Bibliya sa isang taon

1. Gabi-gabi, sa higaan ang mahal ko'y hinahanap, ngunit hindi masumpungan kahit na sa pangarap.
2. Akong ito'y bumabangon, sa lunsod ay naglalakad, ang lansangan sa paligid ay aking ginagalugad; ngunit hindi matagpuan ang sinta kong nililiyag.
3. Sa akin ngang paglalakad, nakita ko'y mga bantay, nagmamanman, naglilibot, sa paligid, sa lansangan. Sa kanila ang tanong ko, “Mahal ko ba ay nasaan?”
4. Nang aking iwan ang nasabing mga tanod, bigla na lang nakita ang mahal kong iniirog. Siya'y aking hinawakan at hindi na binitiwan, hanggang siya'y madala ko sa bahay kong sinilangan.
5. Ipangako ninyo sa akin, mga dalaga sa Jerusalem sa ngalan ng mga usa at hayop na matutulin, ang aming paglalambingan ay di n'yo gagambalain.
6. Ano itong nakikitang nagmumula sa kaparangan? Wari'y pumapailanlang usok ng mira at kamanyang, na ang samyo ay katulad ng pabangong ubod mahal.
7. Dumarating si Solomon, sa trono niya'y nakaupo, ang kasamang mga bantay ay mayroong animnapu, pangunahing mga kawal, matatapang, matipuno.
8. Bawat isa ay may tabak at bihasa sa digmaan, nagbabantay kahit gabi, nakahanda sa paglaban.
9. Ang magandang trono nitong haring si Solomon, pawang yari sa piling kahoy ng Lebanon.
10. Ang lahat ng tukod nito'y nababalutan ng pilak, ang habong naman nito'y may palamuting gintong payak, iyon namang mga kutson, kulay ube ang nakabalot; mga dalaga sa Jerusalem ang humabi at naggayak.
11. Mga dilag nitong Zion, masdan ninyo si Haring Solomon, nagputong ng korona niya ay ang kanyang inang mahal sa oras ng pagdiriwang, sa oras ng kanyang kasal.
1. Kay ganda mo, aking mahal, ang mata mo'y mapupungay! Ang buhok mong anong haba, pagkilos mo'y nagsasayaw parang kawan na naglalaro sa bundok ng Gilead.
2. Ang ngipin mo ay simputi nitong tupang bagong linis, walang bungi kahit isa, maganda ang pagkaparis.
3. Ang labi mo'y pulang-pula katulad ng escarlata, kapag ika'y nangungusap lalo itong gumaganda, aninag sa iyong belo ang pisngi mong namumula.
4. Ang leeg mo'y ubod kinis, may kuwintas na kay inam, parang tore ni David, na ligid ng mga kawal.
5. Parang usang magkaparis ang malusog na dibdib mo, masayang kumakain sa gitna ng mga liryo.
6. Hanggang sa dumating ang bukang-liwayway, hanggang sa mapawi ang pusikit na karimlan, sa dibdib mong ubod bango ako ay hihimlay, pagkat ito ay simbango ng mira at ng kamanyang.
7. Kay ganda mo, aking sinta; kay ganda mo, aking mahal. Wala akong maipintas sa taglay mong kagandahan.
8. Halika na, aking mahal, sa akin ay sumama ka, lisanin na natin ang Lebanon at ang Bundok ng Amana, iwan mo na ang Bundok ng Senir at ng Hermon, ang taguan niyong mga leopardo at mga leon.
9. Aking mahal, aking sinta, ang puso ko ay nabihag, ng mata mong mapang-akit at leeg mo na may kuwintas.
10. Aking mahal, aking sinta, kay tamis ng iyong pag-ibig, alak man na ubod-tamis, sa iyo'y di maipaparis, halimuyak ng bango mo ay walang makakatalo.
11. Ang labi mo, aking hirang, sintamis ng mga pulot, ang dila mo'y waring gatas, ligaya ang siyang dulot, ang bango ng Lebanon ay tila nasa iyong suot.
