1. Nang marinig ni Haring Hezekias ang kanilang ulat, sinira din niya ang kanyang kasuotan, nagsuot ng damit-panluksa, at pumasok sa Templo.
2. Tinawag niya si Eliakim, ang katiwala sa palasyo, at pinapunta ito kay Isaias, ang propetang anak ni Amoz. Pinasama rin niya ang kanyang kalihim na si Sebna at ang matatandang pari. Lahat sila'y nakadamit-panluksa.
3. Ganito ang ipinasabi niya kay Isaias: “Ang araw na ito ay araw ng paghihirap, ng pagpaparusa at kahihiyan. Para tayong isang inang dapat nang magsilang, ngunit hindi magawâ dahil nanghihina.
4. Marahil ay narinig ni Yahweh na inyong Diyos ang sinabi ng punong ministro ng Asiria na sinugo ng kanyang hari upang lapastanganin ang Diyos na buháy. Sana'y parusahan niya ang kalapastanganang iyon. Kaya, idalangin mo ang natitira pa sa bayan ng Diyos.”
5. Nang marinig ni Isaias ang ipinasabi ni Haring Hezekias,
6. sumagot siya, “Sabihin ninyo sa inyong hari na ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Huwag kayong matakot sa mga paglapastangan sa akin ng sugo ng hari ng Asiria.
7. Ito ang tandaan ninyo! Padadalhan ko siya ng isang espiritu na lilito sa kanya; at hindi siya patatahimikin ng isang balita. Dahil dito, uuwi siya agad at sa pamamagitan ng espada'y mamamatay siya sa kanyang sariling bayan.’”
8. Bumalik nga sa Laquis ang punong ministro at nabalitaan niyang wala roon ang hari ng Asiria, sapagkat sinasalakay nito ang Libna.
9. Kaya doon siya tumuloy. Nabalitaan naman ng haring ito na lumabas na ang Haring Tirhaka ng Etiopia upang sila'y salakayin. Kaya nagpasugo muli siya kay Haring Hezekias
10. upang sabihin dito: “Huwag kang palinlang sa pinagtitiwalaan mong Diyos na nagsasabing hindi masasakop ng hari ng Asiria ang Jerusalem.
11. Alam ninyo ang ginawa ng mga hari ng Asiria sa ibang mga bansa; winasak silang lahat, kayo pa kaya!
12. Hindi nailigtas ng mga diyos ang mga bansang winasak ng aming mga magulang. Nariyan ang Gozan, Caran, at Resef; nariyan din ang mga taga-Eden na nasa Telasar. Nailigtas ba sila ng mga ito?
13. At nasaan ang hari ng Hamat, ng Arpad, ang hari ng lunsod ng Sefarvaim, ng Hena at ng Iva?”
14. Kinuha ni Hezekias ang sulat na dala ng mga sugo, at pagkatapos basahin ay pumasok sa Templo. Isinangguni niya ito kay Yahweh,
15. at siya'y nanalangin.
16. “O Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, Diyos ng Israel, lumikha ng langit at lupa. Ang inyong trono'y nasa ibabaw ng mga kerubin. Kayo lamang ang Diyos ng lahat ng kaharian sa lupa.
17. Masdan ninyo ang aming kalagayan, at lingapin ninyo kami. Narito ang liham ni Senaquerib na lumalapastangan sa inyo, ang buháy na Diyos.
18. Tunay nga, O Yahweh, na winasak ng mga hari ng Asiria ang lahat ng bansa.
19. Sinunog nila ang diyos ng mga ito, sapagkat ang diyos nila'y hindi tunay; mga bato at kahoy lamang na gawa ng mga tao.
20. Kaya iligtas mo kami Yahweh, O aming Diyos, sa kamay ni Senaquerib upang malaman ng lahat ng kaharian sa lupa na ikaw lamang, ang tunay na si Yahweh.”
21. Pagkatapos, tumanggap si Hezekias ng sulat mula kay Isaias na ganito ang sinasabi: “Dininig ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, ang dalangin mo laban kay Senaquerib,
22. at ito ang kanyang tugon: Kinamumuhian ka ng mga taga-Zion, Senaquerib, pinagtatawanan ka at kinukutya ng Jerusalem.
23. “Sino sa akala mo ang iyong iniinsulto at hinahamak? Nilapastangan mo ako, ang Banal na Diyos ng Israel!
