Bibliya sa isang taon

1. Ang taong matuwid kapag namamatay, walang nakakaunawa at walang nakikialam; ngunit siya'y kinukuha upang iligtas sa kapahamakan.
2. Mapayapa ang buhay, ng taong lumalakad sa katuwiran kahit siya'y mamatay.
3. Halikayo, mga makasalanan upang hatulan. Wala kayong pagkakaiba sa mga mangkukulam, nangangalunya at babaing masasama.
4. Sino ba ang inyong pinagtatawanan? Sino ba ang inyong hinahamak? Mga anak kayo ng sinungaling.
5. Sinasamba ninyo ang mga diyus-diyosan sa pamamagitan ng pakikipagtalik habang nasa ilalim ng mga punong ensina na ipinalalagay ninyong sagrado. Sinusunog ninyo bilang handog ang inyong mga anak, sa mga altar sa may libis, sa loob ng mga yungib.
6. Makinis na bato'y sinasamba ninyo na tulad ng diyos, kayo'y kumukuha ng pagkain at alak upang ihandog; sa gawa bang ito, ako'y malulugod?
7. Sa tuktok ng bundok, kayo'y umaahon upang maghandog, at makipagtalik.
8. Pagpasok ng pinto, nagtayo kayo roon ng diyus-diyosan, ako'y nilimot ninyo at inyong nilayasan. Lubos kayong nag-alis ng suot ninyong damit; sa inyong higaa'y nakipagtalik sa mga lalaking inyong inupahan. Kayo ay natulog na kasama nila para pagbigyan ang inyong pagnanasa.
9. Kayo ay nagtungo sa hari na may dalang langis ng olibo, at dinagdagan ninyo ang inyong pabango; kayo ay nagsugo sa malayong lugar at kayo mismo ang lumusong sa daigdig ng mga patay.
10. Lubha kayong nagpagod sa maraming lakbayin, at kailan ma'y hindi sinabi na wala na itong pag-asa. Kayo ay nagpanibagong-lakas, at dahil dito ay hindi nanghina.
11. Ang tanong ni Yahweh, “Sino ba ang inyong kinatatakutan kaya nagsinungaling kayo sa akin at lubusang tumalikod? Matagal ba akong nanahimik kaya kayo tumigil ng pagpaparangal sa akin?
12. Akala ninyo'y tama ang inyong ginagawa. Ibubunyag ko ang masama ninyong gawa; at tingnan ko lang kung tutulungan kayo ng mga diyus-diyosang iyan.
13. Ang diyus-diyosang tinatawag ninyo'y hindi makatutulong o makakapagligtas, kahit kayo'y managhoy; ang mga diyos ninyo'y lilipad kung hangin ay umihip, kaunting ihip lamang, sila'y itataboy. Subalit ang taong sa aki'y may tiwala at laging umaasa, ang banal na bundok at ang lupaing ito'y mamanahin niya.”
14. Ang sabi ni Yahweh: “Ang mga hinirang ay inyong bayaang magbalik sa akin, ang bawat hadlang sa daan ay inyong alisin; ang landas ay gawin at inyong ayusin.”
15. “Ako ang Kataas-taasan at Banal na Diyos, ang Diyos na walang hanggan. Matataas at banal na lugar ang aking tahanan, sa mababang-loob at nagsisisi, ako ay sasama, aking ibabalik ang pagtitiwala nila at pag-asa.
16. Ako ang nagbigay ng buhay sa aking bayan, sila'y hindi ko patuloy na uusigin; at ang galit ko sa kanila'y hindi mananatili sa habang panahon.
17. Nagalit ako sa kanila dahil sa kanilang kasalana't kasakiman, kaya sila'y aking itinakwil. Ngunit matigas ang kanilang ulo at patuloy na sumuway sa akin.
18. Sa kabila ng ginawa nila, sila'y aking pagagalingin at tutulungan, at ang nagluluksa'y aking aaliwin.
19. Bibigyan ko ng kapayapaan ang lahat, maging nasa malayo o nasa malapit man. Aking pagagalingin ang aking bayan.
20. Ngunit ang masasama ay tulad ng dagat na laging maalon, walang pahinga sa buong panahon; mga burak at putik buhat sa ilalim ang iniaahon.
