Bibliya sa isang taon

1. Sinabi ng PANGINOON kay Samuel, "Hanggang kailan mo iiyakan si Saul gayong itinakuwil ko na siya sa pagiging hari sa Israel? Punuin mo ng langis ang iyong sungay at humayo ka. Isusugo kita kay Jesse na taga-Bethlehem sapagkat ako'y naglaan para sa aking sarili ng isang hari mula sa kanyang mga anak na lalaki."
2. Sinabi ni Samuel, "Paano ako makakapunta? Kapag iyon ay nabalitaan ni Saul, papatayin niya ako." At sinabi ng PANGINOON, "Magdala ka ng isang dumalagang baka at iyong sabihin, Ako'y naparito upang maghandog sa PANGINOON.
3. At anyayahan mo si Jesse sa paghahandog at aking ituturo sa iyo kung ano ang iyong gagawin. Bubuhusan mo ng langis para sa akin ang sa iyo'y aking sasabihin."
4. Ginawa ni Samuel ang iniutos ng PANGINOON at nagtungo sa Bethlehem. Ang matatanda sa bayan ay dumating upang salubungin siya na nagsisipanginig, at nagsabi, "Dumating ka bang may kapayapaan?"
5. At kanyang sinabi, "May kapayapaan; ako'y naparito upang maghandog sa PANGINOON. Italaga ninyo ang inyong mga sarili at sumama kayo sa akin sa paghahandog." At itinalaga niya si Jesse at ang kanyang mga anak at inanyayahan sila sa paghahandog.
6. Nang sila'y dumating, siya'y tumingin kay Eliab, at sinabi sa sarili, "Tunay na ang hinirang ng PANGINOON ay nasa harap niya."
7. Ngunit sinabi ng PANGINOON kay Samuel, "Huwag mong tingnan ang kanyang mukha, o ang taas ng kanyang tindig sapagkat itinakuwil ko siya. Sapagkat hindi tumitingin ang PANGINOON na gaya ng pagtingin ng tao. Ang tao ay tumitingin sa panlabas na anyo, ngunit ang PANGINOON ay tumitingin sa puso."
8. Pagkatapos ay tinawag ni Jesse si Abinadab, at pinaraan niya sa harapan ni Samuel. At kanyang sinabi, "Kahit ito ay hindi pinili ng PANGINOON."
9. At pinaraan ni Jesse si Shammah. At kanyang sinabi, "Kahit ito ay hindi pinili ng PANGINOON."
10. Pinaraan ni Jesse ang pito sa kanyang mga anak sa harapan ni Samuel. At sinabi ni Samuel kay Jesse, "Hindi pinili ng PANGINOON ang mga ito."
11. Sinabi ni Samuel kay Jesse, "Narito bang lahat ang iyong mga anak?" At kanyang sinabi, "Natitira pa ang bunso, ngunit siya'y nag-aalaga ng mga tupa." At sinabi ni Samuel kay Jesse, "Ipasundo mo siya, sapagkat hindi tayo uupo hanggang sa siya'y dumating dito."
12. Siya'y nagpasugo at sinundo siya roon. Siya ay may mapupulang pisngi, magagandang mata at makisig. At sinabi ng PANGINOON, "Tumindig ka, buhusan mo siya ng langis sapagkat siya nanga."
13. Kaya't kinuha ni Samuel ang sungay ng langis at binuhusan siya sa gitna ng kanyang mga kapatid. At ang Espiritu ng PANGINOON ay dumating na may kapangyarihan kay David mula sa araw na iyon. At tumindig si Samuel at pumunta sa Rama.
14. Ngayon, ang Espiritu ng PANGINOON ay humiwalay kay Saul at isang masamang espiritu mula sa PANGINOON ang nagpahirap sa kanya.
15. At sinabi ng mga lingkod ni Saul sa kanya, "Tingnan mo, may masamang espiritu mula sa Diyos na nagpapahirap sa iyo.
16. Iutos ngayon ng aming panginoon sa iyong mga lingkod, na nasa harapan mo, na humanap ng isang lalaki na bihasang tumugtog ng alpa. Kapag ang masamang espiritu mula sa Diyos ay nasa iyo, siya'y tutugtog at ikaw ay magiging mabuti."
