1. Napakaganda ng iyong mga paa sa mga sandalyas O mala-reynang babae! Ang mga bilugan mong hita ay gaya ng mga hiyas, na gawa ng bihasang kamay.
2. Ang iyong pusod ay gaya ng bilog na mangkok, na hindi nawawalan ng alak na may halo. Ang iyong tiyan ay bunton ng trigo, na napapaligiran ng mga liryo.
3. Ang iyong dalawang suso ay gaya ng dalawang batang usa, na mga kambal ng inahing usa.
4. Ang iyong leeg ay gaya ng toreng garing. Ang iyong mga mata ay gaya ng mga tipunan ng tubig sa Hesbon, sa tabi ng pintuang-bayan ng Batrabbim. Ang iyong ilong ay gaya ng tore ng Lebanon na nakatanaw sa Damasco.
5. Pinuputungan ka ng iyong ulo gaya ng Carmel, at ang umaalon mong buhok ay gaya ng kulay ube; ang hari ay nabibihag sa mga tirintas niyon.
6. Napakaganda at kaaya-aya ka! O minamahal, kaakit-akit na dalaga!
7. Ikaw ay magilas na parang puno ng palma, at ang iyong mga suso ay tulad ng mga kumpol nito.
8. Sinasabi kong ako'y aakyat sa puno ng palma, at hahawak sa mga sanga niyon. Ang iyong mga suso sana ay maging gaya ng mga buwig ng puno ng ubas, at ang bango ng iyong hininga ay gaya ng mga mansanas,
9. at ang iyong mga halik ay gaya ng pinakamainam na alak, na tumutulo nang marahan, na dumudulas sa mga labi at ngipin.
10. Ako'y sa aking minamahal, at ang kanyang pagnanasa ay para sa akin.
11. Halika, sinta ko, pumunta tayo sa mga bukid, manirahan tayo sa mga nayon;
12. magtungo tayo nang maaga sa mga ubasan, at tingnan natin kung may buko na ang puno ng ubas, kung ang kanyang mga bulaklak ay bumuka na, at kung ang mga granada ay namumulaklak. Doo'y ibibigay ko sa iyo ang aking pag-ibig.
13. Ang mga mandragora ay nagsasabog ng bango, at nasa ating mga pintuan ang lahat ng piling bunga, mga luma at bago, na aking inilaan para sa iyo, O sinta ko.
1. O ikaw sana'y naging tulad sa aking kapatid, na pinasuso sa dibdib ng aking ina! Kapag nakasalubong kita sa labas, hahagkan kita; at walang hahamak sa akin.
2. Aking aakayin ka at dadalhin kita sa bahay ng aking ina, at sa silid niya na naglihi sa akin. Aking paiinumin ka ng hinaluang alak, ng katas ng aking granada.
3. Ang kanyang kaliwang kamay sana ay nasa ilalim ng aking ulo, at ang kanyang kanang kamay ay nakayakap sa akin!
4. Pinagbibilinan ko kayo, O mga anak na babae ng Jerusalem, na huwag ninyong pukawin o gisingin man ang pagmamahal, hanggang sa kanyang maibigan.
5. Sino itong umaahon mula sa ilang, na nakahilig sa kanyang minamahal? Sa ilalim ng punong mansanas ay ginising kita. Doon ay naghirap sa panganganak ang iyong ina, siya na nagsilang sa iyo ay naghirap doon sa panganganak.
6. Ilagay mo akong pinakatatak sa iyong puso, pinakatatak sa iyong bisig; sapagkat ang pag-ibig ay kasinlakas tulad ng kamatayan, ang panibugho ay kasimbagsik na tulad ng libingan. Ang mga liyab niyon ay parang mga liyab ng apoy, isang apoy na lumalagablab.
7. Hindi kayang patayin ng maraming tubig ang pag-ibig, ni malulunod man ito ng mga baha. Kung ihandog ng isang lalaki dahil sa pag-ibig ang lahat ng kayamanan sa kanyang bahay, iyon ay kukutyaing lubusan.
8. Kami'y may isang munting kapatid na babae, at siya'y walang mga suso. Ano ang aming gagawin sa aming kapatid na babae, sa araw na siya'y ligawan?
9. Kung siya'y isang pader, ipagtatayo namin siya ng muog na pilak, ngunit kung siya'y isang pintuan, tatakpan namin siya ng mga tablang sedro.
10. Ako'y isang pader, at ang aking mga suso ay parang mga tore, ako nga'y naging sa kanyang mga mata ay tulad ng nagdadala ng kapayapaan.
11. Si Solomon ay may ubasan sa Baal-hamon; kanyang pinaupahan ang ubasan sa mga tagapamahala; bawat isa'y dapat magdala ng isang libong pirasong pilak para sa bunga.
12. Ang aking ubasan, na sadyang akin, ay para sa aking sarili, ikaw, O Solomon, ay magkaroon nawa ng libo, at ang nag-iingat ng bunga niyon ay dalawandaan.
