1. At nagsalita ang PANGINOON kay Moises sa bundok ng Sinai, na sinasabi,
2. "Magsalita ka sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila: Pagdating ninyo sa lupaing ibinibigay ko sa inyo, ang lupain ay mangingilin ng isang Sabbath sa PANGINOON.
3. Anim na taong hahasikan mo ang iyong bukid, at anim na taong pupungusan mo ang iyong ubasan, at titipunin mo ang kanyang bunga.
4. Subalit ang ikapitong taon ay magiging ganap na kapahingahan sa lupain, isang Sabbath sa PANGINOON; huwag mong hahasikan ang iyong bukid, ni pupungusan ang iyong ubasan.
5. Huwag mong aanihin ang kusang tumubo sa iyong inanihan, at huwag mong titipunin ang mga ubas ng iyong ubasan na hindi mo inalagaan; iyon ay magiging taon ng ganap na kapahingahan sa lupain.
6. At ang bunga sa Sabbath ng lupain ay magiging pagkain mo, at ng iyong aliping lalaki at aliping babae, ng iyong upahang lingkod, ng mga dayuhang naninirahang kasama mo;
7. ng iyong hayupan at ng mababangis na hayop na nasa iyong lupain. Lahat ng bunga niyon ay magiging inyong pagkain.
8. "Bibilang ka ng pitong Sabbath ng taon, makapitong pitong taon; at lahat ng mga araw ng pitong Sabbath ng mga taon ay magiging apatnapu't siyam na taon sa inyo.
9. At iyong patutunugin nang malakas ang trumpeta sa ikasampung araw ng ikapitong buwan; sa araw ng pagtubos ay patutunugin mo ang tambuli sa inyong buong lupain.
10. Ipangingilin ninyo ang ikalimampung taon, at ipahahayag ninyo ang kalayaan sa buong lupain sa lahat ng mga mamamayan; at ito'y magiging jubileo sa inyo; at ang bawat isa sa inyo ay babalik sa kanyang sariling ari-arian, at ang bawat isa sa inyo ay babalik sa kanyang sariling sambahayan.
11. Ang ikalimampung taon ay taon ng pagdiriwang para sa inyo, huwag kayong maghahasik ni aanihin ang tumubo sa kanyang sarili, ni titipunin ang mula sa ubasang hindi inalagaan;
12. sapagkat ito ay kapistahan ng pagdiriwang; ito ay banal sa inyo. Kakainin ninyo ang bunga niyan sa bukid.
13. "Sa taong ito ng pagdiriwang, ang bawat isa sa inyo ay babalik sa kanyang ari-arian.
14. Kung ikaw ay magbili ng anuman sa iyong kapwa o bumili ng anuman sa kamay ng iyong kapwa, ang bawat isa sa inyo ay huwag manlamang sa kanyang kapatid.
15. Ayon sa bilang ng mga taon pagkaraan ng pagdiriwang, ay bibili ka sa iyong kapwa, ayon sa bilang ng taon ng mga pananim, ay magbibili siya sa iyo.
16. Ayon sa dami ng mga taon ay daragdagan mo ang halaga niyan, at ayon sa kakauntian ng mga taon ay babawasan mo ang halaga niyan; sapagkat ipinagbibili niya sa iyo ang bilang ng mga pananim.
17. Huwag aapihin ng sinuman ang kanyang kapwa, kundi matatakot kayo sa inyong Diyos, sapagkat ako ang PANGINOON ninyong Diyos.
18. "Kaya't inyong tutuparin ang aking mga batas, at inyong iingatan ang aking mga tuntunin at inyong isasagawa ang mga iyon; at maninirahan kayong tiwasay sa lupain.
19. Ang lupain ay magbubunga, at kakain kayo hanggang sa mabusog at maninirahan kayong tiwasay doon.
20. At kapag sinabi ninyo, 'Anong aming kakainin sa ikapitong taon kung hindi kami maghahasik ni magtitipon ng aming mga bunga?'
21. Aking iuutos ang aking pagpapala sa inyo sa ikaanim na taon, at magkakaroon ng bunga para sa tatlong taon.
22. "Kapag naghasik kayo sa ikawalong taon, kakainin ninyo ang mula sa dating inani hanggang sa ikasiyam na taon, hanggang sa pagdating ng kanyang bunga ay kakainin ninyo ang dating inani.
