Bibliya sa isang taon

1. Ang mga salita ni Nehemias na anak ni Hachalias. Nangyari nga sa buwan ng Chislu, sa ikadalawang pung taon, samantalang ako'y nasa bahay-hari sa Susan.
2. Na si Hanani, na isa sa aking mga kapatid, ay dumating, siya at ilang lalake na mula sa Juda; at tinanong ko sila ng tungkol sa mga Judio na nakatanan, na nangaiwan sa pagkabihag, at tungkol sa Jerusalem.
3. At sinabi nila sa akin, Ang nalabi na naiwan sa pagkabihag doon sa lalawigan, ay nasa malaking kapighatian at kakutyaan: ang kuta naman sa Jerusalem ay nabagsak, at ang mga pintuang-bayan ay nangasunog sa apoy.
4. At nangyari, nang marinig ko ang mga salitang ito, na ako'y naupo at umiyak, at nanangis na ilang araw; at ako'y nagayuno, at dumalangin sa harap ng Dios ng langit.
5. At nagsabi, Aking idinadalangin sa iyo, Oh Panginoon, na Dios ng langit, na dakila at kakilakilabot na Dios, na nagiingat ng tipan at kaawaan sa nagsisiibig sa kaniya, at nangagiingat ng kaniyang mga utos:
6. Pakinggan ngayon ng iyong tainga, at idilat ang iyong mga mata, upang iyong dinggin ang dalangin ng iyong lingkod, na aking idinadalangin sa harap mo sa panahong ito, araw at gabi, dahil sa mga anak ni Israel na iyong mga lingkod, habang aking ipinahahayag ang mga kasalanan ng mga anak ni Israel, na aming ipinagkasala laban sa iyo. Oo, ako at ang sangbahayan ng aking magulang ay nagkasala:
7. Kami ay lubhang nagpakahamak laban sa iyo, at hindi nangagingat ng mga utos, o ng mga palatuntunan man, o ng mga kahatulan, na iyong iniutos sa iyong lingkod na kay Moises.
8. Alalahanin mo, isinasamo ko sa iyo, ang salita na iyong iniutos sa iyong lingkod na kay Moises, na sinasabi, Kung kayo'y magsisalangsang, aking pangangalatin kayo sa lahat na bayan:
9. Nguni't kung kayo'y magsibalik sa akin, at ingatan ninyo ang aking mga utos, at gawin, bagaman ang nangatapon sa inyo ay nasa kaduluduluhang bahagi ng mga langit, akin ngang pipisanin sila mula roon, at dadalhin ko sila sa dakong aking pinili upang patahanin doon ang aking pangalan.
10. Ang mga ito nga'y ang iyong mga lingkod at ang iyong bayan, na iyong tinubos sa pamamagitan ng iyong dakilang kapangyarihan, at sa pamamagitan ng iyong malakas na kamay.
11. Oh Panginoon, isinasamo ko sa iyo, pakinggan ngayon ng inyong pakinig ang dalangin ng iyong lingkod, at ang dalangin ng iyong mga lingkod, na nangasasayahang matakot sa iyong pangalan: at paginhawahin mo, isinasamo ko sa iyo, ang iyong lingkod sa araw na ito, at pagkalooban mo siya ng kaawaan sa paningin ng lalaking ito. (Ngayo'y tagahawak ako ng saro ng hari.)
1. At nangyari sa buwan ng Nisan, sa ikadalawang pung taon ni Artajerjes na hari, nang ang alak ay nasa harap niya, na aking kinuha ang alak at ibinigay ko sa hari. Hindi nga ako nalungkot nang una sa kaniyang harapan.
2. At sinabi ng hari sa akin, Bakit ang iyong mukha ay malungkot, dangang wala kang sakit? ito'y dili iba kundi kalungkutan ng puso. Nang magkagayo'y natakot akong mainam.
3. At sinabi ko sa hari, Mabuhay ang hari magpakailan man: bakit ang aking mukha ay hindi malulungkot, kung ang bayan, ang dako ng mga libingan sa aking mga magulang ay giniba, at ang mga pintuang-bayan niyaon ay nasupukan ng apoy?
