Bibliya sa isang taon

1. Nang ikawalong buwan, nang ikalawang taon ni Dario, dumating ang salita ng Panginoon kay Zacarias na anak ni Berechias, na anak ni Iddo, na propeta, na nagsasabi,
2. Ang Panginoo'y totoong naghinanakit sa inyong mga magulang.
3. Kaya't sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Manumbalik kayo sa akin, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, at ako'y manunumbalik sa inyo, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
4. Huwag kayong maging gaya ng inyong mga magulang, na siyang mga pinagsabihan ng mga unang propeta, na nangagsabi, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Manumbalik kayo ngayon na mula sa inyong mga masamang lakad, at sa inyong mga masamang gawain: nguni't hindi nila dininig, o pinakinggan man ako, sabi ng Panginoon.
5. Ang inyong mga magulang, saan nangandoon sila? at ang mga propeta, nangabubuhay baga sila ng magpakailan man?
6. Nguni't ang aking mga salita at ang aking mga palatuntunan, na aking iniutos sa aking mga lingkod na mga propeta, hindi baga nagsiabot sa inyong mga magulang? at sila'y nanumbalik at nangagsabi, Kung paano ang inisip na gawin ng Panginoon ng mga hukbo sa amin, ayon sa aming mga lakad, at ayon sa aming mga gawa, gayon ang ginawa niya sa amin.
7. Nang ikadalawang pu't apat na araw ng ikalabing isang buwan, na siyang buwan ng Sebath, nang ikalawang taon ni Dario, dumating ang salita ng Panginoon kay Zacarias, na anak ni Berechias, na anak ni Iddo, na propeta, na nagsasabi,
8. Aking nakita sa gabi, at, narito, ang isang lalaking nakasakay sa isang mapulang kabayo, at siya'y tumayo sa mga puno ng mirto, na nasa pinakamababa; at sa likuran niya'y may mga kabayong mapula, alazan, at maputi.
9. Nang magkagayo'y sinabi, Oh Panginoon ko, ano ang mga ito? At ang anghel na nakikipagusap sa akin ay nagsabi sa akin, Aking ipakikita sa iyo kung ano-ano ang mga ito.
10. At ang lalake na nakatayo sa mga puno ng mirto ay sumagot at nagsabi, Ang mga ito yaong mga sinugo ng Panginoon na magsilibot sa lupa.
11. At sila'y nagsisagot sa anghel ng Panginoon na nakatayo sa mga puno ng mirto, at nagsabi, Aming nilibot ang lupa, at, narito, ang buong lupa ay tahimik, at tiwasay.
12. Nang magkagayo'y ang anghel ng Panginoon ay sumagot at nagsabi, Oh Panginoon ng mga hukbo, hanggang kailan mawawalan ka ng habag sa Jerusalem at sa mga bayan ng Juda, laban sa iyong mga kinagalitan nitong pitong pung taon?
13. At ang Panginoo'y sumagot sa anghel na nakikipagusap sa akin ng mga mabuting salita, ng mga salitang pangaliw.
14. Sa gayo'y ang anghel na nakikipagusap sa akin ay nagsabi sa akin. Ikaw ay humiyaw, na iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Ako'y naninibugho sa Jerusalem at sa Sion ng malaking paninibugho.
15. At ako'y totoong naghihinanakit sa mga bansa na mga tiwasay; sapagka't ako'y naghinanakit ng kaunti, at sila'y nagsitulong ng pagbubungad ng kadalamhatian.
16. Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, Ako'y nagbalik sa Jerusalem na may taglay na mga pagkahabag; ang aking bahay ay matatayo roon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, at isang pising panukat ay mauunat sa ibabaw ng Jerusalem.
17. Humiyaw ka pa uli, na iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Ang aking mga bayan ay sasagana dahil sa pagkasulong; at aaliwin pa ng Panginoon ang Sion, at pipiliin pa ang Jerusalem.