23. Ang lupain ay hindi maipagbibili magpakailanman, sapagkat akin ang lupain. Kayo'y mga dayuhan at nakikipamayang kasama ko.
24. Kayo ay magkakaloob ng pantubos sa lupain sa buong lupain na inyong pag-aari.
25. "Kung ang iyong kapatid ay naghirap, at ipinagbili ang bahagi ng kanyang mga pag-aari, ang kanyang pinakamalapit na kamag-anak ay darating at tutubusin ang ipinagbili ng kanyang kapatid.
26. Subalit kung ang isang tao ay walang manunubos, at siya'y masagana at nagkaroon ng kakayahang tubusin ito,
27. kanyang bibilangin ang mga taon simula nang ito'y ipagbili, at isasauli ang labis sa taong kanyang pinagbilhan; at babalik siya sa kanyang pag-aari.
28. Ngunit kung siya'y walang sapat upang maibalik sa kanya, kung gayon ang ipinagbili niya ay mapapasa kamay ng bumili nito hanggang sa taon ng pagdiriwang; at sa pagdiriwang, ito ay bibitiwan at siya ay babalik sa kanyang pag-aari.
29. "At kapag ang isang tao ay nagbili ng kanyang tirahang bahay sa isang napapaderang lunsod, maaari niya itong tubusin sa loob ng isang taon pagkatapos na ito'y maipagbili sapagkat sa buong taon ay magkakaroon siya ng karapatang tumubos.
30. Kung hindi matubos hanggang sa ang isang buong taon ay matapos, kung gayon ang bahay na nasa napapaderang lunsod ay mananatili magpakailanman sa bumili, sa buong panahon ng kanyang lahi; hindi ito mababawi sa panahon ng pagdiriwang.
31. Ngunit ang mga bahay sa mga nayon na walang pader sa palibot ay ibibilang na mga bukirin sa lupain. Ito ay matutubos at ito ay mababawi sa panahon ng pagdiriwang.
32. Tungkol naman sa lunsod ng mga Levita, sa mga bahay sa mga lunsod na kanilang pag-aari, ang mga Levita ay makakatubos sa anumang panahon.
33. Ang gayong ari-arian na maaaring tubusin mula sa mga Levita, mga bahay na ipinagbili na nasa kanilang pag-aari, ay bibitiwan sa panahon ng pagdiriwang, sapagkat ang mga bahay sa mga lunsod ng mga Levita ay kanilang pag-aari sa gitna ng mga anak ni Israel.
34. At ang bukid, ang mga bukas na lupain sa kanilang mga lunsod, ay hindi maipagbibili sapagkat ito ay isang walang hanggang pag-aari.
35. "Kung naghirap ang iyong kapatid at hindi kayang buhayin ang sarili, ay iyo siyang aalalayan. Mamumuhay siyang kasama mo bilang isang dayuhan at nakikipanuluyan.
36. Huwag kang kukuha sa kanya ng patubo o pakinabang, kundi matakot ka sa iyong Diyos; hayaan mo siyang mabuhay na kasama mo.
37. Huwag kang magbibigay sa kanya ng salapi na may patubo, at huwag mong ibibigay ang iyong pagkain na may pakinabang.
38. Ako ang PANGINOON ninyong Diyos, na naglabas sa inyo sa lupain ng Ehipto, upang ibigay sa inyo ang lupain ng Canaan at maging inyong Diyos.
39. "At kung ang iyong kapatid na kasama mo ay naghirap at ipinagbili sa iyo, huwag mong iaatang sa kanya ang paglilingkod ng isang alipin.
40. Siya'y makakasama mo bilang isang upahang lingkod at bilang isang nakikipanirahan; siya'y maglilingkod sa iyo hanggang sa taon ng pagdiriwang.
41. Pagkatapos ay aalis siya sa iyo, siya at ang kanyang mga anak, at babalik siya sa kanyang sariling sambahayan, at babalik sa pag-aari ng kanyang mga magulang.
42. Sapagkat sila'y aking mga lingkod na inilabas ko mula sa lupain ng Ehipto; sila'y hindi maipagbibili bilang mga alipin.