21. Walang kapayapaan ang mga makasalanan.” Sabi ng aking Diyos.
1. Sinabi ni Yahweh, “Sumigaw ka nang malakas na malakas; itaas mo ang iyong tinig gaya ng trumpeta. Ang kasalanan ng bayan ko sa kanila'y ihayag.
2. Sinasangguni nila ako sa araw-araw, tinatanong nila ako kung paano sila mamumuhay. Kung kumilos sila ay parang matuwid, at hindi sumusuway sa mga tuntuning ibinigay ng kanilang Diyos. Humihingi sila sa akin ng matuwid na pasya; nais nila'y maging malapit sa Diyos.”
3. Tanong ng mga tao, “Bakit hindi mo pansin ang pag-aayuno namin? Bakit walang halaga sa iyo kung kami ma'y magpakumbaba?” Sagot ni Yahweh, “Pansariling kapakanan pa rin ang pangunahing layunin ninyo sa pag-aayuno, at habang nag-aayuno'y patuloy ninyong inaapi ang mga manggagawa.
4. Ang pag-aayuno ninyo'y humahantong lamang sa karahasan, kayo'y nagkakagalit at naglalaban-laban. Hindi tunay ang pag-aayunong ginagawa ninyo ngayon, kaya tiyak na hindi ko papakinggan, ang inyong mga dalangin sa akin.
5. Ganyan ba ang pag-aayunong aking kaluluguran? Iyan ba ang araw na talagang nagpapakumbaba ang mga tao? Hinihiling ko ba na yumuko kayong tulad ng damong hinihipan ng hangin, o mahiga kayo sa sako at abo? Pag-aayuno na ba ang tawag ninyo diyan, isang araw na nakalulugod kay Yahweh?
6. “Ganitong pag-aayuno ang gusto kong gawin ninyo: Palayain ninyo ang mga di-makatarungang ipinabilanggo; kalagin ninyo ang tanikala ng inyong mga inalipin. Palayain ninyo ang mga inaapi, at baliin ang mga pamatok ng mga alipin.
7. Ang mga nagugutom ay inyong pakainin, ang mga walang tirahan ay inyong patuluyin. Ang mga walang maisuot ay inyong bigyan ng mga damit. At sa mga nangangailangang mga kamag-anak ay huwag kayong magkakait.
8. Kung magkagayon, sisikat ang liwanag sa inyo, at matutulad kayo sa bukang-liwayway, hindi magtatagal at manunumbalik ang inyong kalusugan. Mahahayag sa inyong unahan ang mabubuti ninyong gawa, at sa inyong hulihan ay papatnubayan kayo ng kaluwalhatian ni Yahweh.
9. Sa araw na iyon, diringgin ni Yahweh ang inyong dalangin; kapag kayo'y humingi ng tulong, sasabihin niya, ‘Naririto ako.’ “Kapag itinakwil ninyo ang pang-aapi, maling pagbibintang at pagsisinungaling;
10. kapag ang nagugutom ay kusang-loob ninyong pakakainin, at tutulungan ang mahihirap, sisikat ang liwanag sa inyong nasa kadiliman, at ang inyong kapanglawan ay magliliwanag gaya ng sa katanghaliang-tapat.
11. Patuloy kayong papatnubayan ni Yahweh at ibibigay ang pangangailangan sa gitna ng disyerto. Palalakasin niyang muli ang inyong mga buto. At magiging tulad kayo ng isang hardin, na binubukalan ng masaganang tubig, o isang batis na hindi natutuyo.
12. Muli ninyong itatayo ang kutang gumuho, at itatatag ito sa dating pundasyon. Makikilala kayo bilang tagapagtayo ng mga nawasak na pader, mga tagapagtatag ng bagong pamayanan.”
13. Sinabi pa ni Yahweh, “Inyong igagalang ang takdang Araw ng Pamamahinga, huwag kayong gagawa para sa pansariling kapakanan sa araw na banal. Sa araw na ito'y mamamahinga kayo at huwag maglalakbay, o gagawa o mag-uusap ng tungkol sa mga bagay na walang kabuluhan.
