Bibliya sa isang taon

1. Nang ikalabingwalong taon ng paghahari ni Haring Jeroboam, na anak ni Nebat, nagsimulang maghari si Abiam sa Juda.
2. Tatlong taon siyang naghari sa Jerusalem, at ang pangalan ng kanyang ina ay Maaca na anak ni Abisalom.
3. At siya'y lumakad sa lahat ng mga kasalanan ng kanyang ama na ginawa nito na una sa kanya; at ang kanyang puso ay hindi ganap na tapat sa PANGINOON niyang Diyos, gaya ng puso ni David na kanyang ama.
4. Gayunma'y alang-alang kay David ay binigyan siya ng PANGINOON niyang Diyos ng isang ilawan sa Jerusalem, inilagay ang kanyang anak pagkamatay niya at pinatatag ang Jerusalem;
5. sapagkat. ginawa ni David ang matuwid sa mga mata ng PANGINOON, at hindi lumihis sa anumang bagay na iniutos niya sa kanya sa lahat ng araw ng kanyang buhay, maliban lamang ang tungkol kay Urias na Heteo.
6. Ang digmaan sa pagitan nina Rehoboam at Jeroboam ay nagpatuloy sa lahat ng araw ng kanyang buhay.
7. Ang iba pa sa mga gawa ni Abiam, at ang lahat niyang ginawa, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan ng mga hari ng Juda? At nagkaroon ng digmaan sina Abiam at Jeroboam.
8. At si Abiam ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno at kanilang inilibing siya sa lunsod ni David. Si Asa na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.
9. Nang ikadalawampung taon ni Jeroboam na hari ng Israel, nagsimula si Asa na maghari sa Juda.
10. Apatnapu't isang taon siyang naghari sa Jerusalem; at ang pangalan ng kanyang ina ay Maaca, na anak ni Abisalom.
11. At ginawa ni Asa ang matuwid sa mga mata ng PANGINOON, gaya ng ginawa ni David na kanyang ama.
12. Kanyang inalis ang mga sodomita sa lupain, at inalis ang lahat ng diyus-diyosan na ginawa ng kanyang mga ninuno.
13. Si Maaca na kanyang ina ay inalis rin niya sa pagkareyna, sapagkat siya'y gumawa ng karumaldumal na larawan para kay Ashera; at pinutol ni Asa ang kanyang larawan at sinunog sa batis Cedron.
14. Ngunit ang matataas na dako ay hindi inalis; gayunma'y ang puso ni Asa ay tapat sa PANGINOON sa lahat ng kanyang mga araw.
15. Kanyang ipinasok sa bahay ng PANGINOON ang mga kusang-loob na kaloob ng kanyang ama, at ang kanyang sariling mga kaloob, pilak, ginto, at mga kagamitan.
16. Nagkaroon ng digmaan sina Asa at Baasa na hari ng Israel sa lahat ng kanilang mga araw.
17. At si Baasa na hari sa Israel ay umahon laban sa Juda, at itinayo ang Rama upang walang sinumang makalabas o makapunta kay Asa na hari ng Juda.
18. Nang magkagayo'y kinuha ni Asa ang lahat ng pilak at ginto na naiwan sa mga kayamanan ng bahay ng PANGINOON, at ang mga kayamanan ng bahay ng hari, at ibinigay sa kamay ng kanyang mga lingkod. Ipinadala ang mga iyon ni Haring Asa kay Ben-hadad na anak ni Tabrimon, na anak ni Hezion, na hari ng Siria, na nakatira sa Damasco, na sinasabi,
19. "Magkaroon nawa ng pagkakasundo ako at ikaw, rulad ng aking ama at ng iyong ama. Aking ipinadala sa iyo ang isang kaloob na pilak at ginto; humayo ka, sirain mo ang iyong pakikipagkasundo kay Baasa na hari ng Israel, upang siya'y lumayo sa akin."
