Bibliya sa isang taon

1. Ito ang mga pagpapalang binigkas ni Moises na lingkod ng Diyos, bago siya namatay.
2. “Dumating si Yahweh mula sa Bundok Sinai. Sumikat sa Edom na parang araw, at sa bayan niya'y nagpakita sa Bundok Paran. Sampung libong anghel ang kanyang kasama, nagliliyab na apoy ang nasa kanang kamay niya.
3. Minamahal ni Yahweh ang kanyang bayan at iniingatan ang kanyang hinirang. Kaya't yumuyukod kami sa kanyang paanan, at sinusunod ang kanyang kautusan.
4. Binigyan kami ni Moises ng kautusan, na siyang yaman ng aming bayan.
5. Naging hari si Yahweh ng Israel na kanyang bayang hirang, nang ang mga pinuno ng mga lipi nito ay nagkakabuklod.
6. “Ang lipi ni Ruben sana'y manatili, kahit ang bilang niya'y kakaunti.”
7. Tungkol kay Juda ay ganito ang sinabi: “Dinggin mo, Yahweh, ang daing nitong Juda, ibalik mo siya sa piling ng kanyang bayan, at tulungan siya sa pakikipaglaban.”
8. Tungkol kay Levi ay kanyang sinabi: “Ang Tumim ay kay Levi, ang Urim ay sa tapat mong alipin; sa kanya na iyong sinubok sa Masah at sa may tubig ng Meriba.
9. Higit ka niyang pinahalagahan kaysa kanyang mga magulang, pati anak at kapatid ay hindi isinaalang-alang. Upang masunod lang ang iyong kautusan, at maging tapat sa iyong kasunduan.
10. Kaya't siya ang magtuturo sa Israel ng iyong kautusan, siya ang magsusunog ng insenso at mga alay sa altar.
11. Palakasin mo nawa, Yahweh, ang kanyang angkan, paglilingkod niya'y iyong pahalagahan. Durugin mong lahat ang kanyang kaaway, upang di na makabangon kailanman.”
12. Tungkol naman kay Benjamin, ganito ang sinabi: “Mahal ka ni Yahweh at iniingatan, sa buong maghapon ika'y binabantayan, at sa kanyang mga balikat ika'y mananahan.”
13. Tungkol kay Jose ay sinabi: “Pagpalain nawa ni Yahweh ang kanilang lupain, sa hamog at ulan ay palaging diligin, at tubig mula sa lupa ay pabukalin.
14. Magkaroon nawa siya ng mga bungang hinog araw-araw, at mga pagkaing inani sa kapanahunan.
15. Mapupuno ng prutas maging matandang kabundukan.
16. Ang lupain niya'y sasagana sa lahat ng kabutihan, mula kay Yahweh na nagsalita mula sa nag-aapoy na halaman. Tamasahin nawa ng lipi ni Jose ang mga pagpapalang ito, sapagkat sa ibang lipi'y siya ang namuno.
17. Ang panganay niya ay magiging makapangyarihan; parang lakas ng toro ang kanyang taglay. Ang mga bansa'y sama-samang itataboy hanggang dulo ng daigdig. Ganyan ang kapangyarihan ng laksa-laksang kawal ni Efraim, sa ganyan matutulad libu-libong kawal ni Manases.”
18. Tungkol kina Zebulun at Isacar ay sinabi: “Magtagumpay nawa si Zebulun sa pangangalakal sa karagatan, at sa bayan ni Isacar ay dumami ang kayamanan.
19. Ang ibang mga bansa ay dadalo sa paghahandog ninyo doon sa bundok, pagkat ang yaman nila'y buhat sa dagat at sa buhanginan sa baybay nito.”
20. Tungkol kay Gad ay sinabi: “Purihin ang Diyos na nagpalawak ng lupain ni Gad. Si Gad ay parang leon na nag-aabang at handang sumakmal ng leeg o kamay.
21. Pinili nila ang pinakamainam na lupain, lupaing nababagay sa isang pangunahin. Sumama siya sa mga pinuno ng Israel upang mga utos ni Yahweh ay kanilang tuparin.”
22. Tungkol kay Dan ay sinabi: “Isang batang leon ang katulad ni Dan, na palukso-lukso mula sa Bashan.”
23. Tungkol kay Neftali ay sinabi: “Lubos na pinagpala ni Yahweh itong si Neftali, mula sa lawa hanggang timog ang kanilang kaparte.”
24. Tungkol kay Asher ay sinabi: “Higit na pinagpala kaysa ibang lipi itong si Asher, kagiliwan sana siya ng mga anak ni Israel. Sumagana sa langis olibo ang kanyang lupain.
