Bibliya sa isang taon

1. Israel, ito ang sinasabi ni Yahweh na lumikha sa iyo, “Huwag kang matatakot sapagkat ililigtas kita. Tinawag kita sa iyong pangalan, ikaw ay akin.
2. Kapag dumaan ka sa malalim na tubig, sasamahan kita; tumawid ka man sa mga ilog, hindi ka malulunod; dumaan ka man sa apoy, hindi ka masusunog, hindi ka matutupok.
3. Sapagkat ako si Yahweh na iyong Diyos, ang Banal na Diyos ng Israel na iyong Tagapagligtas. Ibibigay ko ang Egipto, Etiopia at Sheba bilang pantubos sa iyo upang ikaw ay makalaya.
4. Ibibigay ko ang mga bansa para lang maligtas ka, sapagkat mahalaga ka sa akin; mahal kita, kaya't pararangalan kita.
5. Huwag kang matakot, sapagkat ako'y kasama mo! Titipunin ko kayo mula sa dulong silangan hanggang sa kanluran, at ibabalik ko kayo sa inyong dating tahanan.
6. Sasabihin ko sa mga bansa sa hilaga na kayo'y palayain. Sasabihin ko rin sa mga bansa sa timog na huwag kayong pigilan, hayaan ninyong magbalik ang aking bayan, mula sa malalayong dako; mula sa lahat ng panig ng daigdig.
7. Sila ang aking bayan na aking nilalang, upang ako'y bigyan ng karangalan.”
8. Sinabi ni Yahweh, “Paharapin ninyo sa akin ang aking bayan. Sila'y may mga mata ngunit hindi nakakakita, may mga tainga ngunit hindi nakakarinig.
9. Tawagin ang mga bansa sa panahon ng paglilitis. Sino sa kanilang diyos ang makakahula sa mangyayari? Sino sa kanila ang nakahula sa nangyayari ngayon? Bayaan silang magharap ng mga saksi para patunayan ang kanilang sinasabi at patunayang sila ay tama.
10. Bayang Israel, ikaw ang saksi ko, pinili kita upang maging lingkod ko, upang makilala mo ako at manalig ka sa akin. Walang ibang Diyos maliban sa akin, walang nauna at wala ring papalit.
11. Ako ay si Yahweh, wala nang iba pa; walang ibang Tagapagligtas, maliban sa akin.
12. Noong una pa man ako'y nagpahayag na. Ako ang nagligtas sa iyo, at ang nagbalita ng lahat ng ito. Noon ay wala pa kayong kinikilalang ibang diyos; kayo ang mga saksi ko.
13. Ako ang Diyos at mananatili akong Diyos magpakailanman, walang makakatakas sa aking kapangyarihan; at walang makakahadlang sa aking ginagawa.”
14. Sinabi pa ni Yahweh, ang Tagapagligtas, at Banal na Diyos ng Israel: “Magpapadala ako ng hukbo laban sa Babilonia alang-alang sa iyo. Gigibain ko ang mga pintuan ng kanyang lunsod at mauuwi lamang sa iyakan ang kasayahan ng mga tagaroon.
15. Ako si Yahweh, ang iyong Diyos na Banal, ang Hari ng Israel na sa iyo'y lumalang!
16. Iyan ang sinasabi ni Yahweh, na siyang gumawa ng daan sa gitna ng dagat, upang maging kalsadang tawiran.
17. Siya ang nanguna upang malupig ang isang malaking hukbo. Nilipol niya ang kanilang mga kabayo. At ang kanilang mga karwahe'y winasak; sila'y nabuwal at hindi na nakabangon; parang isang ilaw na namatay ang dingas.”
18. Ito ang sabi niya: “Ilibing mo na sa limot, at huwag nang alalahanin pa, ang mga nangyari noong unang panahon.
19. Masdan mo, ako ay gagawa ng isang bagong bagay; ito'y nagaganap na, hindi mo pa ba makita? Gagawa ako ng isang daanan sa gitna ng disyerto, at magkakaroon ng ilog sa lugar na ito.
20. Pararangalan ako maging ng mababangis na hayop gaya ng mga asong-gubat at mga ostrits, sapagkat nagpabukal ako ng tubig sa disyerto, upang may mainom ang mga taong hinirang ko.
21. Nilalang ko sila upang maging aking bayan, upang ako'y kanilang laging papurihan!”
22. Sinabi ni Yahweh, “Ngunit ikaw, Israel, ang lumimot sa akin; at ayaw mo na akong sambahin.
23. Hindi ka na nagdadala ng mga tupang sinusunog bilang handog; hindi mo na ako pinaparangalan sa pamamagitan ng iyong mga hain. Hindi kita pinilit na maghandog sa akin, o pinahirapan man sa pagsusunog ng insenso.
