Bibliya sa isang taon

1. “Pakinggan ninyo ito, mga pari! Dinggin ninyo ito, sambahayan ni Israel! Makinig kayo, sambahayan ng hari! Sapagkat kayo ang tinutukoy sa kahatulan. Kayo'y naging bitag sa Mizpa, at lambat na nakalatag sa Bundok Tabor.
2. Kayo'y naghimagsik at nagpakagumon sa kasalanan, kaya't paparusahan ko kayong lahat.
3. Kilala ko si Efraim; walang lihim sa akin ang Israel; sapagkat ikaw ngayon Efraim ay naging babaing masama, at ang Israel naman ay naging marumi.”
4. Dahil sa kanilang mga ginawa, hindi na sila makapanumbalik sa Diyos. Sapagkat nasa kanila ang espiritu ng kasamaan, at hindi nila nakikilala si Yahweh.
5. Ang kapalaluan ng Israel ay sumasaksi laban sa kanya. Matitisod ang Efraim sa kanyang kasalanan; at kasama niyang matitisod ang Juda.
6. Dadalhin nila ang kanilang mga kawan ng tupa at baka upang hanapin si Yahweh, subalit siya'y hindi nila matatagpuan; lumayo na siya sa kanila.
7. Naging taksil sila kay Yahweh; kaya't nagkaanak sila sa labas. Masisira ang kanilang mga pananim at sila'y malilipol pagdating ng bagong buwan.
8. “Hipan ang tambuli sa Gibea! Hipan ang trumpeta sa Rama! Ibigay ang hudyat sa Beth-aven! Nasa likuran mo na sila, Benjamin!
9. Mawawasak ang Efraim sa araw ng pag-uusig. Ang ipinapahayag kong ito'y tiyak na mangyayari.
10. “Nangangamkam ng lupa ang mga pinuno ng Juda; binago nila ang palatandaan ng pagbabahagi sa kanilang lupain. Kaya parang bahang ibubuhos ko sa kanila ang aking poot.
11. Ang Efraim ay inaapi at tadtad sa kahatulan, sapagkat patuloy siyang umaasa sa mga diyus-diyosan.
12. Ako'y parang kalawang sa Efraim, at bukbok sa sambahayan ni Juda.
13. “Nang makita ni Efraim ang maselan niyang karamdaman, at ni Juda ang kanyang mga sugat, si Efraim ay nagpasugo sa hari ng Asiria. Subalit hindi na siya kayang pagalingin, hindi na mabibigyang-lunas ang kanyang mga sugat.
14. Sapagkat parang leon akong sasalakay sa Efraim, parang isang mabangis na batang leon na gugutay sa Juda. Lalapain ko ang Juda saka iiwan, at walang makakapagligtas sa kanila.
15. “Pagkatapos ay babalik ako sa aking tahanan hanggang sa harapin nila ang kanilang pananagutan, at sa kanilang paghihirap ako ay hanapin.”
1. “Halikayo, tayo'y manumbalik kay Yahweh; sapagkat ang nanakit ay siya ring magpapagaling. Siya ang nanugat, kaya't siya rin ang gagamot.
2. Sa loob ng dalawang araw ay mapapalakas niya tayo; sa ikatlong araw, tayo'y kanyang ibabangon, upang tayo'y mabuhay sa kanyang harapan.
3. Halikayo't kilalanin natin si Yahweh, sikapin nating siya'y makilala. Kasintiyak ng pagdating ng bukang-liwayway, darating siyang walang pagsala, tulad ng patak ng ulan sa panahon ng taglamig, tulad ng tubig-ulan na nagpapasibol sa mga halaman.”
4. “Ano ang gagawin ko sa iyo, Efraim? Ano ang gagawin ko sa iyo, Juda? Ang pag-ibig ninyo sa akin ay tulad ng ulap sa umaga, gaya ng hamog na dagling napapawi.
5. Kaya nga, pinarusahan ko kayo sa pamamagitan ng mga propeta, at pinagpapatay sa pamamagitan ng aking mga salita; simbilis ng kidlat ang katuparan ng aking hatol.
6. Sapagkat wagas na pag-ibig ang nais ko at hindi handog, pagkilala sa Diyos sa halip na handog na sinusunog.
7. “Ngunit tulad ni Adan ay sumira kayo sa ating kasunduan, nagtaksil kayo sa aking pag-ibig.
8. Ang Gilead ay lunsod ng mga makasalanan, tigmak sa dugo ang mga lansangan nito.
9. Nagkakaisa ang mga pari, parang mga tulisang nag-aabang sa bibiktimahin. Pumapatay sila sa daang patungo sa Shekem; mabigat na kasalanan ang ginagawa nila.
10. Kahindik-hindik ang nakita ko sa sambahayan ni Israel. Ang Efraim ay nalulong na sa kalaswaan; ang Israel naman ay nahandusay sa putikan.
11. “Nakatakda na rin ang parusa sa iyo, Juda, sa sandaling ibalik ko ang kasaganaan ng aking bayan.