18. At aking itinanaw ang aking mga mata, at aking nakita, at, narito, ang apat na sungay.
19. At aking sinabi sa anghel na nakikipagusap sa akin, Ano ang mga ito? At siya'y sumagot sa akin, Ito ang mga sungay sa nagpangalat sa Juda, sa Israel, at sa Jerusalem.
20. At ipinakita sa akin ng Panginoon ang apat na panday.
21. Nang magkagayo'y sinabi ko, Ano ang ipinaritong gawin ng mga ito? At siya'y nagsalita na nagsabi, Ito ang mga sungay na nagpangalat sa Juda, na anopa't walang lalake na nagtaas ng kaniyang ulo; nguni't ang mga ito'y naparito upang takutin sila, upang ihulog ang mga sungay ng mga bansa, na nagtaas ng kanilang mga sungay laban sa lupain ng Juda upang pangalatin.
1. At aking itinanaw ang aking mga mata, at aking nakita at, narito, ang isang lalake na may panukat na pisi sa kaniyang kamay.
2. Nang magkagayo'y sinabi ko, Saan ka paroroon? At sinabi niya sa akin, Upang sukatin ang Jerusalem, upang tingnan kung gaano ang luwang, at kung gaano ang haba.
3. At, narito, ang anghel na nakikipagusap sa akin ay umalis, at ibang anghel ay lumabas na sumalubong sa kaniya,
4. At sinabi sa kaniya, Tumakbo ka, iyong salitain sa binatang ito, na sabihin, Ang Jerusalem ay tatahanan na parang mga nayon na walang mga kuta, dahil sa karamihan ng mga tao at hayop doon.
5. Sapagka't ako, sabi ng Panginoon, ay magiging sa kaniya'y isang kutang apoy sa palibot, at ako'y magiging kaluwalhatian sa gitna niya.
6. Oy, oy, magsitakas kayo mula sa lupain ng hilagaan, sabi ng Panginoon; sapagka't kayo'y aking pinangalat na parang apat na hangin sa himpapawid, sabi ng Panginoon.
7. Oy Sion, tumanan ka, ikaw na tumatahan na kasama ng anak na babae ng Babilonia.
8. Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Dahil sa kaluwalhatian ay sinugo niya ako sa mga bansa na nanamsam sa inyo; sapagka't ang humihipo sa inyo, ay humihipo sa itim ng kaniyang mata.
9. Sapagka't narito, aking ikukumpas ang aking kamay sa kanila, at sila'y magiging samsam niyaong nangaglilingkod sa kanila; at inyong malalaman na ang Panginoon ng mga hukbo ang nagsugo sa akin.
10. Ikaw ay umawit at magalak, Oh anak na babae ng Sion; sapagka't narito, ako'y naparirito, at ako'y tatahan sa gitna mo, sabi ng Panginoon.
11. At maraming bansa ay magpipisan sa Panginoon sa araw na yaon, at magiging aking bayan; at ako'y tatahan sa gitna mo, at iyong malalaman na ang Panginoon ng mga hukbo ay siyang nagsugo sa akin sa iyo.
12. At mamanahin ng Panginoon ang Juda na pinaka bahagi niya sa banal na lupain at pipiliin pa ang Jerusalem.
13. Tumahimik ang lahat na tao, sa harap ng Panginoon; sapagka't siya'y gumising na sa kaniyang banal na tahanan.
1. At ipinakita niya sa akin si Josue na pangulong saserdote na nakatayo sa harap ng anghel ng Panginoon, at si Satanas na nakatayo sa kaniyang kanan upang maging kaniyang kaaway.
2. At sinabi ng Panginoon kay Satanas, Sawayin ka nawa ng Panginoon, Oh Satanas; oo, ang Panginoon na pumili ng Jerusalem ay sumaway nawa sa iyo: di baga ito'y isang dupong na naagaw sa apoy?