24. Nilait mo ang Panginoon sa pamamagitan ng iyong mga lingkod, ang sabi mo: Sa dami ng aking karwahe, naakyat ko ang ituktok ng mga bundok, naabot ko rin ang kasuluk-sulukan ng Lebanon. Pinutol ko ang nagtataasang puno ng sedar, at ang mga piling puno ng sipres; naabot kong lahat ang pinakamataas na lugar at pusod ng gubat.
25. Humukay ako ng maraming balon, at uminom ako ng tubig ng mga iyon. Ang mga ilog at batis sa Egipto, matapakan ko lamang ay agad natutuyo.
26. “Dapat mong malaman na noon pang una ang bagay na ito ay matagal ko nang binalak, at ngayo'y pawang natutupad. Itinakda kong ikaw ang magwawasak ng matitibay na lunsod.
27. Mga mamamaya'y nawalan ng lakas, nanginig sa takot at napahiya. Sila'y tulad ng halaman sa gitna ng parang, mga murang daho'y nalanta sa araw; katulad ay damo sa bubong ng bahay, hindi pa pinuputol ay tuyo na sa tangkay.
28. “Lahat ng iyong gawin ay nalalaman ko, hindi lingid sa akin anumang balak mo.
29. Dahil sa galit mo't paglaban sa akin at paghahambog mong hindi nalilihim, kaya ang ilong mo'y kakawitin ko at ang bibig mo'y lalagyan ng kandado, at ibabalik kita sa pinanggalingan mo.
30. “Ito ang magiging palatandaan ninyo: Sa taóng ito, ang kakainin ninyo'y bunga ng halamang dati nang nakatanim. Sa susunod na taon, ang kakainin ninyo'y ang ani sa tutubong supling ng halamang iyon. Ngunit sa ikatlong taon, magtatanim na kayo ng panibago, at ang kakainin ninyo'y ang ibubunga nito.
31. Ang mga nalabi sa Juda ay parang halamang muling mag-uugat at mamumunga,
32. sapagkat may malalabi mula sa Jerusalem, at may maliligtas mula sa Bundok ng Zion. Mangyayari ito dahil kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
33. “Kaya ito ang pasya ni Yahweh tungkol sa hari ng Asiria: Hindi siya makakalapit sa lunsod na ito; ni isang palaso ay hindi niya magagamit laban dito. Hindi siya makakalapit na may sandata o makakapagtayo ng tanggulan upang ito'y kubkubin.
34. Saan man siya magdaan papunta dito, doon rin siya daraang pabalik. Hindi na siya makakapasok sa lunsod na ito. Sapagkat ganito ang sinasabi ni Yahweh.
35. ‘Ipagtatanggol ko at ililigtas ang lunsod na ito alang-alang sa akin at sa lingkod kong si David.’”
36. Nang gabing iyon, pinatay ng anghel ni Yahweh ang may 185,000 kawal na taga-Asiria sa loob mismo ng kanilang kampo. Kinaumagahan, naghambalang sa kampo nila ang mga bangkay.
37. Dahil dito, umuwi na si Senaquerib at doon na tumira sa Nineve.
38. Minsan, samantalang sumasamba siya sa templo ng diyus-diyosan niyang si Nisroc, pinatay siya ng dalawa niyang anak na sina Adramelec at Sarezer sa pamamagitan ng espada. Pagkatapos, tumakas sila at nagtago sa bundok ng Ararat. Humalili kay Senaquerib ang anak niyang si Esarhadon.
1. Nang panahong iyon, nagkasakit nang malubha si Hezekias at nasa bingit na ng kamatayan, kaya siya'y dinalaw ni Isaias na anak ni Amoz. Sinabi niya sa hari ang utos na ito ni Yahweh, “Ipatawag mo ang iyong sambahayan at gawin mo na ang iyong mga huling habilin, sapagkat hindi ka na gagaling; mamamatay ka na.”
2. Pagkarinig nito, humarap siya sa dingding at nanalangin!
3. “O Yahweh, alam mo kung paano ako namuhay sa iyong harapan. Naglingkod ako sa iyo nang tapat at ang ginawa ko'y pawang nakalulugod sa iyong paningin.” Pagkatapos, nanangis siya nang malakas.
