1. Ang aklat na ito ay naglalaman ng pangitain ni Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at sa Jerusalem noong panahon ng paghahari sa Juda nina Uzias, Jotam, Ahaz at Hezekias.
2. Makinig ang kalangitan gayundin ang kalupaan, sapagkat si Yahweh ay nagsasalita, “Pinalaki ko't inalagaan ang aking mga anak, ngunit naghimagsik sila laban sa akin.
3. Nakikilala ng baka ang kanyang panginoon, at ng asno kung saan siya pinapakain ng kanyang amo; ngunit hindi ako nakikilala ng Israel, hindi ako nauunawaan ng aking bayan.”
4. Bansang makasalanan, mga taong puno ng kasamaan, mga anak ng masasamang tao, mga anak ng katiwalian! Itinakwil ninyo si Yahweh, nilait ang Banal na Diyos ng Israel at pagkatapos ay tinalikuran ninyo siya.
5. Bakit patuloy kayong naghihimagsik? Nais ba ninyong laging pinaparusahan? Ang isip ninyo'y gulung-gulo, ang damdamin ninyo'y nanlulumo.
6. Kayo'y punô ng karamdaman mula ulo hanggang paa; katawan ninyo'y tadtad ng pasa, latay, at dumudugong sugat. Ang mga ito'y nagnanaknak na at wala pang benda, at wala man lamang gamot na mailagay.
7. Sinalanta ang inyong bayan, tupok ang inyong mga lunsod, sinamsam ng mga dayuhan ang inyong mga lupain, at winasak ang mga ito sa inyong harapan.
8. Ang Jerusalem lang ang natira, parang kubong iniwan sa gitna ng ubasan, parang isang silungan sa gitna ng taniman ng pipino, parang isang lunsod na kinukubkob ng kalaban.
9. Kung si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ay hindi nagtira ng ilan sa ating lahi, tayo sana'y natulad sa Sodoma at Gomorra.
10. Mga pinuno ng Israel, pakinggan ninyo si Yahweh! Ang inyong mga gawa ay kasinsama ng sa Sodoma at Gomorra. Kaya't pakinggan ninyo at pag-aralan ang katuruan ng Diyos ng ating bayan.
11. “Walang halaga sa akin ang dami ng inyong mga handog. Sawa na ako sa mga tupang sinusunog at sa taba ng bakang inyong inihahandog; hindi ako nalulugod sa dugo ng mga toro, mga kordero at mga kambing.
12. Sinong nag-utos sa inyo na maghandog sa harap ko? Huwag na ninyong lapastanganin ang aking templo.
13. Huwag na kayong magdala ng mga handog na walang halaga; nasusuklam ako sa usok ng insenso. Nababagot na ako sa inyong mga pagtitipon, kung Pista ng Bagong Buwan at Araw ng Pamamahinga; ang mga ito'y walang saysay dahil sa inyong mga kasalanan.
14. “Labis akong nasusuklam sa inyong pagdiriwang ng Pista ng Bagong Buwan at ng iba pang kapistahan; sawang-sawa na ako sa mga iyan at hindi ko na matatagalan.
15. Kapag kayo'y nanalangin sa akin, hindi ko kayo papansinin; kahit na kayo'y manalangin nang manalangin, hindi ko kayo papakinggan sapagkat marami na ang inyong pinaslang.
16. Linisin ninyo ang inyong sarili at magbalik-loob sa akin; sa aking harapan, kasamaan ninyo'y inyong tigilan.
17. Pag-aralan ninyong gumawa ng makatuwiran; pairalin ang katarungan; tulungan ang naaapi; ipagtanggol ninyo ang mga ulila, at tulungan ang mga biyuda.
18. “Halikayo at tayo'y magpaliwanagan,” sabi ni Yahweh. Gaano man kapula ang inyong mga kasalanan, kayo'y aking papuputiin, tulad ng yelo o bulak.
19. Kung susundin ninyo ang aking sinasabi, tatamasahin ninyo ang ani ng inyong lupain.
20. Ngunit kung susuway kayo at maghihimagsik, tiyak na kayo'y mamamatay. Ito ang mensahe ni Yahweh.
21. “Ang Jerusalem na dating tapat sa akin, ngayo'y naging isang masamang babae. Dati'y puspos siya ng katarungan at katuwiran! Ngayon nama'y tirahan na ng mga mamamatay-tao.
22. Ang iyong pilak ay naging bato, nahaluan ng tubig ang iyong alak.
23. Naging suwail ang iyong mga pinuno, kasabwat sila ng mga magnanakaw; tumatanggap ng mga suhol at mga regalo; hindi ipinagtatanggol ang mga ulila; at walang malasakit sa mga biyuda.”
24. Kaya sinabi ng Panginoong Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, “Ibubuhos ko ang aking poot sa aking mga kaaway, maghihiganti ako sa aking mga kalaban!
25. Paparusahan kita at lilinisin, gaya ng pilak na pinadadaan sa apoy at tinutunaw upang dumalisay.
26. Bibigyan kita uli ng mga tagapamahalang tulad noong una, at ng mga tagapayo gaya noong simula, pagkatapos ay tatawagin kang Lunsod ng Katuwiran, ang Lunsod na Matapat.”
