1. Tingnan ninyo, si Yahweh ay may kakayahan upang iligtas ka; siya'y hindi bingi upang hindi marinig ang inyong hinaing.
2. Ang masasama ninyong gawa ang dahilan ng pagkawalay ninyo sa Diyos. Nagkasala kayo kaya hindi ninyo siya makita, at hindi niya kayo marinig.
3. Natigmak sa dugo ang inyong mga kamay, ang inyong mga daliri'y sanhi ng katiwalian. Ang inyong mga labi ay puno ng kasinungalingan; ang sinasabi ng inyong mga dila ay pawang kasamaan.
4. Hindi makatarungan ang inyong pagsasakdal sa hukuman; hindi rin matapat ang hatol ng inyong mga hukom. Ang inyong batayan ay hindi tamang pangangatuwiran, at ang pananalita ninyo'y pawang kasinungalingan. Ang iniisip ninyo'y pawang kaguluhan na nagiging sanhi ng maraming kasamaan.
5. Mga itlog ng ahas ang kanilang pinipisa, mga sapot ng gagamba ang kanilang hinahabi. Sinumang kumakain ng itlog na ito'y mamamatay; bawat napipisa ay isang ulupong ang lumilitaw.
6. Hindi magagawang damit ang mga sapot, hindi nito matatakpan ang kanilang mga katawan. Ang mga ginagawa nila'y kasamaan, pawang karahasan ang gawa ng kanilang mga kamay.
7. Mabilis ang kanilang paa sa paggawa ng masama, nagmamadali sila sa pagpatay ng mga walang sala; pawang kasamaan ang kanilang iniisip. Bakas ng pagkawasak ang kanilang iniiwan sa kanilang malalawak na lansangan.
8. Hindi nila alam ang landas patungo sa kapayapaan, wala silang patnubay ng katarungan; liku-likong landas ang kanilang ginagawa; ang nagdaraan doo'y walang kapayapaan.
9. Dahil dito, ang katarungan ay malayo sa amin, hindi namin alam kung ano ang katuwiran. Alam na namin ngayon kung bakit hindi kami iniligtas ng Diyos, sa mga nagpahirap sa amin. Umasa kaming liwanag ay darating, ngunit kadiliman ang aming kinasadlakan.
10. Tulad nami'y bulag na nangangapa sa paglakad, nadarapa kami tulad ng mga walang paningin. Sa katanghaliang-tapat, kami'y natatalisod na para bang gabi na, parang kami'y nasa dilim tulad ng mga patay.
11. Umuungal tayong lahat na gaya ng mga oso; dumaraing tayo at nagdadalamhati tulad ng mga kalapati. Ang hinihintay nating katarungan ay hindi dumarating. Nais nating maligtas sa kaapihan at kahirapan ngunit ang kaligtasan ay malayo.
12. Yahweh, maraming beses kaming naghimagsik laban sa iyo; inuusig kami ng aming mga kasalanan. Alam naming kami'y naging makasalanan. Nalalaman namin ang aming mga pagkakasala.
13. Naghimagsik kami sa iyo, O Yahweh, at itinakwil ka namin at hindi na sumunod sa iyo. Ang sinasabi namin ay pawang pang-aapi at pagtataksil; ang inuusal ng aming mga bibig ay mga kasinungalingan, na katha ng aming mga isip.
14. Itinakwil namin ang katarungan at lumayo kami sa katuwiran. Ang katotohanan ay nahandusay sa mga liwasang-bayan, at hindi makapanaig ang katapatan.
15. Hindi matagpuan ang katotohanan, kaya nanganganib ang buhay ng mga tao, na ayaw gumawa ng kasamaan. Nang makita ni Yahweh na wala nang katarungan, siya ay nalungkot.
16. Nakita niya na wala kahit isang magmalasakit sa mga api. Dahil dito'y gagamitin niya ang kanyang kapangyarihan upang sila'y iligtas, at siya'y magtatagumpay.
17. Ang suot niya sa dibdib ay baluti ng katuwiran, at sa kanyang ulo naman ang helmet ng kaligtasan. Paghihiganti ang kanyang kasuotan, at poot naman ang kanyang balabal.
18. Paparusahan niya ang mga kaaway ayon sa kanilang ginawa, kahit ang nasa malalayong lugar ay kanyang gagantihan.
19. Kaya katatakutan siya ng mga taga-kanluran, at dadakilain sa dakong silangan; darating si Yahweh, tulad ng malakas na agos ng tubig, gaya ng ihip ng malakas na hangin.
20. Sinabi ni Yahweh sa kanyang bayan, “Pupunta ako sa Zion upang tubusin ang mga taong mula sa lahi ni Jacob na magsisisi sa kanilang kasalanan.
