1. Sa ibabaw ng aking higaan sa gabi, hinanap ko siyang iniibig ng aking kaluluwa; hinanap ko siya, ngunit hindi ko siya natagpuan.
2. "Ako'y babangon at lilibot sa lunsod, sa mga lansangan at sa mga liwasan, hahanapin ko siya na iniibig ng aking kaluluwa." Hinanap ko siya, ngunit hindi ko siya natagpuan.
3. Nakita ako ng mga tanod, habang sila'y naglilibot sa lunsod. "Nakita ba ninyo siya na sinisinta ng aking kaluluwa?"
4. Halos di pa ako nakakalayo sa kanila, nang masumpungan ko siya na iniibig ng aking kaluluwa. Pinigilan ko siya, at hindi ko hinayaang umalis, hanggang sa siya'y aking nadala sa bahay ng aking ina, at sa silid niya na naglihi sa akin.
5. O mga anak na babae ng Jerusalem, kayo'y aking pinagbibilinan, alang-alang sa mga usang lalaki at babae sa kaparangan, na huwag ninyong pukawin o gisingin man ang pagmamahal, hanggang sa kanyang maibigan.
6. Ano itong umaahon mula sa ilang, na gaya ng haliging usok, na napapabanguhan ng mira at ng kamanyang, ng lahat ng mabangong pulbos ng mangangalakal?
7. Tingnan ninyo, iyon ang higaan ni Solomon! Animnapung magigiting na lalaki ang nasa palibot niyon, sa magigiting na lalaki ng Israel.
8. Silang lahat ay may sakbat na tabak, at sanay sa pakikidigma: bawat isa'y may tabak sa kanyang hita, sa mga hudyat sa gabi ay laging handa.
9. Si Haring Solomon ay gumawa para sa sarili ng higaang binubuhat mula sa kahoy ng Lebanon.
10. Ginawa niyang pilak ang mga haligi niyon, ang likod niyon ay ginto, at ang upuan ay kulay ube; ang loob niyon ay hinabi ng may pag-ibig ng mga anak na babae ng Jerusalem.
11. Humayo kayo, O mga anak na babae ng Zion, at inyong masdan si Haring Solomon, na may korona na ipinutong sa kanya ng kanyang ina, sa araw ng kanyang kasal, sa araw ng katuwaan ng kanyang puso.
1. O napakaganda mo, mahal ko; talagang ikaw ay maganda; Ang iyong mga mata ay mga kalapati sa likod ng iyong talukbong. Ang iyong buhok ay gaya ng kawan ng mga kambing, na bumababa sa gulod ng bundok ng Gilead.
2. Ang iyong mga ngipin ay gaya ng mga kawan ng mga batang tupa na bagong gupit, na nagsiahon mula sa paglilinis, na bawat isa'y may anak na kambal, at walang nagluluksa isa man sa kanila.
3. Ang iyong mga labi ay gaya ng pising mapula, at ang iyong bibig ay kahali-halina. Ang iyong mga pisngi ay gaya ng kalahati ng granada, sa likod ng iyong talukbong.
4. Ang iyong leeg ay gaya ng tore ni David, na itinayo upang pagtaguan ng mga sandata, na kinabibitinan ng libong kalasag, na ang lahat ay mga kalasag ng mga mandirigma.
5. Ang iyong dalawang suso ay gaya ng dalawang batang usa na mga kambal ng isang inahing usa, na nanginginain sa gitna ng mga liryo.
6. Hanggang sa ang araw ay huminga at ang mga anino ay tumakas, ako'y paroroon sa bundok ng mira, at sa burol ng kamanyang.
7. Ikaw ay totoong maganda, sinta ko; walang kapintasan sa iyo.
8. Sumama ka sa akin mula sa Lebanon, kasintahan ko. Sumama ka sa akin mula sa Lebanon. Tumanaw ka mula sa taluktok ng Amana, mula sa taluktok ng Senir at ng Hermon, mula sa mga yungib ng mga leon, mula sa mga bundok ng mga leopardo.
9. Inagaw mo ang aking puso, kapatid ko, kasintahan ko, inagaw mo ang aking puso ng isang sulyap ng mga mata mo, ng isang hiyas ng kuwintas mo.