24. Hindi mo ako ibinili ng mabangong insenso o kaya'y hinandugan man lang ng taba ng hayop. Sa halip ay gumawa ka ng maraming kasalanan, pinahirapan mo ako sa iyong kasamaan.
25. “Gayunman, ako ang Diyos na nagpatawad sa iyong mga kasalanan; hindi ko na aalalahanin pa ang iyong mga kasalanan.
26. Magharap tayo sa hukuman, patunayan mong ikaw ay may katuwiran.
27. Nagkasala sa akin ang kauna-unahan mong ninuno, gayon din ang iyong mga pinuno.
28. Ang aking santuwaryo ay nilapastangan ng iyong mga pinuno, kaya pinabayaan kong mawasak ang Israel, at mapahiya ang aking bayan.”
1. Sinabi ni Yahweh, “Ikaw Jacob, na lingkod ko, ako ay pakinggan; lahi ni Israel, ang pinili kong bayan!
2. Akong si Yahweh ang sa iyo ay lumalang; tinulungan na kita mula nang ikaw ay isilang. Huwag kang matakot, ikaw na aking lingkod, ang bayan kong minamahal.
3. Aking ibubuhos ang saganang tubig sa uhaw na lupa, sa tuyong lupa maraming batis ang padadaluyin. Ibubuhos ko sa iyong mga anak ang aking Espiritu, at ang mga liping susunod sa iyo ay pagpapalain.
4. Sila ay sisibol tulad ng damong sagana sa tubig, sila'y dadaloy tulad ng halaman sa tabi ng batis.
5. Bawat isa'y magsasabing, ‘Ako ay kay Yahweh.’ Sila ay darating upang makiisa sa Israel. Itatatak nila sa kanilang mga bisig ang pangalan ni Yahweh, at sasabihing sila'y kabilang sa bayan ng Diyos.”
6. Ang sabi ni Yahweh, ang Hari at Tagapagligtas ng Israel, ang Makapangyarihan sa lahat: “Ako ang simula at ang wakas; walang ibang diyos maliban sa akin.
7. Sino ang makakagawa ng mga ginawa ko? Sino ang makakapagsabi sa mga nangyari mula simula hanggang wakas?
8. Huwag kayong matakot, bayan ko! Alam mong sa pasimula pa'y ipinahayag ko na ang mga mangyayari; kayo'y mga saksi sa lahat ng ito. Mayroon pa bang diyos maliban sa akin? Wala nang hihigit pa sa aking kapangyarihan!”
9. Walang kuwentang tao ang mga gumagawa ng rebulto, at walang kabuluhan ang mga diyus-diyosang kanilang pinahahalagahan. Mga bulag at hangal ang sumasamba sa mga ito, kaya sila'y mapapahiya.
10. Walang idudulot na mabuti ang paggawa ng mga rebulto para sambahin.
11. Tandaan ninyo, ang sumasamba sa mga ito ay mapapahiya lamang. Ang mga gumagawa nito'y tao lamang, kaya't magsama-sama man sila at ako'y harapin, sila'y matatakot at mapapahiya rin.
12. Ang panday ay kumukuha ng isang pirasong bakal at inilalagay ito sa apoy. Pagkatapos ay pinupukpok niya ito sa pamamagitan ng kanyang malakas na bisig hanggang sa magkahugis. Sa paggawa nito, siya ay nauuhaw, nagugutom at napapagod.
13. Ang karpintero naman ay kumukuha ng isang pirasong kahoy. Ginuguhitan niya ito ng anyong tao, saka inuukit hanggang sa mayari ang isang magandang imahen. Pagkatapos, ilalagay niya ito sa kanyang bahay.
14. Pumipili siya at pumuputol ng isang matigas na kahoy sa gubat tulad ng sedar, ensina at sipres. Maaari din siyang magtanim ng laurel at ito ay hintaying lumaki habang dinidilig ng ulan.
15. Ang kaputol na kahoy nito ay ginagawang panggatong at ang kaputol naman ay ginagawang diyus-diyosan. Ang isang piraso ay iginagatong para magbigay ng init sa kanya at para igatong sa pagluluto. Ang isang piraso ay ginagawang rebulto para sambahin.
16. Ang ibang piraso ng kahoy ay ginagawang panggatong. Dito siya nag-iihaw ng karne at nasisiyahan siyang kumain nito. Kung nadarama niya ang init ng apoy ay nasasabi niya ang ganito: “Salamat at hindi na ako giniginaw!”
17. Ang natirang kahoy ay ginagawa nga niyang diyos na kanyang niluluhuran at sinasamba. Dumadalangin siya sa rebulto, “Iligtas mo ako sapagkat ikaw ang aking diyos!”
18. Ang mga taong gayon ay mga mangmang at hindi inuunawa ang kanilang ginagawa. Tinakpan nila ang kanilang mga mata at sinarhan ang isipan sa katotohanan.
