1. At itinayo ni Salomon ang kaniyang sariling bahay na labing tatlong taon, at kaniyang nayari ang kaniyang buong bahay.
2. Sapagka't kaniyang itinayo ang bahay na kahoy sa gubat ng Libano; ang haba'y isang daang siko, at ang luwang ay limang pung siko, at ang taas ay tatlong pung siko, sa apat na hanay na haliging sedro na may sikang na sedro sa ibabaw ng mga haligi.
3. At binubungan ng sedro sa ibabaw ng apat na pu't limang sikang, na nasa ibabaw ng mga haligi; labing lima sa isang hanay.
4. At may mga dungawan sa tatlong grado, at ang liwanag ng mga yaon ay nangagkakatapatan, sa tatlong grado.
5. At ang lahat na pintuan at mga haligi ay pawang parisukat ang anyo: at ang mga liwanag ay nangagkakatapatan, sa tatlong grado.
6. At siya'y gumawa ng portiko na may mga haligi: ang haba niyao'y limang pung siko, at ang luwang niyao'y tatlong pung siko, at may isang portiko na nasa harap ng mga yaon; at mga haligi at sikang ang nangasa harap ng mga yaon.
7. At kaniyang ginawa ang portiko ng luklukan na kaniyang paghuhukuman, sa makatuwid baga'y ang portiko ng hukuman: at nababalot ng sedro sa lapag at lapag.
8. At ang kaniyang bahay na tahanan, ibang looban sa loob ng portiko ay sa gayon ding gawa. Kaniyang iginawa rin naman ng bahay ang anak na babae ni Faraon (na naging asawa ni Salomon) na hawig portikong ito.
9. Ang lahat na ito'y mga mahalagang bato, sa makatuwid baga'y mga batong tabas, ayon sa sukat, na nilagari ng mga lagari, sa labas at sa loob, mula sa mga tatagang-baon hanggang sa kataastaasan, at gayon sa labas hanggang sa malaking looban.
10. At ang tatagang-baon ay mga mahalagang bato, sa makatuwid baga'y mga malaking bato, mga batong may sangpung siko, at mga batong may walong siko.
11. At sa ibabaw ay may mga mahalagang bato, sa makatuwid baga'y mga batong tabas, ayon sa sukat, at kahoy na sedro.
12. At ang malaking looban sa palibot ay may tatlong hanay ng batong tabas, at isang hanay na sikang na sedro; gaya ng pinakaloob na looban ng bahay ng Panginoon, at ng portiko ng bahay.
13. At nagsugo ang haring Salomon, at ipinasundo si Hiram sa Tiro.
14. Siya'y anak ng isang babaing bao sa lipi ni Nephtali, at ang kaniyang ama ay lalaking taga Tiro, na manggagawa sa tanso; at siya'y puspos ng karunungan, at katalinuhan, at kabihasahan, upang gumawa ng lahat na gawain sa tanso. At siya'y naparoon sa haring Salomon, at ginawa ang lahat niyang gawain.
15. Sapagka't kaniyang tinabas ang dalawang haligi na tanso, na may labing walong siko ang taas ng bawa't isa: at isang panukat na pisi na may labing dalawang siko ay maipalilibid sa bilog ng alinman sa bawa't isa.
16. At siya'y gumawa ng dalawang kapitel na binubong tanso, upang ilagay sa mga dulo ng mga haligi: ang taas ng isang kapitel ay limang siko at ang taas ng kabilang kapitel ay limang siko.
17. May mga yaring nilambat, at mga tirintas na yaring tinanikala, na ukol sa mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi; pito sa isang kapitel, at pito sa kabilang kapitel.
18. Gayon ginawa niya ang mga haligi: at mayroong dalawang hanay sa palibot ng isang yaring lambat, upang takpan ang mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi; at gayon ang ginawa niya sa kabilang kapitel.
19. At ang mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi sa portiko ay mga yaring lila, na apat na siko.
20. At may mga kapitel naman sa dulo ng dalawang haligi, na malapit sa pinakatiyan na nasa siping ng yaring lambat: at ang mga granada ay dalawang daan, na nahahanay sa palibot sa ikalawang kapitel.