4. Muling nagsalita si Yahweh kay Isaias.
5. Ang sabi sa kanya, “Sabihin mo kay Hezekias ang sinasabi ni Yahweh, ang Diyos ng iyong ninunong si David: ‘Nakita ko ang iyong pagluha at narinig ko ang iyong dalangin; kaya dadagdagan ko pa ng labinlimang taon ang iyong buhay.
6. Hindi lamang iyon, ikaw at ang lunsod na ito'y hindi mapapahamak, sapagkat ipagtatanggol ko kayo laban sa hari ng Asiria.’”
7. “Ito ang palatandaang ibibigay sa iyo ni Yahweh para patunayang tutuparin niya ang kanyang pangako.
8. Ang anino sa orasan sa palasyo ni Haring Ahaz ay pababalikin niya ng sampung guhit.” At gayon nga ang nangyari.
9. Ito ang awit na isinulat ni Haring Hezekias ng Juda, matapos na siya'y gumaling:
10. “Minsa'y nasabi kong sa katanghalian ng buhay, ako ay papanaw! Sa daigdig ng mga patay ako masasadlak, upang manatili doon sa buong panahon ng aking buhay.
11. At nasabi ko ring hindi ko na makikita si Yahweh at sinumang nabubuhay sa lupa.
12. Katulad ng toldang tirahan ng pastol, inalis na sa akin ang aking tahanan. Ang abang buhay ko'y pinuputol mo tulad ng tela sa isang tahian; ang aking akala'y wawakasan na ng Diyos ang aking buhay.
13. Ako'y lumuluha sa buong magdamag, hindi makatulog, parang nilalansag, parang nilalamon ng leon ang aking buong katawan, ang aking akala'y wawakasan na ng Diyos ang aking buhay.
14. Tumataghoy ako dahil sa hirap, parang isang kalapating nakakaawa. Ang mga mata ko ay pagod na rin dahil sa pagtitig doon sa itaas. O Panginoon, sa kahirapang ito ako'y iyong iligtas.
15. Ano pa ang aking masasabi? Ang may gawa nito ay ikaw, ngunit masakit ang aking kalooban, at hindi ako makatulog.
16. “O Panginoon, ang mga nilikha ay nabubuhay dahil sa iyo, ako'y pagalingin at ang aking lakas sana'y ibalik mo.
17. Ang hirap na ito'y aking nalalaman, na tanging ako rin ang makikinabang. Iyong iniligtas ang buhay na ito, hindi mo hinayaang mahulog sa hukay, at pinatawad mo ako sa aking mga kasalanan.
18. Ang patay ay hindi na makakapagpuri sa iyo, o makakaasa sa iyong katapatan.
19. Mga buháy lamang ang makakapagpuri sa iyo, tulad ng ginagawa ko ngayon, at tulad din ng ama na itinuturo sa mga anak ang katapatan.
20. Si Yahweh ang magliligtas sa akin, kaya sa saliw ng tugtog siya'y ating awitan. Sa banal na Templo ni Yahweh, tayo ay umawit habang nabubuhay.”
21. Si Isaias ay nagpakuha ng pantapal na igos para sa bukol ni Hezekias, at gumaling naman ito.
22. At itinanong ni Hezekias, “Ano ang magiging palatandaan na ako'y maaari nang umakyat sa Templo ni Yahweh?”
14. Gunitain sana ni Yahweh ang sala ng kanyang angkan, at ang sala nitong ina ay di dapat malimutan.
15. Huwag din sanang malimutan ni Yahweh ang sala nila, ngunit sila naman mismo ay dapat na malimot na!
16. Pagkat mga taong iyo'y wala namang natulungan, bagkus pa ang mahirap inuusig, pinapatay.
17. Mahilig sa pagsumpa, kaya dapat na sumpain, yamang ayaw na magpala, di dapat pagpalain.
18. Ang pagsumpa sa kapwa sa kanya ay parang damit, kasuotang oras-oras nagagawa ang magbihis; sana'y siya ang ginawin, katulad ng nasa tubig tumagos sa buto niya, iyong sumpang parang langis.