17. Kaya't sinabi ni Saul sa kanyang mga lingkod, "Ipaghanda ninyo ako ngayon ng isang lalaking makakatugtog nang mabuti, at dalhin ninyo siya sa akin."
18. Sumagot ang isa sa mga kabataang lingkod, "Aking nakita ang isang anak ni Jesse na tagaBethlehem, na bihasa sa pagtugtog, at isang magiting na lalaki, mandirigma, mahinahong magsalita, makisig, at ang PANGINOON ay kasama niya."
19. Kaya't nagpadala ng mga sugo si Saul kay Jesse at sinabi, "Papuntahin mo rito sa akin ang iyong anak na si David na kasama ng mga tupa."
20. Kumuha si Jesse ng isang asno na may pasang tinapay, alak sa isang sisidlang balat, isang batang kambing, at ipinadala kay Saul sa pamamagitan ni David na kanyang anak.
21. At dumating si David kay Saul at pinasimulan ang kanyang paglilingkod. Minahal siya nang lubos ni Saul, at siya'y naging tagadala ng sandata niya.
22. Nagpasabi si Saul kay Jesse, "Hayaan mong manatili si David sa paglilingkod sa akin sapagkat siya'y nakatagpo ng biyaya sa aking paningin."
23. Tuwing ang masamang espiritu mula sa Diyos ay darating kay Saul, kinukuha ni David ang alpa at tinutugtog ng kanyang kamay, at nagiginhawahan si Saul at ang masamang espiritu ay umaalis sa kanya.
1. Tinipon ng mga Filisteo ang kanilang mga hukbo upang makipagdigma at sila'y nagtipon sa Socoh na sakop ng Juda, at nagkampo sa pagitan ng Socoh at Azeka sa Efesdamim.
2. Nagtipun-tipon sina Saul at ang mga Israelita at nagkampo sa libis ng Ela, at humanay sa pakikidigma laban sa mga Filisteo.
3. Tumayo ang mga Filisteo sa isang dako sa bundok, at tumayo naman ang Israel sa kabilang dako sa bundok na may isang libis sa pagitan nila.
4. At lumabas mula sa kampo ng mga Filisteo ang isang pangunahing mandirigma na ang pangalan ay Goliat na taga-Gat, na ang taas ay anim na siko at isang dangkal.
5. Siya'y mayroong isang helmet na tanso sa kanyang ulo, at siya'y may sandata ng baluti sa katawan; at ang bigat ng baluti ay limang libong siklong tanso.
6. Siya'y mayroong kasuotang tanso sa kanyang mga hita, at isang sibat na tanso na nakasakbat sa kanyang mga balikat.
7. Ang puluhan ng kanyang sibat ay gaya ng panghabi ng manghahabi; at ang dulo ng kanyang sibat ay may bigat na animnaraang siklong bakal. Ang kanyang tagadala ng kalasag ay nauuna sa kanya.
8. Siya'y tumayo at sumigaw sa mga hukbo ng Israel, "Bakit kayo'y lumabas upang humanay sa pakikipaglaban? Hindi ba ako'y Filisteo, at kayo'y mga lingkod ni Saul? Pumili kayo ng isang lalaki mula sa inyo at pababain ninyo siya sa akin.
9. Kung siya'y makakalaban sa akin at mapatay ako, magiging alipin ninyo kami. Ngunit kung ako'y manalo laban sa kanya at mapatay ko siya, magiging alipin namin kayo at maglilingkod sa amin."
10. At sinabi ng Filisteo, "Aking hinahamon ang mga hukbo ng Israel sa araw na ito; paharapin ninyo sa akin ang isang lalaki upang maglaban kami."
11. Nang marinig ni Saul at ng buong Israel ang mga salitang ito ng Filisteo, sila'y nanghina at lubhang natakot.
12. Si David nga ay anak ng isang Efrateo sa Bethlehem-juda, na ang pangala'y Jesse, at may walong anak na lalaki. Nang panahon ni Saul ang lalaking ito ay napakatanda na.