21. At kaniyang itinayo ang mga haligi sa portiko ng templo: at kaniyang itinayo ang kanang haligi, at pinanganlang Jachin: at kaniyang itinayo ang kaliwang haligi, at pinanganlang Boaz.
22. At sa dulo ng mga haligi ay may yaring lila: sa gayo'y ang gawain sa mga haligi ay nayari.
23. At kaniyang ginawa ang binubong dagatdagatan na may sangpung siko mula sa labi't labi, na lubos na mabilog, at ang taas ay limang siko: at isang panukat na pisi na may tatlong pung siko ang maipalilibid sa palibot.
24. At sa ilalim ng labi sa paligid ay may mga kulukuti sa palibot, na sangpu sa bawa't siko, na nakalibid sa dagatdagatan sa palibot: ang mga kulukuti ay dalawang hanay, na binubo ng bubuin ang binubong dagatdagatan.
25. Nakapatong ang dagatdagatan sa labing dalawang baka, ang tatlo'y nakaharap sa dakong hilagaan, ang tatlo'y nakaharap sa dakong kalunuran, ang tatlo'y nakaharap sa dakong timugan, at ang tatlo'y nakaharap sa dakong silanganan; at ang dagatdagatan ay napapatong sa mga yaon, at ang lahat na puwitan ng mga yaon ay nasa loob.
26. At ang kapal ng dagatdagatan ay isang dangkal; at ang labi niyaon ay yaring gaya ng labi ng isang tasa, gaya ng bulaklak na lila: naglalaman ng dalawang libong bath.
27. At siya'y gumawa ng sangpung patungang tanso: apat na siko ang haba ng bawa't isa at apat na siko ang luwang, at tatlong siko ang taas.
28. At ang pagkayari ng mga patungan ay ganitong paraan: may mga gilid na takip sa pagitan ng mga sugpong:
29. At sa mga gilid na takip na nasa pagitan ng mga sugpong ay may mga leon, mga baka, at mga querubin; at sa itaas ng mga sugpong ay may tungtungan sa ibabaw; at sa ibaba ng mga leon, at mga baka, ay may mga tirintas na nangagbitin.
30. At bawa't patungan ay may apat na gulong na tanso, at mga ejeng tanso: at ang apat na paa niyao'y may mga lapatan: sa ilalim ng hugasan ay may mga lapatan na binubo, na may mga tirintas sa siping ng bawa't isa.
31. At ang bunganga niyaong nasa loob ng kapitel, at ang taas ay may isang siko: at ang bunganga niyao'y mabilog ayon sa pagkayari ng tungtungan, na may isang siko't kalahati: at sa bunganga naman niyao'y may mga ukit, at ang mga gilid ng mga yaon ay parisukat, hindi mabilog.
32. At ang apat na gulong ay nasa ibaba ng mga gilid; at ang mga eje ng mga gulong ay nasa patungan: at ang taas ng bawa't gulong ay isang siko at kalahati.
33. At ang pagkagawa ng mga gulong ay gaya ng pagkagawa ng mga gulong ng karo: ang mga eje ng mga yaon, at ang mga Ilanta ng mga yaon, at ang mga rayos ng mga yaon at ang mga boha niyaon ay pawang binubo.
34. At may apat na lapatan sa apat na panulok ng bawa't patungan: ang mga lapatan ay kaputol ng patungan.
35. At sa ibabaw ng patungan ay may isang nakababakod na mabilog na may kalahating siko ang taas: at sa ibabaw ng patunga'y nandoon ang mga panghawak, at ang mga gilid ay kaputol niyaon.
36. At sa mga lamina ng mga panghawak niyaon at sa mga gilid niyaon, ay kaniyang inukitan ng mga querubin, mga leon, at mga puno ng palma ayon sa pagitan ng bawa't isa, na may mga tirintas sa palibot.
37. Ayon sa paraang ito ay kaniyang ginawa ang sangpung patungan: lahat ng yaon ay iisa ang pagkabubo, iisa ang sukat, at iisa ang anyo.
38. At siya'y gumawa ng sangpung hugasang tanso: isang hugasan ay naglalaman ng apat na pung bath: at bawa't hugasan ay may apat na siko: at sa bawa't isa sa sangpung patungan ay isang hugasan.
