1. Ito ang kasaysayan ng lahi na mula kay Adan. Nang likhain ng Diyos ang tao, ginawa niya ito ayon sa kanyang larawan.
2. Sila'y nilikha niya na lalaki at babae, at matapos pagpalain, sila'y tinawag niyang “Sangkatauhan”.
3. Si Adan ay 130 taon nang maging anak niya si Set na kanyang kalarawan.
4. Nabuhay pa siya nang walong daang taon, at nagkaroon pa ng mga anak na lalaki't babae.
5. Namatay siya sa gulang na 930 taon.
6. Si Set ay 105 taon nang maging anak niya si Enos.
7. Nabuhay pa siya nang 807 taon at nagkaroon din ng iba pang mga anak.
8. Namatay siya sa gulang na 912 taon.
9. Siyamnapung taon naman si Enos nang maging anak niya si Kenan.
10. Nabuhay pa siya nang 815 taon at nagkaroon din ng iba pang mga anak.
11. Namatay siya sa gulang na 905 taon.
12. Si Kenan naman ay pitumpung taon nang maging anak si Mahalalel.
13. Nabuhay pa si Kenan nang 840 taon at nagkaroon din ng iba pang mga anak.
14. Namatay siya sa gulang na 910 taon.
15. Animnapu't limang taon si Mahalalel nang maging anak si Jared.
16. Nabuhay pa si Mahalalel nang 830 taon at nagkaroon din ng iba pang mga anak.
17. Namatay siya sa gulang na 895 taon.
18. Si Jared ay 162 nang maging anak niya si Enoc.
19. Nabuhay pa si Jared nang 800 taon at nagkaroon din ng iba pang mga anak.
20. Namatay siya sa gulang na 962 taon.
21. Animnapu't limang taon naman si Enoc nang maging anak niya si Matusalem.
22. Tatlong daang taon pang nabuhay si Enoc na kasama ang Diyos, at nagkaroon ng iba pang mga anak.
23. Umabot siya nang 365 taon,
24. at sa buong panahong iyon ay namuhay siyang kasama ng Diyos. Pagkatapos, nawala siya sapagkat kinuha siya ng Diyos.
25. Si Matusalem ay 187 taon nang maging anak niya si Lamec.
26. Nabuhay pa si Matusalem nang 782 taon at nagkaroon din ng iba pang mga anak.
27. Namatay siya sa gulang na 969 na taon.
28. Si Lamec naman ay 182 taon nang magkaroon ng anak.
29. Sinabi niya, “Mula sa lupang ito na isinumpa ni Yahweh, ipinanganak ang lulunas sa lahat ng ating mga pagpapagal at paghihirap.” Kaya't Noe ang ipinangalan niya sa kanyang anak.
30. Nabuhay pa si Lamec nang 595 taon at nagkaroon din siya ng iba pang mga anak.
31. Namatay siya sa gulang na 777 taon.
32. Si Noe nama'y 500 na nang maging anak niya sina Shem, Ham at Jafet.
1. Napakarami na ng mga tao sa daigdig nang panahong iyon. Nagkaroon sila ng mga anak na babae.
2. Nang makita ng mga anak ng Diyos na ang mga babaing anak ng tao ay magaganda, ang mga ito'y pumili sa kanila ng kanya-kanyang asawa.
3. Sinabi ni Yahweh, “Hindi ko ipapahintulot na mabuhay nang habang panahon ang tao, sapagkat siya'y makalaman. Hindi na lalampas sa 120 taon ang kanyang buhay sa daigdig.”
4. Nang panahong iyon, may mga higante sa ibabaw ng lupa. Sila ang naging bunga ng pakikipagtalik ng mga anak ng Diyos sa mga anak ng tao. Ang mga higanteng iyon ay tinanghal na mga dakilang bayani at tanyag na tao noong unang panahon.
5. Nakita ni Yahweh na laganap na ang kasamaan ng tao sa daigdig, at puro kasamaan na lamang ang palaging nasa isip nito.