3. Si Josue nga ay nabibihisan ng maruming kasuutan, at nakatayo sa harap ng anghel.
4. At siya'y sumagot at nagsalita sa mga yaon na nangakatayo sa harap niya, na nagsabi, Hubarin ninyo ang mga maruming suot sa kaniya. At sa kaniya'y kaniyang sinabi, Narito, aking pinaram ang iyong kasamaan, at aking susuutan ka ng mainam na kasuutan.
5. At aking sinabi, Suutan siya nila ng isang magandang mitra sa kaniyang ulo. Sa gayo'y sinuutan siya ng magandang mitra sa kaniyang ulo, at sinuutan siya ng mga kasuutan; at ang anghel ng Panginoon ay nakatayo sa siping.
6. At ang anghel ng Panginoon ay tumutol kay Josue, na nagsabi,
7. Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Kung ikaw ay lalakad sa aking mga daan, at kung iyong iingatan ang aking bilin, iyo nga ring hahatulan ang aking bayan, at iyo ring iingatan ang aking mga looban, at bibigyan kita ng kalalagyan sa gitna ng mga ito na nangakaharap.
8. Dinggin mo ngayon, Oh Josue, na pangulong saserdote, dinggin mo, at ng iyong mga kasama na nangakaupo sa harap mo; sapagka't sila'y mga taong pinaka tanda: sapagka't narito, aking ilalabas ang aking lingkod na Sanga.
9. Sapagka't, narito, ang bato na aking inilagay sa harap ni Josue; sa ibabaw ng isang bato ay may pitong mata: narito, aking iuukit ang ukit niyaon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, at aking aalisin ang kasamaan ng lupaing yaon sa isang araw.
10. Sa araw na yaon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, tatawagin ng bawa't isa sa inyo ang kaniyang kapuwa sa lilim ng puno ng ubas, at sa lilim ng puno ng igos.
12. Purihin mo ang Panginoon, Oh Jerusalem; purihin mo ang iyong Dios, Oh Sion.
13. Sapagka't kaniyang pinatibay ang mga halang ng iyong mga pintuang-bayan; kaniyang pinagpala ang iyong mga anak sa loob mo.
14. Siya'y gumagawa ng kapayapaan sa iyong mga hangganan; kaniyang binubusog ka ng pinakamainam na trigo.
15. Kaniyang sinusugo ang kaniyang utos sa lupa; ang kaniyang salita ay tumatakbong maliksi.
16. Siya'y nagbibigay ng nieve na parang balahibo ng tupa; siya'y nagkakalat ng eskarcha na parang abo.
17. Kaniyang inihahagis na parang putol na maliit ang kaniyang hielo: sinong makatatagal sa harap ng lamig niyaon?
18. Kaniyang pinahahatdan ng salita, at tinutunaw: kaniyang pinahihihip ang kaniyang hangin, at ang tubig ay pinaagos.
19. Kaniyang ipinabatid ang kaniyang salita sa Jacob, ang kaniyang mga palatuntunan at mga kahatulan sa Israel.
20. Siya'y hindi gumawa ng gayon sa alin mang bansa: at tungkol sa kaniyang mga kahatulan, hindi nila nalaman. Purihin ninyo ang Panginoon.
21. Sa tatlong bagay ay nanginginig ang lupa, at sa apat na hindi niya madala:
22. Sa isang alipin, pagka naghahari; at sa isang mangmang, pagka nabubusog ng pagkain;
23. Sa isang babaing nakayayamot, pagka nagaasawa; at sa isang aliping babae, na nagmamana sa kaniyang panginoong babae.
1. At narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa santuario, na nagsasabi sa pitong anghel, Humayo kayo, at ibuhos ninyo ang pitong mangkok ng kagalitan ng Dios sa lupa.
2. At humayo ang una, at ibinuhos ang kaniyang mangkok sa lupa; at naging sugat na masama at mabigat sa mga taong may tanda ng hayop na yaon, at nangagsisamba sa kaniyang larawan.