13. Ang tatlong pinakamatandang anak ni Jesse ay sumunod kay Saul sa digmaan. Ang pangalan ng kanyang tatlong anak na nagtungo sa pakikipaglaban ay si Eliab na panganay, ang kasunod niya ay si Abinadab, at ang ikatlo ay si Shammah.
14. Si David ang bunso, at ang tatlong pinakamatanda ay sumunod kay Saul.
15. Ngunit si David ay nagpapabalik-balik kay Saul upang pakainin ang mga tupa ng kanyang ama sa Bethlehem.
16. Sa loob ng aparnapung araw, ang Filisteo ay lumalapit at naghahamon, umaga at hapon.
17. Sinabi ni Jesse kay David na kanyang anak, "Dalhin mo sa iyong mga kapatid itong isang efang sinangag na trigo at sampung tinapay at dalhin mo agad sa iyong mga kapatid sa kampo.
18. Dalhin mo tin ang sampung kesong ito sa kapitan ng kanilang libo. Tingnan mo kung ano ang kalagayan ng iyong mga kapatid, at kumuha ka sa kanila ng palatandaan."
19. Si Saul at lahat ng mga Israelita ay nasa libis ng Ela na nakikipaglaban sa mga Filisteo.
20. Kinaumagahan, si David ay maagang bumangon, iniwan ang mga tupa sa isang tagapag-alaga, at dinala ang mga baon at umalis gaya nang iniutos sa kanya ni Jesse; siya'y dumating sa pinaghihimpilan habang ang hukbo ay sumusulong sa labanan na sumisigaw ng sigaw ng digmaan.
21. Ang Israelita at ang mga Filisteo ay humanay na sa pakikipaglaban, hukbo laban sa hukbo.
22. Iniwan ni David ang kanyang dala-dalahan sa kamay ng tagapag-ingat ng dala-dalahan, at tumakbo sa hukbo, at dumating, at binati ang kanyang mga kapatid.
23. Habang nakikipag-usap siya sa kanila, dumating ang pangunahing mandirigma, ang Filisteo na taga-Gat, na Goliat ang pangalan, mula sa hanay ng mga Filisteo, at sinabi ang gayunding mga salita gaya nang una. At siya'y narinig ni David.
24. Nang makita ng lahat ng mga Israelita ang lalaking iyon, sila ay tumakas mula sa kanyang harapan, at takot na takot.
25. At sinabi ng mga Israelita, "Nakita na ba ninyo ang lalaking iyan na umahon? Talagang umahon siya upang hamunin ang Israel. Ang lalaking makakapatay sa kanya ay bibigyan ng hari ng malaking kayamanan, at ibibigay sa kanya ang kanyang anak na babae, at magiging malaya sa Israel ang sambahayan ng kanyang ama."
26. Sinabi ni David sa mga lalaking nakatayo sa tabi niya, "Ano ang gagawin sa lalaking makakapatay sa Filisteong ito, at makapag-aalis ng kahihiyang ito sa Israel? Sapagkat sino ba itong hindi tuling Filisteo na kanyang hahamunin ang mga hukbo ng Diyos na buhay?"
27. At ang taong-bayan ay sumagot sa kanya sa gayunding paraan, "Gayon ang gagawin sa lalaking makakapatay sa kanya."
28. Narinig ni Eliab na kanyang pinakamatandang kapatid nang siya'y magsalita sa mga lalaki. Kaya't ang galit ni Eliab ay nagningas laban kay David, at kanyang sinabi, "Bakit ka lumusong dito? At kanino mo iniwan iyong kaunting tupa sa ilang? Nalalaman ko ang iyong kapangahasan, at ang kasamaan ng iyong puso; sapagkat ikaw ay lumusong upang panoorin ang labanan."
29. Sinabi ni David, "Ano bang aking ginawa ngayon? Hindi ba't salita lamang?"
30. At tinalikuran niya si Eliab at tumungo sa iba, at nagsalita sa gayunding paraan; at sinagot siya ng mga tao gaya noong una.
31. Nang marinig ang mga salitang binigkas ni David, ito ay kanilang inulit sa harap ni Saul; at siya'y ipinasundo niya.
32. Sinabi ni David kay Saul, "Huwag manghina ang puso ng sinuman dahil sa kanya; ang iyong lingkod ay hahayo at lalabanan ang Filisteong ito."
