1. Narito, ang kamay ng Panginoon ay hindi umiksi, na di makapagligtas; ni hindi man mahina ang kaniyang pakinig, na di makarinig.
2. Kundi pinapaghiwalay ng inyong mga kasamaan kayo at ang inyong Dios, at ang inyong mga kasalanan ay siyang nagpakubli ng kaniyang mukha sa inyo, upang siya'y huwag makinig.
3. Sapagka't ang inyong mga kamay ay nadumhan ng dugo, at ang inyong mga daliri ng kasamaan; ang inyong mga labi ay nangagsalita ng mga kasinungalingan, ang inyong dila ay nagsasalita ng kasamaan.
4. Walang dumadaing ng katuwiran at walang nanananggalang ng katotohanan: sila'y nagsisitiwala sa walang kabuluhan, at nangagsasalita ng mga kasinungalingan; sila'y nangaglilihi ng kalikuan, at nanganganak ng kasamaan.
5. Sila'y pumipisa ng mga itlog ng ahas, at gumagawa ng bahay gagamba: ang kumakain ng kanilang itlog ay namamatay; at ang napipisa ay nilalabasan ng ulupong.
6. Ang kanilang mga bahay gagamba ay hindi magiging mga kasuutan, o magsusuot man sila ng kanilang mga gawa: ang kanilang mga gawa ay mga gawa ng kasamaan, at ang kilos ng karahasan ay nasa kanilang mga kamay.
7. Tinatakbo ng kanilang mga paa ang kasamaan, at sila'y nangagmamadaling magbubo ng walang salang dugo: ang kanilang mga pagiisip ay mga pagiisip ng kasamaan; kawasakan at kagibaan ay nasa kanilang mga landas.
8. Ang daan ng kapayapaan ay hindi nila nalalaman: at walang kahatulan sa kanilang mga lakad: sila'y nagsigawa para sa kanila ng mga likong landas; sinomang lumalakad doon ay hindi nakakaalam ng kapayapaan.
9. Kaya't ang kahatulan ay malayo sa amin, o umaabot man sa amin ang katuwiran: kami'y nagsisihanap ng liwanag, nguni't narito, kadiliman; ng kaliwanagan, nguni't nagsisilakad kami sa kadiliman.
10. Kami'y nagsisikapa sa bakod na parang bulag, oo, kami'y nagsisikapa na gaya nila na walang mga mata: kami'y nangatitisod sa katanghaliang tapat na gaya sa gabi; sa gitna ng mga malakas, kami'y parang mga patay.
11. Kaming lahat ay nagsisiungol na parang mga oso, at lubhang dumadaing na parang mga kalapati: kami'y nagsisihanap ng kahatulan, nguni't wala; ng kaligtasan, nguni't malayo sa amin.
12. Sapagka't ang aming mga pagsalangsang ay dumami sa harap mo, at ang aming mga kasalanan ay nagpapatotoo laban sa amin; sapagka't ang aming mga pagsalangsang ay sumasaamin, at tungkol sa aming mga kasamaan ay nababatid namin.
13. Pagsalangsang at pagsisinungaling sa Panginoon at sa pagtigil ng pagsunod sa aming Dios, sa pagsasalita ng pagpighati at panghihimagsik, sa pagaakala at paghango sa puso ng mga salitang kasinungalingan.
14. At ang kahatulan ay tumatalikod, at ang katuwiran ay tumatayo sa malayo; sapagka't ang katotohanan ay nahulog sa lansangan, at ang karampatan ay hindi makapasok.
15. Oo, ang katotohanan ay nagkukulang, at siyang humihiwalay sa kasamaan ay nagiging sa kaniyang sarili na huli. At nakita ng Panginoon, at isinama ng kaniyang loob na walang kahatulan.
16. At kaniyang nakita na walang tao, at namangha na walang tagapamagitan: kaya't ang kaniyang sariling bisig ay nagdala ng kaligtasan sa kaniya; at ang kaniyang katuwiran ay umalalay sa kaniya.
17. At siya'y nagsuot ng katuwiran na wari sapyaw, at ng turbante ng kaligtasan sa kaniyang ulo at siya'y nagsuot ng mga bihisan ng panghihiganti na pinakadamit, at nagbihis ng sikap na wari balabal.
18. Ayon sa kanilang mga gawa, ay gayon niya gagantihin, pusok ng loob sa kaniyang mga kaaway, kagantihan sa kaniyang mga kaalit; sa mga pulo ay gaganti siya ng kagantihan.
19. Sa gayo'y katatakutan nila ang pangalan ng Panginoon mula sa kalunuran, at ang kaniyang kaluwalhatian ay mula sa sikatan ng araw sapagka't siya'y darating na parang bugso ng tubig na pinayaon ng hinga ng Panginoon.
20. At isang Manunubos ay paroroon sa Sion, at sa kanila, na nangaghihiwalay sa Jacob ng pagsalangsang, sabi ng Panginoon.