1. Ako'y iyong siniyasat, batid mo ang aking buhay, ang lahat kong lihim, Yahweh, ay tiyak mong nalalaman.
2. Ang lahat ng gawain ko, sa iyo ay hindi lingid, kahit ikaw ay malayo, batid mo ang aking isip.
3. Ako'y iyong nakikita, gumagawa o hindi man, ang lahat ng gawain ko'y pawang iyong nalalaman.
4. Di pa ako umiimik, yaong aking sasabihi'y alam mo nang lahat iyon, lahat ay di malilihim.
5. Ika'y laging kapiling ko, katabi ko oras-oras, ang likas mong kalakasan ang sa aki'y nag-iingat.
6. Nagtataka ang sarili't alam mo ang aking buhay, di ko kayang unawain iyang iyong karunungan.
19. Ang utusan ay di matututo kung ito lang ay pagsasabihan, pagkat di niya susundin kahit ito ay maunawaan.
1. Ang bawat sumasampalataya na si Jesus ang siyang Cristo ay anak ng Diyos. At ang sinumang umiibig sa ama ay umiibig din sa anak.
2. Ito ang palatandaang iniibig natin ang mga anak ng Diyos: kung iniibig natin ang Diyos at tinutupad ang kanyang mga utos,
3. sapagkat ang tunay na pag-ibig sa Diyos ay ang pagtupad sa kanyang mga utos. Hindi naman napakahirap sundin ang kanyang mga utos,
4. sapagkat napapagtagumpayan ng mga anak ng Diyos ang sanlibutan; at nagtatagumpay tayo sa pamamagitan ng pananampalataya.
5. Sino ang nagtatagumpay laban sa sanlibutan? Ang sumasampalataya na si Jesus ang Anak ng Diyos.
6. Si Jesu-Cristo ang naparito sa pamamagitan ng tubig at ng dugo. Hindi sa pamamagitan ng tubig lamang kundi sa pamamagitan ng tubig at dugo. Ang Espiritu ang nagpapatotoo tungkol dito, sapagkat ang Espiritu ay katotohanan.
7. Tatlo ang nagpapatotoo [sa langit: ang Ama, ang Salita, at ang Espiritu Santo; at ang tatlong ito'y iisa. At mayroong tatlong nagpapatotoo sa lupa:] ang Espiritu, ang tubig, at ang dugo; at ang tatlong ito ay nagkakaisa.
8.
9. Kung pinaniniwalaan natin ang patotoo ng mga tao, higit nating dapat paniwalaan ang patotoo ng Diyos, at ito ang patotoo ng Diyos tungkol sa kanyang Anak.
10. Ang sumasampalataya sa Anak ng Diyos ay nagtataglay ng patotoong ito sa kanilang puso. Ang sinumang hindi sumampalataya sa Diyos ay ginagawang sinungaling ang Diyos, sapagkat hindi siya naniwala sa patotoo ng Diyos tungkol sa kanyang Anak.
11. At ito ang patotoo: ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang buhay na walang hanggan at ito'y makakamtan natin sa pamamagitan ng kanyang Anak.
12. Kung ang Anak ng Diyos ay nasa isang tao, mayroon siyang buhay na walang hanggan; ngunit kung wala sa kanya ang Anak ng Diyos ay wala siyang buhay na walang hanggan.
13. Isinusulat ko ito sa inyo upang malaman ninyo na kayong sumasampalataya sa Anak ng Diyos ay may buhay na walang hanggan.
14. May lakas-loob tayong lumapit sa kanya dahil alam nating ibibigay niya ang anumang hingin natin kung ito'y naaayon sa kanyang kalooban.
15. At dahil alam nating pinapakinggan nga niya tayo, alam din nating ibinibigay niya ang bawat hinihiling natin sa kanya.
16. Kung makita ninuman na ang kanyang kapatid ay gumagawa ng kasalanang hindi hahantong sa kamatayan, ipanalangin niya ang kapatid na iyon sa Diyos na magbibigay sa taong iyon ng bagong buhay. Ito'y para sa mga kapatid na ang kasalanan ay hindi humahantong sa kamatayan. May kasalanang hahantong sa kamatayan, at hindi ko sinasabing idalangin ninyo ang sinumang gumagawa nito.
17. Ang lahat ng gawaing di matuwid ay kasalanan, ngunit may kasalanang hindi hahantong sa kamatayan.
18. Alam nating ang mga anak ng Diyos ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala, sapagkat iniingatan sila ng Anak ng Diyos, at hindi sila maaaring galawin ng diyablo.
19. Alam nating tayo'y sa Diyos, kahit na ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng diyablo.
20. At nalalaman nating naparito na ang Anak ng Diyos at binigyan niya tayo ng pang-unawa upang makilala natin ang tunay na Diyos, at tayo'y nasa tunay na Diyos, sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. Siya ang tunay na Diyos at buhay na walang hanggan.
21. Mga anak, lumayo kayo sa mga diyus-diyosan.
Tagalog Bible 2012
New Testament 2012 Philippine Bible Society Old Testament 2005 Philippine Bible Society