33. Sinabi ni Saul kay David, "Hindi mo kayang labanan ang Filisteong ito sapagkat ikaw ay kabataan pa, at siya'y isang lalaking mandirigma mula pa sa kanyang pagkabata."
34. Ngunit sinabi ni David kay Saul, "Ang iyong lingkod ay nag-aalaga ng mga tupa para sa kanyang ama. Kapag may dumating na leon, o kaya'y oso, at kinukuha ang isang kordero sa kawan,
35. ay hinahabol ko siya at aking pinapatay, at aking inililigtas ang kordero mula sa kanyang bibig. Kapag dinaluhong ako ay aking hinahawakan sa panga, aking sinasaktan at pinapatay.
36. Nakapatay ang iyong lingkod ng mga leon at mga oso; at ang Filisteong ito na hindi tuli ay magiging isa sa kanila, yamang kanyang hinahamon ang mga hukbo ng Diyos na buhay."
37. Sinabi ni David, "Ang PANGINOON na nagligtas sa akin sa mga kuko ng leon at ng oso, ay siyang magliligtas sa akin sa kamay ng Filisteong ito." At sinabi ni Saul kay David, "Humayo ka at samahan ka ng PANGINOON."
38. Ipinasuot ni Saul kay David ang kanyang mga kasuotan, kanyang inilagay ang isang helmet na tanso sa kanyang ulo, at kanyang sinuotan siya ng metal na saplot sa katawan.
39. Ibinigkis ni David ang tabak sa kanyang kasuotan, at hindi niya magawang makalakad sapagkat hindi siya sanay sa mga ito. Kaya't sinabi ni David kay Saul, "Hindi ako makakalakad na dala ang mga ito sapagkat hindi ako sanay sa mga ito." At hinubad ni David ang mga iyon.
40. Pagkatapos ay hinawakan niya ang kanyang tungkod sa kanyang kamay, at pumili siya ng limang makikinis na bato mula sa sapa at isinilid sa supot na pampastol na kanyang dala. Hawak niya ang tirador sa kanyang kamay at siya'y lumapit sa Filisteo.
41. Dumating ang Filisteo at lumapit kay David na kasama ang lalaking tagadala ng kanyang kalasag na nasa unahan niya.
42. Nang tumingin ang Filisteo at makita si David ay kanyang hinamak siya, sapagkat siya'y kabataan pa, mapula ang pisngi at may magandang mukha.
43. Sinabi ng Filisteo kay David, "Ako ba ay aso na ikaw ay lalapit sa akin na may mga tungkod?" At nilait ng Filisteo si David sa pamamagitan ng kanyang mga diyos.
44. Sinabi ng Filisteo kay David, "Halika at ibibigay ko ang iyong laman sa mga ibon sa himpapawid at sa mga hayop sa parang."
45. Pagkatapos ay sinabi ni David sa Filisteo, "Lumalapit ka sa akin na may tabak, may maliit at malaking sibat, ngunit ako'y lumalapit sa iyo sa pangalan ng PANGINOON ng mga hukbo, ang Diyos ng mga hukbo ng Israel na iyong hinahamon.
46. Sa araw na ito ay ibibigay ka ng PANGINOON sa aking kamay, at ibubuwal kita, at pupugutin ko ang ulo mo. Ibibigay ko ang mga bangkay ng hukbo ng mga Filisteo sa mga ibon sa himpapawid at sa mababangis na hayop sa lupa sa araw na ito upang malaman ng buong lupa na may Diyos sa Israel;
47. at upang malaman ng buong kapulungang ito na hindi nagliligtas ang PANGINOON sa pamamagitan ng tabak o ng sibat. Ang labanang ito ay sa PANGINOON, at ibibigay niya kayo sa aming kamay."
48. Nang tumayo ang Filisteo at lumapit upang salubungin si David, si David ay mabilis na tumakbo sa hanay ng labanan upang sagupain ang Filisteo.
49. Ipinasok ni David ang kanyang kamay sa kanyang supot at kumuha roon ng isang bato, at itinirador. Tinamaan ang Filisteo sa kanyang noo at ang bato ay bumaon sa kanyang noo, at pasubsob siyang bumagsak sa lupa.