25. Bakal at tanso sana ang pintuan ng iyong mga bayan. Maging mahaba at matatag nawa ang iyong pamumuhay.”
26. Ang iyong Diyos, O Israel, ay walang kagaya, mula sa langit dumarating upang tulungan ka.
27. Sa mula't mula pa'y ang Diyos na ang inyong tanggulan, walang hanggan niyang bisig ang inyong kanlungan. Mga kaaway ninyo'y kanyang ipinagtabuyan, at inutusan kayong sila'y lipuling lubusan.
28. Kaya ang bayang Israel ay nanirahang tiwasay, sa lupaing sagana sa lahat ng bagay, at laging dinidilig ng hamog sa kalangitan.
29. Bansang Israel, ikaw ay mapalad! Walang bansa na iyong katulad, pagkat si Yahweh ang sa iyo'y nagligtas. Siya ang kalasag ng iyong kaligtasan, at tabak ng iyong tagumpay. Magmamakaawa ang iyong mga kaaway, ngunit sila'y iyong tatapakan.
1. Umahon si Moises mula sa kapatagan ng Moab patungo sa Bundok ng Nebo, sa taluktok ng Pisga, sa gawing silangan ng Jerico. Ipinakita sa kanya roon ni Yahweh ang buong lupain. Mula sa Gilead hanggang Dan,
2. ang buong Neftali, ang lupain ng Efraim at Manases, ang buong lupain ng Juda hanggang sa Dagat ng Mediteraneo,
3. ang katimugan at ang kapatagan, samakatuwid ay ang libis ng Jerico, ang lunsod ng mga palmera, hanggang Zoar.
4. Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Iyan ang lupain na aking ipinangako sa iyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob. Sinabi ko sa kanilang ibibigay ko ito sa kanilang lahi. Ipinakita ko ito sa iyo ngunit hindi mo mararating.”
5. At si Moises na lingkod ni Yahweh ay namatay sa lupain ng Moab, tulad ng sinabi ni Yahweh.
6. Inilibing siya ni Yahweh sa isang libis sa Moab sa tapat ng Beth-peor, ngunit hanggang ngayo'y walang nakakaalam ng tiyak na lugar.
7. Siya'y sandaa't dalawampung taóng gulang nang mamatay. Hindi lumabo ang kanyang paningin at hindi rin nanghina ang kanyang pangangatawan.
8. Tatlumpung araw siyang ipinagluksa ng Israel sa kapatagan ng Moab.
9. Si Josue na anak ni Nun ay napuno ng karunungan sa pamamahala sapagkat ipinatong sa kanya ni Moises ang kanyang mga kamay. Sumunod sa kanya ang mga Israelita at ginawa nila ang lahat ng utos na ibinigay ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises.
10. Mula noon ay wala nang lumitaw sa Israel na propetang katulad ni Moises na nakipag-usap nang harap-harapan kay Yahweh.
11. Wala na ring nakagawa ng mga kababalaghang tulad ng ipinagawa sa kanya ni Yahweh sa Egipto, sa harapan ng Faraon at ng mga lingkod nito.
12. Walang ibang nakagawa ng makapangyarihan at pambihirang mga gawa tulad ng ginawa ni Moises sa harapan ng bayang Israel.
13. Nawa ay kalugdan, na ako'y tulungan! Yahweh, ngayon na, ako'y pakinggan.
14. Nawa ang may hangad na ako'y patayin, bayaang malito't ganap na talunin. Yaong nagagalak sa suliranin ko, hiyain mo sila't bayaang malito!
15. Silang nangungutya sa aki'y bayaang manlumo nang labis, nang di magtagumpay!
16. Silang lumalapit sa iyo'y dulutan ng ligaya't galak na walang kapantay; bayaang sabihing: “Si Yahweh ay Dakila!” ng nangaghahangad maligtas na kusa.
17. Ako ma'y mahirap at maraming kailangan, subalit hindi mo kinalilimutan. Ikaw ang tulong ko, at tagapagligtas— Yahweh, aking Diyos, huwag ka nang magtagal!
13. Ang nagwawalang-bahala sa payo ay hahantong sa sariling kapahamakan, ngunit ang nagpapahalaga sa utos ay gagantimpalaan.
14. Ang mga turo ng matalino ay bukal ng buhay, ito ay maglalayo sa bitag ng kamatayan.
1. Pagkatapos nito, nilibot ni Jesus ang mga bayan at nayon sa paligid. Nangangaral siya at nagtuturo ng Magandang Balita tungkol sa kaharian ng Diyos. Kasama niya ang Labindalawa
2. at ilang babaing pinagaling niya sa masasamang espiritu at sa kanilang mga karamdaman: si Maria na tinatawag na Magdalena (mula sa kanya'y pitong demonyo ang pinalayas),
3. si Juana na asawa ni Cusa na katiwala ni Herodes, si Susana, at marami pang iba. Tinustusan ng mga ito mula sa sarili nilang ari-arian ang mga pangangailangan ni Jesus at ng kanyang mga alagad.
