1. Ang sabi ni Yahweh, “Dinggin ninyo ako, kayo, na naghahanap ng kaligtasan, at humihingi ng tulong. Pagmasdan ninyo ang batong malaki na inyong pinagmulan, tingnan ninyo ang pinaghuhukayan ng bato na inyong pinanggalingan.
2. Inyong alalahanin ang ninuno ninyong si Abraham, at ang asawa niyang si Sara na sa lahi ninyo'y nagluwal. Nang aking tawagin si Abraham, siya'y walang anak. Ngunit pinagpala ko siya at pinarami ang kanyang lahi.
3. Aking aaliwin ang Jerusalem; at ang lahat ng nakatira sa gumuhong lunsod. Mula sa pagiging tila disyerto, gagawin ko itong tulad ng Halamanan ng Eden. Maghahari roon ang kagalakan at pagpupuri, ang awitan at pasasalamat para sa akin.
4. “Pakinggan ninyo ako aking bayan, ihahayag ko ang kautusan at katarungan na magsisilbing tanglaw para sa lahat.
5. Ang pagliligtas ko ay agad na darating, hindi na magtatagal at ako'y magtatagumpay. Ako'y maghahari sa lahat ng bansa. Ang malalayong bansa ay naghihintay sa akin, at ang pagliligtas ko ang kanilang inaasahan.
6. Sa dakong itaas, sa kalangitan kayo ay tumingin, sa dakong ibaba, dito sa daigdig ay magmasid din. Katulad ng usok, itong kalangita'y pawang maglalaho, at itong daigdig mawawasak namang parang kasuotan. Ang mga naroon, lahat ng nilikha ay parang langaw na mamamatay. Ngunit ang pagliligtas ko ay walang hanggan, ang tagumpay ay walang katapusan.
7. “Ang nakakaalam tungkol sa matuwid, sa aki'y makinig, kayong lingkod ko na tagapag-ingat ng aking kautusan. Hindi kayo dapat matakot sa puna ng tao, o manlupaypay man kung laitin kayo.
8. Katulad ng damit ang mga taong iyan ay masisira, sila'y tulad ng tela na kakainin ng uod; ngunit walang hanggan at para sa lahat ng salinlahi ang aking tagumpay at pagliligtas.”
9. Gumising ka, O Yahweh, at tulungan po ninyo kami! Gamitin mo ang iyong kapangyarihan at iligtas mo po kami, tulad noong una. Hindi ba't kayo ang pumuksa kay Rahab, na dambuhala ng karagatan?
10. Kayo rin po ang nagpatuyo sa dagat at gumawa ng daan sa gitna ng tubig, kaya nakatawid nang maayos ang bayang iyong iniligtas.
11. Ang mga tinubos ninyo'y babalik sa Jerusalem, magsisigawan sa galak, umaawit sa tuwa. Ang mamamalas sa kanilang mukha ay walang hanggang galak, at sa puso nila ang lungkot at hapis ay mawawalang lahat.
12. Sinabi ni Yahweh, “Ako ang nagbibigay ng iyong lakas. Bakit ka matatakot sa kapwa mo tao? Mamamatay rin silang tulad ng damo.
13. Bakit mo nilimot si Yahweh na lumikha sa iyo— siya na naglatag ng kalangitan at naglagay ng pundasyon sa mundo? Bakit lagi kang takot sa nang-aalipin? Dahil ba sa galit sila sa iyo, at gusto kang puksain? Ang galit nila'y huwag mong pansinin.
14. Hindi na magtatagal at ang mga bihag ay palalayain, mabubuhay sila nang matagal at hindi magkukulang sa pagkain.
15. Ako nga si Yahweh, ang Diyos na sa iyo'y lumalang. Aking hinahalo ang pusod ng dagat kaya umiingay ang mga alon. Ang pangalan ko'y Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
16. Itinuro ko na sa iyo ang aking salita, upang ito'y maipahayag mo; at iingatan ka ng aking mga kamay. Ako ang naglatag nitong kalangitan, pati mga pundasyon ng buong daigdig, ako rin ang naglagay; sabi ko sa Jerusalem, ‘Ikaw ang aking bayan.’”
17. Gumising ka Jerusalem! Ikaw ay magbangon, ikaw na umiinom sa kopa ng Diyos na napopoot. Inubos mo hanggang sa masaid ang laman niyon. Kaya ikaw ay susuray-suray ngayon.
18. Sa mga anak mo, wala kahit isang sa iyo'y umaalalay, matapos palakihin, at wala man lang humahawak sa iyong mga kamay.
