Bibliya sa isang taon

1. Ito ang mga salita na sinalita ni Moises sa buong Israel sa dako roon ng Jordan sa ilang, sa Araba na katapat ng Suph, sa pagitan ng Paran, at ng Thopel, at ng Laban, at ng Haseroth, at ng Di-zahab.
2. Labing isang araw na lakbayin mula sa Horeb kung dadaan ng bundok ng Seir hanggang sa Cades-barnea.
3. At nangyari nang ikaapat na pung taon, nang ikalabing isang buwan, nang unang araw ng buwan, na nagsalita si Moises sa mga anak ni Israel, tungkol sa lahat na ibinigay sa kaniyang utos ng Panginoon sa kanila;
4. Pagkatapos na kaniyang masaktan si Sehon na hari ng mga Amorrheo, na tumatahan sa Hesbon, at si Og na hari sa Basan, na tumatahan sa Astarot sa Edrei:
5. Sa dako roon ng Jordan, sa lupain ng Moab, pinasimulan ni Moises na ipinahayag ang kautusang ito, na sinasabi,
6. Ang Panginoon nating Dios ay nagsalita sa atin sa Horeb, na nagsasabi, Kayo'y nakatahan ng malaon sa bundok na ito:
7. Pumihit kayo, at kayo'y maglakbay, at kayo'y pumaroon sa lupaing maburol ng mga Amorrheo, at sa lahat ng mga dakong malapit, sa Araba, sa lupaing maburol, at sa mababang lupain, at sa Timugan, at sa baybayin ng dagat, sa lupain ng mga Cananeo at sa Lebano, hanggang sa malaking ilog, na ilog Eufrates.
8. Narito, aking inilagay ang lupain sa harap ninyo: inyong pasukin at ariin ang lupain na isinumpa ng Panginoon sa inyong mga magulang, kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob, na ibibigay sa kanila at sa kanilang binhi pagkamatay nila.
9. At ako'y nagsalita sa inyo nang panahong yaon na sinasabi, Hindi ko madadalang magisa kayo:
10. Pinarami kayo ng Panginoon ninyong Dios, at, narito, kayo sa araw na ito ay gaya ng mga bituin sa langit sa karamihan.
11. Kayo nawa'y dagdagan ng Panginoon, ng Dios ng inyong mga magulang, ng makalibo pa sa dami ninyo ngayon, at kayo nawa'y pagpalain, na gaya ng ipinangako niya sa inyo!
12. Paanong madadala kong magisa ang inyong ligalig, at ang inyong pasan, at ang inyong pagkakaalitan?
13. Kumuha kayo sa inyo ng mga lalaking pantas, at nakakaalam, at kilala, ayon sa inyong mga lipi, at sila'y aking gagawing pangulo sa inyo.
14. At kayo'y sumagot sa akin at nagsabi, Ang bagay na iyong sinalita ay mabuting gawin namin.
15. Sa gayo'y kinuha ko sa inyo ang mga pangulo ng inyong mga lipi, na mga taong pantas, at kilala, at akin silang ginawang pangulo sa inyo, na mga punong kawal ng libolibo, at mga punong kawal ng mga daandaan, at mga punong kawal ng mga limangpu-limangpu, at mga punong kawal ng mga sangpu-sangpu, at mga pinuno ayon sa inyong mga lipi.
16. At aking pinagbilinan ang inyong mga hukom nang panahong yaon na sinasabi, Inyong dinggin ang mga usap ng inyong mga kapatid, at inyong hatulan ng matuwid ang tao at ang kaniyang kapatid, at ang taga ibang lupa na kasama niya.
17. Huwag kayong magtatangi ng tao sa kahatulan; inyong didinggin ang maliliit, na gaya ng malaki: huwag kayong matatakot sa mukha ng tao; sapagka't ang kahatulan ay sa Dios: at ang usap na napakahirap sa inyo, ay inyong dadalhin sa akin, at aking didinggin.