4. Nagdatingan ang mga tao mula sa iba't ibang bayan at sila'y lumapit kay Jesus. Isinalaysay ni Jesus ang talinghagang ito:
5. “Isang magsasaka ang pumunta sa bukid upang maghasik. Sa kanyang paghahasik, may binhing nalaglag sa daan, natapakan ng mga tao at tinuka ng mga ibon.
6. May binhi namang nalaglag sa batuhan at tumubo, ngunit agad na natuyo dahil sa kakulangan sa tubig.
7. May nalaglag naman sa may damuhang matinik, at nang lumago ang mga damo, sinakal nito ang mga binhing tumubo roon.
8. Mayroon namang binhing nalaglag sa matabang lupa. Ito'y sumibol, lumago at namunga ng tig-iisandaan.” At pagkatapos ay sinabi niya nang malakas, “Makinig ang may pandinig!”
9. Itinanong ng mga alagad kung ano ang kahulugan ng talinghagang ito.
10. Sumagot si Jesus, “Ipinagkaloob sa inyo na maunawaan ang mga hiwaga tungkol sa kaharian ng Diyos, ngunit sa iba'y sa pamamagitan ng talinghaga. Nang sa gayon, ‘Tumingin man sila'y hindi sila makakakita; at makinig man sila'y hindi sila makakaunawa.’”
11. “Ito ang kahulugan ng talinghaga: ang binhi ay ang Salita ng Diyos.
12. Ang mga binhing nalaglag sa tabi ng daan ay ang mga taong nakikinig. Dumating ang diyablo at inalis nito ang Salita mula sa puso ng mga nakikinig upang hindi sila manalig at maligtas.
13. Ang mga nalaglag naman sa batuhan ay ang mga nakarinig ng Salita at tumanggap nito nang may kagalakan, ngunit hindi ito nag-ugat sa kanilang puso. Sandali lamang silang naniwala, kaya't pagdating ng pagsubok, sila'y tumitiwalag.
14. Ang mga nahasik naman sa may matitinik na damuhan ay ang mga nakinig sa salita ng Diyos, ngunit nang tumagal, nadaig sila ng mga alalahanin sa buhay at ng pagkahumaling sa kayamanan at kalayawan. Dahil dito, hindi nahihinog ang kanilang mga bunga.
15. Ang mga nahasik naman sa matabang lupa ay ang mga nakikinig ng salita ng Diyos at nag-iingat nito sa kanilang pusong tapat at malinis, at sila'y namumunga dahil sa pagtitiyaga.”
16. “Walang taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay tinatakluban ng banga o kaya'y itinatago sa ilalim ng higaan. Sa halip, inilalagay iyon sa talagang patungan upang magkaroon ng liwanag para sa mga pumapasok sa bahay.
17. Walang natatago na di malalantad, at walang lihim na di mabubunyag.
18. “Kaya't pagbutihin ninyo ang inyong pakikinig, sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala ay aalisan pati ng inaakala niyang nasa kanya.”
19. Dumating ang ina at mga kapatid ni Jesus, ngunit hindi sila makalapit sa kanya dahil sa dami ng tao.
20. Kaya't may nagsabi sa kanya, “Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid; nais nilang makita kayo.”
21. Ngunit sinabi ni Jesus, “Ang mga nakikinig at tumutupad ng salita ng Diyos ang aking ina at mga kapatid.”
22. Isang araw, sumakay sa isang bangka si Jesus at ang kanyang mga alagad. Sinabi niya sa kanila, “Tumawid tayo sa ibayo.” At ganoon nga ang ginawa nila.
23. Nang sila ay naglalayag na, nakatulog si Jesus. Bumugso ang isang malakas na unos at ang bangka ay pinasok ng tubig, kaya't sila'y nanganib na lumubog.
24. Nilapitan siya ng mga alagad at ginising. “Panginoon, Panginoon, mamamatay tayo!” sabi nila. Bumangon si Jesus at sinaway ang hangin at ang malalaking alon. Tumahimik ang mga ito at bumuti ang panahon.
25. Pagkatapos, sinabi niya, “Nasaan ang inyong pananampalataya?” Ngunit sila'y natakot at namangha. Sinabi nila sa isa't isa, “Sino kaya ito? Inuutusan niya pati ang hangin at ang tubig, at sinusunod naman siya ng mga ito!”
Tagalog Bible 2012
New Testament 2012 Philippine Bible Society Old Testament 2005 Philippine Bible Society