39. At kaniyang inilagay ang mga patungan, lima sa kanang tagiliran ng bahay, at lima sa kaliwang tagiliran ng bahay: at kaniyang inilagay ang dagatdagatan sa tagilirang kanan ng bahay sa dakong silanganan, na dakong timugan.
40. At ginawa ni Hiram ang mga hugasan, at ang mga pala, at ang mga mangkok. Gayon tinapos gawin ni Hiram ang lahat na gawa na kaniyang ginawa sa haring Salomon, sa bahay ng Panginoon:
41. Ang dalawang haligi, at ang dalawang kabilugan sa paligid ng mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi; at ang dalawang yaring lambat na nakaligid sa dalawang kabilugan ng mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi;
42. At ang apat na raang granada sa dalawang yaring lambat; ang dalawang hanay na granada sa bawa't yaring lambat, upang makaligid sa dalawang kabilugan ng mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi;
43. At ang sangpung patungan, at ang sangpung hugasan sa ibabaw ng mga patungan;
44. At ang isang dagatdagatan, at ang labing dalawang baka sa ilalim ng dagatdagatan;
45. At ang mga palyok, at ang mga pala, at ang mga mangkok: sa makatuwid baga'y lahat ng kasangkapang ito na ginawa ni Hiram sa haring Salomon, sa bahay ng Panginoon, ay pawang tansong binuli.
46. Sa kapatagan ng Jordan binubo ng hari, sa malagkit na lupa na nasa pagitan ng Succoth at ng Sarthan.
47. At lahat na kasangkapan ay hindi tinimbang ni Salomon, sapagka't totoong napakarami: ang timbang ng tanso ay hindi makukuro.
48. At ginawa ni Salomon ang lahat na kasangkapan na nasa bahay ng Panginoon: ang ginintong dambana, at ang dulang na gininto na kinaroroonan ng tinapay na handog;
49. At ang mga kandelero na taganas na ginto na lima sa dakong kanan, at lima sa kaliwa sa harap ng sanggunian; at ang mga bulaklak, at ang mga ilawan, at mga pangipit na ginto;
50. At ang mga saro, at ang mga panggupit ng micha, at ang mga mangkok, at ang mga panandok, at ang mga suuban, na taganas na ginto; at ang mga pihitang ginto maging ang sa mga pinto ng bahay sa loob, na kabanalbanalang dako, at ang sa mga pinto ng bahay, sa makatuwid baga'y ng templo.
51. Ganito nayari ang buong gawa ng haring Salomon na ginawa sa bahay ng Panginoon. At ipinasok ni Salomon ang mga bagay na itinalaga ni David na kaniyang ama, ang pilak at ang ginto, at ang mga kasangkapan, at ipinasok sa mga silid ng kayamanan ng bahay ng Panginoon.
1. Nang magkagayo'y pinisan ni Salomon ang mga matanda ng Israel at ang lahat na pangulo sa mga lipi, ang mga prinsipe sa mga sangbahayan ng mga magulang ng mga anak ni Israel, sa haring Salomon sa Jerusalem, upang iahon ang kaban ng tipan ng Panginoon mula sa bayan ni David na siyang Sion.
2. At ang lahat na lalake sa Israel ay nagpisan kay haring Salomon sa kapistahan, sa buwan ng Ethanim, na siyang ikapitong buwan.
3. At ang lahat na matanda sa Israel ay naparoon, at binuhat ng mga saserdote ang kaban.
4. At kanilang iniahon ang kaban ng Panginoon, at ang tabernakulo ng kapisanan, at ang lahat na banal na kasangkapan na nasa Tolda; iniahon nga ang mga ito ng mga saserdote at ng mga Levita.
5. At ang haring Salomon at ang buong kapulungan ng Israel na nangagpisan sa kaniya, ay mga kasama niya sa harap ng kaban, na naghahain ng mga tupa at mga baka, na di masasaysay o mabibilang man dahil sa karamihan.
6. At ipinasok ng mga saserdote ang kaban ng tipan ng Panginoon sa karoroonan, sa loob ng sanggunian ng bahay, sa kabanalbanalang dako, sa ilalim ng mga pakpak ng mga querubin.
7. Sapagka't nangakabuka ang mga pakpak ng mga querubin sa dako ng kaban, at ang mga querubin ay nagbibigay kanlong sa kaban at sa mga pingga niyaon sa ibabaw.
