Bibliya sa isang taon

1. "Ito naman ang mga tuntunin na igagawad mo sa harap nila.
2. Kapag ikaw ay bumili ng isang lalaking alipin na Hebreo, siya ay maglilingkod ng anim na taon, ngunit sa ikapito ay aalis siyang malaya, walang pananagutan.
3. Kung siya'y pumasok namag-isa, siya ay aalis na mag-isa, kung siya ay pumasok na may asawa, ang kanyang asawa nga ay aalis na kasama niya.
4. Kung siya'y bibigyan ng kanyang amo ng asawa at nagkaanak sa kanya ng mga lalaki o mga babae; ang kanyang asawa at ang kanyang mga anak ay magiging sa kanyang amo, at siya'y aalis na mag-isa.
5. Subalit kung maliwanag na sasabihin ng alipin, 'Mahal ko ang aking amo, ang aking asawa, at ang aking mga anak, ako'y hindi aalis na malaya;'
6. ay dadalhin siya ng kanyang amo sa Diyos," dadalhin siya sa pinto, o sa haligi ng pinto, at bubutasan ng kanyang amo ang kanyang tainga ng isang pambutas; at siya'y maglilingkod sa kanya habambuhay.
7. "Kung ipagbili ng isang lalaki ang kanyang anak na babae bilang isang alipin, hindi siya aalis na gaya ng pag-alis ng mga aliping lalaki.
8. Kung hindi siya kinalugdan ng kanyang amo na umangkin sa kanya bilang asawa, ay kanyang ipapatubos siya; wala siyang karapatang ipagbili siya sa isang dayuhan, yamang siya'y hindi niya pinakitunguhan nang tapat.
9. Kung siya ay itinalaga niya para sa kanyang anak na lalaki, kanyang papakitunguhan siya tulad sa isang malayang anak na babae.
10. Kung siya'y mag-asawa ng iba, ang kanyang pagkain, damit, at karapatan bilang asawa ay hindi niya babawasan.
11. Kung hindi niya gawin ang tatlong bagay na ito para sa kanya, siya ay aalis na walang bayad, na walang itinubos na salapi.
12. "Sinumang manakit ng isang tao at mamatay ito, ay walang pagsalang papatayin.
13. Ngunit kung hindi ito sinasadya ng isang tao, kundi Diyos ang naghulog sa kanyang kamay; ay ipaglalaan kita ng isang lugar na maaaring takbuhan ng nakamatay.
14. Kung magbalak ang sinuman sa kanyang kapwa na patayin siya nang pataksil, aalisin mo siya sa aking dambana upang siya'y mamatay.
15. "Ang manakit sa kanyang ama o sa kanyang ina ay papatayin.
16. "Ang magnakaw ng isang tao, ipagbili man siya o matagpuan sa kanyang kamay, siya ay papatayin.
17. "Ang magmura sa kanyang ama, o sa kanyang ina ay papatayin.
18. "Kapag may nag-away at sinaktan ng isang tao ang kanyang kapwa sa pamamagitan ng bato o ng kanyang kamay, at hindi namatay ang tao, kundi naratay sa higaan;
19. kung makabangon siya uli at makalakad sa tulong ng kanyang tungkod, ligtas sa parusa ang nanakit sa kanya; babayaran lamang niya ang panahong nasayang, at kanyang ipapagamot siyang lubos.
20. "Kung saktan ng sinuman ang kanyang aliping lalaki o aliping babae ng tungkod at mamatay sa kanyang kamay, siya ay parurusahan.
21. Gayunma'y, kung tumagal ang alipin ng isa o dalawang araw, hindi siya parurusahan; sapagkat siya'y kanyang salapi.
22. "Kung mag-away ang dalawang lalaki at makasakit ng isang babaing nagdadalang-tao, na anupa't makunan, at gayunma'y walang pinsalang sumunod, pagbabayarin ang nakasakit, ayon sa iaatang sa kanya ng asawa ng babae; at siya'y magbabayad ng ayon sa ipasiya ng mga hukom.
23. Subalit kung may anumang pinsalang sumunod, magbibigay ka nga ng buhay para sa buhay,
24. mata sa mata, ngipin sa ngipin, kamay sa kamay, paa sa paa,
25. paso sa paso, sugat sa sugat, hagupit sa hagupit.