12. Katulad ng isang hardin itong aking minamahal, na may bakod sa palibot at sarili ang bukal.
13. Halaman ay magaganda, waring hardin ng granada, namumukod, natatangi ang kanyang mga bunga— mahalimuyak ang mga nardo, mababango ang hena.
14. Nardo at safron, mabangong kanela at kalamo, at lahat ng punongkahoy ay may samyo ng insenso, mira, at aloe na pangunahing pabango.
15. Ang tubig na ginagamit na pandilig nitong hardin, ay ang agos ng tubig na sa Lebanon pa nanggagaling.
16. Umihip ka hanging timog, sa hilaga ay gayon din, nang masamyo ko ang bango na buhat sa aking hardin. Hayaang ang aking sinta'y magpunta sa hardin niya, upang pumitas at kumain ng mga bunga.
10. Lumilikha ka ng ilog na patungong kapatagan, sa gilid ng mga burol, umaagos na marahan.
11. Kaya kahit na sa ilang ang hayop na naroon, maging hayop na mailap may tubig na naiinom.
12. Sa naroong kakahuya'y umaawit na masaya, mga ibo'y nagpupugad sa malabay nilang sanga.
13. Magmula sa kalangitan, mga bundok ay nadilig, ibinuhos ang pagpapala't lumaganap sa daigdig.
14. Tumubo ang mga damong pagkain ng mga baka, nagkaroon ng halamang masaganang namumunga; anupa't ang mga tao'y may pagkaing nakukuha.
15. Mayroong ubas na inumin kaya tao'y masasaya, may langis pa ng olibong nagdudulot ng ligaya, at tinapay na pagkaing pampalakas sa tuwina.
16. Ang mga kahoy ni Yahweh, masaganang nadidilig, mga sedar ng Lebanon, kayo mismo ang nagtanim.
17. Sa malagong mga puno at malabay nitong sanga, mga ibo'y nagpupugad, doon sila tumitira.
18. Yaong mga kambing-gubat nagkalat sa kabundukan, sa bitak ng mga bato ang kuneho nananahan.
19. Ang buwan ay nababatid sa buwan ding iyong likha, araw nama'y lumulubog sa oras na itinakda.
20. Lumikha ka nitong dilim, at gabi ang itinawag, kung gumabi gumigising ang hayop na maiilap.
21. Umuungal itong leon, samantalang humahanap ng kanyang makakain na sa Diyos din nagbubuhat.
22. Kung sumapit ang umaga, dala nito kanyang huli, pumupunta sa tagua't doon siya nangungubli;
23. samantalang itong tao humahayo sa gawain, sa paggawang walang tigil inaabot na ng dilim.
17. Huwag mong ikagalak ang pagbagsak ng iyong kaaway ni ang kanyang kapahamakan.
18. Kapag ginawa mo iyon, magagalit sa iyo si Yahweh at sila'y hindi na niya paparusahan.
1. Mga kapatid, ngayon, tungkol naman sa mga kaloob ng Espiritu Santo, nais kong magkaroon kayo ng wastong kaalaman.
2. Alam ninyo na noong hindi pa kayo sumasampalataya, kayo'y napapaniwala sa kung anu-anong mga diyus-diyosan na di naman nakakapagsalita.
3. Kaya't nais kong malaman ninyo na walang taong pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ang magsasabing, “Sumpain si Jesus!” At hindi rin masasabi ninuman, “Si Jesus ay Panginoon,” kung siya'y hindi pinapatnubayan ng Espiritu Santo.
4. Iba't iba ang mga espiritwal na kaloob, ngunit iisa lamang ang Espiritung nagkakaloob ng mga ito.
5. Iba't iba ang paraan ng paglilingkod, ngunit iisa lamang ang Panginoong pinaglilingkuran.
6. Iba't iba ang mga gawaing iniatas, ngunit iisa lamang ang Diyos na kumikilos sa mga taong gumagawa ng mga iyon.
7. Para sa ikabubuti ng lahat, ang bawat isa'y binigyan ng kaloob na nagpapakitang nasa kanya ang Espiritu.
8. Ang ilan sa atin napagkalooban ng kakayahang magsalita ng mensahe ng karunungan. Ang iba naman ay pinagkalooban ng katalinuhan. Subalit iisang Espiritu ang nagkakaloob nito.