27. Maliligtas ang Zion sa pamamagitan ng katarungan, at kayong nagsisisi at nagbabalik-loob.
28. Mapupuksang lahat ang mga suwail at makasalanan, malilipol ang mga tumalikod kay Yahweh.
29. Mapapahiya kayo dahil sa mga punongkahoy na inyong sinamba, at sa mga halamanang itinuring ninyong banal.
30. Makakatulad ninyo'y mga nalalagas na dahon ng puno at halamanang hindi na nadidilig.
31. Ang malalakas na tao'y matutulad sa mga tuyong kahoy, mga gawa nila'y madaling magliliyab, parehong matutupok, sa apoy na walang makakapigil.
1. Ito ang pangitain ni Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at sa Jerusalem:
2. Sa mga darating na araw, ang bundok na kinatatayuan ng Templo ni Yahweh ang magiging pinakamataas sa lahat ng bundok, at mamumukod sa lahat ng burol, daragsa sa kanya ang lahat ng bansa.
3. Maraming tao ang darating at sasabihin ang ganito: “Umakyat tayo sa bundok ni Yahweh, sa Templo ng Diyos ni Jacob, upang maituro niya sa atin ang kanyang mga daan; at matuto tayong lumakad sa kanyang mga landas. Sapagkat sa Zion magmumula ang kautusan, at sa Jerusalem, ang salita ni Yahweh.”
4. Siya ang mamamagitan sa mga bansa at magpapairal ng katarungan sa lahat ng mga tao; kaya't gagawin na nilang araro ang kanilang mga tabak, at karit naman ang kanilang mga sibat. Mga bansa'y di na mag-aaway at sa pakikidigma'y di na magsasanay.
5. Halina kayo, sambahayan ni Jacob, lumakad tayo sa liwanag ni Yahweh.
6. Itinakwil mo ang lahi ni Jacob na iyong bayan, sapagkat ang lupain ay punô ng mga salamangkero mula sa silangan at ng mga manghuhula gaya ng mga Filisteo; nakikibagay sila sa kaugalian ng mga dayuhan.
7. Sagana ang kanilang lupain sa ginto at pilak, at walang pagkaubos ang kanilang kayamanan. Sa buong lupai'y maraming kabayo, at hindi mabilang ang kanilang mga karwahe.
8. Punô ng diyus-diyosan ang kanilang bayan; mga rebultong gawa lamang, kanilang niyuyukuran, mga bagay na inanyuan at nililok lamang.
9. Kaya ang mga tao ay hahamakin at mapapahiya; huwag mo silang patatawarin!
10. Magtatago sila sa mga yungib na bato at sa mga hukay upang makaiwas sa poot ni Yahweh, at sa kaluwalhatian ng kanyang karangalan.
11. Pagdating ng araw ni Yahweh, ang mga palalo ay kanyang wawakasan, itong mga mayayabang, kanya ring paparusahan; pagkat si Yahweh lamang ang bibigyang kadakilaan.
12. Sapagkat si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ay may itinakdang araw, laban sa lahat ng palalo at mayabang, laban sa lahat ng mapagmataas;
13. laban sa lahat ng nagtataasang sedar ng Lebanon, at laban sa lahat ng malalaking punongkahoy sa Bashan;
14. laban sa lahat ng matataas na bundok at mga burol;
15. laban sa lahat ng matataas na tore at matitibay na pader;
16. laban sa mga malalaking barko, at magagandang sasakyang dagat.
17. Pagdating ng araw na iyon, ang mga palalo ay papahiyain, at ang mga maharlika ay pababagsakin, pagkat si Yahweh lamang ang dapat dakilain,
18. at mawawala ang lahat ng diyus-diyosan.
19. Magtatago ang mga tao sa mga yungib na bato at sa mga hukay sa lupa, upang kanilang matakasan ang poot ni Yahweh; at ang kaluwalhatian ng kanyang karangalan, kapag siya'y nagbangon upang sindakin ang daigdig.
20. Sa araw na iyon, itatapon nila sa mga daga at paniki, ang mga rebultong yari sa ginto at pilak na ginawa nila upang kanilang sambahin.
21. Magtatago sila sa mga yungib na bato at sa mga bitak ng matatarik na burol, upang kanilang matakasan ang poot ni Yahweh at ang kaluwalhatian ng kanyang karangalan, kapag siya'y nagbangon upang sindakin ang daigdig.
22. Huwag ka nang magtitiwala sa kapangyarihan ng tao. Siya ay hininga lamang, at tiyak maglalaho. Ano nga ba ang maitutulong niya sa iyo?
1. Dapat na si Yahweh, ating Panginoon, ay pasalamatan, ang kanyang ginawa sa lahat ng bansa'y dapat ipaalam.
2. Siya ay purihin, handugan ng awit, ating papurihan, ang kahanga-hangang mga gawa niya'y dapat na isaysay.
3. Tayo ay magalak yamang lahat tayo ay tunay na kanya, ang kanyang pangalan, ang pangalang banal, napakadakila, lahat ng may nais maglingkod kay Yahweh, dapat na magsaya.