21. At tungkol sa akin, ito ang aking tipan sa kanila, sabi ng Panginoon: ang aking Espiritu na nasa iyo, at ang aking mga salita na inilagay ko sa iyong bibig, hindi hihiwalay sa iyong bibig, o sa bibig man ng iyong lahi, o sa bibig man ng angkan ng iyong lahi, sabi ng Panginoon, mula ngayon at magpakailan pa man.
1. Ikaw ay bumangon, sumilang ka: sapagka't ang iyong liwanag ay dumating, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay sumikat sa iyo.
2. Sapagka't narito, tatakpan ng kadiliman ang lupa, at ng salimuot na dilim ang mga bayan: nguni't ang Panginoon ay sisikat sa iyo, at ang kaniyang kaluwalhatian ay makikita sa iyo.
3. At ang mga bansa ay paroroon sa iyong liwanag, at ang mga hari sa ningning ng iyong sikat.
4. Imulat mo ang iyong mata sa palibot, at ikaw ay tumingin: silang lahat ay nangagpipisan, sila'y nagsiparoon sa iyo: ang iyong mga anak na lalake ay mangagmumula sa malayo at ang iyong mga anak na babae ay kakalungin.
5. Kung magkagayon ikaw ay makakakita at maliliwanagan ka, at ang iyong puso ay titibok at lalaki; sapagka't ang kasaganaan ng dagat ay mababalik sa iyo, ang kayamanan ng mga bansa ay darating sa iyo.
6. Tatakpan ka ng karamihan ng kamelyo, ng mga dromedario sa Madian at sa Epha; magsisipanggaling na lahat mula sa Seba: mangagdadala ng ginto at kamangyan, at magtatanyag ng mga kapurihan ng Panginoon.
7. Lahat ng kawan sa Cedar ay mapipisan sa iyo, ang mga lalaking tupa sa Nebayoth ay mangahahain sa akin: sila'y kalugodlugod, na tatanggapin sa aking dambana, at aking luluwalhatiin ang bahay ng aking kaluwalhatian.
8. Sino ang mga ito na lumalakad na parang alapaap at parang mga kalapati sa kanilang mga dungawan?
9. Tunay na ang mga pulo ay mangaghihintay sa akin, at ang mga sasakyang dagat ng Tarsis ay siyang mangunguna, upang dalhin ang iyong mga anak mula sa malayo, ang kanilang pilak at kanilang ginto na kasama nila, dahil sa pangalan ng Panginoon mong Dios, at dahil sa Banal ng Israel, sapagka't kaniyang niluwalhati ka.
10. At itatayo ng mga taga ibang lupa ang iyong mga kuta, at ang kanilang mga hari ay magsisipangasiwa sa iyo: sapagka't sa aking poot ay sinaktan kita, nguni't sa aking biyaya ay naawa ako sa iyo.
11. Ang iyo namang mga pintuang-bayan ay mabubukas na lagi; hindi masasara sa araw o sa gabi man; upang ang mga tao ay mangagdala sa iyo ng kayamanan ng mga bansa, at ang kanilang mga hari ay makakasama nila.
12. Sapagka't yaong bansa at kaharian na hindi maglilingkod sa iyo ay mamamatay; oo, ang mga bansang yaon ay malilipol na lubos.
13. Ang kaluwalhatian ng Libano ay darating sa iyo, ang puno ng abeto, ng pino, at ng boj na magkakasama, upang pagandahin ang dako ng aking santuario; at aking gagawin ang dako ng aking mga paa na maluwalhati.
14. At ang mga anak nila na dumalamhati sa iyo ay magsisiparoong yuyuko sa iyo; at silang lahat na nagsisihamak sa iyo ay magpapatirapa sa mga talampakan ng iyong mga paa; at tatanawin ka nila Ang bayan ng Panginoon, Ang Sion ng Banal ng Israel.
15. Yamang ikaw ay napabayaan at ipinagtanim, na anopa't walang tao na dumadaan sa iyo, gagawin kitang walang hanggang karilagan, na kagalakan ng maraming sali't saling lahi.
16. Ikaw naman ay iinom ng gatas ng mga bansa, at sususo sa mga suso ng mga hari; at iyong malalaman na akong Panginoon ay Tagapagligtas sa iyo, at Manunubos sa iyo, Makapangyarihan ng Jacob.
17. Kahalili ng tanso ay magdadala ako ng ginto, at kahalili ng bakal ay magdadala ako ng pilak, at kahalili ng kahoy ay tanso, at kahalili ng mga bato ay bakal. Akin namang gagawin na iyong mga pinuno ang kapayapaan, at ang iyong mga maniningil ay katuwiran.
18. Karahasan ay hindi na maririnig sa iyong lupain, ni ang kawasakan o kagibaan sa loob ng iyong mga hangganan; kundi tatawagin mo ang iyong mga kuta ng Kaligtasan, at ang iyong mga pintuang-bayan na Kapurihan.