8. At ang mga pingga ay nangapakahaba, na ang mga dulo ng mga pingga ay nakikita mula sa dakong banal sa harap ng sanggunian; nguni't hindi nangakikita sa labas: at nandoon hanggang sa araw na ito.
9. Walang anomang bagay sa kaban liban sa dalawang tapyas na bato na inilagay ni Moises doon sa Horeb, nang ang Panginoon ay makipagtipan sa mga anak ni Israel, nang sila'y lumabas sa lupain ng Egipto.
10. At nangyari, nang ang mga saserdote ay magsilabas sa dakong banal, na napuno ng ulap ang bahay ng Panginoon.
11. Na anopa't ang mga saserdote ay hindi makatayo upang mangasiwa dahil sa ulap: sapagka't napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay ng Panginoon.
12. Nang magkagayo'y nagsalita si Salomon, Ang Panginoo'y nagsabi na siya'y tatahan sa salimuot na kadiliman.
13. Tunay na ipinagtayo kita ng isang bahay na tahanan, ng isang dako upang iyong tahanan magpakailan man.
14. At ipinihit ng hari ang kaniyang mukha, at binasbasan ang buong kapisanan ng Israel: at ang buong kapisanan ng Israel ay tumayo.
15. At kaniyang sinabi, Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, na nagsalita ng kaniyang bibig kay David na aking ama, at tinupad ng kaniyang kamay, na sinasabi,
16. Mula nang araw na aking ilabas ang aking bayang Israel sa Egipto, hindi ako pumili ng bayan sa lahat ng mga lipi ng Israel upang magtayo ng bahay, upang ang aking pangalan ay dumoon; nguni't aking pinili si David upang maging pangulo sa aking bayang Israel.
17. Nasa puso nga ni David na aking ama ang ipagtayo ng isang bahay ang pangalan ng Panginoon, ang Dios ng Israel.
18. Nguni't sinabi ng Panginoon kay David na aking ama, Sa paraang nasa iyong puso ang ipagtayo ng isang bahay ang aking pangalan, mabuti ang iyong ginawa na inakala mo sa iyong puso;
19. Gayon ma'y hindi mo itatayo ang bahay; kundi ang iyong anak na lalabas sa iyong mga balakang, siyang magtatayo ng bahay na ukol sa aking pangalan.
20. At pinagtibay ng Panginoon ang kaniyang salita na kaniyang sinalita: sapagka't ako'y bumangon na kahalili ni David na aking ama, at nakaupo sa luklukan ng Israel, gaya ng ipinangako ng Panginoon, at nagtayo ako ng bahay na ukol sa pangalan ng Panginoon, ng Dios ng Israel.
21. At doo'y aking ipinaghanda ng isang dako ang kaban, na kinaroroonan ng tipan ng Panginoon na kaniyang ginawa sa ating mga magulang, nang kaniyang ilabas sila sa lupain ng Egipto.
22. At si Salomon ay tumayo sa harap ng dambana ng Panginoon, sa harapan ng buong kapisanan ng Israel, at iginawad ang kaniyang mga kamay sa dakong langit:
23. At kaniyang sinabi, Oh Panginoong Dios ng Israel, walang Dios na gaya mo, sa langit sa itaas, o sa lupa sa ibaba; na siyang nagiingat ng tipan at ng kaawaan sa iyong mga lingkod, na lumalakad sa harap mo ng kanilang buong puso.
24. Na siyang nagingat sa iyong lingkod na kay David na aking ama ng iyong ipinangako sa kaniya: oo, ikaw ay nagsalita ng iyong bibig, at ginanap mo ng iyong kamay, gaya sa araw na ito.
25. Ngayon nga, Oh Panginoon, na Dios ng Israel, tuparin mo sa iyong lingkod na kay David na aking ama ang iyong ipinangako sa kaniya, na iyong sinasabi, Hindi magkukulang sa iyo ng lalake sa aking paningin, na uupo sa luklukan ng Israel, kung ang iyong mga anak lamang ay magsisipagingat ng kanilang lakad, na magsisilakad sa harap ko na gaya ng inilakad mo sa harap ko.
26. Ngayon nga, Oh Dios ng Israel, idinadalangin ko sa iyo na papangyarihin mo ang iyong salita na iyong sinalita sa iyong lingkod na kay David na aking ama.