4. Nang magkagayo'y sinabi ng hari sa akin, Ano ang iyong hinihiling? Sa gayo'y dumalangin ako sa Dios ng langit.
5. At nagsabi ako sa hari, Kung ikinalulugod ng hari, at kung ang iyong lingkod ay nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin ay suguin mo ako sa Juda, sa bayan ng libingan sa aking mga magulang, upang aking maitayo.
6. At ang hari ay nagsabi sa akin, (ang reina ay nakaupo naman sa siping niya,) Magiging gaano kalaon ang iyong paglalakbay? at kailan ka babalik? Sa gayo'y nalugod ang hari na suguin ako, at nagtakda ako sa kaniya ng panahon.
7. Bukod dito'y sinabi ko sa hari, Kung ikinalulugod ng hari, bigyan ako ng mga sulat sa mga tagapamahala sa dako roon ng Ilog, upang ako'y kanilang paraanin hanggang sa ako'y dumating sa Juda;
8. At isang sulat kay Asaph na tagapagingat ng gubat ng hari, upang bigyan niya ako ng mga kahoy na magawang mga tahilan sa mga pintuang-daan ng kastillo na nauukol sa bahay, at sa kuta ng bayan at sa bahay na aking papasukan. At pinagkalooban ako ng hari ayon sa mabuting kamay ng aking Dios na sumasa akin.
9. Nang magkagayo'y pumaroon ako sa mga tagapamahala sa dako roon ng Ilog, at ibinigay ko sa kanila ang mga sulat ng hari. Sinugo nga ako ng hari na may kasamang mga punong kawal ng hukbo at mga mangangabayo.
10. At nang mabalitaan ni Sanballat na Horonita, at ni Tobias na lingkod, na Ammonita, ay namanlaw na mainam, sapagka't may naparoong isang lalake upang hanapin ang ikagagaling ng mga anak ni Israel.
11. Sa gayo'y naparoon ako sa Jerusalem, at dumoon akong tatlong araw.
12. At ako'y bumangon sa kinagabihan, ako, at ilang lalake na kasama ko; ni hindi ko man isinaysay sa kanino man kung anong inilagak ng aking Dios sa aking puso na gawin sa ikagagaling ng Jerusalem: wala rin namang anomang hayop na kasama ako, liban sa hayop na aking sinasakyan.
13. At ako'y lumabas ng kinagabihan sa pintuang-bayan ng libis, sa makatuwid baga'y sa dako ng balon ng dragon, at sa pintuang-bayan ng tapunan ng dumi, at minasdan ko ang mga kuta ng Jerusalem, na nangabagsak, at ang mga pintuang-bayan na sinupok ng apoy.
14. Nang magkagayo'y nagpatuloy ako sa pintuang-bayan ng bukal at sa tangke ng hari: nguni't walang dakong mararaanan ang hayop sa ilalim ko.
15. Nang magkagayo'y namaybay ako ng kinagabihan sa batis, at aking minasdan ang kuta; at ako'y bumalik, at pumasok sa pintuang-bayan ng libis, at sa gayo'y pumihit ako.
16. At hindi naalaman ng mga pinuno kung saan ako naparoon, o kung ano ang ginawa ko; ni hindi ko rin isinaysay sa mga Judio, ni sa mga saserdote man, ni sa mga mahal na tao man, ni sa mga pinuno man, ni sa nalabi man na gumagawa ng gawain.
17. Nang magkagayo'y sinabi ko sa kanila, Inyong nakikita ang masamang kalagayan na kinaroroonan natin, kung paanong ang Jerusalem ay guho at ang mga pintuang-bayan nito ay nasunog sa apoy: kayo'y parito, at ating itayo ang kuta ng Jerusalem, upang tayo'y huwag nang maging kadustaan.
18. At isinaysay ko sa kanila ang kamay ng aking Dios na naging mabuti sa akin, at gayon din ang mga salita ng hari na sinalita niya sa akin. At kanilang sinabi, Magbangon tayo at magtayo. Sa gayo'y kanilang pinalakas ang kanilang mga kamay sa mabuting gawa.
