1. Sinabi ng PANGINOON kay Moises sa ilang ng Sinai, sa unang buwan ng ikalawang taon pagkatapos na sila'y makaalis sa lupain ng Ehipto,
2. "Ipangilin ng mga anak ni Israel ang paskuwa sa takdang panahon nito.
3. Sa ikalabing-apat na araw ng buwang ito, sa paglubog ng araw ay inyong ipapangilin sa kanyang takdang panahon ayon sa lahat na tuntunin niyon at ayon sa lahat ng ayos niyon ay inyong ipapangilin."
4. At si Moises ay nagsalita sa mga anak ni Israel upang ipangilin ang paskuwa.
5. Kanilang ipinangilin ang paskuwa nang ikalabing-apat na araw ng unang buwan, sa paglubog ng araw, sa ilang ng Sinai. Ayon sa lahat ng iniutos ng PANGINOON kay Moises ay gayon ginawa ng mga anak ni Israel.
6. Mayroon ngang mga lalaki na marurumi dahil sa paghawak sa bangkay ng isang tao, na anupa't hindi nila naipangilin ang paskuwa nang araw na iyon; at humarap sila kina Moises at Aaron nang araw na iyon.
7. At ang mga lalaking iyon ay nagsabi sa kanila, "Kami ay marurumi dahil sa paghawak sa bangkay ng isang tao. Bakit kami ay pipigilin sa pag-aalay ng handog sa PANGINOON sa kanyang takdang panahon na kasama ng mga anak ni Israel?"
8. Sinabi ni Moises sa kanila, "Maghintay kayo upang aking marinig ang ipag-uutos ng PANGINOON tungkol sa inyo."
9. Nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi,
10. "Sabihin mo sa mga anak ni Israel, kung ang sinumang tao sa inyo o sa inyong salinlahi ay maging marumi dahil sa paghawak sa isang bangkay, o nasa malayong paglalakbay ay kanyang. ipapangilin din ang paskuwa sa PANGINOON.
11. Sa ikalabing-apat na araw ng ikalawang buwan, sa paglubog ng araw ay kanilang.ipapangilin; kanilang kakainin ito kasama ng mga tinapay na walang pampaalsa at mga gulay na mapait.
12. Wala silang ititira sa mga iyon hanggang sa kinaumagahan, ni babali ng buto niyon, ayon sa labat ng tuntunin ng paskuwa ay kanilang ipapangilin iyon.
13. Subalit ang lalaking malinis at wala sa paglalakbay na hindi mangingilin ng paskuwa ay ititiwalag sa kanyang bayan sapagkat siya'y hindi nag-alay ng handog sa PANGINOON sa takdang panahon, ang taong iyon ay mananagot sa kanyang kasalanan.
14. Sinumang dayuhan na naninirahang kasama ninyo na nagnanais ipangilin ang paskuwa sa PANGINOON, ay gagawin niya iyon ayon sa tuntunin ng paskuwa at ayon sa batas. Kayo'y magkakaroon ng isang tuntunin para sa dayuhan at sa katutubo."
15. Nang araw na ang tabernakulo ay itayo, tinakpan ng ulap ang tabernakulo, samakatuwid ay ang tabernakulo ng patotoo. Mula sa paglubog ng araw hanggang sa kinaumagahan, iyon ay nasa ibabaw ng tabernakulo na parang anyong apoy.
16. Gayon ito nagpatuloy; iyon ay tinatakpan ng ulap kapag araw, at ang anyong apoy kapag gabi.
17. Tuwing ang ulap ay pumapaitaas mula sa ibabaw ng tolda, naglalakbay ang mga anak ni Israel at sa dakong tigilan ng ulap ay doon tumitigil ang mga anak ni Israel.
18. Sa utos ng PANGINOON ay naglalakbay ang mga anak ni Israel, at sa utos ng PANGINOON ay tumitigil sila. Kung gaano katagal ang itigil ng ulap sa ibabaw ng tabernakulo ay siya nilang itinitigil sa kampo.
19. Kahit ang ulap ay tumigil sa ibabaw ng tabernakulo ng maraming araw, sinusunod ng mga anak ni Israel ang bilin ng PANGINOON at hindi sila naglalakbay.
20. At kung minsan ay nananatili ng ilang araw sa ibabaw ng tabernakulo ang ulap; at ayon sa utos ng PANGINOON ay nananatili sila sa mga tolda, at ayon sa utos ng PANGINOON ay naglalakbay sila.