43. Huwag kang mamumuno sa kanya na may kabagsikan, at ikaw ay matakot sa iyong Diyos.
44. Tungkol sa iyong mga aliping lalaki at aliping babae na maaaring mayroon ka mula sa mga bansang nasa palibot ninyo, sila'y bibilhin ninyo bilang mga aliping lalaki at aliping babae.
45. Maaari din kayong bumili mula sa mga anak ng mga dayuhan na nakikipanirahan sa inyo, at sa kanilang mga sambahayan na kasama ninyo, na kanilang ipinanganak sa inyong lupain, at sila'y magiging inyong pag-aari.
46. At sila'y inyong kukunin bilang pamana sa inyong mga anak pagkamatay ninyo upang maging pag-aari; maiaatang ninyo sa kanila ang paglilingkod magpakailanman. Ngunit sa inyong mga kamag-anak na mga anak ni Israel ay huwag kayong mamumuno na may kabagsikan.
47. "Kung ang dayuhan o ang nakikipanirahang kasama mo ay yumaman, at ang iyong kamag-anak ay naghirap, at ipinagbili ang sarili sa dayuhan o sa nakikipanirahan sa iyo o sa sinumang kasambahay na dayuhan;
48. pagkatapos na siya'y maipagbili ay maaari siyang tubusin. Isa sa kanyang mga kapatid ang makakatubos sa kanya,
49. o ang kanyang amain o ang anak ng kanyang amain ay makakatubos sa kanya; o sinumang malapit na kamag-anak sa kanyang sambahayan ay makakatubos sa kanya. Kung magkaroon siyang kakayahan ay matutubos niya ang kanyang sarili.
50. At kanyang bibilangang kasama ng bumili sa kanya ang mga taon, mula sa taong bilhin siya hanggang sa taon ng pagdiriwang. Ang halaga ng pagkabili sa kanya ay magiging ayon sa bilang ng mga taon, ayon sa panahon ng isang upahan ay gayon ang sa kanya.
51. Kung maraming taon pa ang kulang niya, ayon sa dami ng mga iyan, ay isasauli niya ang halaga ng pagkatubos sa kanya sa salaping sa kanya'y ibinili.
52. At kung kakaunti na lamang ang mga taong nalalabi hanggang sa taon ng pagdiriwang, bibilangin niya ang mga taong nalalabi at isasauli niya ang halaga ng kanyang pagkatubos.
53. Kung paano ang upahan sa taun-taon ay gayon siya maninirahan sa kanya; siya'y huwag maghahari sa kanya na may kabagsikan sa iyong paningin.
54. Kung hindi siya tubusin sa mga ganitong paraan, siya ay aalis sa taon ng pagdiriwang, siya at ang kanyang mga anak.
55. Sapagkat ang mga anak ni Israel ay mga lingkod ko. Sila'y aking mga lingkod na inilabas ko sa lupain ng Ehipto: Ako ang PANGINOON ninyongDiyos.
6. Ang PANGINOON ay purihin! Sapagkat narinig niya ang tinig ng aking mga daing.
7. Ang PANGINOON ang aking lakas at aking kalasag; sa kanya ang aking puso ay nagtitiwala, kaya't ako'y natutulungan, at ang aking puso ay nagagalak, at sa pamamagitan ng aking awit ako sa kanya'y nagpapasalamat.
8. Ang PANGINOON ang lakas ng kanyang bayan, siya ang nagliligtas na kanlungan ng kanyang pinahiran.
9. Iligtas mo ang iyong bayan, at ang iyong pamana ay basbasan, maging pastol ka nila, at buhatin mo sila magpakailanman.
19. Sa dami ng mga salita ay hindi mawawalan ng pagsalangsang, ngunit siyang nagpipigil ng kanyang mga labi ay may karunungan.
20. Ang dila ng matuwid ay piling pilak ang katulad, ang isipan ng masama ay maliit ang katumbas.
21. Ang mga labi ng matuwid ay nagpapakain ng marami, ngunit ang hangal ay namamatay sa kakulangan ng bait sa sarili.
30. Ang mga apostol ay nagtipon sa harap ni Jesus at ibinalita nila sa kanya ang lahat ng kanilang ginawa at itinuro.
31. At sinabi niya sa kanila, "Pumunta kayo ng bukod sa isang dakong ilang at magpahinga kayo nang sandali." Sapagkat marami ang nagpaparoo't parito at sila'y hindi man lamang nagkaroon ng panahong kumain.