19. Nguni't nang mabalitaan ni Sanballat na Horonita, at ni Tobias na lingkod, na Ammonita, at ni Gesem na taga Arabia, ay kanilang tinawanang mainam kami, at hinamak kami, at sinabi, Ano itong bagay na inyong ginagawa? manghihimagsik ba kayo laban sa hari?
20. Nang magkagayo'y sumagot ako sa kanila, at sinabi ko sa kanila, Ang Dios ng langit, siya ang magpapaginhawa sa amin: kaya't kaming kaniyang mga lingkod ay magbabangon at magtatayo: nguni't kayo'y walang bahagi, o matuwid man, o alaala man, sa Jerusalem.
11. Ang iyo bang kagandahang-loob ay ipahahayag sa libingan? O ang iyong pagtatapat sa kagibaan?
12. Malalaman ba ang mga kababalaghan mo sa dilim? At ang katuwiran mo sa lupain ng pagkalimot?
13. Nguni't sa iyo, Oh Panginoon, dumaing ako, at sa kinaumagahan ay darating ang dalangin ko sa harap mo.
14. Panginoon, bakit mo itinatakuwil ang kaluluwa ko? Bakit mo ikinukubli ang iyong mukha sa akin?
15. Ako'y nadadalamhati, at handang mamatay mula sa aking kabataan: habang aking tinitiis ang iyong mga kakilakilabot na bagay ay nakakalingat ako.
16. Ang iyong mabangis na poot ay dumaan sa akin; inihiwalay ako ng iyong mga kakilakilabot na bagay.
17. Kanilang kinulong ako na parang tubig buong araw; kinubkob ako nilang magkakasama.
18. Mangliligaw at kaibigan ay inilayo mo sa akin, at ang aking kakilala ay sa dilim.
25. Ang nasa ng tamad ay pumapatay sa kaniya; sapagka't tumatanggi ang kaniyang mga kamay sa paggawa.
26. May nagiimbot sa kasakiman buong araw: nguni't ang matuwid ay nagbibigay at hindi nagkakait.
1. Nang makapasok na nga si Festo sa lalawigan, pagkaraan ng tatlong araw ay umahon sa Jerusalem mula sa Cesarea.
2. At ang mga pangulong saserdote at ang mga maginoo sa mga Judio ay nangagbigay-alam sa kaniya laban kay Pablo; at siya'y kanilang pinamanhikan,
3. Na humihingi ng lingap laban sa kaniya, na siya'y ipahatid sa Jerusalem; na binabakayan upang siya'y mapatay sa daan.
4. Gayon ma'y sumagot si Festo, na si Pablo ay tinatanuran sa Cesarea, at siya'y paroroon sa lalong madaling panahon.
5. Kaya nga, sinabi niya, ang mga may kapangyarihan sa inyo ay magsisamang lumusong sa akin, at kung may anomang pagkakasala ang taong ito, ay isakdal siya nila.
6. At nang siya'y makatira na sa kanila na hihigit sa walo o sangpung araw, ay lumusong siya sa Cesarea: at nang kinabukasa'y lumuklok siya sa hukuman, at ipinaharap sa kaniya si Pablo.
7. At nang siya'y dumating, ay niligid siya ng mga Judio na nagsilusong na galing sa Jerusalem, na may dalang marami at mabibigat na sakdal laban sa kaniya, na pawang hindi nila mapatunayan;
8. Samantalang sinasabi ni Pablo sa kaniyang pagsasanggalang, Laban man sa kautusan ng mga Judio, ni laban sa templo, ni laban kay Cesar, ay hindi ako nagkakasala ng anoman.
9. Datapuwa't si Festo, sa pagkaibig na siya'y kalugdan ng mga Judio, ay sumagot kay Pablo, at nagsabi, Ibig mo bagang umahon sa Jerusalem, at doon ka hatulan sa mga bagay na ito sa harapan ko?
10. Datapuwa't sinabi ni Pablo, Nakatayo ako sa harapan ng hukuman ni Cesar, na doon ako dapat hatulan: wala akong ginawang anomang kasamaan sa mga Judio, gaya rin naman ng pagkatalastas mong mabuti.