27. Nguni't katotohanan bang tatahan ang Dios sa lupa? Narito, sa langit at sa langit ng mga langit ay hindi ka magkasiya; gaano pa sa bahay na ito na aking itinayo!
28. Gayon ma'y iyong pakundanganan ang dalangin ng iyong lingkod at ang kaniyang pamanhik, Oh Panginoon kong Dios, na dinggin ang daing at dalangin na idinadalangin ng iyong lingkod sa harap mo sa araw na ito:
29. Na anopa't ang iyong mga mata ay idilat sa dako ng bahay na ito gabi at araw, sa dakong iyong sinabi, Ang aking pangalan ay doroon; upang dinggin ang panalangin na idadalangin ng iyong lingkod sa dakong ito.
30. At dinggin mo ang pamanhik ng iyong lingkod, at ng iyong bayang Israel, pagka sila'y mananalangin sa dakong ito: oo, dinggin mo sa langit na iyong tahanang dako; at pagka iyong narinig patawarin mo.
31. Kung ang isang tao ay magkasala laban sa kaniyang kapuwa, at papanumpain siya upang siya'y sumumpa, at siya'y pumarito at manumpa sa harap ng iyong dambana sa bahay na ito:
32. Dinggin mo nga sa langit, at iyong gawin, at hatulan mo ang iyong mga lingkod, na iyong parusahan ang masama, upang iyong dalhin ang kaniyang lakad sa kaniyang sariling ulo; at ariing-ganap ang matuwid, upang bigyan siya ng ayon sa kaniyang katuwiran.
33. Pagka ang iyong bayang Israel ay nasaktan sa harap ng kaaway, dahil sa sila'y nagkasala laban sa iyo; kung sila'y bumalik sa iyo, at ipahayag ang iyong pangalan, at dumalangin at pumanhik sa iyo sa bahay na ito:
34. Dinggin mo nga sa langit, at ipatawad mo ang sala ng iyong bayang Israel, at dalhin mo sila uli sa lupain na iyong ibinigay sa kanilang mga magulang.
35. Pagka ang langit ay nasarhan, at walang ulan, dahil sa sila'y nagkasala laban sa iyo; kung sila'y dumalangin sa dakong ito, at ipahayag ang iyong pangalan, at talikdan ang kanilang kasalanan, pagka iyong pinighati sila:
36. Dinggin mo nga sa langit, at ipatawad mo ang sala ng iyong mga lingkod, at ng iyong bayang Israel, pagka iyong tuturuan sila ng mabuting daan na kanilang dapat lakaran; at paulanan mo ang iyong lupain na iyong ibinigay sa iyong bayan na pinakamana.
37. Kung magkaroon ng kagutom sa lupain, kung magkaroon ng salot, kung magkaroon ng pagkakatuyot, o amag, balang o tipaklong, kung kulungin sila ng kanilang kaaway sa lupain ng kanilang mga bayan; anomang salot, anomang sakit na magkaroon,
38. Anomang dalangin at pamanhik na gawin ng sinomang tao, o ng iyong buong bayang Israel, na makikilala ng bawa't tao ang salot sa kaniyang sariling puso, at iuunat ang kaniyang mga kamay sa dako ng bahay na ito:
39. Dinggin mo nga sa langit na iyong tahanang dako, at ikaw ay magpatawad at gumawa, at gumanti ka sa bawa't tao ayon sa lahat niyang mga lakad na ang puso ay iyong natataho; (sapagka't ikaw, ikaw lamang ang nakakataho ng mga puso ng lahat ng mga anak ng mga tao;)
40. Upang sila'y matakot sa iyo sa lahat ng kaarawan na kanilang ikabubuhay sa lupain na iyong ibinigay sa aming mga magulang.
41. Bukod dito'y tungkol sa taga ibang lupa, na hindi sa iyong bayang Israel, pagka siya'y magbubuhat sa isang malayong lupain dahil sa iyong pangalan;
42. (Sapagka't kanilang mababalitaan ang iyong dakilang pangalan, at ang iyong makapangyarihang kamay, at ang iyong unat na bisig:) pagka siya'y paririto at dadalangin sa dako ng bahay na ito;
43. Dinggin mo nga sa langit na iyong tahanang dako, at gawin mo ang ayon sa lahat na idalangin sa iyo ng taga ibang lupa; upang makilala ng lahat ng mga bayan sa lupa ang iyong pangalan, upang matakot sa iyo, gaya ng iyong bayang Israel, at upang kanilang makilala na ang bahay na ito na aking itinayo ay tinatawag sa pamamagitan ng iyong pangalan.