21. Kung minsan ang ulap ay nananatili mula sa hapon hanggang sa kinaumagahan. Kapag ang ulap ay pumaitaas sa kinaumagahan ay naglalakbay sila. Maging araw o gabi kapag ang ulap ay pumaitaas ay naglalakbay sila.
22. Maging dalawang araw o isang buwan, o mas mahabang panahon na nakatigil ang ulap sa ibabaw ng tabernakulo na nananatili doon, ay nananatili ang mga anak ni Israel sa mga tolda at hindi naglalakbay, subalit kapag pumaitaas ay naglalakbay sila.
23. Sa utos ng PANGINOON ay nagkakampo sila, at sa utos ng PANGINOON ay naglalakbay sila. Kanilang sinunod ang bilin ng PANGINOON, ang utos ng PANGINOON sa pamamagitan ni Moises.
1. Nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi,
2. "Gumawa ka ng dalawang trumpetang pilak; gagawin mo mula sa pinitpit na pilak at iyong gagamitin sa pagtawag sa kapulungan, at kapag kakalasin na ang mga tolda.
3. At kapag hinipan na nila ito, ay magtitipon sa iyo ang buong kapulungan sa pintuan ng toldang tipanan.
4. Ngunit kung isa lamang ang kanilang hihipan, kung gayon ang mga pinuno, ang mga puno ng mga lipi ng Israel ay magtitipon sa iyo.
5. Paghihip ninyo ng hudyat ay susulong ang mga kampo na nasa dakong silangan.
6. At kapag hinipan ninyo ang hudyat sa ikalawang pagkakataon, lulusong ang mga kampo na nasa dakong timog. Sila'y hihihip ng isang hudyat sa tuwing sila'y maglalakbay.
7. Subalit kapag ang sambayanan ay magtitipon ay hihihip kayo, ngunit huwag kayong magpapatunog ng hudyat.
8. Ang mga anak ni Aaron, ang mga pari, ang hihihip ng mga trumpeta; at ang trumpeta ay magiging walang hanggang tuntunin sa inyo sa buong panahon ng inyong mga salinlahi.
9. Kapag makikipaglaban kayo sa inyong lupain laban sa kaaway na lumulupig sa inyo, inyo ngang patutunugin ang hudyat ng trumpeta; at kayo'y aalalahanin sa harap ng PANGINOON ninyong Diyos, at kayo'y maliligtas sa inyong mga kaaway.
10. Pati sa mga araw ng inyong kagalakan, at sa inyong mga takdang kapistahan, at sa mga pasimula ng inyong mga buwan, ay inyong hihipan ang trumpeta sa ibabaw ng inyong mga handog na sinusunog, at sa ibabaw ng mga alay ng inyong mga handog pangkapayapaan; at sa inyo'y magiging alaala sa harap ng inyong Diyos. Ako ang PANGINOON ninyong Diyos."
11. Nang ikalawang taon, nang ikadalawampung araw ng ikalawang buwan, ang ulap ay pumaitaas mula sa tabernakulo ng patotoo.
12. At ang mga anak ni Israel ay nagsisulong, ayon sa mga yugto ng kanilang paglalakbay mula sa ilang ng Sinai; at ang ulap ay huminto sa ilang ng Paran.
13. Kanilang pinasimulan ang kanilang paglalakbay ayon sa utos ng PANGINOON sa pamamagitan ni Moises.
14. At unang sumulong ang watawat ng kampo ng mga anak ni Juda ayon sa kanilang mga pangkat; at nangunguna sa kanyang pangkat si Naashon na anak ni Aminadab.
15. Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Isacar si Natanael na anak ni Suar.
16. Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Zebulon si Eliab na anak ni Helon.
17. Nang maibaba ang tabernakulo, lumakad na ang mga anak ni Gershon at ang mga anak ni Merari, na mga may dala ng tabernakulo.
18. Ang watawat ng kampo ni Ruben ay sumulong ayon sa kanilang mga pangkat at nangunguna sa kanyang hukbo si Elisur na anak ni Sedeur.
19. Nanguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Simeon si Selumiel na anak ni Zurishadai.
20. Nanguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Gad, si Eliasaf na anak ni Deuel.
21. Ang mga Kohatita ay sumulong na dala ang mga banal na bagay at itinayo ng iba ang tabernakulo bago sila dumating.
22. Ang watawat ng kampo ng mga anak ni Efraim ay sumulong ayon sa kanilang mga pangkat at nangunguna sa kanyang hukbo si Elisama na anak ni Amihud.
23. Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Manases, si Gamaliel na anak ni Pedasur.
24. Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Benjamin, si Abidan na anak ni Gideoni.
25. At ang watawat ng kampo ng mga anak ni Dan na siyang nasa hulihan ng lahat ng mga kampo ay lumakad ayon sa kanilang mga pangkat at nangunguna sa kanyang hukbo si Ahiezer na anak ni Amisadai.
26. Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Aser si Pagiel na anak ni Ocran.
27. Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Neftali si Ahira na anak ni Enan.
28. Ganito ang mga paglalakbay ng mga anak ni Israel, ayon sa kanilang mga hukbo, nang sila'y sumulong.
29. Sinabi ni Moises kay Hobab na anak ni Reuel na Midianita, biyenan ni Moises: "Kami ay naglalakbay patungo sa dakong sinabi ng PANGINOON, 'Aking ibibigay sa inyo.' Sumama ka sa amin at gagawan ka namin ng mabuti sapagkat ang PANGINOON ay nangako ng mabuti tungkol sa Israel."
30. Ngunit sinabi niya sa kanya, "Ako'y hindi aalis; ako'y babalik sa aking sariling lupain at sa aking kamag-anak."
31. At sinabi ni Moises, "Ipinapakiusap ko sa iyo na huwag mo kaming iwan, sapagkat nalalaman mo kung paanong magkakampo kami sa ilang, at ikaw ay magiging mata para sa amin.
32. At kung ikaw ay sasama sa amin, anumang mabuting gagawin ng PANGINOON sa amin, ay siya rin naming gagawin sa iyo."
33. Kaya't sila'y lumusong mula sa bundok ng PANGINOON ng tatlong araw na paglalakbay; at ang kaban ng tipan ng PANGINOON ay nasa unahan nila sa loob ng tatlong araw nilang paglalakbay, upang ihanap sila ng dakong kanilang mapagpapahingahan.
34. Ang ulap ng PANGINOON ay nasa itaas nila kapag araw, tuwing sila'y susulong mula sa kampo.
35. At kapag ang kaban ay isinulong na, sinasabi ni Moises, "Bumangon ka, O PANGINOON, at mangalat nawa ang mga kaaway mo, at tumakas sa harap mo ang napopoot sa iyo."
36. At kapag nakalapag ay kanyang sinasabi, "Bumalik ka, O PANGINOON ng laksang libu-libong lsraelita."
6. Kinapopootan ko ang mga nagpapahalaga sa mga walang kabuluhang diyus-diyosan, ngunit nagtitiwala ako sa PANGINOON.
7. Ako'y matutuwa at magagalak dahil sa iyong tapat na pag-ibig, sapagkat nakita mo ang aking kapighatian, iyong binigyang-pansin ang aking mga kahirapan,
8. at hindi mo ako ibinigay sa kamay ng kaaway; inilagay mo ang aking mga paa sa dakong malawak.
9. Maawa ka sa akin, O PANGINOON, sapagkat ako'y nasa kahirapan; ang aking mata ay namumugto dahil sa kapanglawan, gayundin ang aking kaluluwa at katawan.
10. Sapagkat ang aking buhay ay pagod na sa lungkot, at ang aking mga taon sa paghihimutok; dahil sa aking kasalanan, lakas ko'y nauubos, at ang aking mga buto ay nanghihina.
11. Sa lahat kong mga kaaway, ako ang tampulan ng pagkutya, lalung-lalo na sa aking mga kapwa, sa aking mga kakilala ay bagay na kinasisindakan, yaong mga nakakakita sa akin sa lansangan sa aki'y naglalayuan.
12. Ako'y lumipas na sa isip gaya ng isang patay; ako'y naging gaya ng isang basag na sisidlan.
13. Oo, aking naririnig ang bulungan ng marami — kakilabutan sa bawat panig! — habang sila'y magkakasamang nagpapanukala laban sa akin, habang sila'y nagsasabwatan upang buhay ko'y kunin.