4. Siya ay hanapin, at ang kanyang lakas ay siyang asahan, siya ay hanapin upang mamalagi sa kanyang harapan.
5. Ating gunitain ang kahanga-hanga niyang mga gawa, ang kanyang paghatol, gayon din ang kanyang ginawang himala.
6. Ito'y nasaksihan ng mga alipi't anak ni Abraham, gayon din ng lahat na anak ni Jacob na kanyang hinirang.
23. Narito pa ang ilang mahahalagang kawikaan: Hindi dapat magtangi sa pagpapairal ng katarungan.
24. Ang hukom na nagpapawalang-sala sa may kasalanan ay itinatakwil ng tao at isinusumpa ng bayan.
25. Ang nagpaparusa sa masama ay mapapabuti at pagpapalain.
21. Ganito ang nakasulat sa Kautusan: “Sinabi ng Panginoon, ‘Magsasalita ako sa bayang ito, sa pamamagitan ng mga taong may ibang wika, sa pamamagitan ng labi ng mga banyaga, ngunit hindi pa rin nila ako papakinggan.’”
22. Kung gayon, ang kaloob na makapagsalita sa iba't ibang mga wika ay isang himala para sa mga hindi sumasampalataya at hindi para sa mga mananampalataya. Ngunit ang kaloob na makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos ay himala para sa mga sumasampalataya at hindi sa mga di-mananampalataya.
23. Kaya't kung sa pagtitipon ng iglesya ay nagsasalita ng iba't ibang mga wika ang lahat, at may dumating na mga taong walang gayong kaloob o hindi sumasampalataya, hindi kaya nila sasabihing nababaliw kayo?
24. Ngunit kung ang lahat ay nagsasalita ng mensahe mula sa Diyos, at dumating doon ang isang taong walang gayong kaloob o hindi sumasampalataya, malalaman niyang siya'y makasalanan, hahatulan siya ng lahat ng kanyang naririnig,
25. at mabubunyag ang mga lihim ng kanyang puso. Kaya't luluhod siya, sasamba sa Diyos, at sasabihin niyang tunay ngang kasama ninyo ang Diyos.
26. Ganito ang ibig kong sabihin, mga kapatid. Kung sa inyong pagtitipon ay may umaawit, may nagtuturo, may naghahayag ng kalooban ng Diyos, may nagsasalita sa iba't ibang mga wika, at mayroon namang nagpapaliwanag noon, gawin ninyo ang lahat ng iyan sa ikapagpapatibay ng iglesya.
27. Kung may magsasalita sa iba't ibang mga wika, sapat na ang dalawa o tatlo, salit-salitan sila, at kailangang may magpapaliwanag ng kanilang sinasabi.
28. Ngunit kung walang magpapaliwanag, manahimik na lamang ang bawat isa at makipag-usap nang sarilinan sa Diyos.
29. Hayaang magsalita ang dalawa o tatlong tao na tumanggap ng kaloob na makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos, at timbangin naman ng iba ang mga sinasabi nila.
30. At kung ang isa sa mga nakaupo roon ay tumanggap ng pahayag mula sa Diyos, tumigil muna ang nagsasalita.
31. Sapagkat kayong lahat ay maaaring isa-isang magsalita ng mensahe mula sa Diyos, upang matuto at mapalakas ang loob ng lahat.
32. Ang kaloob na pagsasalita ng mensahe mula sa Diyos ay dapat napipigil ng mga tumanggap ng kaloob na iyon,
33. sapagkat ang Diyos ay hindi Diyos ng kaguluhan kundi ng kapayapaan. Gaya ng dapat mangyari sa lahat ng iglesya ng mga hinirang ng Diyos,
34. ang mga babae ay kailangang manahimik sa mga pagtitipon sa iglesya. Sapagkat hindi ipinapahintulot sa kanila sa ganoong mga pagtitipon ang magsalita; kailangang sila'y pasakop, gaya ng sinasabi ng Kautusan.
35. Kung mayroon silang nais malaman, magtanong sila sa kanilang asawa pagdating nila sa bahay; sapagkat kahiya-hiyang magsalita ang isang babae sa loob ng iglesya.
36. Inaakala ba ninyong sa inyo nagmula ang salita ng Diyos, o kayo lamang ang tumanggap nito?
37. Kung inaakala ninuman na siya'y propeta, o mayroong espirituwal na kaloob, dapat niyang kilalanin na ang isinusulat ko sa inyo ay utos ng Panginoon.
38. Ang ayaw kumilala nito ay huwag din ninyong kilalanin.
39. Kaya, mga kapatid ko, hangarín ninyo na makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos, ngunit huwag naman ninyong ipagbawal ang pagsasalita sa iba't ibang mga wika.
40. Kaya lang, gawin ninyo ang lahat ng bagay sa wasto at maayos na paraan.
Tagalog Bible 2012
New Testament 2012 Philippine Bible Society Old Testament 2005 Philippine Bible Society