20. Pinakinggan ni Ben-hadad si Haring Asa, at sinugo ang mga puno ng kanyang mga hukbo laban sa mga lunsod ng Israel, at sinakop ang Ijon, Dan, Abel-betmaacah, at ang buong Cinerot, pati ang buong lupain ng Neftali.
21. Nang mabalitaan iyon ni Baasa, kanyang itinigil ang pagtatayo ng Rama at siya'y nanirahan sa Tirsa.
22. Pagkatapos ay nagpahayag si Haring Asa sa buong Juda, walang itinangi, at kanilang inalis ang mga bato at mga kahoy ng Rama, na ginagamit ni Baasa sa pagtatayo, at itinayo ni Haring Asa sa pamamagitan niyon ang Geba ng Benjamin at ang Mizpa.
23. Ang iba pa sa lahat ng mga gawa ni Asa, ang kanyang buong kapangyarihan, at ang lahat niyang ginawa, at ang mga lunsod na kanyang itinayo, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan ng mga hari ng Juda? Ngunit sa panahon ng kanyang katandaan, nagkaroon ng karamdaman ang kanyang mga paa.
24. At si Asa ay natulog at inilibing na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David na kanyang ama. Si Jehoshafat na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.
25. Si Nadab na anak ni Jeroboam ay nagsimulang maghari sa Israel sa ikalawang taon ni Asa na hari ng Juda, at siya'y naghari sa Israel ng dalawang taon.
26. Siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng PANGINOON, at lumakad sa landas ng kanyang ama, at sa kanyang kasalanan na sanhi ng pagkakasala ng Israel.
27. Si Baasa na anak ni Ahia, sa sambahayan ni Isacar ay nakipagsabwatan laban sa kanya; at sinaktan siya ni Baasa sa Gibeton, na sakop ng mga Filisteo; sapagkat kinukubkob ni Nadab at ng buong Israel ang Gibeton.
28. Nang ikatlong taon ni Asa na hari sa Juda ay pinatay si Nadab ni Baasa, at naghari na kapalit niya.
29. Nang siya'y maging hari, pinagpapatay niya ang buong sambahayan ni Jeroboam. Wala siyang iniwan kay Jeroboam ni isa mang humihinga, hanggang sa kanyang malipol, ayon sa salita ng PANGINOON na kanyang sinabi sa pamamagitan ng kanyang lingkod na si Ahias na Shilonita.
30. Ito ay dahil sa mga kasalanan ni Jeroboam na kanyang ginawa, at kanyang ibinunsod sa pagkakasala ang Israel at dahil sa kanyang panggagalit sa PANGINOON, ang Diyos ng Israel.
31. Ang iba pa sa mga gawa ni Nadab, at ang lahat niyang ginawa, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan ng mga hari ng Israel?
32. At nagkaroon ng digmaan sina Asa at Baasa na hari ng Israel sa lahat ng kanilang mga araw.
33. Nang ikatlong taon ni Asa na hari ng Juda, nagsimulang maghari si Baasa na anak ni Ahia sa buong Israel sa Tirsa, at naghari ng dalawampu't apat na taon.
34. Siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng PANGINOON, at lumakad sa landas ni Jeroboam, at sa kanyang kasalanan na dahil dito'y nagkasala ang Israel.
1. Ang salita ng panginoon ay dumating kay Jehu na anak ni Hanani, laban kay Baasa, na nagsasabi,
2. "Yamang itinaas kita mula sa alabok, at ginawa kitang pinuno sa aking bayang Israel, at ikaw ay lumakad sa landas ni Jeroboam, at ikaw ang sanhi ng pagkakasala ng aking bayang Israel, upang ibunsod mo ako sa galit dahil sa kanilang mga kasalanan,
3. aking lubos na lilipulin si Baasa at ang kanyang sambahayan, at gagawin ko ang iyong sambahayan na gaya ng sambahayan ni Jeroboam na anak ni Nebat.
4. Ang sinumang kabilang kay Baasa na mamatay sa lunsod ay kakainin ng mga aso; at ang sinumang kabilang sa kanya na mamatay sa parang ay kakainin ng mga ibon sa himpapawid."