50. Kaya't nagwagi si David laban sa Filisteo sa pamamagitan ng tirador at ng isang bato, ibinuwal ang Filisteo at kanyang pinatay siya. Walang tabak sa kamay ni David.
51. Kaya't tumakbo si David at tumayo sa ibabaw ng Filisteo. Kinuha niya ang tabak nito at binunot sa kaluban, kanyang pinatay siya, at pinugot ang kanyang ulo. Nang makita ng mga Filisteo na ang kanilang pangunahing mandirigma ay patay na, sila'y tumakas.
52. Ang hukbo ng Israel at ng Juda ay tumayo na may sigaw at tinugis ang mga Filisteo hanggang sa Gat, at sa mga pintuang-bayan ng Ekron. Ang mga sugatan sa mga Filisteo ay nabuwal sa daang patungo sa Saaraim hanggang sa Gat at sa Ekron.
53. Bumalik ang mga Israelita mula sa paghabol sa mga Filisteo at kanilang sinamsaman ang kanilang kampo.
54. Kinuha ni David ang ulo ng Filisteo at dinala sa Jerusalem; ngunit kanyang inilagay ang sandata niya sa kanyang tolda.
55. Nang makita ni Saul si David na sumusugod laban sa Filisteo, kanyang sinabi kay Abner na kapitan ng hukbo, "Abner, kaninong anak ang batang ito?" At sinabi ni Abner, "Buhay ang iyong kaluluwa, O hari, hindi ko masabi."
56. Sinabi ng hari, "Ipagtanong mo kung kaninong anak ang batang ito."
57. At pagbalik ni David sa pagpatay sa Filisteo, kinuha siya ni Abner, at dinala siya sa harap ni Saul na dala ang ulo ng Filisteo sa kanyang kamay.
58. Sinabi ni Saul sa kanya, "Kanino kang anak, binata?" At sumagot si David, "Ako'y anak ng iyong lingkod na si Jesse na taga-Bethlehem.”
4. Ang aking kaluluwa ay nasa gitna ng mga leon, ako'y nahihiga sa gitna ng mga taong bumubuga ng apoy, sa mga anak ng tao na ang mga ngipin ay sibat at mga pana, at matalas na mga tabak ang kanilang dila.
5. Mabunyi ka, O Diyos, sa itaas ng mga langit, ikaw naging dakila! Ang iyong kaluwalhatian nawa'y mapasa buong lupa!
6. Naglagay sila ng silo para sa aking mga hakbang; ang aking kaluluwa ay nakayuko. Sila'y gumawa ng isang hukay sa aking daan, ngunit sila mismo ang doon ay nabuwal. (Selah)
7. Ang aking puso ay tapat, O Diyos, ang aking puso ay tapat! Ako'y aawit, Oo, ako'y aawit ng mga papuri!
8. Gumising ka, aking kaluwalhatian! Gumising ka, O lira at alpa! Gigisingin ko ang bukang-liwayway!
9. Ako'y magpapasalamat sa iyo, O Panginoon, sa gitna ng mga bayan. Ako'y aawit sa iyo ng mga papuri sa gitna ng mga bansa.
10. Sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay dakila hanggang sa mga langit, ang iyong katapatan hanggang sa mga ulap.
11. O Diyos, sa itaas ng kalangitan, ikaw ay maging dakila! Ang iyong kaluwalhatian nawa'y mapasa buong lupa!
26. Kasuklamsuklam sa PANGINOON ang masasamang panukala, ngunit nakakalugod sa kanya ang malilinis na salita.
26. Habang kanilang dinadala siyang papalayo, hinuli nila si Simon na taga-Cirene na nanggaling sa bukid, at ipinasan sa kanya ang krus upang dalhin kasunod ni Jesus.
27. Siya'y sinundan ng napakaraming tao, at ng mga babaing nagdadalamhati at nag-iiyakan para sa kanya.
28. Subalit humarap sa kanila si Jesus at sinabi, "Mga anak na babae ng Jerusalem, huwag ninyo akong iyakan, kundi iyakan ninyo ang inyong mga sarili at ang inyong mga anak.
