Bibliya sa isang taon

1. Nasa hardin ako ngayon, aking mahal, aking sinta, at ako ay nangunguha ng balsamo at ng mira. Nilalasap ko ang tamis nitong pulot ng pukyutan, iniinom ko ang gatas at alak na malinamnam. Kumain na at uminom, kayong mga mangingibig, hanggang kayo ay malango sa tamis ng pag-ibig.
2. Kahit na nga sa pangarap kung ako ay natutulog, naririnig ang mahal ko, sa pintua'y kumakatok. “Ako'y iyong papasukin, aking mahal, aking sinta, na tulad ng kalapati, ubod linis at maganda, basang-basa ang ulo ko nitong hamog sa umaga.”
3. Muli pa bang magbibihis, gayong ako'y naghubad na? Akin bang dudumhan muli, nahugasan nang mga paa?
4. Nang hawakan ng mahal ko ang susian nitong pinto, damdamin ko ay sumigla, lumundag ang aking puso.
5. Ako ay bumangon upang siya ay pagbuksan, binasâ ko ng mira itong aking mga kamay, at ako ay lumapit sa pinto ng aming bahay.
6. Ngunit nang siya'y pagbuksan ko, hindi ko na inabutan. Hinanap ko nang hinanap ngunit hindi natagpuan. Sa laki ng pananabik na tinig niya'y mapakinggan, tinawag ko nang tinawag ngunit walang kasagutan.
7. Ang mahal ko ay hinanap, di tumigil, di naglubay, hanggang ako ay mahuli, mga tanod nitong bayan. Hinagupit nila ako, walang awang sinugatan, balabal ko ay hinatak, pinunit pa at ginutay.
8. Mga dilag ng Jerusalem, ipangako ninyo sa akin kung mahal ko ay makita sa kanya sana'y sabihin, “Iyong sinta'y nanghihina, pag-ibig mo'y hanap niya.”
9. O babaing napakaganda, bakit di mo ilarawan hinahanap mong lalaki na sabi mo'y iyong mahal? Sa amin ay sabihin mo kaiba niyang katangian, na dahilan ng bilin mo't mahigpit na panambitan.
10. Ang irog ko ay makisig, matipuno ang katawan, sa sanlibo ay siya lang ang may gayong katangian.
11. Alun-alon ang buhok niya, mahaba at nangingintab mahal pa iyon kaysa ginto, kulay uwak ang katulad.
12. Mata niya'y mapupungay parang ibon sa may batis, kalapati ang katulad at gatas pa ang panlinis.
13. Ang kanyang mga pisngi'y simbango ng isang hardin, mga labi'y parang liryo, nakasasabik na simsimin.
14. Kamay niya ay maganda, O kay inam na pagmasdan, suot niyang mga singsing, bato nito'y ubod mahal. Wari'y garing ang katulad ng buo niyang katawan, naliligid ng pahiyas na safirong makikinang.
15. Mga hita niya at binti'y marmol ang kabagay, ang mga patungan ay gintong dalisay, parang Bundok ng Lebanon, na makapigil hininga, kung baga sa mga kahoy, mga sedar ang kagaya.
16. Mga labi ay maalab, matamis kung humalik buo niyang katauhan, sadyang kaakit-akit. Iyan ang ayos at larawan nitong aking iniibig.
1. O babaing napakaganda, giliw mo'y saan ba nagpunta? Ika'y aming tutulungan sa paghanap mo sa kanya.
2. Ang mahal kong kasintahan ay nagpunta do'n sa hardin, sa hardin na ang halama'y mababangong mga tanim upang kawan ay bantayan at ang liryo ay pitasin.
3. Ang irog ko'y akin lamang, at sa kanya naman ako; sa kanya na nagpapastol ng kawan sa mga liryo.
4. Katulad ng Jerusalem ang ganda mong tinataglay, tila Tirzang may pang-akit ang iyong kagandahan.
5. Sa aki'y huwag mong ititig ang mata mong mapupungay, pagkat ako'y nabibihag, hindi ako mapalagay. Ang buhok mong anong haba, pagkilos mo'y sumasayaw parang kawan na naglalaro sa bundok ng Gilead.
6. Ang ngipin mo'y kasimputi nitong tupang bagong linis, walang kulang kahit isa, maganda ang pagkaparis.
7. Ang ganda mo'y di magawang maitago nang lubusan nasisinag sa belo mo kagandahang tinataglay.
8. Ang reyna ko'y animnapu, walumpu ang kalaguyo; bukod doo'y marami pang di mabilang na kasuyo.
9. Ngunit ang tangi kong mahal ay iisa lamang, kalapati ang katulad ng taglay niyang kagandahan. Nag-iisa siyang anak ng ina niyang minamahal, kaya siya'y mahal nito nang higit sa kaninuman. “Tunay na siya ay mapalad,” mga dalaga'y nagsasabi mga reyna't kalaguyo sa kanya ay pumupuri.