11. Kung ako nga'y isang makasalanan, at nakagawa ng anomang bagay na marapat sa kamatayan, ay hindi ako tumatangging mamatay; datapuwa't kung walang katotohanan ang mga bagay na ipinagsasakdal ng mga ito laban sa akin, ay hindi ako maibibigay ninoman sa kanila. Maghahabol ako kay Cesar.
12. Nang magkagayon si Festo, nang makapagpanayam na sa Sanedrin, ay sumagot, Naghabol ka kay Cesar; kay Cesar ka paparoon.
13. Nang makaraan nga ang ilang mga araw, si Agripa na hari at si Bernice ay nangagsidating sa Cesarea, at nagsibati kay Festo.
14. At nang sila'y magsitira roong maraming araw, ay isinaysay ni Festo sa hari ang usapin ni Pablo, na sinasabi, May isang taong bilanggo na iniwan ni Felix:
15. Tungkol sa kaniya nang ako'y nasa Jerusalem, ang mga pangulong saserdote at ang mga matanda sa mga Judio ay nangagbigay-alam sa akin, na hinihinging ako'y humatol laban sa kaniya.
16. Sa kanila'y aking isinagot, na hindi kaugalian ng mga taga Roma na ibigay ang sinomang tao, hanggang hindi nahaharap ang isinasakdal sa mga nagsisipagsakdal, at siya'y magkaroon ng pagkakataong makagawa ng kaniyang pagsasanggalang tungkol sa sakdal laban sa kaniya.
17. Nang sila nga'y mangagkatipon dito, ay hindi ako nagpaliban, kundi nang sumunod na araw ay lumuklok ako sa hukuman, at ipinaharap ko ang tao.
18. Tungkol sa kaniya, nang magsitindig ang mga nagsisipagsakdal, ay walang anomang sakdal na masamang bagay na maiharap sila na gaya ng aking sinapantaha;
19. Kundi may ilang mga suliranin laban sa kaniya tungkol sa kanilang sariling relihion, at sa isang Jesus, na namatay, na pinatutunayan ni Pablo na ito'y buhay.
20. At ako, palibhasa'y naguguluhan tungkol sa kung paano kayang mapagsisiyasat ang mga bagay na ito, ay itinanong ko kung ibig niyang pumaroon sa Jerusalem at doon siya hatulan tungkol sa mga bagay na ito.
21. Datapuwa't nang makapaghabol na si Pablo na siya'y ingatan upang hatulan ng emperador, ay ipinagutos kong ingatan siya hanggang sa siya'y maipadala ko kay Cesar.
22. At sinabi ni Agripa kay Festo, Ibig ko rin sanang mapakinggan ang tao. Bukas, sinasabi niya, siya'y mapapakinggan mo.
23. Kaya't nang kinabukasan, nang dumating si Agripa, at si Bernice, na may malaking karilagan, at nang mangakapasok na sila sa hukuman na kasama ang mga pangulong kapitan at ang mga maginoo sa bayan, sa utos ni Festo ay ipinasok si Pablo.
24. At sinabi ni Festo, Haring Agripa, at lahat ng mga lalaking nangariritong kasama namin, nakikita ninyo ang taong ito, na tungkol sa kaniya'y nagsasakdal sa akin sa Jerusalem at dito naman ang buong karamihan ng mga Judio, na nangagsisigawang hindi marapat na siya'y mabuhay pa.
25. Datapuwa't aking nasumpungang siya'y walang anomang ginawang marapat sa kamatayan: at sapagka't siya rin ay naghabol sa emperador ay ipinasiya kong siya'y ipadala.
26. Tungkol sa kaniya'y wala akong alam na tiyak na bagay na maisusulat sa aking panginoon. Kaya dinala ko siya sa harapan ninyo, at lalong-lalo na sa harapan mo, haring Agripa, upang, pagkatapos ng pagsisiyasat, ay magkaroon ng sukat na maisulat.
27. Sapagka't inaakala kong di katuwiran, na sa pagpapadala ng isang bilanggo, ay hindi magpahiwatig naman ng mga sakdal laban sa kaniya.
Tagalog Bible TLBA
None