9. Ang Espiritu ring iyon ang nagkakaloob sa iba ng pananampalataya sa Diyos, at sa iba'y ang kapangyarihang magpagaling sa mga maysakit.
10. May pinagkalooban ng kapangyarihang gumawa ng mga himala; may pinagkalooban din ng kakayahang magpahayag ng mensaheng mula sa Diyos, at may pinagkalooban naman ng kakayahang malaman kung aling kaloob ang mula sa Espiritu at kung alin ang hindi. May pinagkalooban ng kakayahang magsalita sa iba't ibang mga wika, at sa iba naman ay ang magpaliwanag ng mga wikang iyon.
11. Ngunit isang Espiritu lamang ang gumagawa ng lahat ng ito at namamahagi ng iba't ibang kaloob sa bawat isa, ayon sa kanyang ipinasya.
12. Si Cristo'y tulad ng isang katawan na may maraming bahagi. Kahit na binubuo ng iba't ibang bahagi, ito ay nananatiling iisang katawan.
13. Maging Judio o Hentil, alipin man o malaya, tayong lahat ay binautismuhan sa iisang Espiritu upang maging isang katawan. Tayong lahat ay pinainom sa iisang Espiritu.
14. Ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi at hindi ng iisang bahagi lamang.
15. Kung sasabihin ng paa, “Hindi ako kamay kaya't hindi ako bahagi ng katawan,” hindi na nga ba ito bahagi ng katawan?
16. Kung sasabihin ng tainga, “Hindi ako mata, kaya't hindi ako bahagi ng katawan,” hindi na nga ba ito bahagi ng katawan?
17. Kung puro mata lamang ang buong katawan, paano ito makakarinig? Kung puro tainga lamang ang buong katawan, paano ito makakaamoy?
18. Subalit inilagay ng Diyos ang bawat bahagi ng katawan ayon sa kanyang kalooban.
19. Kung ang lahat ng bahagi ay pare-pareho, hindi iyan maituturing na katawan.
20. Ngunit ang totoo'y marami ang mga bahagi, ngunit iisa lamang ang katawan.
21. Hindi rin naman masasabi ng mata sa kamay, “Hindi kita kailangan,” ni ng ulo, sa mga paa, “Hindi ko kayo kailangan.”
22. Sa katunayan, ang mga bahaging parang mahihina ang siya pa ngang kailangang kailangan.
23. Ang mga bahagi ng katawan na inaakala nating hindi gaanong kapuri-puri ay pinag-uukulan ng higit na pagpapahalaga. Ang mga bahaging hindi likas na maganda ang siya nating higit na pahalagahan.
24. Hindi na ito kailangang gawin sa mga bahaging sadyang maganda. Nang isaayos ng Diyos ang ating katawan, binigyan niya ng higit na karangalan ang mga bahaging di gaanong marangal,
25. upang hindi magkaroon ng pagkakabaha-bahagi, at sa halip ay magmalasakit sa isa't isa.
26. Kung nasasaktan ang isang bahagi, nasasaktan ang lahat; kung pinaparangalan ang isang bahagi, nagagalak ang lahat.
27. Kayo ngang lahat ang iisang katawan ni Cristo, at bawat isa sa inyo ay bahagi nito.
28. Naglagay ang Diyos sa iglesya, una, ng mga apostol; ikalawa, ng mga propeta; at ikatlo, ng mga guro. Naglagay rin siya ng mga gumagawa ng mga himala, mga nagpapagaling ng mga maysakit, mga tagatulong, mga tagapangasiwa, at mga nagsasalita sa iba't ibang mga wika.
29. Hindi lahat ay apostol, propeta o guro; hindi lahat ay binigyan ng kakayahang gumawa ng mga himala,
30. magpagaling ng mga maysakit, magsalita sa iba't ibang mga wika o magpaliwanag ng mga wikang ito.
31. Kaya't buong sikap ninyong hangarin ang mga kaloob na mas dakila. At ngayo'y ituturo ko sa inyo ang walang katulad sa lahat.
Tagalog Bible 2005
2005 Philippine Bible Society