14. At kung magkagayon, madarama ninyo ang kagalakan ng paglilingkod sa akin. Bibigyan ko kayo ng karangalan sa harap ng buong daigdig; at tatamasahin ninyo ang kaligayahan habang naninirahan sa lupaing ibinigay ko sa ninuno ninyong si Jacob. Mangyayari ito sapagkat akong si Yahweh ang nagsabi nito.”
1. Ang bayang Israel sa bansang Egipto'y kanyang inilabas, nang ang lahing ito sa bansang dayuhan lahat ay lumikas.
2. Magmula na noon ang lupaing Juda'y naging dakong banal, at bansang Israel ginawa ng Diyos na sariling bayan.
3. Ang Dagat ng Tambo, nang ito'y makita, nagbigay ng daan, magkabilang panig ng Ilog ng Jordan ay tumigil naman.
4. Maging mga bundok, katulad ng tupa, ay pawang nanginig, pati mga burol, nanginig na parang tupang maliliit.
5. Ano ang nangyari, at ikaw, O dagat, nagbigay ng daan? Ikaw, Ilog Jordan, bakit ang tubig mo ay tumigil naman?
6. Kayong mga bundok, bakit parang kambing na nagsisilundag? Kayong mga burol, maliit na tupa'y inyo namang katulad?
7. Ikaw, O daigdig, sa harap ni Yahweh, ngayon ay manginig, dapat kang matakot sapagkat darating ang Diyos ni Jacob,
8. sa malaking bato nagpabukal siya ng saganang tubig, at magmula roon ang tubig na ito ay nagiging batis.
22. Ang tsismis ay tulad ng masarap na pagkain; masarap pakinggan, masarap namnamin.
1. Yamang kayo'y mga anak na minamahal ng Diyos, tularan ninyo siya.
2. Mamuhay kayo nang may pagmamahal tulad ni Cristo; dahil sa kanyang pagmamahal sa atin, inialay niya ang kanyang buhay bilang mabangong alay at handog sa Diyos.
3. Kayo'y mga hinirang ng Diyos, kaya't hindi dapat mabanggit man lamang na kayo'y nakikiapid o gumagawa ng anumang uri ng kahalayan o pag-iimbot.
4. Huwag din kayong gagamit ng anumang malaswa o walang kabuluhang pananalita at pagbibirong di nararapat. Sa halip, magpasalamat kayo sa Diyos.
5. Alam ninyong walang bahagi sa kaharian ni Cristo at ng Diyos ang taong nakikiapid, mahalay, o sakim. Ang kasakiman ay isang uri ng pagsamba sa diyus-diyosan.
6. Huwag kayong padaya kaninuman sa pamamagitan ng mga pangangatuwirang walang kabuluhan, sapagkat dahil nga sa mga ito, ang Diyos ay napopoot sa mga suwail.
7. Kaya't huwag kayong makisama sa kanila.
8. Dati, kayo'y nasa kadiliman, ngunit ngayo'y nasa kaliwanagan na, sapagkat kayo'y nasa Panginoon. Mamuhay kayo ngayon nang nararapat sa mga taong nasa liwanag.
9. Sapagkat pawang mabuti, matuwid at totoo ang ginagawa ng namumuhay sa liwanag.
10. Sikapin ninyong matutunan kung ano ang kalugud-lugod sa Panginoon.
11. Huwag kayong makibahagi sa mga gawain ng kadiliman na walang ibinubungang mabuti. Sa halip ay ibunyag ninyo ang mga iyon.
12. Kahiya-hiyang mabanggit man lamang ang mga bagay na iyon na ginagawa nila nang lihim.
13. Ang lahat ng nalalantad sa liwanag ay nakikilala kung ano talaga ang mga iyon,
14. at nalalantad ang lahat dahil sa liwanag. Kaya't sinasabi, “Gumising ka, ikaw na natutulog, bumangon ka mula sa libingan, at liliwanagan ka ni Cristo.”
15. Kaya't mag-ingat kayo kung paano kayo namumuhay. Mamuhay kayong tulad ng matatalino at di tulad ng mga mangmang.
16. Gamitin ninyo nang lubusan para sa mabuti ang bawat pagkakataon, sapagkat puno ng kasamaan ang kasalukuyang panahon.
Tagalog Bible 2012
New Testament 2012 Philippine Bible Society Old Testament 2005 Philippine Bible Society