa kanya ng Panginoon ang kasalanan."
9. Ipinahayag nga ba ang pagiging mapalad na ito sa pagtutuli, o gayundin sa di pagtutuli? Sapagkat sinasabi natin, "Ang pananampalataya ay ibinilang na pagiging matuwid kay Abraham."
10. Paano nga ito ibinilang? Iyon ba'y bago siya tinuli o nang tuli na siya? Iyon ay hindi pagkatapos na siya ay tuliin, kundi bago siya tinuli.
11. Tinanggap niya ang tanda ng pagtutuli, na isang tatak ng pagiging matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya na nasa kanya nang siya'y di pa tuli. Ang layunin ay upang siya'y maging ama ng mga sumasampalataya, bagaman sila'y di tuli, at upang ang pagiging matuwid ay maibilang din sa kanila,
12. gayundin ang ama ng pagtutuli na hindi lamang sa mga pagtutuli kundi pati naman sa mga sumusunod sa mga hakbang ng pananampalataya na taglay ng ating amang si Abraham na nasa kanya bago siya tinuli.
13. Sapagkat ang pangako na kanyang mamanahin ang sanlibutan ay hindi dumating kay Abraham o sa kanyang binhi sa pamamagitan ng kautusan kundi sa pamamagitan ng pagiging matuwid ng pananampalataya.
14. Sapagkat kung silang nasa kautusan ang siyang mga tagapagmana, walang kabuluhan ang pananampalataya, at pinawawalang saysay ang pangako.
15. Sapagkat ang kautusan ay gumagawa ng galit; ngunit kung saan walang kautusan ay wala ring paglabag.
16. Dahil dito, iyon ay batay sa pananampalataya, upang maging ayon sa biyaya; upang ang pangako ay maging tiyak para sa lahat ng binhi, hindi lamang sa nasa kautusan, kundi pati naman sa nasa pananampalataya ni Abraham (na ama nating lahat,
17. gaya ng nasusulat, "Ginawa kitang ama ng maraming bansa") sa harapan ng Diyos na kanyang sinampalatayanan, na nagbibigay-buhay sa mga patay, at ang mga bagay na hindi buhay noon ay binubuhay niya ngayon.
18. Umaasa kahit wala nang pag-asa, siya'y sumampalataya na siya'y magiging "ama ng maraming bansa" ayon sa sinabi, "Magiging napakarami ang iyong binhi."
19. Hindi siya nanghina sa pananampalataya, itinuring niya ang sariling katawan tulad sa patay na (sapagkat siya'y may mga isandaang taon na noon), at ang pagkabaog ng bahay-bata ni Sarah.
20. Gayunman, hindi siya nag-alinlangan sa pangako ng Diyos sa pamamagitan ng di paniniwala, kundi pinalakas siya ng pananampalataya habang niluluwalhati niya ang Diyos,
21. at lubos na naniwala na kayang gawin ng Diyos ang kanyang ipinangako.
22. Kaya't ang kanyang pananampalataya ay ibinilang na katuwiran sa kanya.
23. Ngayo'y hindi lamang dahil sa kanya isinulat ang salitang, "sa kanya'y ibinilang,"
24. kundi dahil din naman sa atin, na ibibilang sa atin na mga sumasampalataya sa kanya na muling bumuhay kay Jesus na ating Panginoon mula sa mga patay,
25. na ibinigay sa kamatayan dahil sa ating mga pagsuway at muling binuhay upang tayo'y ariing-ganap.
Tagalog Bible 2001
Philippine Bible Society, 2001