Bibliya sa isang taon

1. Lumipas ang tatlong araw mula nang mag-usap sina Ester at Mordecai. Isinuot ni Ester ang kanyang kasuotan bilang reyna at tumayo sa bulwagan ng palasyo, sa tapat ng tirahan ng hari. Nakaupo noon sa trono ang hari, paharap sa pintuan ng palasyo.
2. Nalugod siya nang makita si Ester at itinuro niya rito ang kanyang gintong setro. Lumapit naman si Ester at hinipo ang dulo ng setro.
3. Itinanong ng hari, “Bakit, aking reyna? Sabihin mo kung ano ang ibig mo at ibibigay ko sa iyo, kahit ang kalahati ng aking kaharian.”
4. Sumagot si Ester, “Kung mamarapatin ng mahal na hari, dumalo po kayo ni Haman ngayon sa piging na inihanda ko para sa inyo.”
5. Sinabi ng hari, “Tawagin agad si Haman para masunod ang ibig ni Ester.” Dumalo nga ang hari at si Haman sa piging na inihanda ni Ester.
6. Habang sila'y nag-iinuman, tinanong ng hari si Ester, “Ano ba ang gusto mo? Sabihin mo't ibibigay kong lahat, kahit ang kalahati ng aking kaharian.”
7. Sinabi ni Ester, “Ito po ang aking kahilingan:
8. Kung ako po'y kalugud-lugod sa hari, at kung inyong mamarapatin, dumalo muli kayo ni Haman sa piging na ihahanda ko para sa inyo bukas. Doon ko na po sasabihin ang aking kahilingan.”
9. Nang araw na iyon, masayang-masayang lumabas ng palasyo si Haman. Ngunit sumiklab na naman ang kanyang galit nang mapatapat siya kay Mordecai na nasa may pintuang papasok sa palasyo. Ni hindi man lamang ito tumayo o nagbigay-galang sa kanya.
10. Gayunman, nagtimpi na lamang siya at tuluy-tuloy na umuwi. Pagdating ng bahay, tinawag niya ang kanyang asawang si Zeres at ang kanyang mga kaibigan.
11. Ipinagmalaki niya sa mga ito ang kanyang kayamanan, ang marami niyang anak, ang pagkataas niya sa katungkulan, pati ang pagkalagay sa kanya bilang pinakamataas sa mga pinuno at kagawad sa palasyo.
12. Idinugtong pa niya, “At ako lamang ang inanyayahan ni Reyna Ester na sumama sa hari nang maghanda siya ng handaan. Bukas, iniimbita na naman niya ako, kasama ang hari.
13. Gayunman, walang halaga sa akin ang lahat ng ito hangga't nakikita kong nakaupo sa pasukan ng palasyo ang Judiong si Mordecai.”
14. Sinabi sa kanya ng asawa niyang si Zeres at ng kanyang mga kaibigan, “Bakit hindi ka magpagawa ng bitayan na dalawampu't dalawa't kalahating metro ang taas sa may pintuan ng palasyo at bukas ng umaga hilingin mo sa hari na bitayin si Mordecai? Sa gayon, masaya kang makakapunta sa handaan.” Nagustuhan ito ni Haman, kaya nagpagawa siya ng bitayan.
1. Nang gabing iyon, hindi makatulog si Haring Xerxes. Ipinakuha niya ang aklat ng mahahalagang pangyayari sa kaharian at ipinabasa ito habang siya'y nakikinig.
2. Nabasa ang bahagi ng kasaysayan tungkol sa pagkatuklas ni Mordecai sa masamang balak ng mga eunukong sina Bigtan at Teres na patayin ang Haring Xerxes.
3. Dahil dito, itinanong ng hari, “Anong gantimpala o pagpaparangal ang ginawa kay Mordecai dahil sa kabutihang ginawa niya sa akin?” Sumagot ang mga tagapaglingkod, “Wala po.”
4. Nagtanong ang hari, “Sino ba ang nasa bulwagan?” Samantala, noon ay papasok sa bulwagan si Haman upang sabihin sa hari na maaari nang bitayin si Mordecai sa ipinagawa niyang bitayan.