44. Kung ang iyong bayan ay lumabas sa pakikipagbaka laban sa kaniyang mga kaaway, saan mo man sila suguin, at manalangin sa Panginoon sa dako ng bayan na iyong pinili, at sa dako ng bahay na aking itinayo na ukol sa iyong pangalan:
45. Dinggin mo nga sa langit ang kanilang dalangin at ang kanilang pamanhik, at alalayan mo ang kanilang usap.
46. Kung sila'y magkasala laban sa iyo, (sapagka't walang tao na di nagkakasala,) at ikaw ay magalit sa kanila, at ibigay mo sila sa kaaway, na anopa't sila'y dalhing bihag sa lupain ng kaaway sa malayo o sa malapit;
47. Gayon ma'y kung sila'y magbulay sa kanilang sarili sa lupain na pagdadalhang bihag sa kanila, at magbalik-loob, at mamanhik sa iyo sa lupaing pinagdalhan sa kanila na bihag, na magsabi, Kami ay nagkasala, at kami ay gumawa ng kalikuan, kami ay gumawa ng kasamaan;
48. Kung sila'y bumalik sa iyo ng buong puso nila at ng buong kaluluwa nila sa lupain ng kanilang mga kaaway, na nagdala sa kanilang bihag, at manalangin sa iyo sa dako ng kanilang lupain, na iyong ibinigay sa kanilang mga magulang, na bayang pinili mo, at bahay na aking itinayo na ukol sa iyong pangalan:
49. Dinggin mo nga ang kanilang dalangin at ang kanilang pamanhik sa langit na iyong tahanang dako, at alalayan mo ang kanilang usap;
50. At patawarin mo ang iyong bayan, na nagkasala laban sa iyo, at ang lahat nilang pagsalangsang na kanilang isinalangsang laban sa iyo; at mahabag ka sa kanila sa harap niyaong mga nagdalang bihag sa kanila, upang sila'y mahabag sa kanila:
51. (Sapagka't sila'y iyong bayan at iyong mana, na iyong inilabas sa Egipto sa gitna ng hurnong bakal):
52. Upang ang iyong mga mata'y madilat sa dalangin ng iyong lingkod, at sa dalangin ng iyong bayang Israel, upang iyong dinggin sila sa anomang panahong kanilang idaing sa iyo.
53. Sapagka't iyong inihiwalay sila sa gitna ng lahat ng mga bayan sa lupa upang maging iyong mana, gaya ng iyong sinalita sa pamamagitan ni Moises na iyong lingkod nang iyong ilabas ang aming mga magulang sa Egipto, Oh Panginoong Dios.
54. At nangyari, na pagkatapos ni Salomon na makapanalangin nitong lahat na dalangin at pamanhik sa Panginoon, siya'y tumindig mula sa harap ng dambana ng Panginoon, sa pagkaluhod ng kaniyang mga tuhod na ang kaniyang mga kamay ay nakagawad sa dakong langit.
55. At siya'y tumayo, at binasbasan ang buong kapisanan ng Israel ng malakas na tinig, na sinasabi,
56. Purihin ang Panginoon na nagbigay kapahingahan sa kaniyang bayang Israel, ayon sa lahat na kaniyang ipinangako: walang nagkulang na isang salita sa lahat niyang mabuting pangako, na kaniyang ipinangako sa pamamagitan ni Moises na kaniyang lingkod.
57. Sumaatin nawa ang Panginoon nating Dios, kung paanong siya'y sumaating mga magulang: huwag niya tayong iwan o pabayaan man;
58. Upang kaniyang ihilig ang ating mga puso sa kaniya, upang magsilakad sa lahat ng kaniyang mga daan, at ingatan ang kaniyang mga utos, at ang kaniyang mga palatuntunan, at ang kaniyang mga kahatulan, na kaniyang iniutos sa ating mga magulang.