19. Ang araw ay hindi na magiging iyong liwanag sa araw; o ang buwan man ay magbibigay sa iyo ng liwanag: kundi ang Panginoon ay magiging sa iyo ay walang hanggang liwanag, at ang iyong Dios ay iyong kaluwalhatian.
20. Ang iyong araw ay hindi na lulubog, o ang iyo mang buwan ay lulubog; sapagka't ang Panginoon ay magiging iyong walang hanggang liwanag, at ang mga kaarawan ng iyong pagtangis ay matatapos.
21. Ang iyong bayan naman ay magiging matuwid na lahat; sila'y mangagmamana ng lupain magpakailan man, ang sanga ng aking pananim, ang gawa ng aking mga kamay, upang ako'y luwalhatiin.
22. Ang munti ay magiging isang libo, at ang maliit ay magiging matibay na bansa: akong Panginoon, ay papapangyarihin kong madali sa kapanahunan.
1. Huwag sa amin, Oh Panginoon, huwag sa amin, kundi sa iyong pangalan ay magbigay kang karangalan, dahil sa iyong kagandahang-loob, at dahil sa iyong katotohanan.
2. Bakit sasabihin ng mga bansa, Saan nandoon ngayon ang kanilang Dios?
3. Nguni't ang aming Dios ay nasa mga langit: kaniyang ginagawa ang kaniyang ibigin.
4. Ang kanilang mga diosdiosan ay pilak at ginto, yari ng mga kamay ng mga tao.
5. Sila'y may mga bibig, nguni't sila'y hindi nangagsasalita; mga mata'y mayroon sila, nguni't hindi sila nangakakakita;
6. Sila'y may mga tainga, nguni't hindi sila nangakakarinig; mga ilong ay mayroon sila, nguni't hindi sila nangakakaamoy;
7. Mayroon silang mga kamay, nguni't hindi sila nangakatatangan; mga paa ay mayroon sila, nguni't hindi sila nangakalalakad; ni nangagsasalita man sila sa kanilang ngalangala.
8. Ang nagsisigawa sa kanila ay magiging gaya nila; Oo, bawa't tumitiwala sa kanila.
23. Mga mapusok na labi at masamang puso ay parang sisidlang-lupa na nababalot ng dumi ng pilak.
17. Kaya huwag kayong maging mga mangmang, kundi unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon.
18. At huwag kayong magsipaglasing ng alak na kinaroroonan ng kaguluhan, kundi kayo'y mangapuspos ng Espiritu;
19. Na kayo'y mangagusapan ng mga salmo at mga himno at mga awit na ukol sa espiritu, na nangagaawitan at nangagpupuri sa inyong mga puso sa Panginoon;
20. Na kayo'y laging magpasalamat sa lahat ng mga bagay sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo sa Dios na ating Ama;
21. Na pasakop kayo sa isa't isa sa takot kay Cristo.
22. Mga babae, pasakop kayo sa inyo-inyong sariling asawa, na gaya ng sa Panginoon.
23. Sapagka't ang lalake ay pangulo ng kaniyang asawa, gaya naman ni Cristo na pangulo ng iglesia, na siya rin ang tagapagligtas ng katawan.
24. Datapuwa't kung paanong ang iglesia ay nasasakop ni Cristo, ay gayon din naman ang mga babae ay pasakop sa kani-kaniyang asawa sa lahat ng mga bagay.
25. Mga lalake, ibigin ninyo ang inyo-inyong asawa, gaya naman ni Cristo na umibig sa iglesia, at ibinigay ang kaniyang sarili dahil sa kaniya;
26. Upang kaniyang pakabanalin ito, na nilinis sa pamamagitan ng paghuhugas ng tubig na may salita,
27. Upang ang iglesia ay maiharap sa kaniyang sarili na maluwalhati, na walang dungis o kulubot o anomang gayong bagay; kundi ito'y nararapat maging banal at walang kapintasan.
28. Gayon din naman nararapat ibigin ng mga lalake ang kani-kaniyang sariling asawa, na gaya ng kanilang sariling mga katawan. Ang umiibig sa kaniyang sariling asawa ay umiibig sa kaniyang sarili:
29. Sapagka't walang sinoman na napoot kailan man sa kaniyang sariling katawan; kundi kinakandili at minamahal, gaya naman ni Cristo sa iglesia;
30. Sapagka't tayo ay mga sangkap ng kaniyang katawan.
31. Dahil dito'y iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ina, at makikisama sa kaniyang asawa; at ang dalawa ay magiging isang laman.
32. Ang hiwagang ito ay dakila: datapuwa't sinasalita ko ang tungkol kay Cristo at tungkol sa iglesia.
33. Gayon man ay umibig naman ang bawa't isa sa inyo sa kani-kaniyang sariling asawa gaya ng sa kaniyang sarili; at ang babae ay gumalang sa kaniyang asawa.