1. At nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi,
2. "Magsalita ka sa buong kapulungan ng mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila: Kayo'y magpakabanal, sapagkat akong PANGINOON ninyong Diyos ay banal.
3. Ang bawat isa ay gumalang sa kanyang ina at sa kanyang ama, at inyong ingatan ang aking mga Sabbath; ako ang PANGINOON ninyong Diyos.
4. Huwag kayong babaling sa mga diyus-diyosan, ni huwag kayong gagawa para sa inyong sarili ng mga diyos na inanyuan; ako ang PANGINOON ninyong Diyos.
5. "At kapag kayo'y naghahandog sa PANGINOON ng alay na mga handog pangkapayapaan, inyong ialay ito upang kayo'y tanggapin.
6. Ito ay kakainin sa araw na ito na inialay, o sa kinabukasan. Ang nalabi sa ikatlong araw ay susunugin sa apoy.
7. At kapag ito ay kinain sa ikatlong araw, ito ay karumaldumal; ito'y hindi tatanggapin,
8. at ang sinumang kumain nito ay magpapasan ng kanyang kasamaan, sapagkat nilapastangan niya ang isang banal na bagay ng PANGINOON; at ititiwalag ang gayong tao sa kanyang bayan.
9. "Kapag inyong ginagapas ang anihin sa inyong lupain, huwag ninyong gagapasan ang inyong bukid hanggang sa mga sulok nito, ni huwag ninyong titipunin ang mga nalaglag sa inyong ginapasan.
10. Huwag uubusin ang bunga ng inyong ubasan, ni huwag ninyong titipunin ang mga nalaglag sa inyong ubasan; iiwan ninyo ang mga iyon para sa mga dukha at sa dayuhan: ako ang PANGINOON ninyong Diyos.
11. "Huwag kayong magnanakaw, ni mandaraya, ni magsisinungaling sa isa't isa.
12. At huwag kayong susumpa sa pamamagitan ng aking pangalan sa kasinungalingan; sa gayo'y lalapastanganin ninyo ang pangalan ng inyong Diyos: Ako ang PANGINOON.
13. "Huwag mong gigipitin ang iyong kapwa o pagnakawan siya. Ang sahod ng isang upahang lingkod ay hindi dapat manatili sa iyo sa buong gabi hanggang sa umaga.
14. Huwag mong mumurahin ang bingi, ni maglalagay ng katitisuran sa harap ng bulag, kundi katakutan mo ang iyong Diyos: Ako ang PANGINOON.
15. "Huwag kayong gagawa ng kalikuan sa paghatol; huwag kang magtatangi sa pagkatao ng dukha ni itatangi ang pagkatao ng makapangyarihan, kundi hahatulan mo ang iyong kapwa ayon sa katarungan.
16. Huwag kang magpaparoo't-parito sa iyong bayan bilang tagapagdala ng tsismis, ni huwag kang titindig laban sa dugo ng iyong kapwa: Ako ang PANGINOON.
17. "Huwag mong kapopootan ang iyong kapatid sa iyong puso; tunay na sasawayin mo ang iyong kapwa, upang hindi ka magpasan ng kasalanan dahil sa kanya.
18. Huwag kang maghihiganti o magtatanim ng galit laban sa mga anak ng iyong bayan; kundi iibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng sa iyong sarili: Ako ang PANGINOON.
19. "Tutuparin ninyo ang aking mga tuntunin. Huwag mong palalahian ang iyong mga hayop sa ibang uri; huwag mong hahasikan ang iyong bukid ng magkaibang binhi; ni huwag kang magsusuot ng damit na hinabi mula sa dalawang magkaibang uring hibla.
20. "Kung ang isang lalaki ay sumiping sa isang aliping babae na nakatakdang ipakasal sa isang lalaki, at hindi pa natutubos ang babae, o hindi pa nabibigyan ng kalayaan, ay dapat magkaroon ng pagsisiyasat. Hindi sila papatayin yamang siya'y hindi pa malaya.
21. Ngunit magdadala ang lalaki ng kanyang handog na tupang lalaki para sa PANGINOON sa pintuan ng toldang tipanan para sa budhing maysala.
22. At ipantutubos sa kanya ng pari ang tupang handog para sa budhing maysala sa harapan ng PANGINOON, para sa kasalanang kanyang nagawa; at ipatatawad sa kanya ang kasalanan na kanyang nagawa.
23. "Pagdating ninyo sa lupain at nakapagtanim na kayo ng sari-saring punungkahoy bilang pagkain, ay ituturing ninyo ang bunga niyon na ipinagbabawal; tatlong taon itong ipagbabawal para sa inyo; hindi ito dapat kainin.