5. Sinabi ng mga tagapaglingkod ng hari, “Si Haman po.” At sinabi ng hari, “Palapitin ninyo siya rito.”
6. Lumapit naman si Haman. Itinanong sa kanya ng hari, “Ano ang dapat gawin sa sinumang ibig parangalan ng hari?” Akala ni Haman ay siya ang tinutukoy ng hari,
7. kaya sinabi niya, “Ganito po:
8. Ipakuha ninyo ang damit na inyong isinuot at ang kabayong inyong sinakyan nang kayo'y koronahan bilang hari.
9. Ang damit ay ibigay sa isa sa mga pangunahing pinuno ng kaharian para isuot sa pararangalan. Pagkatapos, isakay sa kabayo at ilibot sa buong lunsod habang isinisigaw ang: ‘Ito ang ginagawa sa taong pinaparangalan ng hari!’”
10. Sinabi ng hari kay Haman, “Kung gayon, kunin mo ang aking damit at ang aking kabayo. Lahat ng sinabi mo'y gawin mo kay Mordecai, ang Judiong nakaupo sa may pintuan ng palasyo.”
11. Kinuha nga ni Haman ang damit at ang kabayo ng hari. Binihisan niya si Mordecai, isinakay sa kabayo at inilibot sa buong lunsod habang isinisigaw niyang, “Ito ang ginagawa sa taong pinaparangalan ng hari.”
12. Pagkatapos nito, nagbalik si Mordecai sa may pintuan ng palasyo. Nagmamadali namang umuwi si Haman, at pagdating sa bahay ay nanangis at nagtalukbong dahil sa inabot na kahihiyan.
13. Ang nangyari'y isinalaysay ni Haman sa asawa niyang si Zeres at sa kanyang mga tagapayo. Sinabi sa kanya ng kanyang mga tagapayo at ng kanyang asawa, “Kung Judio nga si Mordecai, na siyang dahilan ng iyong panghihina, hindi mo siya madadaig, kundi ikaw pa ang dadaigin niya.”
14. Nag-uusap pa sila nang dumating ang mga sugo ng hari at nagmamadaling isinama si Haman sa handaan ni Ester.
1. Panginoon naming Diyos, ikaw ang aming tahanan, buhat pa nang simulang lumitaw ang aming angkan.
2. Wala pa ang mga bundok, hindi mo pa nilalalang, hindi mo pa nililikha itong buong daigdigan, ikaw noon ay Diyos na, pagkat ika'y walang hanggan.
3. Yaong taong nilikha mo'y bumabalik sa alabok, sa lupa ay nagbabalik kapag iyong iniutos.
4. Ang sanlibong mga taon ay para bang isang araw, sa mata mo, Panginoon, isang kisap-mata lamang; isang saglit sa magdamag na ito ay dumaraan.
5. Mga tao'y pumapanaw na para mong winawalis, parang damo sa umagang tumubo sa panaginip.
6. Parang damong tumutubo, may taglay na bulaklak, kung gumabi'y nalalanta't bulaklak ay nalalagas.
9. Ang mahirap ay bahaginan mo ng pagkain, at tiyak na ikaw ay pagpapalain.
1. Tungkol kay Abraham na ating ninuno, ano naman ang masasabi natin? Ano ang kanyang karanasan tungkol sa bagay na ito?
2. Kung pinawalang-sala siya ng Diyos dahil sa mga mabubuting nagawa niya, may maipagmamalaki sana siya. Ngunit wala siyang maipagmalaki sa paningin ng Diyos.
3. Ano ang sinasabi ng kasulatan? “Si Abraham ay sumampalataya sa Diyos; at dahil dito, siya ay itinuring ng Diyos bilang isang taong matuwid.”
4. Ang ibinibigay sa taong gumagawa ay hindi itinuturing na kaloob, kundi kabayaran.
5. Ngunit ang hindi nananalig sa sariling mga gawa kundi sumasampalataya sa Diyos na nagpapawalang-sala sa makasalanan ay itinuring na matuwid ng Diyos dahil sa kanyang pananampalataya.