21. Ito ang aking kasunduan sa inyo,” sabi ni Yahweh. “Ibinigay ko na ang aking kapangyarihan at mga katuruan upang sumainyo magpakailanman. Mula ngayon ay susundin ninyo ako at tuturuan ang inyong mga anak at salinlahi na sumunod sa akin sa buong panahong darating.”
1. Bumangon ka, Jerusalem, at sumikat na tulad ng araw. Liliwanagan ka ng kaluwalhatian ni Yahweh.
2. Mababalot ng kadiliman ang buong daigdig; ngunit ikaw ay liliwanagan ni Yahweh, at mapupuspos ka ng kanyang kaluwalhatian.
3. Ang mga bansa ay lalapit sa iyong liwanag, ang mga hari ay pupunta sa ningning ng iyong pagsikat.
4. Pagmasdan mo ang iyong kapaligiran, ang lahat ay nagtitipun-tipon upang magtungo sa iyo; manggagaling sa malayo ang mga anak mong lalaki; ang mga anak mong babae'y kakargahing parang mga bata.
5. Magagalak ka kapag nakita sila; sa iyong damdami'y pawang kasiyahan ang madarama; sapagkat malaking yaman buhat sa karagata'y iyong matatamo, at mapapasaiyo ang kayamanan ng maraming bansa.
6. Darating ang maraming pangkat ng kamelyo mula sa Midian at Efa; buhat sa Seba ay darating silang may dalang mga ginto at insenso, at naghahayag ng pagpupuri kay Yahweh.
7. Lahat ng kawan ng tupa sa Kedar ay dadalhin sa iyo, at paglilingkuran ka ng mga barakong tupa sa Nebaiot. Ihahain sila bilang handog sa aking altar at pararangalan ko ang aking Templo.
8. Sino ang mga ito na lumilipad na tulad ng mga ulap, at gaya ng mga kalapating bumabalik sa tahanan?
9. Ang mga malalaking barko ay hinihintay sa daungan; upang dalhin ang iyong mga anak mula sa malalayong lupain. May mga dala silang ginto at pilak, bilang pagpaparangal kay Yahweh na iyong Diyos, ang Banal na Diyos ng Israel, sapagkat ikaw ay kanyang pinaparangalan.
10. Sinabi ni Yahweh sa Jerusalem, “Mga dayuhan ang muling magtatayo ng iyong mga pader, at maglilingkod sa iyo ang kanilang mga hari. Nang ako'y mapoot, ikaw ay pinarusahan ko, ngunit ngayo'y tinutulungan kita at kinahahabagan.
11. Ang mga pintuan mo'y aking ibubukas araw at gabi, upang dito papasok ang mga hari ng mga bansa, at dalhin sa iyo ang kanilang mga kayamanan.
12. Ngunit ang bansa o kahariang hindi maglilingkod sa iyo ay ganap na wawasakin.
13. At ang kayamanan ng Lebanon ay magiging iyo; sama-samang pagagandahin ang aking santuwaryo; sa pamamagitan ng mga kahoy na mahuhusay, tulad ng sipres, pino at iba pa. Upang lalong maging maningning ang aking tahanan.
14. Nakayukong lalapit sa iyo bilang paggalang ang mga salinlahi ng mga bansang sa iyo'y umapi; hahalik sa iyong paa ang mga humahamak sa iyo, at tatawagin ka nilang, ‘Zion, ang lunsod ni Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel.’
15. “Hindi na kita pababayaan at kapopootan o iiwang mag-isa. Ikaw ay kanilang itataas at dadakilain; magiging lugar ng kaligayahan magpakailanman.
16. Aalagaan ka ng mga hari't mga bansa, tulad ng pag-aalaga ng isang ina sa kanyang anak. Malalaman mong akong si Yahweh ang iyong Tagapagligtas; at palalayain ka ng Makapangyarihang Diyos ni Jacob.
17. “Sa halip na tanso ay bibigyan kita ng gintong dalisay, pilak ang bigay ko sa halip na bakal; sa halip na kahoy, tanso ang dala ko, papalitan ko ng bakal ang dati'y bato. Ang kapayapaan ay paghahariin sa iyo, at ang katarungan ay mararanasan mo.
18. Ang ingay ng ‘Karahasan’ ay hindi na maririnig pa, gayundin ang ‘Pagwasak’ sa iyong nasasakupan; ang iyong mga pader ay tatawagin mong ‘Kaligtasan,’ at ‘Papuri’ naman ang iyong mga pintuan.
19. “Sa buong maghapon ay wala nang araw na sisikat, sa buong magdamag ay wala nang buwan na tatanglaw, sapagkat si Yahweh mismo ang magiging ilaw mo magpakailanman, at ang iyong Diyos ang liwanag mong walang katapusan.