24. Subalit sa ikaapat na taon, ang lahat ng bunga niyon ay magiging banal, isang alay na papuri sa PANGINOON.
25. At sa ikalimang taon ay makakakain na kayo ng bunga niyon upang lalong magbunga ang mga ito para sa inyo: Ako ang PANGINOON ninyong Diyos.
26. "Huwag kayong kakain ng anumang kasama ang dugo; ni huwag kayong mang-eengkanto ni manggagaway.
27. Huwag ninyong gugupitin ng pabilog ang mga buhok sa palibot ng inyong ulo, ni sisirain ang mga sulok ng iyong balbas.
28. Huwag ninyong hihiwaan ang inyong laman dahil sa namatay; ni huwag kayong maglalagay ng tatu na tanda sa inyong sarili: Ako ang PANGINOON.
29. "Huwag mong durungisan ang iyong anak na babae, na siya'y iyong gagawing upahang babae, baka ang lupain ay masadlak sa pakikiapid, at mapuno ng kasamaan.
30. Ipapangilin ninyo ang aking mga Sabbath, at igagalang ninyo ang aking santuwaryo: Ako ang PANGINOON.
31. "Huwag kayong sasangguni sa mga nakikiugnay sa masasamang espiritu ni sa mga mangkukulam; huwag ninyo silang hanapin upang madungisan nila: Ako ang PANGINOON ninyong Diyos.
32. "Titindig ka sa harapan ng may gulang at igagalang mo ang matanda, at katakutan mo ang iyong Diyos: Ako ang PANGINOON.
33. "Kapag ang isang dayuhan ay nanirahang kasama ninyo sa inyong lupain, huwag ninyo siyang gagawan ng masama.
34. Ang dayuhang kasama ninyo ay magiging kagaya ng isang katutubong kasama ninyo. Iibigin mo siya na gaya ng sa iyong sarili; sapagkat kayo ay naging mga dayuhan sa lupain ng Ehipto: Ako ang PANGINOON ninyong Diyos.
35. "Huwag kayong mandaraya sa pagsukat ng haba, timbang, o dami.
36. Magkakaroon kayo ng wastong pamantayan, wastong timbangan, wastong efa at wastong hin. Ako ang PANGINOON ninyong Diyos na naglabas sa inyo sa lupain ng Ehipto.
37. Inyong tutuparin ang lahat ng aking mga tuntunin, at ang lahat ng aking kahatulan, at gagawin ninyo ang mga iyon: Ako ang PANGINOON."
1. At nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi,
2. "Sasabihin mo sa mga anak ni Israel: Sinumang tao sa mga anak ni Israel, o sa mga dayuhan na naninirahan sa Israel, na nagbibigay ng kanyang anak kay Molec ay tiyak na papatayin; siya'y babatuhin ng mga tao ng lupain hanggang sa mamatay.
3. Ako mismo ay haharap laban sa taong iyon, at ititiwalag ko siya mula sa kanyang bayan, sapagkat ibinigay niya ang kanyang anak kay Molec, kaya't nadungisan ang aking santuwaryo, at nilapastangan ang aking banal na pangalan.
4. At kapag ipinikit ng mga tao sa lupain ang kanilang mga mata sa taong iyon, habang ibinibigay niya ang kanyang anak kay Molec, at hindi siya pinatay,
5. ay ihaharap ko ang aking mukha laban sa taong iyon at sa kanyang sambahayan. Ititiwalag ko siya mula sa kanyang bayan, siya at lahat ng sumusunod sa kanya sa pagpapakasama kay Molec.
6. "Ang taong nakikipag-ugnay sa masasamang espiritu at sa mga mangkukulam, na nagpapakasamang kasama nila, ay ihaharap ko ang aking mukha laban sa taong iyon, at ititiwalag ko siya mula sa kanyang bayan.
7. Italaga ninyo ang inyong mga sarili at kayo'y maging banal; sapagkat ako ang PANGINOON ninyong Diyos.
8. Tutuparin ninyo ang aking mga tuntunin, at isasagawa ang mga iyon, ako ang PANGINOON na nagpapabanal sa inyo.
9. Sinumang lumalait sa kanyang ama o sa kanyang ina ay tiyak na papatayin; kanyang nilait ang kanyang ama o ang kanyang ina, ang kanyang dugo ay nasa kanya.
10. "Kapag ang isang lalaki ay mangalunya sa asawa ng kanyang kapwa, ang lalaking nangalunya at ang babaing nangalunya ay parehong papatayin.
11. Ang lalaking sumiping sa asawa ng kanyang ama ay naglitaw ng kahubaran ng kanyang ama, sila'y tiyak na kapwa papatayin; ang kanilang dugo ay nasa kanila.
