1. Kinakabahan ako kapag bumabagyo, at hindi ko malaman ang gagawin ko.
2. Pakinggan ninyo ang tinig ng Diyos mula sa bibig niya'y nanggagaling ang kulog.
3. Ang kidlat ay kanyang pinaguguhit sa kalangitan, mula sa isang panig ng daigdig hanggang sa kasuluk-sulukan.
4. Tinig niya'y umuugong, parang dagundong ng kulog, ang pagguhit ng kidlat ay hindi malagut-lagot.
5. Sa isang salita niya'y may nangyayaring kababalaghan, kahanga-hangang bagay na di natin mauunawaan.
6. Pinauulan niya ng yelo sa ibabaw ng daigdig, ibinubuhos niya sa lupa ang ulang walang patid.
7. Pinahihinto niya ang tao sa kanilang gawain, upang malaman nila kung ano'ng kaya niyang gawin.
8. Ang maiilap na hayop ay nasa kanilang mga taguan.
9. Ang malalakas na hangi'y sa timog nagmumula, at ang malamig na simoy ay galing sa hilaga.
10. Sa hininga ng Diyos nabubuo itong tubig, nagiging yelong matigas at napakalamig.
11. Pinabibigat niya itong mga ulap, mula rito'y pinaguguhit ang mga kidlat.
12. Ito'y bilang pagsunod sa utos ng ating Diyos, sumusunod kahit saang panig nitong sansinukob.
13. Ang ulang ibinubuhos ng dakilang Diyos, maaaring parusa o kagandahang-loob.
14. “Tumigil ka sandali, Job, at iyong isipin, ang mga gawa ng Diyos na walang kahambing.
15. Alam mo ba kung paano niya inuutusan, na maglabasan ang kidlat sa kalangitan?
16. Alam mo ba kung bakit ang ulap ay lumulutang? Iyan ay gawa ng makapangyarihan niyang kamay. Tunay at ganap ang kanyang kaalaman.
17. Hindi mo nga alam! Sapagkat nadarama mo lamang ang matinding init, kapag ang hanging habagat ay umiihip.
18. Tulad ng ginawa niya, ang langit ba'y iyong mailalatag na parang metal na makinis at matigas?
19. Ituro mo sa amin ang dapat sabihin sa Diyos, isip nami'y walang laman, pang-unawa'y kapos.
20. Ang makipag-usap sa Diyos ay di ko na hahangarin, bakit bibigyan ko siya ng pagkakataong ako ay puksain?
21. “Ngayon ang langit ay nalinis na ng hangin, at nakakasilaw ang kanyang luningning.
22. May malagintong kaningningan sa gawing hilaga, iyon ay kaluwalhatian ng Diyos na dakila.
23. Ang Diyos ay tunay na makapangyarihan, kaya walang makalapit sa kanyang kinalalagyan. Siya ay tapat at makatarungan sa pakikitungo sa sangkatauhan.
24. Di kataka-takang siya'y iginagalang ng lahat, at di niya pinapansin ang mga nagkukunwaring mauutak.”
1. Pagkatapos nito, sumagot ang Diyos kay Job sa pamamagitan ng malakas na bagyo,
2. “Sino kang mag-aalinlangan sa aking kaalaman? Lalo lamang lumilitaw ang iyong kamangmangan.
3. Tumayo ka riyan at magpakalalaki, tanong ko'y sagutin, ikaw ay magsabi.
4. Nasaan ka nang likhain ko ang mundo? Kung talagang may alam ka, lahat ay sabihin mo.
5. Sino ang nagpasya tungkol sa lawak nito? Sino ang sumukat, alam mo ba ito?
6. Sino ang may hawak ng mga haligi ng mundo? Sino ang naglagay ng mga panulukang-bato?
7. Noong umagang iyon, ang mga bitui'y nag-awitan, at mga nilalang sa langit, sa tuwa'y nagsigawan.
8. “Sino ang humarang sa agos ng dagat, nang mula sa kalaliman ito'y sumambulat?