18. At aking iniutos sa inyo nang panahong yaon ang lahat ng mga bagay na inyong dapat gagawin.
19. At tayo ay naglakbay mula sa Horeb at ating tinahak yaong buong malawak at kakilakilabot na ilang na inyong nakita, sa daang patungo sa lupaing maburol ng mga Amorrheo, na gaya ng iniutos ng Panginoon nating Dios sa atin, at tayo'y dumating sa Cades-barnea.
20. At aking sinabi sa inyo, Inyong narating ang lupaing maburol ng mga Amorrheo na ibinibigay sa atin ng Panginoon nating Dios.
21. Narito, inilalagay ng Panginoon ninyong Dios ang lupain sa harap mo: sampahin mo, ariin mo, na gaya ng sinalita sa iyo ng Panginoon, ng Dios ng iyong mga magulang; huwag kang matakot, ni manglupaypay.
22. At kayo'y lumapit sa akin, bawa't isa sa inyo, at nagsabi, Tayo'y magsugo ng mga lalake sa unahan natin, upang kanilang kilalanin ang lupain para sa atin, at magbigay alam sa atin ng daang ating marapat sampahan, at ng mga bayang ating daratnin.
23. At ang bagay na yaon ay inakala kong magaling: at ako'y kumuha ng labing dalawang lalake sa inyo, na isang lalake sa bawa't lipi.
24. At sila'y pumihit at sumampa sa bundok, at dumating hanggang sa libis ng Escol, at kanilang tiniktikan.
25. At sila'y nagbitbit ng bunga ng lupain sa kanilang mga kamay, at kanilang ipinanaog sa atin, at sila'y nagdala ng kasagutan at nagsabi, Mabuting lupain ang ibinibigay sa atin ng Panginoon nating Dios.
26. Gayon ma'y hindi kayo umakyat, kundi nanghimagsik kayo laban sa utos ng Panginoon ninyong Dios.
27. At kayo'y dumaing sa inyong mga tolda, at inyong sinabi, Sapagka't kinapootan tayo ng Panginoon, ay inilabas tayo sa lupain ng Egipto, upang tayo'y ibigay sa kamay ng mga Amorrheo, upang tayo'y lipulin.
1. Nang magkagayo'y pumihit tayo, at lumakad tayo sa ilang na daang patungo sa Dagat na Mapula, gaya ng sinalita sa akin ng Panginoon; at tayo'y malaong lumigid sa bundok ng Seir.
2. At ang Panginoon ay nagsalita sa akin, na sinasabi,
3. Malaon na ninyong naligid ang bundok na ito: lumiko kayo sa dakong hilagaan.
4. At iutos mo sa bayan, na iyong sabihin, Kayo'y dadaan sa hangganan ng inyong mga kapatid na mga anak ni Esau, na tumatahan sa Seir; at sila'y matatakot sa inyo. Magsipagingat nga kayong mabuti:
5. Huwag kayong makipagkaalit sa kanila; sapagka't hindi ko ibibigay sa inyo ang kanilang lupain, kahit ang natutungtungan ng talampakan ng isang paa: sapagka't ibinigay ko kay Esau, na pinakaari ang bundok ng Seir.
6. Kayo'y bibili sa kanila ng pagkain sa pamamagitan ng salapi, upang kayo'y makakain; at kayo'y bibili rin sa kanila ng tubig sa pamamagitan ng salapi, upang kayo'y makainom.
7. Sapagka't pinagpala ka ng Panginoon mong Dios, sa lahat ng gawa ng iyong kamay; kaniyang natalastas ang iyong paglalakbay dito sa malawak na ilang; sa loob nitong apat na pung taon ay sumaiyo ang Panginoon mong Dios; ikaw ay di kinulang ng anoman.