59. At ang mga salitang ito na aking idinalangin sa harap ng Panginoon ay malapit nawa sa Panginoon nating Dios sa araw at gabi, na kaniyang alalayan ang usap ng kaniyang lingkod, at ang usap ng kaniyang bayang Israel, ayon sa kailangan sa araw araw;
60. Upang maalaman ng lahat na bayan sa lupa, na ang Panginoon ay siyang Dios: walang iba.
61. Kaya't maging sakdal nawa ang inyong puso sa Panginoon nating Dios, na magsilakad sa kaniyang mga palatuntunan, at ingatan ang kaniyang mga utos, gaya sa araw na ito.
62. At ang hari, at ang buong Israel na kasama niya, ay naghandog ng hain sa harap ng Panginoon.
63. At naghandog si Salomon ng haing mga handog tungkol sa kapayapaan ng kaniyang inihandog sa Panginoon, na dalawang pu't dalawang libong baka, at isang daan at dalawang pung libong tupa. Ganito itinalaga ng hari at ng lahat ng mga anak ni Israel ang bahay ng Panginoon.
64. Nang araw ding yaon ay pinapaging banal ng hari ang gitna ng looban na nasa harap ng bahay ng Panginoon: sapagka't doon niya inihandog ang handog na susunugin, at ang handog na harina, at ang taba ng mga handog tungkol sa kapayapaan, sapagka't ang tansong dambana na nasa harap ng Panginoon ay totoong maliit na hindi magkasya roon ang handog na susunugin, at ang handog na harina, at ang taba ng mga handog tungkol sa kapayapaan.
65. Sa gayo'y ipinagdiwang ni Salomon ang kapistahan nang panahong yaon at ang buong Israel na kasama niya, isang malaking kapisanan na mula sa pasukan sa Hamath hanggang sa batis ng Egipto sa harap ng Panginoon nating Dios, na pitong araw, at pitong araw, sa makatuwid baga'y labing apat na araw.
66. Nang ikawalong araw, ay kaniyang pinapagpaalam ang bayan: at kanilang pinuri ang hari, at naparoon sa kanilang mga tolda na galak at may masayang puso dahil sa lahat na kabutihan na ipinakita ng Panginoon kay David na kaniyang lingkod, at sa Israel na kaniyang bayan.
28. Ang Dios mo'y nagutos ng iyong kalakasan: patibayin mo, Oh Dios, ang ginawa mo sa amin.
29. Dahil sa iyong templo sa Jerusalem mga hari ay mangagdadala ng mga kaloob sa iyo.
30. Sawayin mo ang mga mailap na hayop sa mga puno ng tambo, ang karamihan ng mga toro na kasama ng mga guya ng mga bayan, na niyayapakan sa ilalim ng paa ang mga putol ng pilak; iyong pinangalat ang mga bayan na nangagagalak sa pagdidigma.
31. Mga pangulo ay magsisilabas sa Egipto; magmamadali ang Etiopia na igawad ang kaniyang mga kamay sa Dios.
32. Magsiawit kayo sa Dios, kayong mga kaharian sa lupa; Oh magsiawit kayo ng mga pagpuri sa Panginoon.
33. Sa kaniya na sumasakay sa langit ng mga langit, na noon pang una: narito, binibigkas niya ang kaniyang tinig, na makapangyarihang tinig,
34. Inyong isa Dios ang kalakasan: ang kaniyang karilagan ay nasa Israel, at ang kaniyang kalakasan ay nasa mga langit.
35. Oh Dios, ikaw ay kakilakilabot mula sa iyong mga dakong banal: ang Dios ng Israel, ay nagbibigay ng kalakasan at kapangyarihan sa kaniyang bayan. Purihin ang Panginoon.
16. Bakit may halaga sa kamay ng mangmang upang ibili ng karunungan, gayong wala siyang pagkaunawa?
17. Ang kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at ang kapatid ay ipinanganak na ukol sa kasakunaan.
1. Isang tao nga na may-sakit, si Lazaro na taga Betania, na nayon ni Maria at ni Marta na kaniyang kapatid.
2. At ito'y yaong si Maria na nagpahid sa Panginoon ng unguento, at kinuskos ang kaniyang mga paa ng kaniyang mga buhok, na ang kaniyang kapatid na si Lazaro ay may-sakit.