26. "At kung saktan ng sinuman ang mata ng kanyang aliping lalaki, o ang mata ng kanyang aliping babae at mabulag, kanyang papalayain ang alipin upang matumbasan ang mata.
27. Kung kanyang bungian ng ngipin ang kanyang aliping lalaki o babae ay kanyang palalayain ang alipin dahil sa kanyang ngipin.
28. "Kung suwagin ng isang baka ang isang lalaki o ang isang babae, anupa't namatay, babatuhin ang baka at ang kanyang laman ay hindi kakainin; subalit ang may-ari ng baka ay pawawalang-sala.
29. Ngunit kung ang baka ay dati nang nanunuwag at naisumbong na sa may-ari ngunit hindi niya ikinulong, anupa't nakamatay ng isang lalaki, o isang babae, babatuhin ang baka at ang may-ari niyon ay papatayin din.
30. Kung siya'y atangan ng pantubos, magbibigay siya ng pantubos sa kanyang buhay anuman ang iniatang sa kanya.
31. Kung suwagin nito ang anak na lalaki o babae ng isang tao ay gagawin sa kanya ayon sa kahatulang ito.
32. Kung suwagin ng baka ang isang aliping lalaki o babae ay magbabayad ang may-ari ng tatlumpung siklong pilak sa kanilang amo, at ang baka ay babatuhin.
33. "Kung iwanang bukas ng sinuman ang isang balon, o kung huhukay ng isang balon at hindi ito tatakpan, at ang isang baka o ang isang asno ay mahulog dito,
34. magbabayad ang may-ari ng balon; magbabayad siya ng salapi sa may-ari niyon, at ang patay na hayop ay magiging kanya.
35. "Kung ang baka ng sinuman ay nanakit sa baka ng iba, na anupa't namatay, kanila ngang ipagbibili ang bakang buhay, at kanilang paghahatian ang halaga niyon; at ang patay ay paghahatian din nila.
36. O kung kilala na ang baka ay dati nang manunuwag, at hindi ikinulong ng may-ari, magbabayad siya ng baka sa baka, at ang patay na hayop ay magiging kanya.
1. "Kung ang isang tao ay magnakaw ng isang baka, o ng tupa at patayin, o ipagbili, siya'y magbabayad ng limang baka para sa isang baka, at ng apat na tupa para sa isang tupa. Ang magnanakaw ay gagawa ng pagsasauli; kung wala siyang maisauli, siya'y ipagbibili dahil sa kanyang pagnanakaw.
2. "Kung ang isang magnanakaw ay mahuling pumapasok at siya'y hinampas na kanyang ikinamatay, hindi magkakaroon ng pananagutan sa dugo ang nakapatay,
3. ngunit kung sikatan siya ng araw ay magkakaroon siya ng pananagutan sa dugo.
4. "Kung ang ninakaw ay matagpuang buhay sa kanyang kamay, maging baka o asno, o tupa, ay magbabayad siya ng doble.
5. "Kung ang sinuman ay magpastol sa isang bukid, o sa isang ubasan, at pakawalan ang kanyang hayop at manginain sa bukid ng iba, siya'y magsasauli mula sa pinakamainam sa kanyang sariling bukid, at mula sa kanyang sariling ubasan.
6. "Kung may magningas na apoy at umabot sa mga tinik, na anupa't ang mga mandala, o ang mga uhay, o ang bukid ay masunog, ang nagpaningas ng apoy ay magbabayad ng buo.
7. "Kung ang sinuman ay magpatago sa kanyang kapwa ng salapi o pag-aari, at ito'y ninakaw sa bahay ng taong iyon, at pagkatapos, kung matagpuan ang magnanakaw, magbabayad siya ng doble.
8. Kung hindi matagpuan ang magnanakaw, lalapit ang may-ari ng bahay sa Diyos, upang ipakita kung pinakialaman niya o hindi ang pag-aari ng kanyang kapwa.
9. "Sapagkat sa lahat ng pagsuway, maging para sa baka, sa asno, sa tupa, sa kasuotan, o sa anumang bagay na nawala, na may magsabi na iyon nga ay sa kanya, dadalhin sa harapan ng Diyos ang usapin ng dalawa; ang parurusahan ng Diyos ay magbabayad ng doble sa kanyang kapwa.