14. Ngunit nagtitiwala ako sa iyo, O PANGINOON, sinasabi ko, "Ikaw ang aking Diyos."
7. Kapag ang masamang tao ay namamatay, ang kanyang pag-asa ay mapapahamak, at ang inaasam ng masama ay napaparam.
8. Ang matuwid ay naliligtas sa gulo, at ang masama naman ay nasasangkot dito.
9. Pinupuksa ng masama ang kanyang kapwa sa pamamagitan ng bibig, ngunit sa pamamagitan ng kaalaman ay naliligtas ang matuwid.
10. Kapag napapabuti ang matutuwid, ang lunsod ay nagdiriwang, at kapag ang masama ay napapahamak, may sigawan ng kagalakan.
11. Sa pagpapala ng matuwid ang lunsod ay dinadakila, ngunit ito'y nawawasak sa pamamagitan ng bibig ng masama.
30. Umalis sila roon at nagdaan sa Galilea at ayaw niyang malaman ito ng sinuman.
31. Sapagkat tinuturuan niya ang kanyang mga alagad na sa kanila'y sinasabi, "Ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga kamay ng tao at siya'y papatayin nila. Tatlong araw matapos siyang patayin, siya'y muling mabubuhay."
32. Ngunit hindi nila naunawaan ang kanyang sinabi at natakot silang magtanong sa kanya.
33. Nakarating sila sa Capernaum at nang siya'y nasa bahay na ay tinanong niya sila, "Ano ang pinagtatalunan ninyo sa daan?"
34. Ngunit sila'y tumahimik, sapagkat sa daan ay pinagtatalunan nila kung sino ang pinakadakila.
35. Siya'y umupo, tinawag ang labindalawa at sa kanila'y sinabi, "Kung sinuman ang nagnanais na maging una, siya'y dapat maging huli sa lahat at lingkod ng lahat."
36. Kinuha niya ang isang maliit na bata at inilagay sa gitna nila. Siya'y kanyang kinalong at sa kanila'y sinabi,
37. "Ang sinumang tumatanggap sa isa sa mga ganitong bata sa aking pangalan, ako ang tinatanggap at ang sinumang tumatanggap sa akin ay hindi ako ang tinatanggap, kundi ang nagsugo sa akin."
38. Sinabi sa kanya ni Juan, "Guro, nakita namin ang isang tao na nagpapalayas ng mga demonyo sa pangalan mo at pinagbawalan namin siya, sapagkat hindi siya sumusunod sa atin."
39. Ngunit sinabi ni Jesus, "Huwag ninyo siyang pagbawalan, sapagkat walang taong gumagawa ng makapangyarihang gawa sa pangalan ko ang agad na makapagsasalita ng masama tungkol sa akin.
40. Sapagkat ang sinumang hindi laban sa atin ay panig sa atin.
41. Sapagkat tunay na sinasabi ko sa inyo, ang sinumang magpainom sa inyo ng isang tasang tubig dahil sa kayo'y kay Cristo, ay hindi mawawalan ng kanyang gantimpala.
42. "At kung ang sinuman ay mabigay ng katitisuran sa isa sa maliliit na ito na sumasampalataya sa akin, mabuti pang bitinan ang kanyang leeg ng isang malaking gilingang bato at itapon sa dagat.
43. Kung ang kamay mo ay nakapagpapatisod sa iyo, putulin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na baldado, kaysa may dalawang kamay at mapunta sa impiyerno, sa apoy na hindi mapapatay,
44. [na kung saan ang kanilang mga uod ay hindi namamatay, at ang apoy ay hindi napapatay.]
45. Kung ang paa mo'y nakapagpapatisod sa iyo, putulin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na pilay kaysa may dalawang paa ka at maitapon sa impiyerno,
46. [na kung saan ang kanilang mga uod ay hindi namamatay, at ang apoy ay hindi napapatay.]
47. Kung ang mata mo'y nakapagpapatisod sa iyo, dukitin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa kaharian ng Diyos na may isang mata, kaysa may dalawang mata at mabulid sa impiyerno,
48. na kung saan ang kanilang mga uod ay hindi namamatay, at ang apoy ay hindi napapatay.
49. Sapagkat bawat isa'y aasinan ng apoy.
50. Mabuti ang asin ngunit kung tumabang ang asin, ano ang inyong ipagpapaalat dito? Magkaroon kayo ng asin sa inyong mga sarili at kayo'y magkaroon ng kapayapaan sa isa't isa."