10. Napakatamis ng iyong pag-ibig, kapatid ko, kasintahan ko! Higit na mainam ang iyong pagsinta kaysa alak! At ang amoy ng iyong mga langis kaysa anumang pabango!
11. Ang iyong mga labi, O kasintahan ko, ay nagbibigay ng katas, pulot at gatas ay nasa ilalim ng iyong dila; at ang bango ng iyong mga suot ay gaya ng amoy ng Lebanon.
12. Halamanang nababakuran ang kapatid ko, ang kasintahan ko; halamanang nababakuran, isang bukal na natatakpan.
13. Ang iyong mga pananim ay halamanan ng mga granada, na may piling-piling mga bunga; hena na may nardo,
14. may nardo at safro, kalamo at kanela, sampu ng lahat na puno ng kamanyang; mira at mga aloe, sampu ng lahat ng pabangong pinakamainam —
15. isang bukal ng mga halamanan, balon ng mga tubig na buhay, at dumadaloy na batis mula sa Lebanon.
16. Gumising ka, O hanging amihan, at pumarito ka, O hanging habagat! Humihip ka sa aking halamanan, upang ang bango niya'y humalimuyak. Pumasok ang aking sinta sa halamanan niya, at kumaih siya ng mga piling-piling bunga.
10. Siya'y nagsusugo ng mga bukal sa mga libis; ang mga iyon ay umagos sa pagitan ng mga bundok,
11. kanilang binibigyan ng inumin ang bawat hayop sa parang; pinapawi ng mailap na asno ang kanilang pagkauhaw.
12. Sa tabi nila ay nagkaroon ng kanilang tahanan ang mga ibon sa himpapawid; sila'y nagsisiawit sa mga sanga.
13. Mula sa iyong mga matataas na silid ay dinidilig mo ang mga bundok; sa bunga ng iyong mga gawa ang lupa'y busog.
14. Iyong pinalalago para sa mga hayop ang damo, at ang pananim upang sakahin ng tao, upang siya'y makapagbigay ng pagkain mula sa lupa,
15. at ng alak upang pasayahin ang puso ng tao, ng langis upang paliwanagin ang kanyang mukha, at tinapay upang palakasin ang puso ng tao.
16. Ang mga punungkahoy ng PANGINOON ay busog, ang mga sedro sa Lebanon na kanyang itinanim.
17. Sa mga iyon ay gumagawa ng kanilang mga pugad ang mga ibon; ang tagak ay mayroong kanyang bahay sa puno ng igos.
18. Ang matataas na bundok ay para sa maiilap na kambing; ang malalaking bato ay kanlungan ng mga kuneho.
19. Ginawa mo ang buwan upang takdaan ang mga panahon; nalalaman ng araw ang kanyang panahon ng paglubog.
20. Itinatalaga mo ang kadiliman at ito'y nagiging gabi; nang ang lahat ng mga halimaw sa gubat ay gumagapang.
21. Umuungal ang mga batang leon para sa kanilang biktima, na naghahanap ng kanilang pagkain mula sa Diyos.
22. Kapag ang araw ay sumisikat sila'y nagsisialis, at humihiga sa kanilang mga yungib.
23. Ang tao ay humahayo sa kanyang gawain, at sa kanyang paggawa hanggang sa kinahapunan.
17. Kapag nabubuwal ang iyong kaaway ay huwag kang magalak, at huwag matuwa ang iyong puso kapag siya'y bumabagsak;
18. baka ito'y makita ng PANGINOON, at ikagalit niya, at kanyang alisin ang poot niya sa kanya.
1. Ngayon, mga kapatid, hindi ko nais na wala kayong alam tungkol sa mga kaloob na espirituwal.
2. Alam ninyo na nang kayo'y mga pagano pa, inakit at iniligaw kayo sa mga diyus-diyosan na hindi makapagsalita.
3. Kaya't nais kong maunawaan ninyo na walang nagsasalita sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos na nagsasabi, "Sumpain si Jesus!" at walang makapagsasabi, "Si Jesus ay Panginoon," maliban sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
4. May iba't ibang uri ng mga kaloob, subalit iisang Espiritu.
5. At may iba't ibang uri ng paglilingkod, subalit iisang Panginoon.
6. May iba't ibang uri ng gawain, subalit iisang Diyos na gumagawa ng lahat ng mga bagay sa lahat.
7. Subalit sa bawat isa ay ibinigay ang paghahayag ng Espiritu, upang pakinabangan ng lahat.
8. Sa isa ay ibinigay sapamamagitan ng Espiritu ang salita ng karunungan, at sa iba'y ang salita ng kaalaman ayon sa gayunding Espiritu,
9. sa iba'y pananampalataya sa pamamagitan ng gayunding Espiritu, at sa iba'y ang mga kaloob ng pagpapagaling sa pamamagitan ng isang Espiritu.