19. Hindi na nila naisip na ang kaputol ng ginawa nilang rebulto ay ginamit na panggatong sa pagluluto ng tinapay at karneng kanilang kinain. Hindi man lamang nila itinanong sa kanilang sarili kung hindi kaya karumal-dumal ang sumamba sa isang pirasong kahoy.
20. Ang mga gumagawa nito'y parang kumakain ng abo. Lubusan na siyang nailigaw ng kanyang maling paniniwala at mahirap nang ituwid. At hindi siya papayag na ang rebultong hawak niya ay hindi mga diyos.
21. Sinabi ni Yahweh, “Tandaan mo Israel, ikaw ay aking lingkod. Nilalang kita upang maglingkod sa akin. Hindi kita kakalimutan.
22. Ang pagkakasala mo'y pinawi ko na, naglahong ulap ang katulad; Ika'y manumbalik dahil tinubos na kita at pinalaya.
23. Magdiwang kayo, kalangitan! Gayundin kayo, kalaliman ng lupa! Umawit kayo, mga bundok at kagubatan, sapagkat nahayag ang karangalan ni Yahweh nang iligtas niya ang bansang Israel.
24. “Akong si Yahweh, na iyong Tagapagligtas, ang lumikha sa iyo: Ako ang lumikha ng lahat ng bagay. Ako lamang mag-isa ang nagladlad nitong kalangitan, at nag-iisa ring lumikha ng sanlibutan.
25. Aking binibigo ang mga sinungaling na propeta at ang mga manghuhula; ang mga marurunong ay ginagawang mangmang, at ang dunong nila'y ginawang kahangalan.
26. Ngunit ang pahayag ng mga lingkod ko'y pawang nagaganap, at ang mga payo ng aking mga sugo ay natutupad; ako ang maysabing darami ang tao sa Jerusalem, muling itatayo ang mga gumuhong lunsod sa Juda.
27. Isang utos ko lamang, natutuyo ang karagatan.
28. Ang sabi ko kay Ciro, ‘Ikaw ang gagawin kong tagapamahala. Susundin mo ang lahat ng ipapagawa ko sa iyo. Ang Jerusalem ay muli mong ipatatayo, gayundin ang mga pundasyon ng Templo.’”
1. Sinabi ni Yahweh, sa aking Panginoon, “Maupo ka sa kanan ko, hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.”
2. Magmula sa dakong Zion, ay palalawakin niya ang lupaing iyong sakop; “At lahat ng kaaway mo'y sakupin at pagharian,” gayon ang kanyang utos.
3. Sasamahan ka ng madla, kung dumating ang panahong lusubin ka ng kaaway; magmula sa mga bundok, lalabas at sasamahan ka ng mga kabataan.
4. Si Yahweh ay may pangako at ang kanyang sinabi, hinding-hindi magbabago: “Ikaw ay pari magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melquisedec.”
5. Si Yahweh ay naroroong nakaupo sa kanan mo, at kapag siya ay nagalit, ang lahat ng mga hari ay tiyak na malulupig.
6. Siya'y hukom na hahatol sa lahat ng mga bansa; sa labanang walang puknat, marami ang malalagas! Sapagkat ang mga hari'y lulupigin niyang lahat.
7. Sa batis sa lansangan, itong hari ay iinom, at sisigla ang katawan; sa lakas na tataglayin, matatamo ang tagumpay.
5. Sagutin mo ang mangmang ayon sa kanyang kahangalan, upang hindi niya isipin na siya'y may katuwiran.
6. Ang magpadala ng balita sa mangmang ay napakadelikado, para mo na ring tinaga ang mga paa mo.
7. Kung ang paang pilay ay walang kabuluhan, ganoon din ang kawikaan sa bibig ng mangmang.
8. Ang isang papuring sa mangmang iniukol ay parang batong nakatali sa balat ng tirador.
9. Ang isang kawikaan sa bibig ng mangmang, ay tulad ng tinik sa kamay ng lasing.
1. Ito ang ibig kong sabihin: habang bata pa ang tagapagmana, hindi siya nakakahigit sa isang alipin kahit na siya ang may-ari ng lahat.
2. Sa halip, siya'y nasa ilalim pa ng mga tagapangasiwa at mga katiwala hanggang sa panahong itinakda ng kanyang ama.
3. Gayundin naman, tayo noon ay nasa ilalim ng mga tuntuning umiiral sa sanlibutang ito hanggang sa tayo'y dumating sa hustong gulang.
4. Ngunit nang sumapit ang tamang panahon, isinugo ng Diyos ang kanyang Anak na isinilang ng isang babae at namuhay sa ilalim ng Kautusan
5. upang palayain ang mga nasa ilalim ng Kautusan. Sa gayon, tayo'y maituturing na mga anak ng Diyos.