20. Kailanma'y hindi na lulubog ang iyong araw, at ang iyong buwan ay hindi na rin maglalaho; si Yahweh ang iyong magiging walang hanggang ilaw, at ang mga araw ng iyong kapighatian ay mawawala.
21. Ang mamamayan mo'y magkakaroon ng matuwid na pamumuhay, kaya ang lupain ay aariin nila magpakailanman. Sila'y nilikha ko at itinanim, upang ihayag nila ang aking kadakilaan.
22. Ang pinakamaliit na lipi ninyo ay dadaming mainam, at ang munting bansa ay magiging makapangyarihan. Ako si Yahweh na kaagad tutupad sa aking mga pangako kapag dumating na ang takdang panahon.”
1. Tanging sa iyo lamang, Yahweh, ang dakilang karangalan, hindi namin maaangkin, pagkat ito'y iyo lamang; walang kupas iyong pag-ibig, natatanging katapatan.
2. Ganito ang laging tanong sa amin ng mga bansa: “Nasaan ba ang inyong Diyos?” ang palaging winiwika.
3. Ang Diyos nami'y nasa langit, naroroon ang Diyos namin, at ang kanyang ginagawa ay kung ano ang ibigin.
4. Ginawa sa ginto't pilak ang kanilang mga diyos, sa kanila'y mga kamay nitong tao ang nag-ayos.
5. Totoo nga at may bibig, ngunit hindi makapagsalita, at hindi rin makakita, mga matang pinasadya;
6. di rin naman makarinig ang kanilang mga tainga, ni hindi rin makaamoy ang ginawang ilong nila.
7. Totoo nga na may kamay ngunit walang pakiramdam, mga paa'y mayroon din ngunit hindi maihakbang, ni wala kang naririnig kahit munting tinig man lang.
8. Ang gumawa sa kanila at pati ang nagtiwala, lahat sila ay katulad ng gayong diyos na ginawa.
23. Ang matamis ngunit pakunwaring salita ay parang pintura ng mumurahing banga.
17. Huwag kayong maging hangal. Sa halip, unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon.
18. Huwag kayong maglalasing, sapagkat sisirain lamang niyan ang inyong buhay. Sa halip ay dapat kayong mapuspos ng Espiritu.
19. Sa inyong pag-uusap gumamit kayo ng mga salmo, mga himno at mga awiting espirituwal; buong puso kayong umawit at magpuri sa Panginoon.
20. Lagi kayong magpasalamat sa Diyos na ating Ama dahil sa lahat ng bagay, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
21. Pasakop kayo sa isa't isa bilang tanda ng inyong paggalang kay Cristo.
22. Mga babae, pasakop kayo sa sarili ninyong asawa tulad ng pagpapasakop ninyo sa Panginoon.
23. Sapagkat ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na siyang ulo ng iglesya, na kanyang katawan, at siya ang Tagapagligtas nito.
24. Kung paanong nasasakop ni Cristo ang iglesya, gayundin naman, ang mga babae ay dapat pasakop nang lubusan sa kanilang sariling asawa.
25. Mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa na gaya ng pagmamahal ni Cristo sa iglesya. Inihandog niya ang kanyang buhay para sa iglesya
26. upang ialay ito sa Diyos, matapos linisin sa pamamagitan ng paghuhugas sa tubig at sa salita.
27. Ginawa niya ito upang ang iglesya ay maiharap niya sa kanyang sarili na nasa kagandahan nito, walang anumang dungis ni kulubot man, banal at walang anumang kapintasan.
28. Gayundin naman, dapat mahalin ng mga lalaki ang kanilang asawa tulad ng sarili nilang katawan. Ang lalaking nagmamahal sa kanyang asawa ay nagmamahal sa kanyang sarili.
29. Walang taong namumuhi sa sarili niyang katawan. Sa halip, ito'y kanyang pinapakain at inaalagaan, tulad ng ginagawa ni Cristo sa iglesya.
30. Tayo nga'y mga bahagi ng kanyang katawan.
31. Gaya ng sinasabi sa kasulatan, “Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama't ina at magsasama sila ng kanyang asawa; at silang dalawa ay magiging isa.”
32. Mayroon ditong malalim na hiwaga, at sinasabi ko na ito'y tumutukoy sa kaugnayan ni Cristo sa iglesya.
33. Subalit ito'y para din sa inyo: kayong mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa gaya ng inyong sarili; mga babae, igalang ninyo ang inyong asawa.
Tagalog Bible 2012
New Testament 2012 Philippine Bible Society Old Testament 2005 Philippine Bible Society