19. Sana'y maging kasuotang nakabalot sa katawan, na katulad ng sinturong nakabigkis araw-araw.
20. Ang ganitong kaaway ko, Yahweh, iyong parusahan, sa dami ng ginagawa't sinasabing kasamaan.
1. Ang papuri'y di angkop sa taong mangmang, parang ulan ng yelo sa tag-araw o panahon ng anihan.
1. Mula kay Pablo na hinirang na apostol, hindi ng tao o sa pamamagitan ng tao, kundi ni Jesu-Cristo at ng Diyos Ama na muling bumuhay kay Jesus,
2. at mula sa lahat ng mga kapatid na kasama ko, pagbati sa mga iglesya sa Galacia:
3. Sumainyo nawa ang kagandahang-loob at kapayapaang mula sa Diyos Ama at sa ating Panginoong Jesu-Cristo.
4. Inialay ni Jesu-Cristo ang kanyang sarili para sa ating kasalanan ayon sa kalooban ng ating Diyos Ama upang mahango tayo sa kasamaang naghahari ngayon sa sanlibutang ito.
5. Purihin ang Diyos magpakailanman! Amen.
6. Nagtataka ako kung bakit kay dali ninyong tumalikod sa Diyos na tumawag sa inyo sa pamamagitan ng kagandahang-loob ni Cristo at kayo'y bumaling agad sa ibang magandang balita.
7. Ang totoo'y wala namang ibang magandang balita; kaya nga lamang, may mga nanggugulo sa inyo at nagsisikap na baguhin ang Magandang Balita ni Cristo.
8. Subalit kahit kami o isang anghel mula sa langit ang mangaral sa inyo ng Magandang Balita na iba sa ipinangaral namin sa inyo, parusahan nawa siya ng Diyos!
9. Sinabi na namin ito sa inyo, at inuulit ko ngayon, parusahan nawa ng Diyos ang sinumang mangaral sa inyo ng Magandang Balita na naiiba kaysa tinanggap na ninyo.
10. Bakit ko sinasabi ito, dahil ba sa nais kong mapuri ng tao? Hindi! Ang papuri lamang ng Diyos ang tangi kong hinahangad. Sinisikap ko bang magbigay-lugod sa tao? Hindi! Kung iyan ang talagang hangad ko, hindi na sana ako naging alipin ni Cristo.
11. Mga kapatid, nais kong malaman ninyo na ang Magandang Balitang ipinangaral ko'y hindi katha ng tao.
12. Hindi ko ito tinanggap mula sa tao, at hindi rin itinuro sa akin ng sinumang tao. Si Jesu-Cristo mismo ang naghayag nito sa akin.
13. Hindi kaila sa inyo kung paano ako namuhay noon bilang kaanib ng relihiyon ng mga Judio. Walang awa kong inusig ang iglesya ng Diyos at sinikap na ito'y wasakin.
14. Sa relihiyon ng mga Judio, nahigitan ko ang maraming kasing-edad ko at ako'y lubhang masugid sa kaugalian ng aming mga ninuno.
15. Ngunit dahil sa kagandahang-loob ng Diyos, pinili niya ako bago pa ako ipanganak at tinawag upang maglingkod sa kanya.
16. Nang minabuti niyang ihayag sa akin ang kanyang Anak upang maipangaral ko siya sa mga Hentil, hindi ako sumangguni sa sinumang tao.
17. Ni hindi rin ako nagpunta sa Jerusalem upang makipagkita sa mga apostol na nauna sa akin; sa halip, nagpunta ako sa Arabia, at pagkatapos ay bumalik ako sa Damasco.
18. Pagkaraan ng tatlong taon, pumunta ako sa Jerusalem upang makipag-usap kay Pedro, at labinlimang araw kaming nagkasama.
19. Wala akong nakitang iba pang apostol maliban kay Santiago na kapatid ng Panginoon.
20. Totoong lahat ang isinusulat ko sa inyo. Alam ng Diyos na hindi ako nagsisinungaling.
21. Pagkatapos, pumunta ako sa ilang lugar sa Siria at sa Cilicia.
22. Hindi pa ako kilala noon ng mga mananampalataya kay Cristo na nasa Judea.
23. Nakarating lamang sa kanila ang ganitong balita, “Ang dating umuusig sa atin ay nangangaral na ngayon ng pananampalatayang dati'y sinikap niyang wasakin.”
24. Kaya't nagpuri sila sa Diyos dahil sa akin.
Tagalog Bible 2012
New Testament 2012 Philippine Bible Society Old Testament 2005 Philippine Bible Society