9. Tinakpan ko ang dagat ng ulap na makapal, at binalutan ito ng kadiliman.
10. Ang dagat ay nilagyan ko ng hangganan, upang ito'y manatili sa likod ng mga harang.
11. Sinabi kong sila'y hanggang doon na lang, at huwag lalampas ang alon na naglalakihan.
12. Job, nakalikha ka ba kahit isang bukang-liwayway?
13. Ang daigdig ba ay naigawa mo ng tanglaw, upang ang masasama'y mabulabog sa taguan?
14. Malinaw na gaya ng tatak sa putik, nang makulayan ay tumingkad gaya ng damit.
15. Masasamang tao'y nasisilaw sa liwanag ng araw, sa paggawa ng karahasan sila'y napipigilan.
16. “Nakapunta ka na ba sa mga bukal ng karagatan? Ang sahig ng dagat ay iyo bang nalakaran?
17. May nakapagturo na ba sa iyo sa mga pintuan na pasukan tungo sa madilim na daigdig ng mga patay?
18. Alam mo ba kung gaano kalaki itong mundo? Sumagot ka kung alam mo.
19. “Alam mo ba kung saan nanggagaling ang liwanag, at ang kadiliman, saan ba ito nagbubuhat?
20. Masasabi mo ba kung hanggang saan dapat makarating, at mula doon sila'y iyong pabalikin?
21. Ikaw ay matanda na, baka nga iyong kaya, pagkat nang likhain ang daigdig, ikaw ay nariyan na!
22. “Napuntahan mo na ba ang aking mga imbakan ng niyebe at ng yelong ulan?
23. Ang mga ito'y aking inilalaan, sa panahon ng digmaan at ng kaguluhan.
24. Nakapunta ka na ba sa sikatan ng araw, o sa pinagmumulan ng hanging silangan?
25. “Sino nga ba ang humukay ng daanan ng baha? Ang landas ng kulog ay sino ang gumawa?
26. Sino ang nagbibigay ng ulan sa disyerto, kahit na doo'y wala namang nakatirang tao?
27. Sino ang dumidilig sa tigang na lupa, upang dito'y tumubo ang damong sariwa?
28. Ang ulan ba o ang hamog ay mayroong ama?
29. Ang yelong malamig, mayroon bang ina? Sino nga kaya ang nagsilang sa kanila?
30. Sa labis na lamig, tubig ay tumitigas, nagiging parang bato ang ibabaw ng dagat.
31. “Ang Pleyades ba'y iyong matatalian, o ang Orion kaya'y iyong makakalagan?
32. Mapapatnubayan mo ba ang mga bituin, o maituturo ang daan ng malaki't maliit na diper?
33. Alam mo ba ang mga batas sa langit, ito ba'y maiaangkop mo sa daigdig?
34. “Ang mga ulap ba'y iyong mauutusan upang sa lupa ay magbuhos ng malakas na ulan?
35. Mauutusan mo ba ang kidlat na ito'y kumislap, sumunod naman kaya sa iyong mga atas?
36. Sino ang nagsasabi sa ibong Ibis kung kailan tataas ang Ilog Nilo, at sino ang nagpapabatid sa tandang upang ibadya ang pagdating ng bukang-liwayway?
37. Sinong makakabilang sa ulap na makapal, o makakapagtaob nito upang bumuhos ang ulan?
38. Ang ulan na sa alabok ay babasa, kapag iyon ay natuyo, magiging matigas na lupa.
39. “Maihahanap mo ba ng pagkain ang mga leon, upang mapawi ang kanilang gutom?