8. Gayon tayo nagdaan sa ating mga kapatid, na mga anak ni Esau, na tumatahan sa Seir, mula sa daan ng Araba, mula sa Elath at mula sa Esion-geber. At tayo'y bumalik at nagdaan sa ilang ng Moab.
9. At sinabi sa akin ng Panginoon, Huwag mong kaalitin ang Moab, ni kakalabanin sila sa digma; sapagka't hindi kita bibigyan sa kaniyang lupain ng pinakaari; sapagka't aking ibinigay na pinakaari ang Ar sa mga anak ni Lot.
10. (Ang mga Emimeo ay nanahan doon noong una, bayang malaki, at marami, at matataas na gaya ng mga Anaceo:
11. Ang mga ito man ay ibinilang na mga Rephaim, na gaya ng mga Anaceo; nguni't tinatawag silang Emimeo ng mga Moabita.
12. Ang mga Hereo man ay tumahan sa Seir noong una, nguni't ang mga anak ni Esau ay humalili sa kanila; at nalipol sila ng mga ito sa harap din nila, at tumahan na kahalili nila; gaya ng ginawa ng Israel sa lupaing kaniyang pag-aari, na ibinigay ng Panginoon sa kanila.)
13. Ngayon, tumindig kayo, at tumawid kayo sa batis ng Zered. At tayo'y tumawid sa batis ng Zered.
14. At ang mga araw na ating ipinaglakad mula sa Cades-barnea hanggang sa tayo'y nakarating sa batis ng Zered, ay tatlong pu't walong taon, hanggang sa ang buong lahi ng mga lalaking mangdidigma ay nalipol sa gitna ng kampamento, gaya ng isinumpa sa kanila ng Panginoon.
15. Bukod dito'y ang kamay ng Panginoon ay naging laban sa kanila, upang lipulin sila sa gitna ng kampamento, hanggang sa sila'y nalipol.
16. Kaya't nangyari, nang malipol at mamatay sa gitna ng bayan ang lahat ng lalaking mangdidigma.
17. Ay sinalita sa akin ng Panginoon, na sinasabi,
18. Ikaw ay dadaan sa araw na ito sa Ar, na hangganan ng Moab:
19. At pagka ikaw ay matatapat sa mga anak ni Ammon, ay huwag kang manampalasan sa kanila ni makipagtalo sa kanila: sapagka't hindi ko ibibigay sa iyo na pinakaari ang lupain ng mga anak ni Ammon: sapagka't aking ibinigay na pinakaari sa mga anak ni Lot.
20. (Yaon man ay ibinilang na lupain ng mga Rephaim: ang mga Rephaim ang tumatahan doon noong una; nguni't tinawag na mga Zomzommeo ng mga Ammonita;
21. Bayang malaki at marami at matataas na gaya ng mga Anaceo; nguni't nilipol sila ng Panginoon sa harap nila; at sila'y humalili sa kanila, at tumahang kahalili nila:
22. Gaya ng ginawa ng Panginoon sa mga anak ni Esau, na tumatahan sa Seir, nang kaniyang lipulin ang mga Horeo sa harap nila; at sila'y humalili sa kanila, at tumahang kahalili nila hanggang sa araw na ito:
23. At ang mga Heveo na nangagsitahan sa mga nayon hanggang sa Gaza, ay nilipol ng mga Caftoreo na nangagmula sa Caftor, at tumahang kahalili nila.)
24. Magsitindig kayo, kayo'y maglakbay, at magdaan kayo sa libis ng Arnon: narito, aking ibinigay sa iyong kamay si Sehon na Amorrheo, na hari sa Hesbon, at ang kaniyang lupain: pasimulan mong ariin, at kalabanin mo siya sa digma.
25. Sa araw na ito ay pasisimulan kong ilagay sa mga bayang nangasa silong ng buong langit, ang sindak sa iyo at ang takot sa iyo, na maririnig nila ang iyong kabantugan, at magsisipanginig, at mangahahapis, dahil sa iyo.
