Bibliya sa isang taon

1. Nabalitaan ni Merodac-Baladan na hari ng Babilonia, na anak ni Baladan, na si Hezekias ay gumaling sa kanyang karamdaman. Bilang pagbati, nagpadala siya roon ng mga sugong may dalang sulat at regalo.
2. Labis itong ikinagalak ni Hezekias at sa katuwaa'y ipinakita niya sa mga ito ang lahat niyang kayamanan at ari-arian. Ipinakita niya ang mga itinagong pilak, ginto, mga pabango, mamahaling langis, at ang mga sandata sa arsenal. Kaya lahat ng taguan ng kanyang mga kayamanan ay nakita ng mga sugo.
3. Nang dumating si Isaias, tinanong niya si Haring Hezekias, “Saan ba nanggaling ang mga taong ito? Anong sinabi nila sa iyo?” Sumagot ang hari, “Sa malayong lugar sila nanggaling; buhat pa sila sa Babilonia.”
4. Nagtanong na muli si Isaias, “Ano naman ang nakita nila sa inyong palasyo?” Sinabi ng hari, “Lahat ng ari-arian ko sa palasyo, pati ang laman ng mga bodega.”
5. Dahil dito'y sinabi ni Isaias, “Pakinggan ninyo ang ipinapasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat:
6. ‘Darating ang panahon na ang lahat ng ari-arian ninyo, pati ang tinipon ng inyong mga ninuno ay dadalhin sa Babilonia; walang matitira sa mga iyon!’
7. Pati ang iyong salinlahi na ipapanganak pa lamang ay dadalhin sa Babilonia at gagawin nilang mga eunuko sa palasyo ng hari.”
8. “Ang sinabi mong iyan buhat kay Yahweh ay mabuti,” sagot ni Hezekias. Sinabi niya ito sapagkat iniisip niyang magkakaroon ng kapayapaan at kasaganaan habang siya'y nabubuhay.
1. “Aliwin ninyo ang aking bayan,” sabi ng Diyos. “Aliwin ninyo sila!
2. Inyong ibalita sa mga taga-Jerusalem, tapos na ang kanilang pagdurusa sapagkat nabayaran na nila ng lubos ang kasalanang ginawa nila sa akin.”
3. Ganito ang isinisigaw ng isang tinig: “Ihanda ninyo ang daraanan ni Yahweh sa ilang; gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran sa ilang.
4. Tambakan ang mga libis, patagin ang mga burol at bundok, at pantayin ang mga baku-bakong daan.
5. Mahahayag ang kaluwalhatian ni Yahweh, at makikita ito ng lahat ng tao. Si Yahweh mismo ang nagsabi nito.”
6. “Magpahayag ka!” ang sabi ng tinig. “Ano ang ipahahayag ko?” tanong ko. Sumagot siya, “Ipahayag mong ang lahat ng tao ay tulad ng damo, ang kanyang buhay ay tulad lamang ng bulaklak sa parang.
7. Natutuyo ang damo, kumukupas ang mga bulaklak, kapag sila'y mahipan ng hanging mula kay Yahweh. Tunay ngang ang tao ay tulad ng damo.
8. Oo, ang damo'y nalalanta, at kumukupas ang mga bulaklak, ngunit ang salita ng ating Diyos ay mananatili magpakailanman.”
9. Umakyat ka sa tuktok ng bundok, O Zion, magandang balita ay iyong ipahayag, O Jerusalem! Sumigaw ka at huwag matatakot, sabihin mo sa mga lunsod ng Juda, “Narito na ang inyong Diyos!”
10. Dumarating ang Panginoong Yahweh na taglay ang kapangyarihan, dala ang gantimpala sa mga hinirang.
11. At tulad ng pastol, pinapakain niya ang kanyang kawan; sa kanyang mga bisig, ang maliliit na tupa'y kanyang yayakapin. Sa kanyang kandungan ay pagyayamanin, at papatnubayan ang mga tupang may supling.
12. Sino ang makakasukat ng tubig sa dagat sa pamamagitan ng kanyang kamay? Sino ang makakasukat sa lawak ng kalangitan? Sinong makakapaglagay ng lahat ng lupa sa isang sisidlan? Sino kaya ang makakapagtimbang sa mga bundok at burol?