6. Kaya't labis na ikinalungkot ni Yahweh na nilikha pa niya ang tao.
7. Sinabi niya, “Lilipulin ko ang lahat ng taong aking nilalang. Lilipulin ko rin ang lahat ng hayop at mga ibon. Ikinalulungkot kong nilalang ko pa ang mga ito.”
8. Ngunit si Noe ay naging kalugud-lugod kay Yahweh.
9. Ito ang kasaysayan ni Noe. Matuwid at mabuting tao si Noe noong kanyang kapanahunan. Namuhay siya ayon sa kalooban ng Diyos.
10. Siya'y may tatlong anak na lalaki, sina Shem, Ham at Jafet.
11. Maliban kay Noe, masasama ang lahat ng tao sa paningin ng Diyos at laganap ang karahasan sa lahat ng dako.
12. Ito ang kalagayang nakita ng Diyos sa buong daigdig; namumuhay sa kasamaan ang lahat ng tao.
13. Sinabi ng Diyos kay Noe, “Napagpasyahan ko nang lipulin ang lahat ng tao sa daigdig. Umabot na sa sukdulan ang kanilang kasamaan. Gugunawin ko sila kasama ng daigdig.
14. Kaya gumawa ka ng isang malaking barko na yari sa kahoy na sipres. Lagyan mo ito ng mga silid at pahiran mo ng alkitran ang loob at labas nito.
15. Ang barkong gagawin mo ay 135 metro ang haba, 22 metro ang luwang, at 13.5 metro ang taas.
16. Bubungan mo ito at lagyan ng kalahating metrong pagitan mula sa bubong hanggang sa tagiliran. Gawin mong tatlong palapag ang barko at lagyan mo ng pintuan sa tagiliran.
17. Palulubugin ko sa tubig ang buong daigdig at malilipol ang lahat ng may buhay sa balat ng lupa.
18. Ngunit ako'y gagawa ng kasunduan natin: Isama mo ang iyong asawa at mga anak na lalaki, pati mga asawa nila, at pumasok kayo sa barko.
19. Magsakay ka ng isang lalaki at isang babae ng bawat uri ng hayop at ibon upang magpatuloy ang lahi nila.
20. Magsakay ka rin ng tig-iisang pares sa bawat uri ng ibon at hayop at mga gumagapang sa lupa upang magpatuloy rin ang lahi ng mga ito.
21. Maglaan ka ng lahat ng uri ng pagkain para sa inyo at sa kanila.”
22. At ginawa nga ni Noe ang lahat ng iniutos sa kanya ng Diyos.
7. “Ipahahayag ko ang sinabi sa akin ni Yahweh, ‘Ikaw ang aking anak, mula ngayo'y ako na ang iyong ama.
8. Hingin mo ang mga bansa't ibibigay ko sa iyo, maging ang buong daigdig ay ipapamana ko.
9. Dudurugin mo sila ng tungkod na bakal; tulad ng palayok, sila'y magkakabasag-basag.’”
10. Kaya't magpakatalino kayo, mga hari ng mundo, ang babalang ito'y unawain ninyo:
11. Paglingkuran ninyo si Yahweh nang may takot at paggalang, sa paanan ng kanyang anak
12. yumukod kayo't magparangal, baka magalit siya't bigla kayong parusahan. Mapalad ang taong ang Diyos ang kanlungan.