12. At kapag ang isang lalaki ay sumiping sa kanyang manugang na babae, sila ay kapwa papatayin; sila'y gumawa ng kahalayan, ang kanilang dugo ay nasa kanila.
13. Kapag ang isang lalaki ay sumiping sa kapwa lalaki, na gaya ng pagsiping sa babae, sila ay kapwa nakagawa ng bagay na karumaldumal, tiyak na sila'y papatayin, ang kanilang dugo ay nasa kanila.
14. Kung ang isang lalaki ay mag-asawa sa isang babae at sa kanyang ina, ito ay kasamaan. Kanilang susunugin siya at sila upang huwag magkaroon ng kasamaan sa inyong kalagitnaan.
15. Kapag ang isang lalaki ay sumiping sa hayop, siya ay tiyak na papatayin, at papatayin din ninyo ang hayop.
16. Kung ang isang babae ay lumapit sa alinmang hayop at nakipagtalik dito, papatayin mo ang babae at ang hayop; sila'y tiyak na papatayin at ang kanilang dugo ay nasa kanila.
17. "Kung kunin ng isang lalaki ang kanyang kapatid na babae, na anak ng kanyang ama o anak ng kanyang ina, at kanyang makita ang kanyang kahubaran, at makita ng babae ang kahubaran niya, ito ay isang bagay na kahiyahiya. Sila'y ititiwalag sa paningin ng mga anak ng kanilang bayan, sapagkat inilitaw niya ang kahubaran ng kanyang kapatid na babae; kanyang pananagutan ang kasamaan niya.
18. Kung ang isang lalaki ay sumiping sa isang babaing may regla, at ilitaw ang kahubaran niya; kanyang hinubaran ang kanyang daloy at kanyang pinalitaw ang daloy ng kanyang dugo; at sila'y kapwa ititiwalag sa kalagitnaan ng kanilang bayan.
19. At huwag mong ililitaw ang kahubaran ng kapatid na babae ng iyong ina, ni ng kapatid na babae ng iyong ama, sapagkat hinubaran niya ang kanyang malapit na kamag-anak; sila ay kapwa mananagot ng kanilang kasamaan.
20. Kung ang isang lalaki ay sumiping sa asawa ng kanyang amain, kanyang inilitaw ang kahubaran ng kanyang amain. Pananagutan nila ang kanilang kasalanan at mamamatay silang walang anak.
21. Kung ang isang lalaki ay makisama sa asawa ng kanyang kapatid na lalaki, ito ay karumihan; kanyang inilitaw ang kahubaran ng kanyang kapatid na lalaki kaya't mabubuhay silang walang anak.
22. "Tuparin ninyo ang lahat ng aking mga tuntunin at mga batas, at gawin ninyo ang mga iyon upang huwag kayong isuka ng lupain na aking pagdadalhan sa inyo na inyong tatahanan.
23. Huwag kayong lalakad ng ayon sa mga kaugalian ng mga bansang aking palalayasin sa harapan ninyo, sapagkat ang lahat ng kasamaang ito ay ginawa nila, at ako ay nasusuklam sa kanila.
24. Subalit sinabi ko na sa inyo, Tiyak na mamanahin ninyo ang lupain nila, at ibibigay ko sa inyo upang inyong manahin, isang lupaing binubukalan ng gatas at pulot.' Ako ang PANGINOON ninyong Diyos na nagbukod sa inyo sa mga bayan.
25. Inyong lalagyan ng pagkakaiba ang hayop na malinis at ang marumi, at ang ibong marumi at ang malinis. Huwag ninyong gagawing karumaldumal ang inyong pagkatao sa hayop o sa ibon, o sa anumang bagay na umuusad sa lupa na inihiwalay ko sa inyo bilang mga marurumi.
26. Kayo'y magpakabanal sa akin, sapagkat akong PANGINOON ay banal, at kayo'y ibinukod ko sa mga bayan, upang kayo'y maging akin.
27. "Ang isang lalaki o ang isang babae na sumasangguni sa masasamang espiritu, o mangkukulam, ay tiyak na papatayin. Sila'y babatuhin hanggang mamatay, ang kanilang dugo ay pasan nila."
4. Isang bagay ang hiningi ko sa PANGINOON, na aking hahanapin; na ako'y makapanirahan sa bahay ng PANGINOON, sa lahat ng mga araw ng aking buhay, upang mamasdan ang kagandahan ng PANGINOON, at sumangguni sa kanyang templo.
5. Sapagkat ako'y ikukubli niya sa kanyang kanlungan sa araw ng kaguluhan sa ilalim ng kanyang tolda ako'y kanyang itatago, at itataas niya ako sa ibabaw ng isang malaking bato.