19. Dalawang sakuna ang dumating sa iyo; winasak ng digmaan ang iyong lupain at nagkagutom ang mga tao. Wala isa mang umaliw sa iyo.
20. Lupaypay na nakahandusay sa lansangan ang mga tao. Tulad nila'y usang nahuli sa bitag ng mangangaso; nadarama nila ang tindi ng poot ni Yahweh, ang galit ng inyong Diyos.
21. Kaya ako'y inyong dinggin, kayong lupasay sa matinding hirap, at wari'y lasing gayong hindi uminom ng alak,
22. ganito ang sabi ni Yahweh, na inyong Diyos at Tagapagtanggol, “Aalisin ko na ang kopa ng aking poot sa inyong mga kamay, at magmula ngayon hindi ka na iinom ng alak na iyan.
23. Aking ililipat ang inuming ito sa inyong mga kaaway, na nagpahandusay sa inyo sa mga lansangan at pagkatapos kayo'y tinapakan.”
1. Gumising ka Jerusalem, magpanibagong-lakas ka! O banal na lunsod, muli mong isuot ang mamahalin mong kasuotan, sapagkat mula ngayon ay hindi na makakapasok diyan ang mga hindi kumikilala sa Diyos.
2. Malaya ka na, Jerusalem! Tumindig ka mula sa kinauupuang alabok, at umupo sa iyong trono. Kalagin mo ang taling nakagapos sa iyo!
3. Ito ang sabi ni Yahweh sa kanyang bayan: “Ipinagbili kayo nang walang bayad, kaya tutubusin din kayo nang walang bayad.”
4. Ganito ang sabi ng Panginoong Yahweh: “Sa simula, ang mga hinirang ko'y nanirahan sa Egipto bilang mga dayuhan. Pagkatapos, inalipin kayo ng mga taga-Asiria na hindi man lamang binayaran.
5. Ganyan din ang nangyari sa inyo nang kayo'y bihagin sa Babilonia. Binihag kayo at hindi binayaran. Nagmamayabang ang mga bumihag sa inyo. Walang humpay ang kanilang paglait sa aking pangalan.
6. Kaya darating ang araw, malalaman ninyong ako ang Diyos na nagsalita sa inyo.”
7. O kay gandang pagmasdan sa mga kabundukan, ang sugong dumarating upang ipahayag ang kapayapaan, at nagdadala ng Magandang Balita. Ipahahayag niya ang tagumpay at sasabihin: “Zion, ang Diyos mo ay naghahari!”
8. Narito! Sisigaw ang nagbabantay, dahil sa galak, sama-sama silang aawit; makikita nila si Yahweh na babalik sa Zion.
9. Magsiawit kayo, mga guhong pader nitong Jerusalem; sapagkat inaliw ng Diyos ang hinirang niyang bayan; iniligtas na niya itong Jerusalem.
10. Sa lahat ng bansa, makikita ng mga nilalang, ang kamay ni Yahweh na tanda ng kalakasan; at ang pagliligtas ng ating Diyos tiyak na mahahayag.
11. Lisanin ninyo ang Babilonia, mga tagapagdala ng kasangkapan ng Templo. Huwag kayong hihipo ng anumang bagay na ipinagbabawal. Manatili kayong malinis at kayo ay mag-alisan.
12. Ngayon ay lalakad kayong hindi na nagmamadali. Hindi na kayo magtatangkang tumakas. Papatnubayan kayo ni Yahweh; at iingatan sa lahat ng saglit ng Diyos ng Israel.
13. Sinabi ni Yahweh, “Ang lingkod ko'y magtatagumpay sa kanyang gawain; mababantog siya at dadakilain.
14. Marami ang nagulat nang siya'y makita, dahil sa pagkabugbog sa kanya, halos hindi makilala kung siya ay tao.
15. Ngayo'y marami rin ang mga bansang magugulantang; pati mga hari kapag siya'y nakita ay matitigilan. Makikita nila ang hindi nabalita kahit na kailan, at mauunawaan ang hindi pa narinig ninuman!”