32. Umalis nga silang bukod, sakay ng isang bangka patungo sa isang dakong ilang.
33. Ngunit maraming nakakita sa kanilang pag-alis at sila'y nakilala. Kaya't tumakbo sila mula sa lahat ng mga bayan at nauna pang dumating sa kanila.
34. Pagbaba niya sa pampang nakita niya ang napakaraming tao at nahabag siya sa kanila, sapagkat sila'y tulad sa mga tupa na walang pastol. At sila'y sinimulan niyang turuan ng maraming bagay.
35. Nang gumagabi na, lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad at nagsabi, "Ito ay isang ilang na dako at gumagabi na.
36. Paalisin mo na sila upang makapunta sa mga bukid at mga nayon sa paligid at makabili sila ng anumang makakain."
37. Ngunit sumagot siya sa kanila, "Bigyan ninyo sila ng makakain." At sinabi nila sa kanya, "Aalis ba kami upang bumili ng dalawang daang denariong tinapay at ipapakain namin sa kanila?"
38. At sinabi niya sa kanila, "Ilang tinapay mayroon kayo? Humayo kayo at inyong tingnan." Nang malaman nila ay kanilang sinabi, "Lima, at dalawang isda."
39. Pagkatapos ay iniutos niya sa kanila na paupuin silang lahat nang pangkat-pangkat sa luntiang damo.
40. Kaya't umupo sila nang pangkat-pangkat, nang tig-iisandaan at tiglilimampu.
41. Kinuha niya ang limang tinapay at ang dalawang isda, tumingala siya sa langit, pinagpala at pinagputul-putol ang mga tinapay at ibinigay niya sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. At ipinamahagi niya sa kanilang lahat ang dalawang isda.
42. Kumain silang lahat at nabusog.
43. Kanilang pinulot ang labindalawang kaing na puno ng pira-pirasong tinapay at mga isda.
44. Ang mga kumain ng mga tinapay ay limang libong lalaki.
45. Agad niyang pinasakay sa bangka ang kanyang mga alagad at pinauna sa kanya sa kabilang ibayo, sa Bethsaida, hanggang sa mapauwi na niya ang maraming tao.
46. Pagkatapos na makapagpaalam siya sa kanila, umakyat siya sa bundok upang manalangin.
47. Nang sumapit ang gabi, ang bangka ay nasa gitna ng dagat at siya'y nag-iisa sa lupa.
48. Pagkakita sa kanila na sila'y nahihirapan sa pagsagwan, sapagkat salungat sa kanila ang hangin, nang malapit na ang madaling araw, lumapit siya sa kanila na lumalakad sa ibabaw ng dagat. Balak niyang lampasan sila,
49. ngunit nang makita nilang siya'y lumalakad sa ibabaw ng dagat, inakala nilang iyon ay isang multo at sila'y sumigaw;
50. sapagkat siya ay nakita nilang lahat at sila'y nasindak. Ngunit agad siyang nagsalita sa kanila at sinabi, "Lakasan ninyo ang inyong loob. Ako ito; huwag kayong matakot."
51. Sumakay siya sa bangka kasama nila at tumigil ang hangin. At sila'y lubhang nanggilalas,
52. sapagkat hindi nila nauunawaan ang tungkol sa mga tinapay, kundi tumigas ang kanilang mga puso.
53. Nang makatawid na sila, narating nila ang lupain ng Genesaret at dumaong doon.
54. At nang bumaba sila sa bangka, agad siyang nakilala ng mga tao.
55. Tumakbo sila sa palibot ng buong lupaing iyon at pinasimulan nilang dalhin ang mga maysakit na nasa kanilang higaan, saanman nila mabalitaan na naroon siya.
56. At saanman siya pumasok sa mga nayon, o sa mga lunsod o bukid inilalagay nila sa mga pamilihan ang mga maysakit, at pinapakiusapan siya na ipahipo man lamang sa kanila ang laylayan ng kanyang damit. At ang lahat ng humipo nito ay pawang gumaling.