26. At ako'y nagsugo ng mga sugo mula sa ilang ng Cademoth kay Sehon na hari sa Hesbon na may mapayapang pananalita, na sinasabi,
27. Paraanin mo ako sa iyong lupain: sa daan lamang ako lalakad, hindi ako liliko maging sa kanan ni sa kaliwa.
28. Pagbibilhan mo ako ng pagkain sa salapi, upang makakain ako, at bibigyan mo ako ng tubig sa salapi, upang makainom ako; paraanin mo lamang ako ng aking mga paa;
29. Gaya ng ginawa sa akin ng mga anak ni Esau, na tumatahan sa Seir, at ng mga Moabita na tumatahan sa Ar; hanggang sa makatawid ako sa Jordan, sa lupaing sa amin ay ibinibigay ng Panginoon naming Dios.
30. Nguni't ayaw tayong paraanin ni Sehon na hari sa Hesbon sa lupa niya; sapagka't pinapagmatigas ng Panginoon mong Dios ang kaniyang diwa, at pinapagmatigas ang kaniyang puso, upang maibigay siya sa iyong kamay gaya sa araw na ito.
31. At sinabi sa akin ng Panginoon, Narito, aking pinasimulang ibigay sa harap mo si Sehon at ang kaniyang lupain: pasimulan mong ariin upang iyong mamana ang kaniyang lupain.
32. Nang magkagayo'y lumabas si Sehon laban sa atin, siya at ang buong bayan niya, sa pakikipagbaka sa Jahaz.
33. At ibinigay siya ng Panginoon nating Dios sa harap natin; at ating sinaktan siya, at ang kaniyang mga anak at ang kaniyang buong bayan.
34. At ating sinakop ang lahat niyang mga bayan nang panahong yaon, at ating lubos na nilipol ang bawa't bayan na tinatahanan, sangpu ng mga babae at ng mga bata; wala tayong itinira:
35. Ang mga hayop lamang ang dinalang pinakasamsam, sangpu ng mga nasamsam sa mga bayan na ating sinakop.
36. Mula sa Aroer na nasa tabi ng libis ng Arnon at mula sa bayan na nasa libis, hanggang sa Galaad, ay wala tayong minataas na bayan: ibinigay na lahat sa harap natin ng Panginoon nating Dios:
37. Sa lupain lamang ng mga anak ni Ammon hindi ka lumapit; sa buong pangpang ng ilog Jaboc at sa mga bayan ng lupaing maburol, at saan man na ipinagbawal sa atin ng Panginoon nating Dios.
1. Ang pagsalangsang ng masama ay nagsasabi sa loob ng aking puso: walang takot sa Dios sa harap ng kaniyang mga mata.
2. Sapagka't siya'y nanghihibo ng kaniyang sariling mga mata, na ang kaniyang kasamaan ay hindi masusumpungan at pagtataniman.
3. Ang mga salita ng kaniyang bibig ay kasamaan at karayaan: iniwan niya ang pagkapantas at paggawa ng mabuti.
4. Siya'y kumakatha ng kasamaan sa kaniyang higaan; siya'y lumagay sa isang daan na hindi mabuti; hindi niya kinayayamutan ang kasamaan.
5. Ang iyong kagandahang-loob, Oh Panginoon, ay nasa mga langit: ang iyong pagtatapat ay umaabot hanggang sa langit.
6. Ang iyong katuwiran ay gaya ng mga bundok ng Dios: ang iyong mga kahatulan ay dakilang kalaliman: Oh Panginoon, iyong iniingatan ang tao at hayop.
4. Ang mabait na babae ay putong sa kaniyang asawa: nguni't siyang nakahihiya ay parang kabulukan sa kaniyang mga buto.
5. Ang mga pagiisip ng matuwid ay ganap: nguni't ang mga payo ng masama ay magdaraya.
6. Ang mga salita ng masama ay mga bakay sa dugo: nguni't ililigtas sila ng bibig ng matuwid.
1. At nang makaraan ang sabbath, si Maria Magdalena, at si Mariang ina ni Santiago, at si Salome, ay nagsibili ng mga pabango, upang sila'y magsiparoon at siya'y pahiran.