10. Sa iba'y ang paggawa ng mga himala, sa iba'y propesiya, sa iba'y ang pagkilala sa mga espiritu, sa iba'y ang iba't ibang wika, at sa iba'y ang pagpapaliwanag ng mga wika.
11. Ang lahat ng ito ay pinakilos ng iisa at gayunding Espiritu, na namamahagi sa bawat isa ayon sa pasiya ng Espiritu.
12. Sapagkat kung paanong ang katawan ay iisa at marami ang mga bahagi, at ang lahat ay bahagi ng katawan, bagama't marami ay iisang katawan, gayundin si Cristo.
13. Sapagkat sa pamamagitan ng isang Espiritu ay binautismuhan tayong lahat tungo sa isang katawan, maging Judio o Griyego, mga alipin o mga laya — at tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu.
14. Sapagkat ang katawan ay hindi iisang bahagi, kundi marami.
15. Kung sasabihin ng paa, "Sapagkat hindi ako kamay, ay hindi ako sa katawan." Hindi sa kadahilanang ito, ay hindi na ito bahagi ng katawan.
16. At kung sasabihin ng tainga, "Sapagkat hindi ako mata, ay hindi ako sa katawan." Hindi sa kadahilanang ito, ay hindi na ito bahagi ng katawan.
17. Kung ang buong katawan ay mata, saan naroroon ang pandinig? Kung ang lahat ay pandinig, saan naroroon ang pang-amoy.
18. Subalit ngayon ay inilagay ng Diyos ang bawat bahagi ng katawan, ang bawat isa sa kanila ayon sa kanyang ipinasiya.
19. At kung ang lahat ay isang bahagi, saan naroroon ang katawan?
20. Subalit ngayon ay maraming mga bahagi ngunit iisa ang katawan.
21. Ang mata ay hindi makapagsasabi sa kamay, "Hindi kita kailangan," at hindi rin makapagsasabi ang ulo sa mga paa, "Hindi ko kayo kailangan."
22. Sa halip, ang mga bahagi ng katawan na wari'y mahihina ay kailangan.
23. Ang mga bahagi ng katawan na inaakala nating walang kapurihan, ay pinagkakalooban natin ng higit na kapurihan, at ang mga kahiya-hiyang bahagi natin ay siyang lalong pinararangalan,
24. na ito ay hindi kailangan ng mga bahagi nating higit na magaganda. Subalit binuo ng Diyos ang katawan at binigyan ng higit na kapurihan ang bahaging may kakulangan;
25. upang huwag magkaroon ng pagkakagulo sa katawan, kundi ang mga bahagi ay magkaroon ng magkatulad na malasakit sa isa't isa.
26. Kapag ang isang bahagi ay naghihirap, lahat ay naghihirap na kasama niya; o kapag ang isang bahagi ay pinararangalan, sama-samang nagagalak ang mga bahagi.
27. Kayo nga ang katawan ni Cristo, at bawat isa'y mga bahagi.
28. At ang Diyos ay naglagay sa iglesya, una'y mga apostol, ikalawa'y mga propeta, ikatlo'y mga guro, saka mga gumagawa ng himala, saka mga kaloob ng pagpapagaling, mga pagtulong, mga pamamahala, at iba't ibang uri ng wika.
29. Lahat ba'y mga apostol? Lahat ba'y mga propeta? Lahat ba'y mga guro? Lahat ba'y mga manggagawa ng mga himala?
30. Lahat ba'y may mga kaloob ng pagpapagaling? Lahat ba'y nagsasalita ng mga wika? Lahat ba'y nagpapaliwanag?
31. Subalit pagsikapan ninyong mithiin ang higit na dakilang mga kaloob. At ipapakita ko sa inyo ang isang daan na walang kahambing.