10. “Sino itong sa tingin ko ay tila bukang-liwayway, kasingganda ng buwan, kasing ningning nitong araw?”
11. Ang hardin ng almendra ay akin nang pinuntahan upang tingnan sa libis, bagong sibol na halaman. Pati ang mga ubas, baka nais nang magbunga, at saka ang mga puno nitong kahoy na granada.
12. Kay laki ng pananabik na ikaw ay makatalik; katulad ko'y mandirigma, labanan ang siyang nais.
13. Magsayaw ka, magsayaw ka, O babaing Sulamita, upang ika'y mapagmasdan, O dalagang sakdal ganda. Ano't inyong ninanais na masdan ang Sulamita, na tulad ng mananayaw sa panahon noong una?
24. Sa daigdig, ikaw, Yahweh, kay rami ng iyong likha! Pagkat ikaw ay marunong kaya ito ay nagawa, sa dami ng nilikha mo'y nakalatan itong lupa.
25. Nariyan ang mga lawa't malawak na karagatan, malalaki't maliliit na isda ay di mabilang.
26. Iba't ibang mga bapor ang dito ay naglalakbay, samantalang ang Leviatang nilikha mo'y kaagapay.
27. Lahat sila'y umaasa, sa iyo ay nag-aabang, umaasa sa pagkain na kanilang kailangan.
28. Ang anumang kaloob mo ay kanilang tinatanggap, mayro'n silang kasiyahan pagkat bukás ang iyong palad.
29. Kapag ika'y lumalayo labis silang nangangamba, takot silang mamatay kung lagutin mo ang hininga; mauuwi sa alabok, pagkat doon sila mula.
30. Taglay mo ang katangiang buhay nila ay ibalik, bagumbuhay ay dulot mo sa nilikha sa daigdig.
19. Huwag kang maiinggit sa mga gumagawa ng masama ni tutulad sa kanilang mga gawa.
20. Ang masama ay walang kinabukasan, walang inaasahan sa hinaharap.
1. Makapagsalita man ako sa mga wika ng mga tao at ng mga anghel, kung wala naman akong pag-ibig, para lamang akong kampanang umaalingawngaw o pompiyang na maingay.
2. Kung ako man ay may kakayahang magsalita ng mensahe mula sa Diyos at umunawa sa lahat ng hiwaga, kung nasa akin man ang lahat ng kaalaman at lahat ng pananampalataya, anupa't nakakapagpalipat ako ng mga bundok, ngunit wala naman akong pag-ibig, wala akong kabuluhan.
3. At kung ipamigay ko man ang lahat ng aking mga ari-arian at ialay ang aking katawan upang sunugin, ngunit wala naman akong pag-ibig, wala rin akong mapapala!
4. Ang pag-ibig ay matiyaga at magandang-loob, hindi maiinggitin, hindi mayabang ni mapagmataas man,
5. hindi magaspang ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim ng sama ng loob sa kapwa.
6. Hindi ito natutuwa sa masama, sa halip ay nagagalak sa katotohanan.
7. Ang pag-ibig ay matiisin, mapagtiwala, puno ng pag-asa, at nagtitiyaga hanggang wakas.
8. Matatapos ang kakayahang magsalita ng mensahe mula sa Diyos, titigil rin ang kakayahang magsalita sa iba't ibang mga wika, at lilipas ang kaalaman, ngunit ang pag-ibig ay walang katapusan.
9. Hindi pa ganap ang ating kaalaman at hindi rin ganap ang kakayahan nating magsalita ng mensahe mula sa Diyos,
10. ngunit pagdating ng ganap, maglalaho na ang di-ganap.
11. Noong ako'y bata pa, ako'y nagsasalita, nag-iisip at nangangatuwirang tulad ng bata. Ngayong ako'y mayroon nang sapat na gulang, iniwanan ko na ang mga asal ng bata.
12. Sa kasalukuyan ang ating nakikita ay tila malabong larawan sa salamin, subalit darating ang araw na ang lahat ay makikita natin nang harapan. Bahagya lamang ang nalalaman ko ngayon, ngunit darating ang araw na malulubos ang kaalamang ito, tulad ng lubos na pagkakilala niya sa akin.
13. Samantala, nananatili ang tatlong ito: ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig, ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig.
Tagalog Bible 2012
New Testament 2012 Philippine Bible Society Old Testament 2005 Philippine Bible Society