13. Ikaw na tumatahan sa mga halamanan, ang mga kasama ko ay nakikinig sa iyong tinig. Iparinig mo sa akin.
14. Ikaw ay magmadali, sinta ko, at ikaw ay maging parang usa o batang usa sa mga bundok ng mga pabango.
31. Manatili nawa ang kaluwalhatian ng PANGINOON kailanman; magalak nawa ang PANGINOON sa kanyang mga gawa,
32. na siyang tumitingin sa lupa at ito'y nayayanig, na humihipo sa mga bundok at ito'y umuusok!
33. Aawit ako sa PANGINOON habang ako'y nabubuhay; ako'y aawit ng papuri sa aking Diyos, habang ako'y nabubuhay.
34. Maging kalugud-lugod nawa sa kanya ang aking pagbubulay-bulay, para sa akin, ako'y magagalak sa PANGINOON.
35. Malipol nawa ang mga makasalanan sa lupa, at mawala nawa ang masama. O kaluluwa ko! Purihin ang PANGINOON. Purihin ang PANGINOON!
21. Anak ko, sa PANGINOON at sa hari ay matakot ka, sa mga pabagu-bago ay huwag kang makisama.
22. Sapagkat biglang dumarating mula sa kanila ang kapahamakan, at ang pagkawasak na nagmumula sa kanila, ay sinong nakakaalam?
1. Pakamithiin ninyo ang pag-ibig at pagsikapan ninyong mithiin ang mga kaloob na espirituwal, lalung-lalo na ang kayo'y makapagpropesiya.
2. Sapagkat ang nagsasalita ng ibang wika ay hindi sa mga tao nagsasalita kundi sa Diyos, sapagkat walang nakakaunawa sa kanya, yamang sa Espiritu siya nagsasalita ng mga hiwaga.
3. Subalit ang nagsasalita ng propesiya ay nagsasalita sa mga tao para sa kanilang ikatitibay, ikasisigla, at ikaaaliw.
4. Ang nagsasalita ng ibang wika ay pinapatibay ang sarili, ngunit ang nagsasalita ng propesiya ay pinapatibay ang iglesya.
5. Ngayon, nais ko sanang kayong lahat ay magsalita ng mga wika, subalit lalo na ang kayo ay magsalita ng propesiya. Ang nagsasalita ng propesiya ay higit na dakila kaysa nagsasalita ng mga wika, malibang mayroong nagpapaliwanag upang ang iglesya ay mapatibay.
6. Subalit ngayon, mga kapatid, kung ako'y dumating sa inyo na nagsasalita ng mga wika, anong inyong mapapakinabang sa akin, malibang ako'y magsalita sa inyo sa pamamagitan ng pahayag, o kaalaman, o propesiya, o ng aral?
7. Maging ang mga bagay na walang buhay na tumutunog kagaya ng plauta, o alpa, kung hindi sila magbigay ng malinaw na tunog, paano malalaman kung ano ang tinutugtog?
8. Sapagkat kung ang trumpeta ay magbigay ng di malinaw na tunog, sino ang maghahanda para sa digmaan?
9. Gayundin naman kayo, kung sa isang wika ay nagsasalita kayo nang hindi nauunawaan, paanong malalaman ng sinuman kung ano ang sinabi? Sapagkat sa hangin kayo magsasalita.
10. Walang alinlangan na napakaraming uri ng mga wika sa sanlibutan, at walang isa man na walang kahulugan.
11. Subalit kung hindi ko nalalaman ang kahulugan ng wika, ako ay magiging isang banyaga sa nagsasalita, at ang nagsasalita ay magiging isang banyaga sa akin.
12. Gayundin naman kayo, yamang kayo'y sabik sa kaloob na espirituwal, pagbutihin ninyo ang paggamit sa mga iyon para sa ikatitibay ng iglesya.
13. Kaya't siyang nagsasalita ng wika ay dapat manalangin para sa kapangyarihang makapagpaliwanag.
14. Sapagkat kung ako'y nananalangin sa wika, ang aking espiritu ay nananalangin, ngunit ang aking isipan ay hindi mabunga.
15. Ano kung gayon ang aking gagawin? Ako'y mananalangin sa espiritu, at ako'y mananalangin din sa isipan; ako ay aawit sa espiritu, at ako'y aawit din sa isipan.
16. Kung di gayon, kung ikaw ay nagpupuri sa espiritu, paanong ang isang nasa kalagayang hindi naturuan ay makapagsasabi ng Amen sa iyong pagpapasalamat, gayong hindi niya nalalaman ang iyong sinasabi?
17. Sapagkat maaaring ikaw ay nagpapasalamat ng mabuti, subalit ang iba ay hindi napatitibay.
18. Ako ay nagpapasalamat sa Diyos na ako'y nagsasalita ng mga wika na higit kaysa inyong lahat,
19. ngunit sa iglesya, mas nanaisin ko pang magsalita ng limang salita sa pamamagitan ng aking pag-iisip, upang makapagturo ako sa iba, kaysa sampung libong mga salita sa ibang wika.
20. Mga kapatid, huwag kayong mag-isip bata; sa kasamaan ay maging sanggol kayo, ngunit sa pag-iisip ay maging husto na sa gulang.