13. Sino ang makakapagsabi ng dapat gawin ni Yahweh? May makakapagturo ba o makakapagpayo sa kanya?
14. Sino ang kanyang puwedeng sanggunian para maliwanagan? Sinong nagturo sa kanya ng landas ng katarungan? Sinong nagkaloob sa kanya ng kaalaman at ng paraan upang makaunawa?
15. Sa harap ni Yahweh ang mga bansa ay walang kabuluhan, tulad lang ng isang patak ng tubig sa isang sisidlan; at ang mga pulo ay parang alikabok lamang ang timbang.
16. Hindi sapat na panggatong ang lahat ng kahoy sa Lebanon. Kulang pang panghandog ang lahat ng hayop sa gubat roon.
17. Sa kanyang harapan, ay walang halaga ang lahat ng bansa.
18. Saan ninyo ihahambing ang Diyos at kanino ninyo siya itutulad?
19. Siya ba'y maihahambing sa mga imaheng ginawa ng tao, na binalutan ng ginto, at ipinatong sa pilak?
20. Hindi rin siya maitutulad sa rebultong kahoy matigas man ang kahoy at hindi nabubulok, na nililok upang hindi tumumba at mabibili lang sa murang halaga.
21. Hindi ba ninyo nalalaman? Wala bang nagbalita sa inyo noon, kung paano nagsimulang likhain ang sanlibutan?
22. Ang lumikha nito ay ang Diyos na nakaupo sa kanyang trono doon sa kalangitan; mula roon ang tingin sa tao'y parang mga langgam. Ang langit ay iniladlad niyang tulad ng kurtina, tulad ng tolda upang matirahan.
23. Inaalis niya ang mga pinuno sa kapangyarihan, at ginagawang walang kabuluhan.
24. Tulad nila'y mga halamang walang ugat, bagong tanim at natutuyo agad; at tila dayaming tinatangay ng hangin.
25. Kanino ninyo ihahambing ang banal na Diyos? Mayroon ba siyang katulad?
26. Tumingala kayo sa langit! Sino ba ang lumikha ng mga bituin? Sino ba ang sa kanila'y nagpapakilos, at sino ba ang nagbigay ng kanilang pangalan? Dahil sa kanyang dakilang kapangyarihan, walang nawala sa kanila kahit isa man.
27. Israel, bakit ka ba nagrereklamo na tila hindi pansin ni Yahweh ang kabalisahan mo, o hindi inalalayan sa kaapihang naranasan?
28. Hindi ba ninyo nalalaman, di ba ninyo naririnig? Na itong si Yahweh, ang walang hanggang Diyos, ang siyang lumikha ng buong daigdig? Hindi siya napapagod; sa isipan niya'y walang makakaunawa.
29. Ang mahihina't mga napapagod ay kanyang pinapalakas.
30. Kahit na ang mga kabataan ay napapagod at nanlulupaypay.
31. Ngunit muling lumalakas at sumisigla ang nagtitiwala kay Yahweh. Lilipad silang tulad ng mga agila. Sila'y tatakbo ngunit hindi mapapagod, sila'y lalakad ngunit hindi manghihina.
21. Katulad ng pangako mo, Yahweh, ako ay tulungan, yamang ika'y mapagmahal, ako'y ipagtanggol naman.
22. Pagkat ako ay mahirap, laging nangangailangan, labis akong naghihirap sa ganitong kalagayan.
23. Anino ang katulad ko na kung gabi'y nawawala, parang balang na lumipad, kapag ako ay inuga.
24. Mahina na ang tuhod ko, dahilan sa di pagkain, payat na ang katawan ko, buto't balat sa paningin.
25. Ang sinumang makakita sa akin ay nagtatawa, umiiling silang lahat kapag ako'y nakikita.
2. Ang sumpang di nararapat ay hindi tatalab, tulad lang ito ng ibong di dumadapo at lilipad-lipad.
1. Makalipas ang labing-apat na taon, muli akong pumunta sa Jerusalem kasama si Bernabe. Isinama ko rin si Tito.
2. Bumalik ako sapagkat inihayag sa akin ng Diyos na dapat akong pumunta doon. Nakipagpulong ako nang sarilinan sa mga kinikilalang pinuno ng iglesya, at inilahad ko sa kanila ang Magandang Balitang ipinapangaral ko sa mga Hentil. Ginawa ko ito dahil ayaw kong mawalan ng kabuluhan ang aking ginawa at ginagawa pa.