2. At pagkaumagang-umaga nang unang araw ng sanglinggo, ay nagsiparoon sila sa libingan nang sikat na ang araw.
3. At kanilang pinaguusapan, Sino kaya ang ating mapagpapagulong ng bato mula sa pintuan ng libingan?
4. At pagkatingin, ay nakita nilang naigulong na ang bato: sapagka't yao'y totoong malaki.
5. At pagkapasok sa libingan, ay kanilang nakita ang isang binata na nakaupo sa dakong kanan, na nararamtan ng isang damit na maputi; at sila'y nangagitla.
6. At sinabi niya sa kanila, Huwag kayong mangagitla: hinahanap ninyo si Jesus, ang Nazareno, na ipinako sa krus: siya'y nagbangon; wala siya rito: tingnan ninyo ang dakong pinaglagyan nila sa kaniya!
7. Datapuwa't magsiyaon kayo, sabihin ninyo sa kaniyang mga alagad at kay Pedro, Siya'y nangunguna sa inyo sa Galilea: doon siya makikita, ayon sa sinabi niya sa inyo.
8. At sila'y nagsilabas, at nagsitakas mula sa libingan; sapagka't sila'y nagsipangilabot at nangagitla: at hindi sila nangagsasabi ng anoman sa kanino man; sapagka't sila'y nangatatakot.
9. Nang siya nga'y magbangon nang unang araw ng sanglinggo, ay napakita muna siya kay Maria Magdalena, na sa kaniya'y pitong demonio ang pinalabas niya.
10. Siya'y yumaon at ipinagbigay alam sa mga naging kasamahan ni Jesus, samantalang sila'y nangahahapis at nagsisitangis.
11. At sila, nang kanilang mabalitaan na siya'y nabuhay, at nakita ni Magdalena, ay hindi sila nagsipaniwala.
12. At pagkatapos ng mga bagay na ito ay napakita siya sa ibang anyo sa dalawa sa kanila, nang sila'y nangaglalakad na patungo sa bukid.
13. At sila'y nagsiyaon at ipinagbigay-alam ito sa mga iba: at kahit sa kanila'y hindi rin sila nagsipaniwala.
14. At pagkatapos siya'y napakita sa labingisa samantalang sila'y nangakaupong nagsisikain; at pinagwikaan sila sa kawalan nila ng pananampalataya at katigasan ng puso, sapagka't hindi sila nagsipaniwala sa nangakakita sa kaniya pagkatapos na siya'y magbangon.
15. At sinabi niya sa kanila, Magsiyaon kayo sa buong sanglibutan, at inyong ipangaral ang evangelio sa lahat ng kinapal.
16. Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; datapuwa't ang hindi sumasampalataya ay parurusahan.
17. At lalakip ang mga tandang ito sa magsisisampalataya: mangagpapalabas sila ng mga demonio sa aking pangalan; mangagsasalita sila ng mga bagong wika;
18. Sila'y magsisihawak ng mga ahas, at kung magsiinom sila ng bagay na makamamatay, sa anomang paraan ay hindi makasasama sa kanila; ipapatong nila ang kanilang mga kamay sa mga may-sakit, at sila'y magsisigaling.
19. Ang Panginoong Jesus nga, pagkatapos na sila'y mangakausap niya, ay tinanggap sa itaas ng langit, at lumuklok sa kanan ng Dios.
20. At nagsialis sila, at nagsipangaral sa lahat ng dako, na gumagawang kasama nila ang Panginoon, at pinatototohanan ang salita sa pamamagitan ng mga tandang kalakip. Siya nawa.
Tagalog Bible TLBA
None