6. Kaya't tinawag ni David na mapalad ang taong itinuring na matuwid ng Diyos nang di dahil sa sarili nitong nagagawa. Sinabi niya,
7. “Mapalad ang mga taong pinatawad na ang kasalanan, at pinatawad rin sa kanyang mga pagsalangsang.
8. Mapalad ang taong hindi na pagbabayarin ng Panginoon sa kanyang mga kasalanan.”
9. Ang pagpapala kayang ito'y para lamang sa mga tuli? Hindi! Ito'y para rin sa mga di-tuli. Sinasabi natin batay sa Kasulatan na itinuring na matuwid ng Diyos si Abraham dahil sa kanyang pananampalataya.
10. Kailan iyon nangyari? Bago siya tinuli, o pagkatapos? Bago siya tinuli, at hindi pagkatapos.
11. Tinuli siya bilang tanda na siya'y itinuring na matuwid ng Diyos, dahil sa pananampalataya niya noong hindi pa siya tuli. Kaya't siya'y naging ama ng lahat ng sumasampalataya sa Diyos, at sa gayon, sila'y pinawalang-sala rin kahit hindi sila tinuli.
12. At siya'y ama rin ng mga tuli, hindi lamang dahil sa kanilang pagiging tuli, kundi dahil sa sila'y sumampalataya ring tulad ng ating ninunong si Abraham noong bago siya tuliin.
13. Ipinangako ng Diyos kay Abraham at sa kanyang magiging lahi na mamanahin nila ang buong mundo, hindi dahil sa pagsunod niya sa Kautusan, kundi dahil sa siya'y itinuring na matuwid sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya sa Diyos.
14. Kung ang pangako ay ipagkakaloob lamang sa mga sumusunod sa Kautusan, walang saysay ang pananampalataya ng tao at walang kabuluhan ang pangako ng Diyos.
15. Ang Kautusan ay may kalakip na poot ng Diyos para sa mga lumalabag. Ngunit kung walang kautusan, wala ring paglabag.
16. Kaya nga't sa pananampalataya nababatay ang pangako, upang ito'y maibigay bilang walang bayad na kaloob para sa lahat ng anak ni Abraham; hindi lamang sa mga saklaw ng Kautusan, kundi sa lahat ng sumasampalataya rin tulad ni Abraham. Sapagkat siya ang ama nating lahat,
17. gaya ng nasusulat, “Ginawa kitang ama ng maraming bansa.” Ang pangakong ito'y may bisa sa harap ng Diyos na kanyang sinampalatayanan, ang Diyos na nagbibigay-buhay sa mga patay at lumilikha ng mga bagay na hindi pa nalilikha.
18. Kahit wala nang pag-asang magkaanak, nanalig pa rin si Abraham na siya'y magiging ama ng maraming bansa, ayon sa sinabi sa kanya, “Sindami ng mga bituin ang iyong magiging lahi.”
19. Hindi nanghina ang kanyang pananampalataya kahit uugud-ugod na siya, palibhasa'y isandaang taon na siya noon, at ang kanya namang asawang si Sara ay baog.
20. Hindi siya nag-alinlangan sa pangako ng Diyos. Sa halip, lalo siyang tumibay sa kanyang pananampalataya at nagpuri pa sa Diyos.
21. Lubos siyang naniniwala na tutuparin ng Diyos ang ipinangako nito.
22. Kaya't dahil sa kanyang pananampalataya, siya'y itinuring ng Diyos bilang isang taong matuwid.
23. Ang salitang “itinuring na matuwid” ay hindi lamang para sa kanya,
24. kundi para sa atin din naman. Tayo rin ay pawawalang-sala, kung tayo'y sumasampalataya sa Diyos na muling bumuhay kay Jesus na ating Panginoon.
25. Siya'y ipinapatay dahil sa ating mga kasalanan at muling binuhay upang tayo'y mapawalang-sala.
Tagalog Bible 2005
2005 Philippine Bible Society