3. Kahit na isang Griego ang kasama kong si Tito, hindi nila pinilit na magpatuli ito
4. kahit may ilang huwad na kapatid na nagtangka ng gayon. Nakihalubilo sila sa amin upang manmanan ang kalayaang taglay natin kay Cristo Jesus. Nais nila kaming maging mga alipin.
5. Hindi kami nagpailalim sa kanilang kagustuhan kahit isang saglit, upang maingatan namin para sa inyo ang tunay na kahulugan ng Magandang Balita.
6. Ngunit walang idinagdag sa akin ang mga kinikilalang pinuno; hindi mahalaga sa akin kung sino man sila, sapagkat walang itinatangi ang Diyos.
7. Sa halip, kinilala nila na ipinagkatiwala sa akin ang pangangaral ng Magandang Balita sa mga Hentil, kung paanong ipinagkatiwala kay Pedro ang pangangaral ng Magandang Balita sa mga Judio.
8. Ang Diyos na nagbigay ng kapangyarihan kay Pedro na mangaral sa mga Judio ang siya ring nagbigay sa akin ng kapangyarihang mangaral sa mga Hentil.
9. Nakita nina Santiago, Pedro at Juan, na mga kinikilalang haligi ng iglesya, ang kagandahang-loob na ibinigay sa akin, kaya't kami ni Bernabe ay buong puso nilang tinanggap bilang mga kamanggagawa. Pinagkasunduan namin na kami'y sa mga Hentil mangangaral at sila nama'y sa mga Judio.
10. Ang hiling lamang nila ay huwag naming kakaligtaan ang mga dukha, na siya namang masikap kong ginagawa.
11. Subalit nang dumating si Pedro sa Antioquia, harap-harapan ko siyang sinaway sapagkat maling-mali ang kanyang ginagawa.
12. Dahil bago dumating ang ilang sugo ni Santiago, siya'y nakikisalo sa mga Hentil. Subalit nang dumating na ang mga iyon, lumayo na siya at hindi na nakisalo sa mga Hentil dahil sa takot niya sa pangkat na nagnanais na tuliin din ang mga Hentil.
13. At gumaya naman sa kanya ang ibang mga kapatid doon na mga Judio; pati si Bernabe ay natangay ng kanilang pagkukunwari.
14. Nang makita kong ang kanilang ikinikilos ay hindi ayon sa tunay na diwa ng Magandang Balita, sinabi ko kay Pedro sa harap nilang lahat, “Kung ikaw na isang Judio ay namumuhay na parang Hentil at hindi bilang Judio, bakit mo ngayon pinipilit ang mga Hentil na mamuhay gaya ng mga Judio?”
15. Kami nga'y ipinanganak na Judio at hindi makasalanang Hentil.
16. Gayunman, alam naming ang tao'y pinapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo, at hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Kaya't kami ay sumampalataya kay Cristo Jesus upang mapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanya, at hindi sa pamamagitan ng Kautusan. Sapagkat walang taong pinapawalang-sala sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan.
17. Ngunit kung sa pagsisikap naming mapawalang-sala sa pamamagitan ni Cristo ay matagpuan kaming makasalanan pa, nangangahulugan bang si Cristo ay tagapagtaguyod ng kasalanan? Hinding-hindi!
18. Ngunit kung itinatayo kong muli ang winasak ko na, ipinapakita kong makasalanan nga ako.
19. Ako'y namatay na sa Kautusan sa pamamagitan rin ng Kautusan upang ngayo'y mabuhay para sa Diyos. Ako'y kasama ni Cristo na ipinako sa krus.
20. Kaya hindi na ako ang nabubuhay ngayon kundi si Cristo na ang nabubuhay sa akin. At ang buhay ko ngayon sa katawan ay ikinabubuhay ko sa pamamagitan ng pananampalataya sa Anak ng Diyos na nagmahal sa akin at naghandog ng kanyang sarili para sa akin.
21. Hindi ko tinatanggihan ang kagandahang-loob ng Diyos. Kung ang tao'y mapapawalang-sala sa pamamagitan ng Kautusan, walang kabuluhan ang pagkamatay ni Cristo!
Tagalog Bible 2012
New Testament 2012 Philippine Bible Society Old Testament 2005 Philippine Bible Society