3. At ibinuhos ng ikalawa ang kaniyang mangkok sa dagat; at naging dugo na gaya ng isang patay; at bawa't kaluluwang may buhay, sa makatuwid ay ang nangasa dagat ay nangamatay.
4. At ibinuhos ng ikatlo ang kaniyang mangkok sa mga ilog at sa mga bukal ng tubig; at nangaging dugo.
5. At narinig ko ang anghel ng tubig na nagsasabi, Matuwid ka, na ngayon at nang nakaraan, Oh Banal, sapagka't humatol ka na gayon;
6. Sapagka't ibinuhos nila ang dugo ng mga banal at ng mga propeta, at pinainom mo sila ng dugo; ito'y karapatdapat sa kanila.
7. At narinig ko ang dambana na nagsasabi, Oo, Oh Panginoong Dios, na Makapangyarihan sa lahat, tunay at matuwid ang iyong mga hatol.
8. At ibinuhos ng ikaapat ang kaniyang mangkok sa araw; at ibinigay nito sa kaniya ng masunog ng apoy ang mga tao.
9. At nangasunog ang mga tao sa matinding init: at sila'y namusong sa pangalan ng Dios na may kapangyarihan sa mga salot na ito; at hindi sila nangagsisi upang siya'y luwalhatiin.
10. At ibinuhos ng ikalima ang kaniyang mangkok sa luklukan ng hayop na yaon; at nagdilim ang kaniyang kaharian; at nginatngat nila ang kanilang mga dila dahil sa hirap,
11. At sila'y namusong sa Dios ng langit dahil sa kanilang mga hirap at sa kanilang mga sugat; at hindi sila nangagsisi sa kanilang mga gawa.
12. At ibinuhos ng ikaanim ang kaniyang mangkok sa malaking ilog na Eufrates; at natuyo ang tubig nito, upang mahanda ang dadaanan ng mga haring mula sa sikatan ng araw.
13. At nakita kong lumabas sa bibig ng dragon, at sa bibig ng hayop, at sa bibig ng bulaang propeta, ang tatlong espiritung karumaldumal, na gaya ng mga palaka:
14. Sapagka't sila'y mga espiritu ng mga demonio, na nagsisigawa ng mga tanda; na pinaparoonan nila ang mga hari sa buong sanglibutan, upang tipunin sa pagbabaka sa dakilang araw ng Dios, na Makapangyarihan sa lahat.
15. (Narito, ako'y pumaparitong gaya ng magnanakaw. Mapalad siyang nagpupuyat, at nagiingat ng kaniyang mga damit, na baka siya'y lumakad na hubad, at makita nila ang kaniyang kahihiyan.)
16. At tinipon sila sa dako na sa Hebreo ay tinatawag na Armagedon.
17. At ibinuhos ng ikapito ang kaniyang mangkok sa hangin; at lumabas sa santuario ang isang malakas na tinig, mula sa luklukan na nagsasabi, Nagawa na:
18. At nagkaroon ng mga kidlat, at mga tinig, at mga kulog; at nagkaroon ng malakas na lindol, na di nangyari kailan man mula nang magkatao sa lupa, isang lindol na lubhang malakas, lubhang kakilakilabot.
19. At ang dakilang bayan ay nabahagi sa tatlo, at ang mga bayan ng mga bansa ay nangaguho: at ang dakilang Babilonia ay napagalaala sa paningin ng Dios, upang siya'y bigyan ng inuman ng alak ng kabagsikan ng kaniyang kagalitan.
20. At tumakas ang bawa't pulo, at ang mga bundok ay hindi nangasumpungan.
21. At malaking granizo na kasinglaki ng talento ay lumagpak sa mga tao buhat sa langit, at namusong ang mga tao sa Dios dahil sa salot na granizo; sapagka't ang salot na ito ay lubhang malaki.
Tagalog Bible TLBA
None