5. Ang mapagpautang nagiging mapalad, kung sa hanapbuhay siya'y laging tapat.
6. Hindi mabibigo ang taong matuwid, di malilimutan kahit isang saglit.
7. Masamang balita'y hindi nagigitla, matatag ang puso't kay Yahweh'y tiwala.
8. Wala siyang takot, hindi nangangamba, alam na babagsak ang kaaway niya.
9. Nagbibigay sa mga nangangailangan, pagiging mat'wid niya'y walang hanggan, buong karangalang siya'y itataas.
10. Kung makita ito ng mga masama, lumalayas silang mabagsik ang mukha; pagkat ang pag-asa'y lubos nang nawala.
16. Ang palagay ng tamad, siya ay mas marunong kaysa pitong taong wasto kung tumugon.
1. Noong una'y patay kayo dahil sa inyong mga pagsuway at mga kasalanan.
2. Sinusunod ninyo noon ang masamang takbo ng mundong ito, at napailalim kayo sa pinuno ng mga kapangyarihan sa himpapawid, ang espiritung naghahari sa mga taong ayaw pasakop sa Diyos.
3. Ang totoo, tayong lahat ay dati ring namumuhay ayon sa pagnanasa ng ating laman, at sumusunod sa mga hilig ng katawan at pag-iisip. Kaya't sa ating likas na kalagayan, kabilang tayo sa mga taong kinapopootan ng Diyos.
4. Subalit napakasagana ng habag ng Diyos at napakadakila ng pag-ibig niya sa atin.
5. Tayo'y binuhay niyang kasama ni Cristo noong tayo'y mga patay pa dahil sa ating pagsuway. Naligtas nga kayo dahil sa kanyang kagandahang-loob.
6. Dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus, tayo'y muling binuhay na kasama niya upang mamunong kasama niya sa kalangitan.
7. Ginawa niya ito upang sa darating na mga panahon ay maipakita niya ang di-masukat na kasaganaan ng kanyang kagandahang-loob, sa kabutihan niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus.
8. Sapagkat dahil sa kagandahang-loob ng Diyos kayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito'y kaloob ng Diyos at hindi mula sa inyong sarili;
9. hindi ito bunga ng inyong mga gawa kaya't walang maipagmamalaki ang sinuman.
10. Kung ano tayo ngayon ay gawa ng Diyos, at sa pakikipag-isa natin kay Cristo Jesus ay nilikha niya tayo para sa mabubuting gawa na inihanda niya noong una pa man upang gawin natin.
11. Kaya't alalahanin ninyo ang dati ninyong kalagayan. Kayo'y ipinanganak na mga Hentil, at “di-tuli” ang tawag sa inyo ng mga Judio. Ang mga Judio naman ay tinatawag na mga “tuli” dahil sa ginagawa sa kanilang katawan.
12. Noong panahong iyon, hiwalay kayo kay Cristo, hindi kabilang sa bayang Israel, at hindi saklaw ng tipan na nababatay sa mga pangako ng Diyos. Noo'y nabubuhay kayo sa mundo nang walang pag-asa at walang Diyos.
13. Ngunit ngayon, dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus, kayo na dati'y malayo ay inilapit sa pamamagitan ng dugo ni Cristo.
14. Sapagkat si Cristo mismo ang nagbigay sa atin ng kapayapaan dahil pinag-isa niya ang mga Judio at ang mga Hentil. Sa pamamagitan ng kanyang katawan, giniba niya ang pader ng alitan na naghihiwalay sa atin.
15. Pinawalang-bisa niya ang Kautusan, kasama ang mga utos at mga alituntunin nito upang mula sa dalawang lahi ay makalikha siya ng isang bagong bayan na nakipag-isa sa kanya at sa gayon ay magkaroon ng kapayapaan.
16. Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus, winakasan niya ang kanilang alitan, pinagkasundo sila sa Diyos at pinagbuklod sa iisang katawan.
17. Naparito nga si Cristo at ipinangaral niya sa lahat ang Magandang Balita ng kapayapaan, sa inyong mga Hentil na noo'y malalayo, at sa mga Judio na malalapit.
18. Dahil kay Cristo, tayong lahat ay nakakalapit sa Ama sa pamamagitan ng iisang Espiritu.
19. Samakatuwid, hindi na kayo mga dayuhan o taga-ibang bansa, kundi mga kababayan na ng mga hinirang ng Diyos at kabilang sa kanyang sambahayan.
20. Tulad ng isang gusali, kayo'y itinayo sa pundasyong inilagay ng mga apostol at mga propeta, na ang batong panulukan ay si Cristo Jesus.
21. Sa pamamagitan niya, ang bawat bahagi ng gusali ay nagkakaugnay-ugnay at nagiging isang templo na nakatalaga sa Panginoon.
22. Dahil din sa inyong pakikipag-isa sa kanya, kayo man ay sama-samang itinatayo bilang tahanan ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu.
Tagalog Bible 2012
New Testament 2012 Philippine Bible Society Old Testament 2005 Philippine Bible Society