5. Ang iba pa sa mga gawa ni Baasa, at ang kanyang ginawa, at ang kanyang kapangyarihan, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan ng mga hari ng Israel?
6. At natulog si Baasa na kasama ng kanyang mga ninuno at inilibing sa Tirsa; at si Ela na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.
7. Bukod dito, sa pamamagitan ng propetang si Jehu na anak ni Hanani, ay dumating ang salita ng PANGINOON laban kay Baasa, at laban sa kanyang sambahayan, dahil sa lahat ng kasamaan na kanyang ginawa sa paningin ng PANGINOON, upang galitin siya sa pamamagitan ng gawa ng kanyang mga kamay, sa pagtulad sa sambahayan ni Jeroboam, at dahil din sa paglipol niya rito.
8. Nang ikadalawampu't anim na taon ni Asa na hari ng Juda ay nagsimula si Ela na anak ni Baasa na maghari sa Israel sa Tirsa, at naghari siya ng dalawang taon.
9. Ngunit ang kanyang lingkod na si Zimri na punong kawal sa kalahati ng kanyang mga karwahe ay nakipagsabwatan laban sa kanya. Nang siya'y nasa Tirsa na umiinom na nilalasing ang sarili sa bahay ni Arsa, na siyang katiwala sa sambahayan sa Tirsa,
10. pumasok si Zimri, sinalakay siya at pinatay nang ikadalawampu't pitong taon ni Asa na hari ng Juda, at siya'y naghari na kapalit niya.
11. Nang siya'y magsimulang maghari, pag-upong pag-upo niya sa kanyang trono, ay kanyang pinagpapatay ang buong sambahayan ni Baasa. Hindi siya nag-iwan ng isa man lamang lalaki sa kanyang kamag-anak o sa mga kaibigan.
12. Sa gayo'y nilipol ni Zimri ang buong sambahayan ni Baasa, ayon sa salita ng PANGINOON, na kanyang sinabi laban kay Baasa, sa pamamagitan ni Jehu na propeta,
13. dahil sa lahat ng mga kasalanan ni Baasa, at sa mga kasalanan ni Ela na kanyang anak, na kanilang ginawa, na sanhi ng pagkakasala ng Israel upang ibunsod sa galit ang PANGINOON, ang Diyos ng Israel sa pamamagitan ng kanilang mga diyus-diyosan.
14. Ang iba pa sa mga gawa ni Ela, at ang lahat na kanyang ginawa, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayant ng mga hari ng Israel?
15. Nang ikadalawampu't pitong taon ni Asa na hari sa Juda, naghari si Zimri ng pitong araw sa Tirsa. Ang mga kawal ay nagkampo laban sa Gibeton na sakop ng mga Filisteo.
16. At narinig ng mga kawal na nagkakampo na si Zimri ay nakipagsabwatan at kanyang pinatay ang hari; kaya't si Omri na punong kawal ng hukbo ay ginawang hari sa Israel nang araw na iyon sa kampo.
17. Kaya't si Omri ay umahon mula sa Gibeton, at ang buong Israel ay kasama niya, at kanilang kinubkob ang Tirsa.
18. Nang makita ni Zimri na ang lunsod ay nasakop na, siya'y pumunta sa kastilyo ng bahay ng hari, sinunog ng apoy ang bahay na kinaroroonan ng hari at siya'y namatay,
19. dahil sa kanyang mga kasalanan na kanyang ginawa sa pamamagitan ng paggawa ng kasamaan sa paningin ng PANGINOON, sa paglakad sa landas ni Jeroboam, at sa kanyang kasalanan na kanyang ginawa, na naging sanhi ng pagkakasala ng Israel.
20. Ang iba pa sa mga gawa ni Zimri, at ang pakikipagsabwatan na kanyang ginawa, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan ng mga hari ng Israel?