10. "Kung ang sinuman ay maghabilin sa kanyang kapwa ng isang asno, o ng isang baka, o ng isang tupa, o ng anumang hayop; at namatay ito, o nasaktan, o hinuli, na walang nakakakitang sinuman,
11. ang pagsumpa nilang dalawa sa PANGINOON ang mamamagitan sa kanila upang makita kung pinakialaman niya o hindi ang pag-aari ng kanyang kapwa; at tatanggapin ng may-ari ang sumpa, at siya'y hindi magsasauli.
12. Subalit kung ninakaw ito sa kanya ay isasauli niya iyon sa may-ari.
13. Kung nilapa ito ng mga hayop, dadalhin niya ito bilang katibayan; hindi siya magsasauli ng anumang nilapa.
14. "Kung ang sinuman ay humiram ng anuman sa kanyang kapwa, at nasaktan ito, o namatay, na hindi kaharap ang may-ari, ang humiram ay magsasauli ng buo.
15. Kung ang may-ari niyon ay kaharap, hindi siya magsasauli; kung ito'y inupahan, dumating ito para sa upanito.
16. "At kung akitin ng isang lalaki ang isang dalaga na hindi pa naipagkakasundong mag-asawa at kanyang sipingan, kanyang ibibigay ang kanyang dote at gagawing kanyang asawa.
17. Kung mahigpit na tumutol ang kanyang ama na ibigay siya sa kanya, ay magbabayad siya ng salapi katumbas ng dote para sa mga dalaga.
18. "Huwag mong pahintulutang mabuhay ang isang babaing mangkukulam.
19. "Sinumang sumiping sa isang hayop ay papatayin.
20. "Ang maghandog sa alinmang diyos, maliban sa PANGINOON lamang, ay lubos na pupuksain.
21. "At huwag mong aapihin, o pahihirapan ang dayuhan, sapagkat kayo'y mga dayuhan din sa lupain ng Ehipto.
22. Huwag ninyong pahihirapan ang sinumang babaing balo, o batang ulila.
23. Kung iyong pahihirapan sila sa anumang paraan, at dumaing sa akin, tiyak na aking diringgin ang kanilang daing;
24. ang aking poot ay mag-aalab, at papatayin ko kayo ng tabak, at ang inyong mga asawa ay magiging mga balo, at ang inyong mga anak ay magiging mga ulila.
25. "Kung magpautang ka ng salapi sa kaninuman sa aking bayan sa dukhang kasama mo, huwag mo silang papakitunguhan bilang taga-pagpautang; huwag mo siyang papatungan ng tubo.
26. Kung iyong kunin ang damit ng iyong kapwa bilang sangla, isasauli mo iyon sa kanya bago lumubog ang araw;
27. sapagkat iyon lamang ang kanyang saplot, iyon ang kanyang pantakip sa kanyang katawan, ano pa ang kanyang ipapantulog? At kapag siya'y dumaing sa akin ay aking diringgin sapagkat ako'y mahabagin.
28. "Huwag mong lalapastanganin ang Diyos, ni lalaitin man ang pinuno ng iyong bayan.
29. "Huwag mong ipagpapaliban ang paghahandog ng mula sa iyong mga ani, at ng mula sa umagos sa iyong mga pisaan. "Ang panganay sa iyong mga anak na lalaki ay ibibigay mo sa akin.
45. Nanlulupaypay ang mga dayuhan, sila'y nagsisilabas na nanginginig mula sa dakong kanilang pinagtataguan.
46. Buhay ang PANGINOON; at purihin ang aking malaking bato; at dakilain ang Diyos na kaligtasan ko.
47. Ang Diyos na nagbigay sa akin ng paghihiganti at nagpapasuko ng mga tao sa ilalim ko,
48. inililigtas niya ako sa mga kaaway ko. Oo, sa mga naghihimagsik laban sa akin ay itinaas mo ako, inililigtas mo ako sa mararahas na tao.
49. Dahil dito'y magpapasalamat ako sa iyo, O PANGINOON, sa gitna ng mga bansa, at aawit ako ng mga pagpupuri sa pangalan mo.
50. Mga dakilang tagumpay ang sa kanyang hari'y ibinibigay at nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa kanyang pinahiran ng langis, kay David at sa kanyang binhi magpakailanman.
26. Sapagkat ang masamang babae ay maaaring upahan ng isang pirasong tinapay, ngunit hinuhuli ng mangangalunya ang mahalagang buhay.