40. Habang sila'y naroon sa kanilang taguan, at wari bang pagkai'y kanilang hinihintay?
41. Sino ang nagbibigay ng pagkain sa mga ibon, sino ang bumubusog sa kanilang inakay na nagugutom?
1. Umawit sa kagalakan ang lahat ng mga bansa!
2. Si Yahweh ay papurihan, paglingkuran siyang kusa; lumapit sa presensya niya at umawit na may tuwa!
3. O si Yahweh ay ating Diyos! Ito'y dapat na malaman, tayo'y kanya, kanyang lahat, tayong lahat na nilalang; lahat tayo'y bayan niya, kabilang sa kanyang kawan.
4. Pumasok sa kanyang templo na ang puso'y nagdiriwang, umaawit, nagpupuri sa loob ng dakong banal; purihin ang ngalan niya at siya'y pasalamatan!
5. Napakabuti ni Yahweh, pag-ibig niya'y walang hanggan, pag-ibig niya ay tunay, laging tapat kailanman!
26. Anak, makinig kang mabuti sa akin at tularan mo ang aking pamumuhay.
27. Ang masasamang babae at di-tapat na asawa ay mapanganib na patibong, tiyak na mamamatay ang mahulog doon.
28. Siya'y laging nakaabang tulad ng magnanakaw, at sinumang maakit niya ay natututong magtaksil.
1. Nakarating nga sa akin ang balitang mayroong kabilang sa inyo na gumagawa ng imoralidad; kinakasama niya ang asawa ng kanyang ama. Kahit mga pagano ay hindi gumagawa ng ganyang kahalayan!
2. At nakukuha pa ninyong magmalaki! Dapat sana'y mahiya kayo at malungkot, at ang taong gumagawa ng ganoon ay dapat ninyong itiwalag!
3. Kahit wala ako riyan sa katawan, nariyan naman ako sa espiritu, kaya't parang nariyan na rin ako. Ang gumagawa niyan ay hinatulan ko na
4. sa pangalan ng ating Panginoong Jesus. Kapag kayo'y nagtipun-tipon, at ang espiritu ko ay nariyan, sa kapangyarihan ng ating Panginoong Jesus,
5. ibigay ninyo kay Satanas ang taong iyan upang masira man ang kanyang katawan, maliligtas naman ang kanyang espiritu sa araw ng Panginoon.
6. Hindi kayo dapat magmalaki. Hindi ba ninyo alam ang kasabihang, “Napapaalsa ng kaunting pampaalsa ang buong masa”?
7. Alisin ninyo ang lumang pampaalsa, ang kasalanan, upang kayo'y maging malinis. Sa gayon, matutulad kayo sa isang bagong masa na walang pampaalsa, at talaga namang ganyan kayo. Sapagkat naihandog na ang ating Korderong Pampaskwa na walang iba kundi si Cristo.
8. Kaya't ipagdiwang natin ang Paskwa, hindi sa pamamagitan ng tinapay na may lumang pampaalsa na kasamaan at kahalayan, subalit sa pamamagitan ng tinapay na walang pampaalsa, ang tinapay ng kalinisan at katapatan.
9. Sinabi ko sa aking sulat na huwag kayong makikisama sa mga nakikiapid.
10. Hindi ang mga di-mananampalatayang nakikiapid, sakim, magnanakaw, o sumasamba sa diyus-diyosan ang tinutukoy ko, sapagkat kinakailangan ninyong umalis sa mundong ito para sila'y maiwasan.
11. Ang tinutukoy ko na huwag ninyong papakisamahan ay ang nagsasabing sila'y Cristiano ngunit nakikiapid, sakim, sumasamba sa diyus-diyosan, nanlalait, naglalasing, at nagnanakaw. Ni huwag kayong makikisalo sa ganyang uri ng tao.
12. Wala akong karapatang humatol sa mga hindi Cristiano; ang Diyos ang hahatol sa kanila. Ngunit hindi ba't dapat ninyong hatulan ang mga nasa loob ng iglesya? Sabi nga sa kasulatan, “Itiwalag ninyo ang masamang tao.”
13.
Tagalog Bible 2012
New Testament 2012 Philippine Bible Society Old Testament 2005 Philippine Bible Society