10. Aking anak, sakali mang akitin ka ng mga makasalanan, huwag kang papayag, tanggihan mo sila.
11. Kung sabihin nilang, “Halika't tayo ay mag-abang, bilang katuwaa'y daluhungin ang mga walang malay.
12. Sila'y ating dudumugi't walang awang papatayin, at sila ay matutulad sa patay na ililibing.
13. Ating sasamsamin ang lahat nilang kagamitan, bahay nati'y mapupuno ng malaking kayamanan.
14. Halika at sa amin ikaw nga ay sumama, lahat ng masasamsam, bibigyan ang bawat isa.”
15. Aking anak, sa kanila ay iwasan mong makisama, umiba ka ng landas mo, papalayo sa kanila.
16. Ang lagi nilang hangad, gumawa ng kasamaan, sa tuwina ang bisig ay nakahanda sa pagpatay.
17. Sa pag-uumang ng bitag ay walang mangyayari, kung nakikita ng ibon na nais mo siyang mahuli.
18. Ngunit hindi nalalaman ng mga taong iyon, bitag nila ang sisilo sa sarili nilang ulo.
19. Ganyan ang uuwian ng nabubuhay sa karahasan, sa ganyan nga magwawakas ang masamang pamumuhay.
1. Nang mga panahong iyon, dumating si Juan na Tagapagbautismo sa ilang ng Judea at nagsimulang mangaral.
2. Ganito ang kanyang sinasabi, “Magsisi kayo at talikuran ang inyong mga kasalanan sapagkat malapit nang dumating ang kaharian ng langit!”
3. Si Juan ang tinutukoy ni Propeta Isaias nang sabihin niya, “Ito ang pahayag ng isang taong sumisigaw sa ilang: ‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon, gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran!’”
4. Gawa sa balahibo ng kamelyo ang damit ni Juan at sa balat naman ng hayop ang kanyang sinturon. Ang kanya namang pagkain ay balang at pulot-pukyutan.
5. Dinarayo siya ng mga tao mula sa Jerusalem, sa buong Judea at sa magkabilang panig ng Ilog Jordan.
6. Ipinapahayag nila ang kanilang mga kasalanan at sila'y binautismuhan niya sa Ilog Jordan.
7. Nang makita niyang lumalapit din sa kanya ang maraming Pariseo at mga Saduseo upang magpabautismo, sinabi niya sa kanila, “Lahi ng mga ulupong! Akala ba ninyo'y makakatakas kayo sa parusa ng Diyos?
8. Patunayan muna ninyo sa inyong mga buhay na kayo'y talagang nagsisisi,
9. at huwag ninyong akalain na makakaiwas kayo sa parusa ng Diyos dahil sinasabi ninyong ama ninyo si Abraham. Sinasabi ko sa inyo na kahit sa mga batong ito ay makakalikha ang Diyos ng mga anak ni Abraham.
10. Ngayon pa lamang ay nakaamba na ang palakol sa ugat ng mga punongkahoy; ang bawat punong hindi mabuti ang bunga ay puputulin at itatapon sa apoy.
11. “Binabautismuhan ko kayo sa tubig bilang patunay ng inyong pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan. Ngunit ang darating na kasunod ko ay magbabautismo sa inyo sa Espiritu Santo at sa apoy. Higit siyang makapangyarihan kaysa akin; ni hindi man lamang ako karapat-dapat magdala ng kanyang sandalyas.
12. Hawak na niya ang kanyang kalaykay upang alisin ang dayami. Titipunin niya sa kamalig ang trigo ngunit ang ipa ay susunugin sa apoy na di mamamatay kailanman.”
13. Dumating si Jesus sa Ilog Jordan mula sa Galilea upang magpabautismo kay Juan.
14. Ngunit tinangka ni Juan na pigilan siya at sinabi, “Ako po ang dapat magpabautismo sa inyo! Bakit kayo nagpapabautismo sa akin?”
15. Subalit sumagot si Jesus, “Hayaan mong ito ang mangyari ngayon, sapagkat ito ang nararapat nating gawin upang matupad ang kalooban ng Diyos.” Kaya't pumayag din si Juan.
16. Nang mabautismuhan si Jesus, kaagad siyang umahon sa tubig. Nabuksan ang langit at nakita ni Jesus ang Espiritu ng Diyos na bumababang parang isang kalapati at dumapo sa kanya.
17. At isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan!”
Tagalog Bible 2012
New Testament 2012 Philippine Bible Society Old Testament 2005 Philippine Bible Society