21. Pagkatapos ang bayan ng Israel ay nahati sa dalawa: ang kalahati ng bayan ay sumunod kay Tibni na anak ni Ginat, upang gawin siyang hari; at ang kalahati ay sumunod kay Omri.
22. Ngunit ang mga taong sumunod kay Omri ay nanaig laban sa mga taong sumunod kay Tibni na anak ni Ginat; sa gayo'y namatay si Tibni at naging hari si Omri.
23. Nang ikatatlumpu't isang taon ni Asa na hari ng Juda, nagsimula si Omri na maghari sa Israel, at naghari ng labindalawang taon; anim na taong naghari siya sa Tirsa.
24. At binili niya ang burol ng Samaria mula kay Semer sa halagang dalawang talentong pilak. Siya'y nagtayo ng kuta sa burol at tinawag ang pangalan ng lunsod na kanyang itinayo na Samaria, ayon sa pangalan ni Semer, na may-ari ng burol.
25. Gumawa si Omri ng kasamaan sa paningin ng PANGINOON, at gumawa ng mas masama kaysa lahat ng nauna sa kanya.
26. Sapagkat siya'y lumakad sa lahat ng landas ni Jeroboam na anak ni Nebat, at sa kanyang mga kasalanan na naging sanhi ng pagkakasala ng Israel upang ibunsod sa galit ang PANGINOON, ang Diyos ng Israel sa pamamagitan ng kanilang mga diyus-diyosan.
27. Ang iba pa sa mga gawa ni Omri na kanyang ginawa, at ang kapangyarihang kanyang ipinamalas, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan ng mga hari ng Israel?
28. Natulog si Omri na kasama ng kanyang mga ninuno at inilibing sa Samaria. Si Ahab na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.
29. Nang ikatatlumpu't walong taon ni Asa na hari ng Juda, nagsimula si Ahab na anak ni Omri na maghari sa Israel. At si Ahab na anak ni Omri ay naghari sa Israel sa Samaria nang dalawampu't dalawang taon.
30. Si Ahab na anak ni Omri ay gumawa ng kasamaan sa paningin ng PANGINOON nang higit kaysa lahat ng nauna sa kanya.
31. Waring isang magaang bagay para sa kanya na lumakad sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, siya'y nag-asawa kay Jezebel, na anak ni Et-baal na hari ng mga Sidonio, at siya'y humayo at naglingkod kay Baal, at sumamba sa kanya.
32. Kanyang ipinagtayo ng dambana si Baal sa bahay ni Baal, na kanyang itinayo sa Samaria.
33. At gumawa si Ahab ng sagradong poste. Gumawa pa ng higit si Ahab upang galitin ang PANGINOON, ang Diyos ng Israel, kaysa lahat ng mga hari ng Israel na nauna sa kanya.
34. Sa kanyang mga araw, itinayo ni Hiel na taga-Bethel ang Jerico. Inilagay niya ang pundasyon niyon na ang katumbas ay buhay ni Abiram na kanyang panganay na anak. At itinayo niya ang mga pintuang-bayan niyon na ang katumbas ay ang buhay ng kanyang bunsong anak na si Segub, ayon sa salita ng PANGINOON na kanyang sinabi sa pamamagitan ni Josue na anak ni Nun.
22. Ang kanila nawang sariling hapag na nasa harapan nila ay maging isang bitag; kung sila'y nasa kapayapaan, ito nawa'y maging isang patibong.
23. Lumabo nawa ang kanilang mga mata, upang sila'y huwag makakita; at papanginigin mo ang kanilang mga balakang sa tuwina.