3. Nagpasugo nga sa kaniya ang mga kapatid na babae, na nagsasabi, Panginoon, narito, siya na iyong iniibig ay may-sakit.
4. Nguni't pagkarinig ni Jesus nito, ay sinabi niya, Ang sakit na ito'y hindi sa ikamamatay, kundi sa ikaluluwalhati ng Dios, upang ang Anak ng Dios ay luwalhatiin sa pamamagitan niyaon.
5. Iniibig nga ni Jesus si Marta, at ang kaniyang kapatid na babae, at si Lazaro.
6. Nang mabalitaan nga niya na siya'y may-sakit, siya'y tumahang dalawang araw nang panahong yaon sa dating kinaroroonan niya.
7. Saka pagkatapos nito ay sinabi niya sa mga alagad, Tayo nang muli sa Judea.
8. Sinabi sa kaniya ng mga alagad, Rabi, ngayo'y pinagsisikapang batuhin ka ng mga Judio; at muli kang paroroon doon?
9. Sumagot si Jesus, Hindi baga ang araw ay may labingdalawang oras? Kung ang isang tao'y lumalakad samantalang araw, ay hindi siya natitisod, sapagka't nakikita niya ang ilaw ng sanglibutang ito.
10. Nguni't ang isang taong lumalakad samantalang gabi, ay natitisod siya, sapagka't walang ilaw sa kaniya.
11. Ang mga bagay na ito'y sinalita niya: at pagkatapos nito'y sinabi niya sa kanila, Si Lazaro na ating kaibigan ay natutulog; nguni't ako'y paroroon, upang gisingin ko siya sa pagkakatulog.
12. Sinabi nga ng mga alagad sa kaniya, Panginoon, kung siya'y natutulog, ay siya'y gagaling.
13. Sinalita nga ni Jesus ang tungkol sa kaniyang pagkamatay: datapuwa't sinapantaha nila na ang sinalita ay ang karaniwang pagtulog.
14. Nang magkagayon nga ay sinabi sa kanila ni Jesus ng malinaw, Si Lazaro ay patay.
15. At ikinagagalak ko dahil sa inyo rin na ako'y wala roon, upang kayo'y magsipaniwala; gayon ma'y tayo na sa kaniya.
16. Si Tomas nga, na tinatawag na Didimo, ay nagsabi sa mga kapuwa niya alagad, Tayo'y magsiparoon din naman, upang tayo'y mangamatay na kasama niya.
17. Kaya't nang dumating si Jesus, ay naratnan niyang apat na araw na siya'y nalilibing.
18. Ang Betania nga'y malapit sa Jerusalem, na may layong labing-limang estadio;
19. At marami sa mga Judio ang nangakaparoon na kay Marta at kay Maria, upang sila'y aliwin tungkol sa kanilang kapatid.
20. Si Marta nga, nang marinig niyang si Jesus ay dumarating, ay yumaon at sumalubong sa kaniya: nguni't si Maria ay nanatiling nakaupo sa bahay.
21. Sinabi nga ni Marta kay Jesus, Panginoon, kung ikaw sana'y narito, disin ang kapatid ko ay hindi namatay.
22. At ngayon man nama'y nalalaman ko na, anomang hingin mo sa Dios, ay ipagkakaloob sa iyo ng Dios.
23. Sinabi sa kaniya ni Jesus, Magbabangon uli ang iyong kapatid.
24. Si Marta ay nagsabi sa kaniya, Nalalaman ko na siya'y magbabangon uli sa pagkabuhay na maguli sa huling araw.
25. Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako ang pagkabuhay na maguli, at ang kabuhayan: ang sumasampalataya sa akin, bagama't siya'y mamatay, gayon ma'y mabubuhay siya;
26. At ang sinomang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay magpakailan man. Sinasampalatayanan mo baga ito?
27. Sinabi niya sa kaniya, Oo, Panginoon: sumasampalataya ako na ikaw ang Cristo ang Anak ng Dios, sa makatuwid baga'y ang naparirito sa sanglibutan.
28. At nang masabi na niya ito, ay yumaon siya, at tinawag ng lihim si Maria na kapatid niya, na sinasabi, Ang Guro ay narito, at tinatawag ka.
29. At siya, nang marinig niya ito, ay nagtindig na madali, at pumaroon sa kaniya.