29. Sapagkat narito, darating ang mga araw, na kanilang sasabihin, 'Mapapalad ang mga baog, at ang mga tiyan na kailanma'y hindi nagdalang-tao, at ang mga dibdib na kailanman ay hindi nagpasuso!'
30. At sila'y magpapasimulang magsalita sa mga bundok, 'Bumagsak kayo sa amin,' at sa mga burol, Takpan ninyo kami.'
31. Sapagkat kung ginagawa nila ang mga bagay na ito kapag ang punungkahoy ay sariwa, anong mangyayari kapag ito ay tuyo?
32. Dinala rin upang pataying kasama niya ang dalawang kriminal.
33. Nang dumating sila sa lugar na tinatawag na Bungo, kanilang ipinako siya sa krus, kasama ng mga kriminal, isa sa kanyang kanan at isa sa kanyang kaliwa.
34. [Sinabi ni Jesus, "Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa."] At sila ay nagpalabunutan upang paghatian ang kanyang damit.
35. Nakatayong nanonood ang taong-bayan. Subalit tinutuya naman siya ng mga pinuno, na sinasabi, "Iniligtas niya ang iba, iligtas niya ang kanyang sarili kung siya ang Cristo ng Diyos, ang Pinili."
36. Nililibak din siya ng mga kawal na lumapit sa kanya, at inalok siya ng suka,
37. at sinasabi, "Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili!"
38. Mayroon ding nakasulat na pamagat sa itaas niya, "Ito'y ang Hari ng mga Judio."
39. Patuloy siyang pinagtawanan ng isa sa mga kriminal na ipinako, na nagsasabi, "Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili at kami!"
40. Subalit sinaway siya ng isa, at sa kanya'y sinabi, "Hindi ka pa ba natatakot sa Diyos, yamang ikaw ay nasa gayunding hatol ng kaparusahan?
41. Tayo ay nahatulan ng matuwid, sapagkat tinanggap natin ang nararapat na kabayaran sa ating mga gawa. Subalit ang taong ito'y hindi gumawa ng anumang masama."
42. Sinabi niya, "Jesus, alalahanin mo ako, pagdating mo sa iyong kaharian."
43. At sumagot siya, "Katotohanang sinasabi ko sa iyo, ngayon ikaw ay makakasama ko sa Paraiso."
44. Nang magtatanghaling-tapat na, nagdilim sa ibabaw ng buong lupain hanggang sa ikatlo ng hapon,
45. habang madilim ang araw; at napunit sa gitna ang tabing ng templo.
46. Si Jesus ay sumigaw ng malakas at nagsabi, "Ama, sa mga kamay mo ay inihahabilin ko ang aking espiritu." At pagkasabi nito ay nalagot ang kanyang hininga.
47. Nang makita ng senturion ang nangyari, pinuri niya ang Diyos at sinabi, "Tunay na ito'y isang taong matuwid."
48. At ang lahat ng mga taong nagkatipon upang makita ang panoorin, nang makita nila ang mga bagay na nangyari ay umuwing dinadagukan ang kanilang mga dibdib.
49. At ang lahat ng mga kakilala niya at ang mga babaing sa kanya'y sumunod buhat sa Galilea ay nakatayo sa malayo at nakita ang mga bagay na ito.
50. Mayroong isang mabuti at matuwid na lalaking ang pangalan ay Jose, na bagaman kaanib ng sanggunian,
51. ay hindi sang-ayon sa kanilang panukala at gawa. Siya'y mula sa Arimatea, isang bayan ng mga Judio, at siya'y naghihintay sa kaharian ng Diyos.
52. Ang taong ito'y lumapit kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus.
53. At ito'y ibinaba niya, binalot ng isang telang lino, at inilagay sa isang libingang hinukay sa bato, na doo'y wala pang naililibing.
54. Noo'y araw ng Paghahanda, at malapit na ang Sabbath.
55. Ang mga babae na sumama sa kanya mula sa Galilea ay sumunod at tiningnan ang libingan at kung paano inilagay ang kanyang bangkay.
56. Sila'y umuwi at naghanda ng mga pabango at mga panghaplos. At nang araw ng Sabbath sila'y nagpahinga ayon sa kautusan.
Tagalog Bible 2001
Philippine Bible Society, 2001