27. Makapagdadala ba ng apoy ang isang tao sa kanyang kandungan, at hindi masusunog ang kanyang kasuotan?
28. Sa nagbabagang uling makalalakad ba ang isang tao, at ang kanyang mga paa ay hindi mapapaso?
29. Gayon ang sumisiping sa asawa ng kanyang kapwa; sinumang humipo sa kanya ay hindi maaaring walang parusa.
1. Pagkatapos ay nagsalita si Jesus sa maraming tao at sa kanyang mga alagad,
2. na sinasabi, "Ang mga eskriba at ang mga Fariseo ay umuupo sa upuan ni Moises.
3. Kaya't gawin at sundin ninyo ang lahat ng mga sinasabi nila sa inyo, ngunit huwag ninyong gawin ang mga ginagawa nila, sapagkat hindi nila ginagawa ang sinasabi nila.
4. Nagtatali sila ng mabibigat na pasanin at mahihirap dalhin at ipinapatong nila sa mga balikat ng mga tao; ngunit ayaw nila mismong galawin ang mga iyon ng kanilang daliri.
5. Ginagawa nila ang lahat ng kanilang mga gawa upang makita ng mga tao; sapagkat pinalalapad nila ang kanilang mga pilakteria, at pinahahaba ang mga laylayan ng kanilang mga damit.
6. Gustung-gusto nila ang mararangal na lugar sa mga handaan at ang mga pangunahing upuan sa mga sinagoga,
7. at ang pagbibigay-galang sa kanila sa mga pamilihan, at ang sila'y tawagin ng mga tao, 'Rabi.'
8. Ngunit hindi kayo dapat tawaging Rabi, sapagkat iisa ang inyong Guro, at kayong lahat ay magkakapatid.
9. At huwag ninyong tawaging inyong ama ang sinumang tao sa lupa, sapagkat iisa ang inyong Ama, siya na nasa langit.
10. Ni huwag kayong patawag na mga tagapagturo; sapagkat iisa ang inyong Tagapagturo, ang Cristo.
11. Ang pinakadakila sa inyo ang magiging lingkod ninyo.
12. Sinumang nagmamataas ay ibababa at sinumang nagpapakababa ay itataas.
13. "Kahabag-habag kayo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat sinasarhan ninyo ang kaharian ng langit sa mga tao; sapagkat kayo mismo ay hindi pumapasok at ang mga pumapasok ay hindi ninyo pinapayagang makapasok.
14. [Kahabag-habag kayo, mga eskriba't mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat sinasakmal ninyo ang mga bahay ng mga babaing balo, at inyong dinadahilan ang mahahabang panalangin: kaya't tatanggap kayo ng lalong mabigat na parusa.]
15. Kahabag-habag kayo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nilalakbay ninyo ang dagat at ang lupa upang magkaroon ng isang mahihikayat, at kung siya'y nahikayat na ay ginagawa ninyo siyang makalawang-ulit pang anak ng impiyerno kaysa inyong mga sarili.
16. "Kahabag-habag kayo, mga bulag na taga-akay na nagsasabi, 'Kung ipanumpa ninuman ang templo, ay wala iyong kabuluhan, ngunit kung ipanumpa ninuman ang ginto ng templo, siya ay may pananagutan.'
17. Kayong mga mangmang at mga bulag! Alin ba ang higit na dakila, ang ginto, o ang templo na nagpapabanal sa ginto?
18. At sinasabi ninyo, 'Kung ipanumpa ninuman ang dambana, ay wala iyong kabuluhan, ngunit kung ipanumpa ninuman ang handog na nasa ibabaw nito, siya ay may pananagutan.'
19. Kayong mga bulag! Sapagkat alin ba ang higit na dakila, ang handog o ang dambana na nagpapabanal sa handog?
20. Kaya't ang gumagamit sa dambana sa pagsumpa ay nanunumpa dito, at sa lahat ng mga bagay na nasa ibabaw nito.
21. At ang gumagamit sa templo sa pagsumpa ay nanunumpa dito, at sa kanya na tumatahan sa loob nito.
22. Ang gumagamit sa langit sa pagsumpa ay nanunumpa sa trono ng Diyos at sa kanya na nakaupo doon.
Tagalog Bible 2001
Philippine Bible Society, 2001