24. Ibuhos mo sa kanila ang iyong poot, at ang iyong nag-aalab na galit sa kanila nawa'y umabot.
25. Ang kanilang kampo nawa'y maging mapanglaw; sa kanilang mga tolda wala sanang tumahan.
26. Sapagkat kanilang inuusig siya na iyong hinataw, at isinaysay nila ang sakit nila na iyong sinugatan.
27. Dagdagan mo ng kasamaan ang kanilang kasamaan; at huwag nawa silang dumating sa iyong katuwiran.
28. Mapawi nawa sila sa aklat ng mga nabubuhay, huwag nawa silang makasama ng matuwid sa talaan.
25. Ang hangal na anak ay kalungkutan sa kanyang ama, at kapaitan sa babaing nagsilang sa kanya.
26. Hindi mabuti na parusahan ang matuwid, isang kamalian na ang maharlika'y mahagupit.
1. Bago magpista ng Paskuwa, alam na ni Jesus na dumating na ang oras ng kanyang pagpanaw sa sanlibutang ito patungo sa Ama. Yamang minamahal niya ang sariling kanya na nasa sanlibutan, sila ay kanyang minahal hanggang sa katapusan.
2. Nang oras ng hapunan, inilagay na ng diyablo sa puso ni Judas Iscariote, na anak ni Simon, na ipagkanulo siya.
3. Alam ni Jesus na ibinigay na ng Ama ang lahat ng mga bagay sa kanyang mga kamay, at siya'y nanggaling sa Diyos at patungo sa Diyos.
4. Kaya tumindig siya pagkatapos maghapunan, itinabi ang kanyang damit, at siya'y kumuha ng isang tuwalya, at ibinigkis sa kanyang sarili.
5. Pagkatapos ay nagsalin siya ng tubig sa palanggana, at nagsimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad, at pagkatapos ay pinunasan ng tuwalya na nakabigkis sa kanya.
6. Lumapit siya kay Simon Pedro na nagtanong sa kanya, "Panginoon, huhugasan mo ba ang aking mga paa?"
7. Sumagot si Jesus sa kanya, "Ang ginagawa ko'y hindi mo pa nauunawaan ngayon, ngunit malalaman mo pagkatapos ng mga ito."
8. Sinabi sa kanya ni Pedro, "Hindi mo huhugasan ang aking mga paa kailanman." Sinagot siya ni Jesus, "Kung hindi kita huhugasan, ay hindi ka magkakaroon ng bahagi sa akin."
9. Sinabi sa kanya ni Simon Pedro, "Panginoon, hindi ang aking mga paa lamang, kundi pati ang aking mga kamay at ang aking ulo."
10. Sinabi sa kanya ni Jesus, 'Ang napaliguan na ay hindi na kailangang hugasan maliban ang kanyang mga paa, sapagkat malinis nang lubos. Kayo'y malilinis na, ngunit hindi ang lahat.
11. Sapagkat nalalaman niya kung sino ang magkakanulo sa kanya, kaya't sinabi niya, "Hindi lahat sa inyo ay malilinis."
12. Kaya nang mahugasan niya ang kanilang mga paa, at makuha ang kanyang mga damit at muling maupo, ay sinabi niya sa kanila, "Nalalaman ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo?
13. Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon at tama kayo, sapagkat ako nga.
14. Kung ako nga, na Panginoon at Guro ay naghugas ng inyong mga paa, kayo man ay dapat ding maghugas ng mga paa ng isa't isa.
15. Sapagkat kayo'y binigyan ko ng halimbawa, upang gawin din ninyo ayon sa ginawa ko sa inyo.
16. Katotohanang, sinasabi ko sa inyo, ang alipin ay hindi higit na dakila kaysa kanyang panginoon, ang sinugo ay higit na dakila kaysa nagsugo sa kanya.
17. Kung nalalaman ninyo ang mga bagay na ito, mapapalad kayo kung inyong gagawin.
18. Hindi ako nagsasalita tungkol sa inyong lahat; nakikilala ko ang aking mga hinirang. Ngunit ito ay upang matupad ang kasulatan, Ang kumain ng aking tinapay ay nagtaas ng kanyang sakong laban sa akin.'
19. Sinasabi ko na sa inyo ngayon bago ito mangyari, upang kapag ito ay nangyari ay maniwala kayo na Ako Nga.
20. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang sinumang tumatanggap sa aking sinugo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tinatanggap siya na nagsugo sa akin."
Tagalog Bible 2001
Philippine Bible Society, 2001