6. At dahil kayo'y mga anak ng Diyos, isinugo niya ang Espiritu ng kanyang Anak sa ating mga puso, na tumatawag sa Diyos ng “Ama, Ama ko!”
7. Ginawa na kayo ng Diyos na mga anak at hindi na mga alipin, at kung gayon kayo'y mga tagapagmana niya.
8. Noong hindi pa ninyo nakikilala ang Diyos, kayo'y alipin ng mga bagay na hindi totoong mga diyos.
9. Ngunit ngayong nakikilala na ninyo ang Diyos, o mas tamang sabihin, ngayong nakikilala na kayo ng Diyos, bakit kayo bumabalik sa mga tuntuning walang bisa at walang halaga? Bakit gusto na naman ninyong paalipin sa mga iyon?
10. May itinatangi kayong mga araw, mga buwan, mga panahon at mga taon!
11. Nangangamba akong baka nasayang lamang ang pagpapagal ko para sa inyo.
12. Nakikiusap ako sa inyo mga kapatid, tularan ninyo ako, sapagkat ako'y naging katulad na ninyo. Wala kayong ginawang masama sa akin.
13. Alam naman ninyong ang pagkakasakit ko noon ang naging dahilan kaya ko ipinangaral sa inyo ang Magandang Balita.
14. Gayunman, hindi ninyo ako itinakwil o hinamak, kahit na naging pagsubok sa inyo ang aking karamdaman. Sa halip, tinanggap ninyo ako na parang anghel ng Diyos, at para pa ngang si Cristo Jesus!
15. Nasaan na ngayon ang kasiyahang iyon? Ako mismo ang makakapagpatotoo na kung maaari nga lamang pati ang inyong mga mata'y dudukitin ninyo at ibibigay sa akin noon.
16. Ngayon, ituturing ba ninyo akong kaaway dahil sa sinasabi ko sa inyo ang katotohanan?
17. Pinapahalagahan nga kayo ng mga taong iyan, ngunit hindi mabuti ang kanilang layunin. Nais lamang nila kayong ilayo sa akin upang sila ang inyong pahalagahan.
18. Hindi masama ang magpahalaga, kung mabuti ang layunin at hindi kung kaharap lamang ninyo ako!
19. Mga anak ko, dahil sa inyo'y minsan pa akong nagdaranas ng hirap tulad ng babaing nanganganak, hanggang sa ganap na mabuo si Cristo sa inyo.
20. Sana'y kasama ko kayo ngayon upang maiba ang tono ng aking pagsasalita sapagkat gulung-gulo ang isip ko tungkol sa inyo.
21. Sabihin nga ninyo sa akin, kayong nagnanais mapasailalim ng Kautusan, hindi ba ninyo naririnig ang sinasabi ng Kautusan?
22. Sinasabi roon na si Abraham ay nagkaanak ng dalawang lalaki, isa sa aliping babae at isa sa malayang babae.
23. Ang anak niya sa aliping babae ay ipinanganak ayon sa kagustuhan ng tao, ngunit ang anak niya sa malayang babae ay ipinanganak bilang katuparan ng pangako ng Diyos.
24. Ito'y isang paghahambing. Ang dalawang babae ay larawan ng dalawang kasunduan, ang isa ay ang tipan sa Bundok ng Sinai na kinakatawan ni Hagar at ng kanyang mga anak, na pawang mga alipin.
25. Si Hagar ay kumakatawan sa Bundok ng Sinai na nasa Arabia, at larawan ng kasalukuyang Jerusalem sapagkat siya'y nasa pagkaalipin, kasama ng kanyang mga mamamayan.
26. Ngunit ang Jerusalem na nasa langit ay malaya, at siya ang ating ina.
27. Ayon sa nasusulat, “Magsaya ka, O babaing hindi magkaanak! Humiyaw ka sa galak, ikaw na hindi pa nakaranas ng hirap sa panganganak! Sapagkat higit na marami ang anak ng babaing nangungulila kaysa babaing may asawa.”
28. Mga kapatid, tulad ni Isaac, tayo'y mga anak ayon sa pangako.
29. Kung noong una, ang ipinanganak ayon sa Espiritu ay inuusig ng ipinanganak ayon sa kagustuhan ng tao, gayundin naman ngayon.
30. Ngunit ganito ang sinasabi ng kasulatan, “Palayasin mo ang babaing alipin at ang kanyang anak, sapagkat ang anak ng alipin ay hindi dapat makibahagi sa mana ng anak ng malaya.”
31. Kaya nga, mga kapatid, hindi tayo anak ng alipin kundi ng malaya.
Tagalog Bible 2012
New Testament 2012 Philippine Bible Society Old Testament 2005 Philippine Bible Society