6. At ngayo'y itataas ang aking ulo sa aking mga kaaway sa palibot ko; at ako'y maghahandog sa kanyang tolda ng mga alay na may sigaw ng pagsasaya. Ako'y aawit, Oo, ako'y aawit ng mga papuri sa PANGINOON.
7. Dinggin mo kapag ako'y sumisigaw ng aking tinig, O PANGINOON, kaawaan mo ako at sa akin ay tumugon.
8. Sinabi mo, "Hanapin ninyo ang aking mukha;" sabi ng aking puso sa iyo, "Ang iyong mukha, PANGINOON, ay aking hinahanap."
9. Huwag mong ikubli ang iyong mukha sa akin. Sa galit, ang iyong lingkod ay huwag mong paalisin, ikaw na naging saklolo sa akin. Huwag mo akong itakuwil, huwag mo akong pabayaan, O Diyos ng aking kaligtasan!
10. Sapagkat pinabayaan na ako ng aking ama at ina, gayunma'y ibabangon ako ng PANGINOON.
10. Siyang kumikindat ng mata ay pinagmumulan ng kaguluhan, ngunit ang madaldal na hangal ay mabubuwal.
11. Ang bibig ng matuwid ay bukal ng buhay, ngunit ang bibig ng masama ay nagtatago ng karahasan.
12. Ang pagkamuhi ay nagbubunsod ng alitan, ngunit tinatakpan ng pag-ibig ang lahat ng pagsuway.
1. Dumating sila sa kabilang ibayo ng dagat, sa lupain ng mga Geraseno.
2. Nang bumaba siya sa bangka, isang lalaki na may masamang espiritu ang agad na sumalubong sa kanya mula sa mga libingan.
3. Siya'y naninirahan sa mga libingan at wala nang makapigil sa kanya kahit na may tanikala.
4. Sapagkat madalas na siya'y ginagapos ng mga kadena at mga tanikala ngunit nilalagot niya ang mga tanikala, at pinagpuputul-putol ang mga kadena. Walang taong may lakas na makasupil sa kanya.
5. Sa gabi't araw ay palagi siyang nagsisisigaw sa mga libingan at sa mga kabundukan, at sinusugatan ang sarili ng mga bato.
6. Nang matanaw niya si Jesus sa malayo, tumakbo siya at si Jesus ay kanyang sinamba.
7. Siya'y sumigaw ng may malakas na tinig, "Ano ang pakialam mo sa akin, Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos? Ipinapakiusap ko sa iyo, alang-alang sa Diyos, na huwag mo akong pahirapan."
8. Sapagkat sinabi niya sa kanya, "Lumabas ka sa taong iyan, ikaw na masamang espiritu."
9. At tinanong siya ni Jesus, "Ano ang pangalan mo?" Sumagot siya, "Lehiyon ang pangalan ko sapagkat marami kami."
10. Nagmakaawa siya sa kanya na huwag silang palayasin sa lupain.
11. Noon ay may isang malaking kawan ng mga baboy na nanginginain sa libis ng bundok.
12. Nakiusap sila sa kanya, "Papuntahin mo kami sa mga baboy upang kami ay makapasok sa kanila."
13. At sila'y kanyang pinahintulutan. Ang mga masamang espiritu ay lumabas at pumasok sa mga baboy. Ang kawan na may bilang na mga dalawang libo ay bumulusok sa matarik na bangin patungong dagat at nalunod sila sa dagat.
14. Ang mga nagpapakain sa kanila ay tumakas at ibinalita sa lunsod at sa mga nayon. Kaya't nagdatingan ang mga tao upang tingnan kung ano ang nangyari.
15. Lumapit sila kay Jesus at nakita nila ang inalihan ng mga demonyo na nakaupo roon na may damit at matino ang pag-iisip, ang taong nagkaroon ng isang lehiyon, at sila'y natakot.
16. At sinabi sa kanila ng mga nakakita rito kung anong nangyari sa inalihan ng mga demonyo at sa mga baboy.
17. Sila'y nagpasimulang makiusap kay Jesus na lisanin ang pook nila.
18. Nang sumasakay na siya sa bangka, ang lalaking inalihan ng mga demonyo ay nakiusap na siya'y isama niya.
19. Ngunit tumanggi siya at sinabi sa kanya, "Umuwi ka sa iyong mga kaibigan at ibalita mo sa kanila ang lahat ng ginawa ng Panginoon para sa iyo at kung paanong kinaawaan ka niya."
20. At ang lalaki ay lumisan at nagpasimulang ipahayag sa Decapolis ang lahat ng ginawa ni Jesus para sa kanya; at namangha ang lahat.